Genesis
32 Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay, at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. 2 At pagkakita ni Jacob sa kanila, sinabi niya: “Ito ang kampo ng Diyos!” Kaya tinawag niyang Mahanaim* ang lugar na iyon.
3 Pagkatapos, nagpauna si Jacob ng mga mensahero papunta sa kapatid niyang si Esau na nasa lupain ng Seir,+ na teritoryo ng Edom,+ 4 at inutusan niya sila: “Ito ang sasabihin ninyo sa panginoon kong si Esau, ‘Ito ang sinabi ng lingkod mong si Jacob: “Nanirahan akong* kasama ni Laban nang matagal na panahon.+ 5 At nagkaroon ako ng mga toro, asno, tupa, at mga alilang lalaki at babae,+ at ipinaaalam ko sa panginoon ko ang bagay na ito, para malugod ka sa akin.”’”
6 Pagkatapos, bumalik kay Jacob ang mga mensahero at nagsabi: “Nakausap namin ang kapatid mong si Esau, at papunta na siya para salubungin ka, at may kasama siyang 400 lalaki.”+ 7 Natakot nang husto si Jacob at nag-alala.+ Kaya hinati niya sa dalawang kampo ang mga taong kasama niya, pati na ang mga tupa, kambing, baka, at mga kamelyo. 8 Sinabi niya: “Kung salakayin ni Esau ang isang kampo, makatatakas pa ang isang kampo.”
9 Pagkatapos, sinabi ni Jacob: “O Diyos ng ama kong si Abraham at Diyos ng ama kong si Isaac, O Jehova, ikaw na nagsabi sa akin, ‘Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong mga kamag-anak, at gagawan kita ng mabuti,’+ 10 hindi ako karapat-dapat sa lahat ng tapat na pag-ibig at katapatan na ipinakita mo sa iyong lingkod,+ dahil baston lang ang dala ko nang tawirin ko itong Jordan at ngayon ay dalawang kampo na ako.+ 11 Dalangin ko, iligtas mo ako+ mula sa kamay ng kapatid kong si Esau, dahil natatakot ako na baka dumating siya para salakayin ako,+ pati na ang mga babae at mga bata.* 12 At sinabi mo: ‘Tiyak na gagawan kita ng mabuti, at ang mga supling* mo ay gagawin kong gaya ng mga butil ng buhangin sa dagat, na napakarami para bilangin.’”+
13 At doon siya nagpalipas ng gabi. Pagkatapos, mula sa mga pag-aari niya ay pumili siya ng ibibigay sa kapatid niyang si Esau:+ 14 200 babaeng kambing, 20 lalaking kambing, 200 babaeng tupa, 20 lalaking tupa, 15 30 kamelyo at mga pasusuhin nito, 40 baka, 10 toro, 20 babaeng asno, at 10 lalaking asno na husto na ang gulang.+
16 Ipinagkatiwala niya ang bawat kawan sa mga lingkod niya at sinabi: “Mauna kayong tumawid sa akin, at maglagay kayo ng agwat sa pagitan ng bawat kawan.” 17 Inutusan din niya ang unang lingkod: “Kapag sinalubong ka ng kapatid kong si Esau at tinanong ka, ‘Sino ang panginoon mo, saan ka pupunta, at kaninong kawan ang nasa unahan mo?’ 18 sabihin mo sa kaniya, ‘Alipin ako ng inyong lingkod na si Jacob. Regalo niya ito sa panginoon kong si Esau.+ Ang totoo, kasunod din namin siya!’” 19 At inutusan din niya ang ikalawa, ang ikatlo, at ang lahat ng iba pang lingkod na pinagkatiwalaan ng kawan: “Ito rin ang sasabihin ninyo kay Esau kapag nasalubong ninyo siya. 20 At sabihin din ninyo, ‘Kasunod din namin ang inyong lingkod na si Jacob.’” Dahil sinabi niya sa sarili niya: ‘Kung mapalulubag ko ang loob niya sa pamamagitan ng regalo sa unahan ko,+ baka maging mabait siya sa pagtanggap sa akin kapag nagkita kami.’ 21 Kaya naunang tumawid ang mga lingkod niya dala ang regalo, at siya naman ay nagpalipas ng gabi sa kampo.
22 Nang malalim na ang gabi, bumangon siya at isinama ang kaniyang dalawang asawa,+ dalawang alilang babae,+ at 11 batang anak na lalaki, at tumawid sila sa mababaw na bahagi ng ilog ng Jabok.+ 23 Kaya itinawid niya sila sa ilog,* at dinala rin niya ang lahat ng pag-aari niya.
24 Nang dakong huli, naiwang mag-isa si Jacob. At isang lalaki ang nakipagbuno sa kaniya hanggang sa magbukang-liwayway.+ 25 Nang makita ng lalaki na hindi niya ito matalo, hinawakan niya ang hugpungan ng balakang nito; kaya nalinsad ang hugpungan ng balakang ni Jacob habang nakikipagbuno ito sa lalaki.+ 26 At sinabi ng lalaki: “Bitawan mo ako, dahil nagbubukang-liwayway na.” Sinabi ni Jacob: “Hindi kita bibitawan hangga’t hindi mo ako pinagpapala.”+ 27 Kaya nagtanong siya: “Ano ang pangalan mo?” Sinabi nito: “Jacob.” 28 Pagkatapos ay sinabi niya: “Ang pangalan mo ay hindi na Jacob kundi Israel,*+ dahil nakipagpunyagi ka sa Diyos+ at sa mga tao, at sa wakas ay nanalo ka.” 29 Sinabi naman ni Jacob: “Pakisuyo, sabihin mo sa akin ang pangalan mo.” Pero sinabi niya: “Bakit mo tinatanong ang pangalan ko?”+ At pinagpala niya ito roon. 30 Kaya tinawag ni Jacob na Peniel*+ ang lugar na iyon, dahil sinabi niya, “Nakita ko ang Diyos nang mukhaan, pero hindi ako namatay.”+
31 At sumikat na ang araw nang umalis siya sa Penuel,* pero iika-ika siya dahil sa balakang niya.+ 32 Iyan ang dahilan kung bakit hanggang sa araw na ito ay hindi nasanay ang mga anak ni Israel na kumain ng litid sa hita, na nasa hugpungan ng balakang, dahil hinawakan ng lalaki ang hugpungan ng balakang ni Jacob, sa may litid sa hita.