Ikalawang Samuel
4 Nang marinig ni Is-boset, na anak ni Saul,+ na namatay si Abner sa Hebron,+ pinanghinaan siya ng loob* at nabahala ang lahat ng Israelita. 2 May dalawang lalaki na pinuno ng mga mandarambong na tauhan ng anak ni Saul: ang pangalan ng isa ay Baanah at ang isa pa ay Recab. Mga anak sila ni Rimon na Beerotita, mula sa tribo ni Benjamin. (Dahil ang Beerot+ ay dati ring itinuturing na bahagi ng Benjamin. 3 Ang mga Beerotita ay tumakas papuntang Gitaim,+ at naninirahan sila roon bilang dayuhan hanggang ngayon.)
4 Ang anak ni Saul na si Jonatan+ ay may lumpong anak na lalaki.+ Limang taóng gulang siya nang dumating ang balita mula sa Jezreel+ tungkol kina Saul at Jonatan, at binuhat siya ng kaniyang yaya at tumakas, pero dahil natataranta ito habang tumatakas, nahulog siya at nalumpo. Ang pangalan niya ay Mepiboset.+
5 Ang mga anak ni Rimon na Beerotita, sina Recab at Baanah, ay nagpunta sa bahay ni Is-boset nang mainit na ang araw, habang nagpapahinga siya sa tanghali. 6 Pumasok sila sa bahay na kunwari ay kukuha ng trigo, at sinaksak nila siya sa tiyan; pagkatapos, tumakas si Recab at ang kapatid niyang si Baanah.+ 7 Noong pumasok sila sa bahay, nakahiga siya sa kama sa kaniyang kuwarto, at sinaksak nila siya at pinatay; pagkatapos, pinugutan nila siya ng ulo. Kinuha nila ang ulo niya at magdamag silang naglakad sa daan papuntang Araba. 8 Dinala nila ang ulo ni Is-boset+ kay David sa Hebron at sinabi sa hari: “Heto ang ulo ni Is-boset na anak ng kaaway mong si Saul+ na gustong pumatay sa iyo.+ Ngayon ay ipinaghiganti ni Jehova ang panginoon kong hari kay Saul at sa mga inapo nito.”
9 Pero sinabi ni David kay Recab at sa kapatid nitong si Baanah, na mga anak ni Rimon na Beerotita: “Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova na siyang nagligtas* sa akin mula sa lahat ng kapighatian,+ 10 noong may nag-ulat sa akin, ‘Patay na si Saul,’+ at inakala niyang mabuting balita ang dala niya, sinunggaban ko siya at pinatay+ sa Ziklag. Iyon ang gantimpalang tinanggap niya sa akin bilang mensahero! 11 Paano pa kaya kapag pinatay ng masasamang lalaki ang isang lalaking matuwid sa sarili niyang bahay, sa kama niya? Hindi ko ba dapat singilin ang dugo niya mula sa kamay ninyo+ at burahin kayo sa lupa?” 12 Pagkatapos, inutusan ni David ang mga tauhan niya na patayin sila.+ Pinutol ng mga ito ang mga kamay at paa nila at ibinitin sila+ sa tabi ng tipunan ng tubig sa Hebron. Pero kinuha ng mga ito ang ulo ni Is-boset at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.