Deuteronomio
25 “Kung may bumangong usapin sa pagitan ng dalawang tao, puwede silang humarap sa mga hukom;+ ang mga hukom ay hahatol at idedeklarang inosente ang taong matuwid at may-sala ang taong masama.+ 2 Kung nararapat paluin ang may-sala,+ padadapain siya ng hukom, at papaluin siya sa harap ng hukom. Ang dami ng palo ay dapat na ayon sa bigat ng kasalanan niya. 3 Pero hanggang 40 beses lang siya puwedeng paluin.+ Dahil kung papaluin siya nang higit dito, mapapahiya ang kapatid ninyo sa inyong harapan.
4 “Huwag mong bubusalan ang* toro habang gumigiik ito.+
5 “Kung magkakasamang naninirahan ang magkakapatid na lalaki at ang isa sa kanila ay mamatay na walang anak, ang asawa ng namatay ay hindi dapat mag-asawa ng hindi kapamilya ng asawa niya. Dapat siyang kunin ng bayaw niya bilang asawa at tuparin ang pananagutan nito bilang bayaw.*+ 6 Ang panganay na isisilang niya ang magdadala sa pangalan ng namatay,+ para ang pangalan nito ay hindi mabura sa Israel.+
7 “Kung ayaw ng lalaki na kunin ang asawa ng namatay niyang kapatid, ang biyuda ay dapat pumunta sa matatandang lalaki sa pintuang-daan ng lunsod at sasabihin niya, ‘Ayaw ng kapatid ng asawa ko na panatilihin sa Israel ang pangalan ng kapatid niya. Ayaw niyang tuparin ang pananagutan niya bilang bayaw.’* 8 Kaya tatawagin siya ng matatandang lalaki ng kaniyang lunsod at kakausapin siya. Kapag nagmatigas siya at nagsabi, ‘Ayoko siyang mapangasawa,’ 9 ang biyuda ng kapatid niya ay lalapit sa kaniya sa harap ng matatandang lalaki, huhubarin nito ang sandalyas sa paa niya+ at duduraan siya sa mukha at sasabihin, ‘Ganiyan ang dapat gawin sa lalaki na ayaw itayo ang sambahayan ng kapatid niya.’ 10 At ang pamilya* niya ay makikilala sa Israel na ‘Ang sambahayan ng taong hinubaran ng sandalyas.’
11 “Kung mag-away ang dalawang lalaki at sumaklolo ang asawa ng isa at dakmain ang pribadong mga bahagi ng kaaway ng asawa niya, 12 dapat mong putulin ang kamay ng babae. Huwag kang maaawa.*
13 “Huwag kang maglalagay sa sisidlan* mo ng dalawang batong panimbang,+ isang mabigat at isang magaan. 14 Huwag kang maglalagay sa bahay mo ng dalawang klase ng takalan,*+ isang malaki at isang maliit. 15 Dapat na tama at eksakto ang panimbang mo at tama at husto ang takalan mo, para mabuhay ka nang mahaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.+ 16 Dahil ang lahat ng mandaraya na gumagawa ng gayong mga bagay ay kasuklam-suklam kay Jehova na iyong Diyos.+
17 “Tandaan ninyo ang ginawa sa inyo ng Amalek noong lumabas kayo sa Ehipto.+ 18 Sinalubong nila kayo sa daan at sinalakay ang lahat ng nasa hulihan ninyo, habang lupaypay na kayo at pagod. Hindi sila natakot sa Diyos. 19 Kapag binigyan na kayo ng Diyos ninyong si Jehova ng kapahingahan mula sa lahat ng kaaway na nakapalibot sa inyo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova bilang mana,+ lipulin ninyo ang Amalek para hindi na sila kailanman maalaala sa ibabaw ng lupa.*+ Huwag ninyo itong kalilimutan.