Exodo
10 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Puntahan mo ang Paraon, dahil hinayaan kong maging manhid ang puso niya at ang puso ng mga lingkod niya,+ para maipakita ko sa kaniya ang mga himala* kong ito+ 2 at para masabi mo sa iyong mga anak at apo kung gaano katindi ang parusang ibinigay ko sa Ehipto at kung anong mga tanda ang ipinakita ko sa kanila;+ at tiyak na malalaman ninyo na ako si Jehova.”
3 Kaya pinuntahan nina Moises at Aaron ang Paraon at sinabi: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka magmamataas sa akin?+ Payagan mong umalis ang bayan ko para makapaglingkod sila sa akin. 4 Kapag hindi mo pa rin sila pinayagang umalis, magpapadala ako bukas ng mga balang sa lupain ninyo. 5 Tatakpan nito ang ibabaw ng lupa at magiging imposibleng makita ang lupa. Uubusin nito ang mga natira sa inyo matapos umulan ng yelo,* at kakainin nito ang lahat ng punong tumutubo sa lupain.+ 6 Mapupuno nito ang mga bahay mo, ang mga bahay ng lahat ng lingkod mo, at ang mga bahay sa buong Ehipto; at wala pang nakitang ganito ang mga ninuno mo.’”+ At umalis siya sa harap ng Paraon.
7 Pagkatapos, sinabi ng mga lingkod ng Paraon sa kaniya: “Hanggang kailan tayo pahihirapan ng* taong ito? Payagan mo nang umalis ang mga taong iyon para makapaglingkod sila sa Diyos nilang si Jehova. Hindi mo pa ba alam na wasak na ang Ehipto?” 8 Kaya pinabalik sa Paraon sina Moises at Aaron, at sinabi nito: “Sige, maglingkod na kayo sa Diyos ninyong si Jehova. Pero sino ang mga aalis?” 9 Sinabi ni Moises: “Isasama namin ang aming mga kabataan, matatanda, mga anak na lalaki at babae, mga tupa, at mga baka,+ dahil magdiriwang kami ng kapistahan para kay Jehova.”+ 10 Sinabi naman niya: “Iniisip ba talaga ninyong papayagan ko kayong umalis kasama ang mga anak ninyo? Kapag nangyari iyon, masasabi ninyong sumasainyo si Jehova!+ Sabi na nga ba’t may masama kayong balak. 11 Hindi puwede! Papayagan ko kayong maglingkod kay Jehova dahil iyan ang hiniling ninyo, pero mga lalaki lang ang aalis.” At pinalayas sila sa harap ng Paraon.
12 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Iunat mo ang kamay mo sa lupain ng Ehipto para sumalakay ang mga balang sa Ehipto at ubusin nito ang pananim, ang lahat ng natira matapos umulan ng yelo.” 13 Agad na iniunat ni Moises sa lupain ng Ehipto ang kamay niyang may hawak na tungkod, at buong araw at gabing nagpahihip si Jehova ng hanging silangan sa lupain. Kinaumagahan, dinala ng hanging silangan ang mga balang. 14 Sumalakay ang mga balang sa buong Ehipto, at napuno nito ang buong teritoryo ng Ehipto.+ Matinding paghihirap ang dala nito;+ hindi pa nagkaroon dati ng ganoon karaming balang, at hindi na rin ito naulit. 15 Tinakpan nito ang ibabaw ng buong lupain kaya nagdilim sa lupain; inubos nito ang pananim sa lupain at ang mga bunga ng puno na natira matapos umulan ng yelo; wala nang berdeng makikita sa mga puno o pananim sa buong Ehipto.
16 Kaya agad na ipinatawag ng Paraon sina Moises at Aaron at sinabi: “Nagkasala ako sa Diyos ninyong si Jehova at sa inyo. 17 Ngayon, pakisuyo, patawarin ninyo ang kasalanan ko kahit ngayon lang, at makiusap kayo sa Diyos ninyong si Jehova para alisin niya sa akin ang nakamamatay na salot na ito.” 18 Kaya umalis siya* sa harap ng Paraon at nakiusap kay Jehova.+ 19 At binago ni Jehova ang direksiyon ng hangin; iyon ay naging isang napakalakas na hanging kanluran, at tinangay nito sa Dagat na Pula ang mga balang. Walang natira kahit isang balang sa buong teritoryo ng Ehipto. 20 Pero hinayaan ni Jehova na magmatigas ang puso ng Paraon,+ at hindi nito pinayagang umalis ang mga Israelita.
21 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Iunat mo ang kamay mo tungo sa langit para mabalot ng dilim ang lupain ng Ehipto, at talagang magiging napakadilim.”* 22 Agad na iniunat ni Moises ang kamay niya tungo sa langit, at nabalot ng matinding kadiliman ang buong Ehipto sa loob ng tatlong araw.+ 23 Hindi nila nakikita ang isa’t isa, at sa loob ng tatlong araw, walang umalis sa kinaroroonan nila; pero may liwanag sa tirahan ng lahat ng Israelita.+ 24 Kaya ipinatawag ng Paraon si Moises at sinabi: “Sige, maglingkod na kayo kay Jehova.+ Ang mga tupa at baka lang ninyo ang maiiwan. Puwede na ninyong isama kahit ang mga anak ninyo.” 25 Pero sinabi ni Moises: “Ibibigay mo rin sa amin* ang mga hayop na gagawin naming handog na sinusunog at hain, at ihahandog namin ang mga iyon sa Diyos naming si Jehova.+ 26 Dadalhin din namin ang mga alagang hayop namin. Hindi puwedeng maiwan ang kahit isang hayop,* dahil gagamitin namin ang ilan sa mga iyon para sambahin ang Diyos naming si Jehova, at malalaman lang namin kung ano ang ihahain namin bilang pagsamba kay Jehova kapag nakarating na kami roon.” 27 Pero hinayaan ni Jehova na magmatigas ang puso ng Paraon, at hindi niya sila pinayagang umalis.+ 28 Sinabi ng Paraon: “Lumayas ka sa harap ko! Huwag ka nang magpapakita sa akin, dahil sa araw na magpakita ka ulit, mamamatay ka.” 29 Kaya sinabi ni Moises: “Sige, hindi na ako magpapakita sa iyo.”