Ikalawang Samuel
9 At sinabi ni David: “Mayroon pa bang natitira sa sambahayan ni Saul na mapagpapakitaan ko ng tapat na pag-ibig alang-alang kay Jonatan?”+ 2 Ang sambahayan ni Saul ay may isang lingkod noon na ang pangalan ay Ziba.+ Kaya tinawag nila siya para iharap kay David, at tinanong siya ng hari: “Ikaw ba si Ziba?” Sumagot siya: “Ako nga po, ang inyong lingkod.” 3 Sinabi pa ng hari: “Mayroon pa bang natitira sa sambahayan ni Saul na mapagpapakitaan ko ng tapat na pag-ibig na gaya ng ipinapakita ng Diyos?” Sumagot si Ziba sa hari: “May isa pang anak si Jonatan; pilay ang dalawang paa niya.”*+ 4 Tinanong siya ng hari: “Nasaan siya?” Sinabi ni Ziba sa hari: “Nasa Lo-debar siya, sa bahay ni Makir+ na anak ni Amiel.”
5 Agad siyang ipinasundo ni Haring David mula sa Lo-debar, sa bahay ni Makir na anak ni Amiel. 6 Nang makarating kay David si Mepiboset na anak ni Jonatan na anak ni Saul, sumubsob ito para magbigay-galang. Pagkatapos, sinabi ni David: “Mepiboset!” Sumagot ito: “Opo, panginoon ko.” 7 Sinabi ni David sa kaniya: “Huwag kang matakot, dahil magpapakita ako sa iyo ng tapat na pag-ibig+ alang-alang sa iyong amang si Jonatan, at ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng lolo mong si Saul, at lagi kang kakaing* kasama ko sa aking mesa.”+
8 Kaya sumubsob siya at nagsabi: “Sino ang iyong lingkod at nagbibigay ka ng ganitong atensiyon* sa isang patay na asong+ gaya ko?” 9 Ipinatawag ngayon ng hari si Ziba, na tagapaglingkod ni Saul, at sinabi rito: “Ang lahat ng naging pag-aari ni Saul at ng kaniyang buong sambahayan ay ibibigay ko sa apo ng iyong panginoon.+ 10 Sasakahin mo ang lupain para sa kaniya—ikaw at ang iyong mga anak at mga lingkod—at titipunin mo ang mga ani nito na magiging pagkain ng sambahayan ng apo ng iyong panginoon. Pero si Mepiboset, ang apo ng iyong panginoon, ay laging kakaing kasama ko sa aking mesa.”+
Si Ziba ay may 15 anak na lalaki at 20 lingkod.+ 11 Pagkatapos, sinabi ni Ziba sa hari: “Gagawin ng iyong lingkod ang lahat ng iniutos ng panginoon kong hari.” Kaya si Mepiboset ay kumain sa mesa ni David* na gaya ng isa sa mga anak ng hari. 12 Si Mepiboset ay may isang batang anak na lalaki na ang pangalan ay Mica;+ at lahat ng nakatira sa bahay ni Ziba ay naging mga lingkod ni Mepiboset. 13 Si Mepiboset ay tumira sa Jerusalem, dahil lagi siyang kasalo sa mesa ng hari;+ at pilay ang dalawang paa niya.+