Ezra
3 Pagsapit ng ikapitong buwan,+ nang ang mga Israelita ay nasa kanilang mga lunsod na, nagtipon sila sa Jerusalem nang nagkakaisa. 2 Si Jesua+ na anak ni Jehozadak at ang mga kapuwa niya saserdote at si Zerubabel+ na anak ni Sealtiel+ at ang mga kapatid niya ay naghanda at itinayo nila ang altar ng Diyos ng Israel, para makapaghandog sila rito ng mga haing sinusunog, gaya ng nasusulat sa Kautusan ni Moises+ na lingkod ng tunay na Diyos.
3 Itinayo nila ang altar sa dati nitong lugar kahit na natatakot sila sa mga tao sa nakapalibot na mga lupain,+ at nagsimula silang maghandog dito ng mga haing sinusunog para kay Jehova, ang mga haing sinusunog sa umaga at sa gabi.+ 4 Pagkatapos, ipinagdiwang nila ang Kapistahan ng mga Kubol* ayon sa nasusulat,+ at araw-araw silang naghandog ng itinakdang dami ng haing sinusunog.+ 5 Pagkatapos, nagpatuloy sila sa pag-aalay ng palagiang handog na sinusunog+ at ng mga handog para sa bagong buwan+ at para sa lahat ng pinabanal na panahon ng kapistahan+ ni Jehova, pati ng mga hain mula sa bawat isa na masayang nagbigay ng kusang-loob na handog+ kay Jehova. 6 Mula nang unang araw ng ikapitong buwan+ ay nagsimula silang maghandog ng mga haing sinusunog para kay Jehova, kahit hindi pa nagagawa ang pundasyon ng templo ni Jehova.
7 Nagbigay sila ng pera sa mga tagatabas ng bato+ at sa iba pang bihasang manggagawa,+ at ng pagkain at inumin at langis sa mga Sidonio at sa mga taga-Tiro, kapalit ng pagdadala ng mga trosong sedro, na ibiniyahe sa dagat mula sa Lebanon hanggang sa Jope,+ ayon sa pahintulot ni Haring Ciro ng Persia.+
8 Noong ikalawang taon mula nang dumating sila sa bahay ng tunay na Diyos sa Jerusalem, nang ikalawang buwan, nagsimula sa pagtatayo si Zerubabel na anak ni Sealtiel, si Jesua na anak ni Jehozadak at ang iba pa nilang kapatid, ang mga saserdote at mga Levita, at ang lahat ng dumating sa Jerusalem mula sa pagkabihag;+ inatasan nila ang mga Levita na edad 20 pataas para mamahala sa gawain sa bahay ni Jehova. 9 Kaya si Jesua, ang kaniyang mga anak at mga kapatid, at si Kadmiel at ang mga anak nito, na mga anak ni Juda, ay nagtulong-tulong sa pangangasiwa ng gawain sa bahay ng tunay na Diyos, kasama ng mga anak ni Henadad,+ at ng mga anak at kamag-anak ng mga ito, na mga Levita rin.
10 Nang matapos ng mga tagapagtayo ang pundasyon ng templo ni Jehova,+ ang mga saserdote na nakasuot ng opisyal na damit at may mga trumpeta,+ pati ang mga Levita, na mga anak ni Asap, na may mga simbalo,* ay tumayo para purihin si Jehova ayon sa utos ni Haring David ng Israel.+ 11 At salitan silang umawit+ ng papuri at pasasalamat kay Jehova, “dahil siya ay mabuti; ang kaniyang tapat na pag-ibig sa Israel ay walang hanggan.”+ Pagkatapos, ang buong bayan ay sumigaw ng papuri kay Jehova dahil natapos na ang pundasyon ng bahay ni Jehova. 12 Marami sa mga saserdote, mga Levita, at mga ulo ng mga angkan—ang matatandang lalaki na nakakita sa unang bahay+—ang umiyak nang malakas nang makita nila ang paggawa ng pundasyon ng bahay na ito, samantalang ang maraming iba pa ay humihiyaw nang napakalakas dahil sa kagalakan.+ 13 Kaya hindi malaman ng bayan kung alin ang hiyaw ng kagalakan at kung alin ang ingay ng pag-iyak dahil napakalakas ng sigaw ng bayan, at dinig na dinig ito hanggang sa malayo.