Mga Hukom
13 Muling ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova,+ at ibinigay sila ni Jehova sa kamay ng mga Filisteo+ nang 40 taon.
2 Samantala, may isang lalaki sa Zora+ mula sa pamilya ng mga Danita+ na ang pangalan ay Manoa.+ Ang asawa niya ay baog at walang anak.+ 3 Nang maglaon, nagpakita sa babae ang anghel ni Jehova at sinabi nito: “Ikaw ay baog at walang anak. Pero magdadalang-tao ka at magsisilang ng isang anak na lalaki.+ 4 Kaya ngayon ay huwag kang iinom ng alak o ng anumang nakalalasing,+ at huwag kang kakain ng anumang bagay na marumi.+ 5 Magdadalang-tao ka at magsisilang ng isang anak na lalaki, at hindi siya puwedeng putulan ng buhok sa ulo,+ dahil ang bata ay magiging isang Nazareo ng Diyos mula sa araw na isilang siya,* at siya ang mangunguna sa pagliligtas sa Israel mula sa kamay ng mga Filisteo.”+
6 Pagkatapos, nagpunta ang babae sa asawa niya at nagsabi: “Isang lingkod ng tunay na Diyos ang nagpunta sa akin, at ang hitsura niya ay parang anghel ng tunay na Diyos, talagang kamangha-mangha. Hindi ko siya tinanong kung saan siya nanggaling, at hindi rin niya sinabi sa akin ang pangalan niya.+ 7 Pero sinabi niya sa akin, ‘Magdadalang-tao ka at magsisilang ng isang anak na lalaki. Kaya ngayon ay huwag kang iinom ng alak o ng anumang nakalalasing, at huwag kang kakain ng anumang bagay na marumi, dahil ang bata ay magiging isang Nazareo ng Diyos mula sa araw na isilang siya* hanggang sa mamatay siya.’”
8 Nakiusap si Manoa kay Jehova: “Pakisuyo, Jehova, pabalikin mo ang lingkod ng tunay na Diyos na kasusugo mo lang para maturuan niya kami kung ano ang gagawin sa batang ipanganganak.” 9 Pinakinggan ng tunay na Diyos si Manoa, at ang anghel ng tunay na Diyos ay bumalik sa babae habang nakaupo siya sa labas; hindi niya kasama ang asawa niyang si Manoa. 10 Agad na tumakbo ang babae sa asawa niya at sinabi niya rito: “Nagpakita sa akin ang lalaking nagpunta rito noong isang araw.”+
11 Kaya sumama si Manoa sa asawa niya. Pinuntahan niya ang lalaki at sinabi rito: “Ikaw ba ang lalaking nakipag-usap sa asawa ko?” Sumagot ito: “Ako nga.” 12 Pagkatapos ay sinabi ni Manoa: “Magkatotoo nawa ang mga sinabi mo! Ano ang magiging buhay ng bata at ano ang gagawin niya?”+ 13 Kaya sinabi ng anghel ni Jehova kay Manoa: “Dapat iwasan ng asawa mo ang lahat ng bagay na binanggit ko sa kaniya.+ 14 Hindi siya dapat kumain ng anuman mula sa punong ubas, hindi siya dapat uminom ng alak o ng anumang nakalalasing,+ at hindi siya dapat kumain ng anumang bagay na marumi.+ Sundin niya ang lahat ng iniutos ko sa kaniya.”
15 Sinabi ngayon ni Manoa sa anghel ni Jehova: “Pakisuyong huwag ka munang umalis, at maghahanda kami ng isang batang kambing para sa iyo.”+ 16 Pero sinabi ng anghel ni Jehova kay Manoa: “Kahit manatili ako, hindi ko kakainin ang pagkain; pero kung gusto mong mag-alay ng isang handog na sinusunog para kay Jehova, maaari kang maghandog.” Hindi alam ni Manoa na ito ay anghel ni Jehova. 17 Pagkatapos ay sinabi ni Manoa sa anghel ni Jehova: “Ano ang pangalan mo,+ para maparangalan ka namin kapag nagkatotoo ang mga sinabi mo?” 18 Pero sinabi sa kaniya ng anghel ni Jehova: “Huwag mong itanong ang pangalan ko, dahil kamangha-mangha ito.”
19 At kinuha ni Manoa ang batang kambing at ang handog na mga butil at inihandog iyon sa ibabaw ng bato para kay Jehova. At Siya ay may ginagawang kamangha-mangha habang nakatingin si Manoa at ang asawa nito. 20 Habang pumapaitaas sa langit ang apoy mula sa altar, ang anghel ni Jehova ay pumaitaas kasama ng apoy samantalang nakatingin si Manoa at ang asawa niya. Agad silang sumubsob sa lupa. 21 Hindi na muling nagpakita ang anghel ni Jehova kay Manoa at sa asawa niya. Noon lang nalaman ni Manoa na ito ay anghel ni Jehova.+ 22 At sinabi ni Manoa sa asawa niya: “Siguradong mamamatay tayo, dahil ang Diyos ang nakita natin.”+ 23 Pero sinabi sa kaniya ng asawa niya: “Kung gusto tayong patayin ni Jehova, hindi sana niya tinanggap ang handog na sinusunog+ at ang handog na mga butil mula sa kamay natin, hindi sana niya ipinakita sa atin ang lahat ng bagay na ito, at hindi sana niya sinabi sa atin ang alinman sa mga bagay na ito.”
24 Nang maglaon, nagsilang ang babae ng isang anak na lalaki at pinangalanan niya itong Samson;+ at habang lumalaki ang bata, patuloy siyang pinagpapala ni Jehova. 25 Sa kalaunan, sumakaniya ang espiritu ni Jehova+ sa Mahane-dan,+ sa pagitan ng Zora at Estaol.+