dahil natatakot sila: Sa pinakalumang makukuhang mga manuskrito ng huling bahagi ng Marcos, nagtatapos ang Ebanghelyo sa mga pananalitang nasa talata 8. Sinasabi ng ilan na masyado itong bitin para maging konklusyon ng aklat. Pero hindi naman ito imposible kung ang pagbabatayan ay ang istilo ng pagsulat ni Marcos na karaniwan nang maiksi at direkta sa punto. Sinasabi rin nina Jerome at Eusebius, mga iskolar noong ikaapat na siglo, na talagang nagtatapos ang aklat na ito sa pananalitang “dahil natatakot sila.”
Sa maraming manuskritong Griego at salin sa iba’t ibang wika, may idinagdag na mahaba o maikling konklusyon pagkatapos ng talata 8. Mababasa ang mahabang konklusyon (naglalaman ng 12 talata) sa Codex Alexandrinus, Codex Ephraemi Syri rescriptus, at Codex Bezae Cantabrigiensis, na lahat ay mula noong ikalimang siglo C.E. Mababasa rin ito sa Latin na Vulgate, Curetonian Syriac, at Syriac na Peshitta. Pero wala ito sa mas naunang manuskritong Griego na Codex Sinaiticus at Codex Vaticanus, na mula noong ikaapat na siglo. Wala rin ito sa Codex Sinaiticus Syriacus, na mula noong ikaapat o ikalimang siglo, o sa pinakalumang manuskritong Sahidic Coptic ng Marcos, na mula noong ikalimang siglo. At sa pinakalumang manuskrito ng Marcos sa wikang Armenian at Georgian, nagtatapos din ito sa talata 8.
Sa ilang mas bagong manuskritong Griego at salin sa iba’t ibang wika, mababasa ang maikling konklusyon (na may dalawang pangungusap lang). Sa Codex Regius, na mula noong ikawalong siglo C.E., mababasa ang maikling konklusyon na sinusundan ng mahabang konklusyon. Sinasabi ng codex sa simula ng bawat konklusyon na ang karagdagang mga talata ay tinatanggap ng kinikilalang mga awtoridad nang panahong iyon, pero hindi nito sinasabi na talagang bahagi ng Kasulatan ang mga talatang iyon.
MAIKLING KONKLUSYON
Ang maikling konklusyon pagkatapos ng Mar 16:8 ay hindi bahagi ng Kasulatan. Ito ang mababasa roon:
Ngunit ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos ay inilahad nila nang maikli doon sa mga nasa palibot ni Pedro. Karagdagan pa, pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus mismo ay nagpadala sa pamamagitan nila ng banal at walang-kasiraang paghahayag ng walang-hanggang kaligtasan mula sa silangan hanggang sa kanluran.
MAHABANG KONKLUSYON
Ang mahabang konklusyon pagkatapos ng Mar 16:8 ay hindi bahagi ng Kasulatan. Ito ang mababasa roon:
9 Pagkabangon niya nang maaga noong unang araw ng sanlinggo ay nagpakita muna siya kay Maria Magdalena, na mula rito ay nagpalayas siya ng pitong demonyo. 10 Ito ay humayo at nag-ulat doon sa mga nakasama niya, samantalang sila ay nagdadalamhati at tumatangis. 11 Ngunit sila, nang marinig nilang nabuhay siya at nakita nito, ay hindi naniwala. 12 Bukod diyan, pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagpakita siya sa iba pang anyo sa dalawa sa kanila na naglalakad, samantalang sila ay papunta sa lalawigan; 13 at bumalik sila at nag-ulat sa iba. Hindi rin naman nila pinaniwalaan ang mga ito. 14 Ngunit sa kalaunan ay nagpakita siya sa labing-isa mismo samantalang nakahilig sila sa mesa, at pinagwikaan niya ang kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagkat hindi nila pinaniwalaan yaong mga nakakita sa kaniya na ibinangon na ngayon mula sa mga patay. 15 At sinabi niya sa kanila: “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng nilalang. 16 Siya na naniniwala at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit siya na hindi naniniwala ay hahatulan. 17 Karagdagan pa, ang mga tandang ito ay lalakip doon sa mga naniniwala: Sa pamamagitan ng paggamit ng aking pangalan ay magpapalayas sila ng mga demonyo, magsasalita sila ng mga wika, 18 at pupulutin nila ng kanilang mga kamay ang mga serpiyente, at kung iinom sila ng anumang nakamamatay ay hindi ito makapananakit sa kanila sa paanuman. Ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga taong may sakit, at ang mga ito ay gagaling.”
19 Kaya nga, ang Panginoong Jesus, pagkatapos na magsalita sa kanila, ay kinuhang paitaas sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. 20 Alinsunod dito, umalis sila at nangaral sa lahat ng dako, samantalang gumagawang kasama nila ang Panginoon at pinagtitibay ang mensahe sa pamamagitan ng kalakip na mga tanda.