Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto
13 Ito ang ikatlong pagkakataon na pupunta ako sa inyo. “Sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtitibay ang bawat bagay.”+ 2 Kahit wala ako riyan ngayon, para na rin akong nakapunta riyan nang dalawang beses, at patiuna kong binababalaan ang mga nagkasala noon at ang lahat ng iba pa, na kung sakaling bumalik ako riyan, hindi ko sila paliligtasin,+ 3 dahil naghahanap kayo ng patunay kung talagang nagsasalita sa pamamagitan ko si Kristo, na hindi mahina kundi makapangyarihan sa gitna ninyo. 4 Totoo, naipako siya sa tulos dahil sa kaniyang mahinang kalagayan, pero buháy siya ngayon dahil sa kapangyarihan ng Diyos.+ Totoo rin na mahina kami gaya niya noon, pero mabubuhay kaming kasama niya+ dahil sa kapangyarihan ng Diyos na sumasainyo.+
5 Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya; patuloy na patunayan kung ano nga kayo.+ Hindi ba ninyo naiintindihan na si Jesu-Kristo ay kaisa ninyo? Dapat na ganito ang kalagayan ninyo, maliban na lang kung naiwala ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos. 6 Talagang umaasa ako na makikita ninyong nasa amin ang pagsang-ayon ng Diyos.
7 Ngayon, ipinapanalangin namin sa Diyos na hindi kayo makagawa ng mali, hindi para magmukha kaming sinang-ayunan kundi dahil gusto naming gawin ninyo ang mabuti, kahit pa magmukha kaming hindi sinasang-ayunan. 8 Dahil wala kaming magagawang anuman laban sa katotohanan; ang lahat ng gagawin namin ay para sa katotohanan. 9 Talagang natutuwa kami kapag mahina kami pero malakas kayo. At iyan ang ipinapanalangin namin, ang maituwid kayo.+ 10 Kaya naman isinusulat ko na ang mga ito habang wala pa ako riyan para hindi ko kailangang maging mabagsik sa paggamit ng awtoridad, na ibinigay sa akin ng Panginoon+ para magpatibay at hindi para magpahina.
11 Bilang panghuli, mga kapatid, patuloy kayong magsaya, magpaakay sa tamang landas, maaliw,+ magkaisa sa kaisipan,+ at mamuhay nang payapa;+ at ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan+ ay sasainyo. 12 Malugod ninyong batiin ang isa’t isa.* 13 Binabati kayo ng lahat ng banal.
14 Sumainyo nawang lahat ang walang-kapantay na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang mga pagpapala ng banal na espiritu na tinatanggap ninyo bilang kongregasyon.