Levitico
15 Sinabi pa ni Jehova kina Moises at Aaron: 2 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kung may lumalabas na malapot na likido sa ari* ng isang lalaki, nagiging marumi siya dahil dito.+ 3 Marumi siya dahil sa malapot na likido; marumi siya, iyon man ay patuloy na lumalabas sa ari niya o bumabara.
4 “‘Magiging marumi ang anumang mahigaan ng lalaking may gayong sakit, at magiging marumi ang anumang maupuan niya. 5 Sinumang madikit sa higaan ng lalaking may sakit ay dapat maglaba ng mga damit at maligo sa tubig, at magiging marumi siya hanggang gabi.+ 6 Sinumang maupo sa inupuan ng lalaking may sakit ay dapat maglaba ng mga damit at maligo, at magiging marumi siya hanggang gabi. 7 Sinumang madikit sa katawan ng lalaking may sakit ay dapat maglaba ng mga damit at maligo, at magiging marumi siya hanggang gabi. 8 Kung duraan ng lalaking may sakit ang sinumang malinis, dapat siyang maglaba ng mga damit at maligo, at magiging marumi siya hanggang gabi. 9 Anumang síya* na maupuan ng lalaking may sakit ay magiging marumi. 10 Sinumang madikit sa anumang bagay na inupuan niya ay magiging marumi hanggang gabi, at sinumang bumuhat ng mga bagay na iyon ay maglalaba ng mga damit at maliligo, at magiging marumi siya hanggang gabi. 11 Kung ang lalaking may sakit+ ay hindi maghugas ng kamay at mahawakan niya ang iba, ang taong iyon ay dapat maglaba ng mga damit at maligo, at magiging marumi siya hanggang gabi. 12 Ang sisidlang luwad na mahawakan ng lalaking may sakit ay dapat basagin, at anumang sisidlang kahoy ay dapat hugasan.+
13 “‘Kung huminto ang paglabas ng malapot na likido at gumaling ang lalaking may sakit, bibilang siya ng pitong araw para sa paglilinis sa kaniya, at dapat siyang maglaba ng mga damit niya at maligo sa sariwang tubig, at siya ay magiging malinis.+ 14 Sa ikawalong araw, dapat siyang kumuha ng dalawang batubato o dalawang inakáy ng kalapati,+ at pupunta siya sa pasukan ng tolda ng pagpupulong sa harap ni Jehova at ibibigay ang mga iyon sa saserdote. 15 At iaalay ng saserdote ang mga iyon, ang isa bilang handog para sa kasalanan at ang isa pa bilang handog na sinusunog, at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya sa harap ni Jehova dahil sa karumihan niya.
16 “‘Kung labasan ng semilya ang isang lalaki, dapat niyang paliguan ang buong katawan niya, at magiging marumi siya hanggang gabi.+ 17 Dapat niyang linisin ng tubig ang anumang damit at katad na malagyan ng semilya, at magiging marumi iyon hanggang gabi.
18 “‘Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang babae at labasan siya ng semilya, dapat silang maligo, at magiging marumi sila hanggang gabi.+
19 “‘Kung may lumalabas na dugo sa isang babae dahil sa pagreregla, mananatili siyang marumi sa loob ng pitong araw.+ Sinumang madikit sa kaniya ay magiging marumi hanggang gabi.+ 20 Anumang mahigaan niya habang marumi siya dahil sa pagreregla ay magiging marumi, at ang lahat ng maupuan niya ay magiging marumi.+ 21 Sinumang madikit sa higaan niya ay dapat maglaba ng mga damit at maligo, at magiging marumi siya hanggang gabi. 22 Sinumang madikit sa anumang bagay na inupuan niya ay dapat maglaba ng mga damit at maligo, at magiging marumi siya hanggang gabi. 23 Kung umupo siya sa higaan o sa iba pang bagay, ang taong madikit dito ay magiging marumi hanggang gabi.+ 24 At kung ang isang lalaki ay sumiping sa kaniya at maging marumi dahil sa dugo ng pagreregla niya,+ magiging marumi ang lalaki sa loob ng pitong araw, at anumang mahigaan nito ay magiging marumi.
25 “‘Kung may lumalabas na dugo sa isang babae sa loob ng maraming araw+ kahit hindi naman panahon ng pagreregla niya,+ o kung mas matagal ang pagreregla niya kaysa sa karaniwan, magiging marumi siya sa buong panahong may lumalabas na dugo sa kaniya, gaya ng mga araw ng pagiging marumi niya dahil sa pagreregla. 26 Anumang mahigaan niya sa panahong may lumalabas na dugo sa kaniya ay magiging tulad ng higaan niya habang marumi siya dahil sa pagreregla,+ at anumang bagay na maupuan niya ay magiging marumi, gaya ng nangyayari kapag marumi siya dahil sa pagreregla. 27 Sinumang madikit sa mga iyon ay magiging marumi, at dapat siyang maglaba ng mga damit at maligo, at magiging marumi siya hanggang gabi.+
28 “‘Pero kapag tumigil na ang paglabas ng dugo niya, bibilang pa siya ng pitong araw, at pagkatapos ay magiging malinis siya.+ 29 Sa ikawalong araw, dapat siyang kumuha ng dalawang batubato o dalawang inakáy ng kalapati,+ at dadalhin niya ang mga iyon sa saserdote sa pasukan ng tolda ng pagpupulong.+ 30 Iaalay ng saserdote ang isa bilang handog para sa kasalanan at ang isa pa bilang handog na sinusunog, at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya sa harap ni Jehova dahil sa karumihan niya.+
31 “‘Dapat ninyong tulungan ang mga Israelita na maging malinis para hindi nila madumhan ang aking tabernakulo, na nasa gitna nila, at mamatay sila dahil dito.+
32 “‘Ito ang kautusan tungkol sa lalaking may lumalabas na malapot na likido, sa lalaking marumi dahil sa paglabas ng semilya,+ 33 sa babaeng nagiging marumi dahil sa pagreregla,+ sa sinumang lalaki o babaeng may sakit dahil may lumalabas sa ari nila,+ at sa lalaking sumisiping sa isang babaeng marumi ayon sa Kautusan.’”