Josue
3 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue, at siya at ang lahat ng Israelita ay umalis sa Sitim+ at nakarating sa Jordan. Nagpalipas sila ng gabi roon bago sila tumawid.
2 Pagkalipas ng tatlong araw, ang mga opisyal+ ay lumibot sa kampo 3 at nag-utos sa bayan: “Kapag nakita ninyo ang kaban ng tipan ni Jehova na inyong Diyos na buhat-buhat ng mga saserdoteng Levita,+ umalis kayo sa kinaroroonan ninyo at sundan ninyo iyon. 4 Pero dapat na mga 2,000 siko* ang distansiya ninyo mula sa Kaban at huwag mas malapit pa roon para malaman ninyo kung saan ang daan, dahil hindi pa kayo nakadaan doon kahit minsan.”
5 Sinabi ngayon ni Josue sa bayan: “Pabanalin ninyo ang inyong sarili,+ dahil bukas ay may kamangha-manghang mga bagay na gagawin si Jehova para sa inyo.”+
6 Pagkatapos, sinabi ni Josue sa mga saserdote: “Buhatin ninyo ang kaban+ ng tipan at mauna kayo sa mga tao.” Kaya binuhat nila ang kaban ng tipan at nauna sila sa mga tao.
7 At sinabi ni Jehova kay Josue: “Simula sa araw na ito, gagawin kitang dakila sa paningin ng buong Israel,+ para malaman nila na tutulungan kita+ gaya ng ginawa ko kay Moises.+ 8 Iutos mo ito sa mga saserdoteng nagdadala ng kaban ng tipan: ‘Kapag nakarating na kayo sa pampang ng Jordan, lumusong kayo sa tubig at tumayo roon.’”+
9 At sinabi ni Josue sa mga Israelita: “Lumapit kayo rito at pakinggan ninyo ang mga sinabi ni Jehova na inyong Diyos.” 10 Sinabi ni Josue: “Sa ganitong paraan ninyo malalaman na isang Diyos na buháy ang nasa gitna ninyo+ at tiyak na palalayasin niya mula sa harap ninyo ang mga Canaanita, mga Hiteo, mga Hivita, mga Perizita, mga Girgasita, mga Amorita, at ang mga Jebusita.+ 11 Ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong lupa ay mauuna sa inyo papunta sa Jordan. 12 Pumili kayo ngayon ng 12 lalaki mula sa mga tribo ng Israel, isang lalaki sa bawat tribo.+ 13 At sa sandaling ang mga talampakan ng mga saserdoteng nagdadala ng Kaban ni Jehova, na Panginoon ng buong lupa, ay sumayad sa tubig ng Jordan, titigil ang tubig na umaagos mula sa itaas at matitipong gaya ng tubig sa isang dam.”*+
14 Kaya nang umalis ang mga tao mula sa mga tolda nila para tumawid sa Jordan, ang mga saserdoteng nagdadala ng kaban+ ng tipan ay nauna sa mga tao. 15 At nang makarating sa Jordan ang mga tagapagdala ng Kaban at mailusong ng mga saserdote na nagdadala ng Kaban ang mga paa nila sa gilid ng ilog (umaapaw ang Jordan sa mga pampang nito+ sa buong panahon ng pag-aani), 16 ang tubig na umaagos mula sa itaas ay tumigil sa Adan, isang napakalayong lunsod malapit sa Zaretan. Naipon ito roon at naging gaya ng tubig sa isang dam,* samantalang ang tubig na pababa sa Dagat ng Araba, ang Dagat Asin,* ay patuloy na umagos hanggang sa matuyo ang ilog. Tumigil sa pag-agos ang ilog, at tumawid ang bayan sa tapat ng Jerico. 17 Habang nakatayo sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan ang mga saserdoteng nagdadala ng kaban ng tipan ni Jehova,+ ang mga Israelita naman ay tumawid sa tuyong lupa+ hanggang sa makatawid ng Jordan ang buong bansa.