Mga Bilang
14 Kaya humiyaw ang buong bayan, at patuloy silang dumaing at umiyak nang buong gabing iyon.+ 2 Lahat ng Israelita ay nagsimulang magbulong-bulungan laban kina Moises at Aaron,+ at nagsalita laban sa kanila ang buong bayan: “Namatay na lang sana tayo sa Ehipto, o namatay na lang sana tayo sa ilang na ito! 3 Bakit pa tayo dadalhin ni Jehova sa lupaing iyon para mamatay sa espada?+ Magiging samsam ang ating mga asawang babae at anak.+ Hindi ba mas mabuti kung bumalik tayo sa Ehipto?”+ 4 Sinabi pa nila sa isa’t isa: “Mag-atas tayo ng mangunguna sa atin, at bumalik tayo sa Ehipto!”+
5 Kaya sumubsob sa lupa sina Moises at Aaron sa harap ng buong kongregasyon ng Israel na nagtitipon doon. 6 Pinunit ni Josue+ na anak ni Nun at ni Caleb+ na anak ni Jepune, na kasama sa mga nag-espiya sa lupain, ang damit nila, 7 at sinabi nila sa buong bayan ng Israel: “Napakaganda ng lupain+ kung saan kami nag-espiya. 8 Kung nalulugod sa atin si Jehova, tiyak na dadalhin niya tayo sa lupaing iyon at ibibigay iyon sa atin, isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.+ 9 Pero huwag kayong maghimagsik kay Jehova, at huwag kayong matakot sa mga tao sa lupaing iyon,+ dahil madali natin silang matatalo.* Wala nang nagbibigay ng proteksiyon sa kanila, pero sumasaatin si Jehova.+ Huwag kayong matakot sa kanila.”
10 Gayunman, napagkaisahan ng buong bayan na batuhin sila.+ Pero ang kaluwalhatian ni Jehova ay lumitaw sa tolda ng pagpupulong sa harap ng buong bayan ng Israel.+
11 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Hanggang kailan ako pakikitunguhan ng bayang ito nang walang paggalang,+ at hanggang kailan sila hindi mananampalataya sa akin sa kabila ng lahat ng tanda na isinagawa ko sa gitna nila?+ 12 Padadalhan ko sila ng salot at itataboy ko sila, at gagawin kitang isang bansa na mas malaki* at mas malakas kaysa sa kanila.”+
13 Pero sinabi ni Moises kay Jehova: “Kinuha mo ang iyong bayan mula sa mga Ehipsiyo gamit ang kapangyarihan mo. Kaya kung gagawin mo iyan, mababalitaan nila iyan+ 14 at sasabihin sa mga nakatira sa lupaing ipinangako mo. Narinig din ng mga iyon na ikaw, si Jehova, ay nasa gitna ng bayang ito+ at nagpapakita ka sa kanila nang mukhaan.+ Ikaw si Jehova, at ang iyong ulap ay nasa ibabaw nila, at pinapatnubayan mo sila sa pamamagitan ng isang haliging ulap kung araw at isang haliging apoy kung gabi.+ 15 Kung sabay-sabay* mong papatayin ang lahat ng taong ito, sasabihin ng mga bansang nakarinig sa iyong kabantugan: 16 ‘Hindi kayang dalhin ni Jehova ang bayang ito sa lupaing ipinangako niya sa kanila, kaya pinatay na lang niya sila sa ilang.’+ 17 Kaya pakisuyo, Jehova, ipakita mo kung gaano kalakas ang iyong kapangyarihan gaya ng ipinangako mo. Sinabi mo: 18 ‘Si Jehova ay hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig,*+ nagpapatawad sa pagkakamali at pagsuway, pero tinitiyak niyang mapaparusahan ang mga may kasalanan at pinaparusahan ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga ama, pati na ang ikatlo at ikaapat na henerasyon.’+ 19 Pakiusap, patawarin mo ang kasalanan ng bayang ito dahil sa lalim ng iyong tapat na pag-ibig, kung paanong pinatatawad mo ang bayang ito mula noong panahong nasa Ehipto sila hanggang ngayon.”+
20 Kaya sinabi ni Jehova: “Patatawarin ko sila gaya ng sinabi mo.+ 21 Sa kabilang dako naman, isinusumpa ko, kung paanong buháy ako, ang buong lupa ay mapupuno ng kaluwalhatian ni Jehova.+ 22 Pero sa mga nakakita ng kaluwalhatian ko at ng mga tanda+ na isinagawa ko sa Ehipto at sa ilang at patuloy pa ring nanubok sa akin+ nang 10 ulit at hindi nakinig sa tinig ko,+ walang isa man sa kanila 23 ang makakakita sa lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ama. Lahat ng nakikitungo sa akin nang walang galang ay talagang hindi makakakita nito.+ 24 Pero dahil iba ang saloobin* ng lingkod kong si Caleb+ at patuloy siyang sumunod sa akin nang buong puso, dadalhin ko siya sa lupaing pinuntahan niya, at magiging pag-aari iyon ng mga supling niya.+ 25 Nakatira sa lambak* ang mga Amalekita at mga Canaanita,+ kaya umalis kayo bukas at maglakbay papunta sa ilang sa Daan ng Dagat na Pula.”+
26 At sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron: 27 “Hanggang kailan magbubulong-bulungan laban sa akin ang masamang bayang ito?+ Narinig ko ang pinagbubulong-bulungan ng mga Israelita laban sa akin.+ 28 Sabihin mo sa kanila, ‘“Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,” ang sabi ni Jehova, “gagawin ko sa inyo kung ano ang narinig kong sinabi ninyo!+ 29 Mamamatay kayo sa ilang,*+ oo, kayong lahat na inirehistro mula 20 taóng gulang pataas, kayong lahat na nagbulong-bulungan laban sa akin.+ 30 Kahit isa sa inyo ay hindi makakapasok sa lupaing ipinangako ko* na titirhan ninyo,+ maliban kay Caleb na anak ni Jepune at kay Josue na anak ni Nun.+
31 “‘“At dadalhin ko roon ang inyong mga anak, na sinabi ninyong magiging samsam,+ at makikita nila ang lupain na itinakwil ninyo.+ 32 Pero kayo, mamamatay kayo sa ilang na ito.* 33 At ang mga anak ninyo ay magiging mga pastol sa ilang nang 40 taon,+ at sila ang mananagot dahil sa inyong pagiging di-tapat,* hanggang sa mamatay sa ilang ang kahuli-hulihan sa inyo.+ 34 Ayon sa bilang ng araw na nag-espiya kayo sa lupain, 40 araw,+ isang araw para sa isang taon, isang araw para sa isang taon, 40 taon+ kayong mananagot sa mga kasalanan ninyo para malaman ninyo kung ano ang resulta ng paglaban sa akin.*
35 “‘“Akong si Jehova ang nagsalita. Ito ang gagawin ko sa masamang bayang ito, sa lahat ng nagsama-sama laban sa akin: Sa ilang na ito ay sasapit sila sa kanilang katapusan, at dito sila mamamatay.+ 36 Ang mga lalaking isinugo ni Moises para mag-espiya sa lupain at nagdala ng di-magandang ulat tungkol sa lupain+ kung kaya nagbulong-bulungan ang buong bayan laban sa kaniya, 37 oo, ang mga lalaking nagdala ng di-magandang ulat tungkol sa lupain ay paparusahan at mamamatay sa harap ni Jehova.+ 38 Pero mananatiling buháy si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jepune, na kasama sa mga nag-espiya sa lupain.”’”+
39 Nang sabihin ito ni Moises sa lahat ng Israelita, ang bayan ay labis na nagdalamhati. 40 At bumangon sila nang maaga kinabukasan at nagtangkang umakyat sa tuktok ng bundok. Sinabi nila: “Nagkasala kami, pero ngayon ay handa na kaming pumunta sa lugar na sinabi ni Jehova.”+ 41 Pero sinabi ni Moises: “Bakit ninyo binabale-wala ang utos ni Jehova? Hindi iyan magtatagumpay. 42 Huwag kayong umakyat, dahil hindi sumasainyo si Jehova; at matatalo kayo ng inyong mga kaaway.+ 43 Naroon ang mga Amalekita at mga Canaanita para lumaban sa inyo,+ at mamamatay kayo sa espada. Dahil tumigil kayo sa pagsunod kay Jehova, hindi sasainyo si Jehova.”+
44 Gayunman, nangahas silang umakyat sa tuktok ng bundok,+ pero ang kaban ng tipan ni Jehova, pati si Moises, ay nanatili sa gitna ng kampo.+ 45 At bumaba ang mga Amalekita at mga Canaanita na nakatira sa bundok na iyon at sinalakay sila at pinangalat hanggang sa Horma.+