Jeremias
7 Ito ang salita na dumating kay Jeremias mula kay Jehova: 2 “Tumayo ka sa pintuang-daan ng bahay ni Jehova, at ihayag mo roon ang mensaheng ito, ‘Pakinggan ninyo ang salita ni Jehova, lahat kayong nasa Juda, na pumapasok sa mga pintuang-daang ito para yumukod kay Jehova. 3 Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: “Baguhin ninyo ang inyong pamumuhay at mga ginagawa, at hahayaan ko kayong patuloy na manirahan sa lugar na ito.+ 4 Huwag kayong magtiwala sa mapandayang mga salita at magsabi, ‘Ito ang* templo ni Jehova, ang templo ni Jehova, ang templo ni Jehova!’+ 5 Kung talagang babaguhin ninyo ang inyong pamumuhay at mga ginagawa; kung talagang itataguyod ninyo ang katarungan sa pagitan ng isang tao at ng kapuwa niya;+ 6 kung hindi ninyo pagmamalupitan ang mga dayuhan, ulila,* at mga biyuda;+ kung hindi kayo papatay ng mga inosente sa lugar na ito; at kung hindi kayo susunod sa ibang diyos sa ikapapahamak ninyo;+ 7 hahayaan ko kayong patuloy na manirahan sa lugar na ito, sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno ninyo para tirhan nila magpakailanman.”’”*
8 “Pero nagtitiwala kayo sa mapandayang mga salita+—wala itong anumang pakinabang. 9 Puwede ba kayong magnakaw,+ pumatay, mangalunya, sumumpa nang may kasinungalingan,+ maghandog* kay Baal,+ at sumunod sa ibang diyos na hindi ninyo kilala, 10 at pagkatapos ay tumayo sa harap ko sa bahay na ito na tinatawag sa pangalan ko at magsabi, ‘Maliligtas kami,’ sa kabila ng paggawa ng lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ito? 11 Ang bahay bang ito na tinatawag sa pangalan ko ay itinuturing na ninyong pugad ng mga magnanakaw?+ Nakita ko mismo ang ginagawa ninyo,” ang sabi ni Jehova.
12 “‘Pero pumunta kayo ngayon sa lugar ko na nasa Shilo,+ ang lugar na pinili ko noong una para sa kaluwalhatian ng pangalan ko,+ at tingnan ninyo kung ano ang ginawa ko roon dahil sa kasamaan ng bayan kong Israel.+ 13 Pero patuloy ninyong ginagawa ang lahat ng ito,’ ang sabi ni Jehova, ‘at kahit nagsasalita ako sa inyo nang paulit-ulit,* hindi kayo nakikinig.+ Patuloy ko kayong tinatawag, pero hindi kayo sumasagot.+ 14 Gagawin ko rin sa bahay na tinatawag sa pangalan ko,+ na pinagtitiwalaan ninyo,+ at sa lugar na ito na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo, ang gaya ng ginawa ko sa Shilo.+ 15 Palalayasin ko kayo sa harap ko, gaya ng pagpapalayas ko sa lahat ng kapatid ninyo, ang lahat ng inapo ni Efraim.’+
16 “At ikaw, huwag kang mananalangin para sa bayang ito. Huwag kang tumawag o manalangin o magsumamo sa akin para sa kanila,+ dahil hindi kita pakikinggan.+ 17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang ginagawa nila sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 18 Ang mga anak ay namumulot ng kahoy, ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, at ang mga asawang babae ay nagmamasa ng harina sa paggawa ng mga handog na tinapay para sa Reyna ng Langit,*+ at nagbubuhos sila ng mga handog na inumin para sa ibang mga diyos para galitin ako.+ 19 ‘Pero ako ba ang sinasaktan* nila?’ ang sabi ni Jehova. ‘Hindi ba ang sarili nila mismo, sa ikapapahiya nila?’+ 20 Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘Ang galit at poot ko ay matitikman ng lugar na ito,+ ng tao at ng hayop, ng mga puno sa parang at ng mga bunga ng lupa; lalagablab iyon, at hindi iyon mapapatay.’+
21 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Sige, idagdag ninyo ang inyong mga buong handog na sinusunog sa iba pa ninyong mga handog, at kainin ninyo ang karne.+ 22 Dahil nang araw na ilabas ko ang mga ninuno ninyo sa lupain ng Ehipto, wala akong sinabi o iniutos sa kanila tungkol sa buong handog na sinusunog at hain.+ 23 Ito ang iniutos ko sa kanila: “Makinig kayo sa tinig ko, at ako ay magiging Diyos ninyo, at kayo ay magiging bayan ko.+ Lumakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos kong lakaran ninyo para mapabuti kayo.”’+ 24 Pero hindi sila nakinig at nagbigay-pansin;+ sa halip, sumunod sila sa sarili nilang kaisipan.* Matigas ang ulo nila at sumunod sila sa masama nilang puso,+ at naging paurong sila, hindi pasulong, 25 mula nang araw na lumabas ang mga ninuno ninyo sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito.+ Kaya patuloy kong isinusugo sa inyo ang lahat ng lingkod kong propeta, araw-araw, paulit-ulit.*+ 26 Pero ayaw nilang makinig sa akin, at hindi sila nagbigay-pansin.+ Sa halip, nagmatigas sila,* at ang mga ginawa nila ay mas masahol pa sa ginawa ng mga ninuno nila!
27 “Sasabihin mo sa kanila ang lahat ng ito,+ pero hindi sila makikinig sa iyo; tatawag ka sa kanila, pero hindi sila sasagot sa iyo. 28 At sasabihin mo sa kanila, ‘Ito ang bansa na hindi nakinig sa tinig ni Jehova na kanilang Diyos at ayaw tumanggap ng disiplina. Ang katapatan ay naglaho at hindi man lang nila ito binabanggit.’*+
29 “Gupitin mo ang iyong di-nagupitang* buhok at itapon mo iyon, at sa tuktok ng mga burol ay umawit ka ng awit ng pagdadalamhati, dahil itinakwil ni Jehova ang henerasyong ito na gumalit sa kaniya at pababayaan niya ito. 30 ‘Dahil ginawa ng bayan ng Juda ang masama sa paningin ko,’ ang sabi ni Jehova. ‘Inilagay nila ang kanilang kasuklam-suklam na mga idolo sa bahay na tinatawag sa pangalan ko, para dungisan iyon.+ 31 Itinayo nila ang matataas na lugar ng Topet, na nasa Lambak ng Anak ni Hinom,*+ para sunugin ang kanilang mga anak na lalaki at babae,+ isang bagay na hindi ko iniutos at hindi man lang sumagi sa isip ko.’*+
32 “‘Kaya darating ang panahon,’ ang sabi ni Jehova, ‘na hindi na iyon tatawaging Topet o Lambak ng Anak ni Hinom,* kundi Lambak ng Pagpatay. Maglilibing sila sa Topet hanggang sa wala nang lugar na mapaglilibingan.+ 33 At ang mga bangkay ng bayang ito ay magiging pagkain ng mga ibon sa langit at ng mga hayop sa lupa, at walang magtataboy sa mga ito.+ 34 Wawakasan ko ang hiyaw ng pagbubunyi at ang hiyaw ng pagsasaya, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaeng ikakasal,+ sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, dahil ang lupain ay mawawasak.’”+