Deuteronomio
24 “Kung mag-asawa ang isang lalaki pero ayawan niya ang babae dahil may nakita siyang napakasamang bagay rito, dapat siyang gumawa ng kasulatan ng diborsiyo,+ ibigay ito sa babae, at paalisin ang babae sa bahay niya.+ 2 Kapag umalis na ito sa bahay niya, puwede na itong maging asawa ng ibang lalaki.+ 3 Kung mapoot sa babae ang* pangalawang asawa nito at gumawa ang lalaki ng kasulatan ng diborsiyo, ibinigay ito sa babae, at pinaalis ang babae sa bahay niya, o kung sakaling mamatay ang pangalawang asawa, 4 ang babae ay hindi puwedeng kunin ulit ng unang asawa na nagpaalis dito dahil nadungisan na ito; kasuklam-suklam iyon kay Jehova. Huwag kang magdala ng kasalanan sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos bilang mana.
5 “Kung bagong kasal ang isang lalaki, hindi siya dapat maglingkod sa hukbo o bigyan ng iba pang atas. Hindi siya bibigyan ng atas sa loob ng isang taon, at dapat siyang manatili sa bahay at pasayahin ang asawa niya.+
6 “Walang sinuman ang kukuha sa isang gilingan* o sa pang-ibabaw na bato ng gilingan bilang prenda,*+ dahil parang kinukuha mo na rin bilang prenda ang ikinabubuhay* ng isa.
7 “Kung ang isang tao ay napatunayang nandukot ng isa* sa mga kapatid niyang Israelita at inapi niya ito at ipinagbili,+ ang nandukot ay dapat mamatay.+ Dapat ninyong alisin ang kasamaan sa gitna ninyo.+
8 “Kapag nagkaroon ng salot na ketong,* tiyakin ninyong gagawin ninyo ang lahat ng sasabihin sa inyo ng mga saserdoteng Levita.+ Gawin ninyo ang mismong iniutos ko sa kanila. 9 Alalahanin ninyo ang ginawa kay Miriam ng Diyos ninyong si Jehova noong lumabas kayo sa Ehipto.+
10 “Kung may ipinautang kang anuman sa iyong kapuwa,+ huwag kang papasok sa bahay niya para kunin ang ibinibigay niyang prenda. 11 Dapat kang maghintay sa labas, at dadalhin ng taong may utang sa iyo ang prenda. 12 At kung gipit ang taong iyon, huwag kang matutulog kung nasa iyo pa ang prenda niya.+ 13 Dapat mong ibalik sa kaniya ang prenda niya sa paglubog ng araw, para maisuot niya sa pagtulog ang damit niya,+ at hihilingin niya sa Diyos na pagpalain ka; at ituturing ito ni Jehova na iyong Diyos na isang matuwid na gawa.
14 “Huwag mong dadayain ang isang gipit at mahirap na upahang trabahador sa lunsod* ninyo, siya man ay kapatid mo o dayuhang naninirahan sa inyong lupain.+ 15 Dapat mong ibigay ang sahod niya sa mismong araw na iyon,+ bago lumubog ang araw, dahil gipit siya at iyon ang inaasahan niya para mabuhay. Kung hindi mo iyon gagawin, daraing siya kay Jehova at magiging kasalanan mo iyon.+
16 “Ang ama ay hindi papatayin dahil sa ginawa ng anak niya, at ang anak ay hindi papatayin dahil sa ginawa ng ama niya.+ Papatayin lang ang isang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.+
17 “Huwag mong babaluktutin ang hatol para sa dayuhang naninirahang kasama ninyo o sa batang walang ama,*+ at huwag mong kukunin bilang prenda* ang damit ng isang biyuda.+ 18 Alalahanin mong naging alipin ka sa Ehipto, at pinalaya ka ni Jehova na iyong Diyos.+ Kaya naman iniuutos kong gawin mo ito.
19 “Kung nag-ani ka at naiwan mo sa iyong bukid ang isang tungkos, huwag mo nang balikan iyon. Dapat mong iwan iyon para sa dayuhang naninirahang kasama ninyo, sa batang walang ama, at sa biyuda,+ para pagpalain ni Jehova na iyong Diyos ang lahat ng ginagawa mo.+
20 “Kung nahampas mo na ang mga sanga ng iyong punong olibo, huwag mo nang uulitin ang paghampas. Ang natira ay para sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, sa batang walang ama, at sa biyuda.+
21 “Kung mamitas ka sa iyong ubasan, huwag mo nang balikan ang natira. Dapat mong iwan ang mga iyon para sa dayuhang naninirahang kasama ninyo, sa batang walang ama, at sa biyuda. 22 Alalahanin mong naging alipin ka sa Ehipto. Kaya naman iniuutos kong gawin mo ito.