Jeremias
24 Pagkatapos, may ipinakita sa akin si Jehova na dalawang basket ng igos na nasa harap ng templo ni Jehova, matapos ipatapon ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya ang anak ni Jehoiakim na si Jeconias,*+ na hari ng Juda, kasama ang matataas na opisyal ng Juda, ang mga bihasang manggagawa, at ang mga panday;* dinala niya sila mula sa Jerusalem papuntang Babilonya.+ 2 Napakaganda ng mga igos sa unang basket, gaya ng mga unang bunga. Pero ang mga igos sa isa pang basket ay napakapangit at hindi makakain.
3 At tinanong ako ni Jehova: “Ano ang nakikita mo, Jeremias?” Kaya sinabi ko: “Mga igos; ang magagandang igos ay napakaganda, pero ang pangit na mga igos ay napakapangit at hindi makakain.”+
4 Pagkatapos ay dumating sa akin ang salita ni Jehova: 5 “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Gaya ng magagandang igos na ito, maganda rin ang magiging pakikitungo ko sa mga taga-Juda na ipinatapon, sa mga pinaalis ko sa lugar na ito papunta sa lupain ng mga Caldeo. 6 Babantayan ko sila para mapabuti sila, at pababalikin ko sila sa lupaing ito.+ Itatayo ko sila, at hindi ko sila pababagsakin; itatanim ko sila, at hindi ko sila bubunutin.+ 7 At bibigyan ko sila ng isang puso na gusto akong makilala, na ako si Jehova.+ Sila ay magiging bayan ko, at ako ang magiging Diyos nila,+ dahil manunumbalik sila sa akin nang buong puso.+
8 “‘Pero tungkol sa pangit na mga igos na napakapangit at hindi makakain,+ ito ang sinabi ni Jehova: “Gayon ko pakikitunguhan si Haring Zedekias+ ng Juda, ang kaniyang matataas na opisyal, ang natira sa mga taga-Jerusalem na naiwan sa lupaing ito, at ang mga nakatira sa lupain ng Ehipto.+ 9 Pasasapitin ko sa kanila ang isang kapahamakan, at mangingilabot sa kanila ang lahat ng kaharian sa lupa.+ Sila ay hahamakin, magiging kasabihan, pagtatawanan, at isusumpa+ sa lahat ng lugar kung saan ko sila pangangalatin.+ 10 At magpapadala ako laban sa kanila ng espada,+ ng taggutom, at ng salot,*+ hanggang sa malipol sila sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”’”