Exodo
38 Ginawa niya ang altar ng handog na sinusunog gamit ang kahoy ng akasya. Iyon ay parisukat, limang siko* ang haba, limang siko ang lapad, at tatlong siko ang taas.+ 2 At ginawa niya ang mga sungay nito sa tuktok ng apat na kanto nito. Ang mga sungay at ang altar ay walang dugtungan. Sumunod ay binalutan niya iyon ng tanso.+ 3 Pagkatapos, ginawa niya ang lahat ng kagamitan ng altar: ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, tinidor, at mga lalagyan ng baga.* Ginawa niya ang lahat ng kagamitan nito gamit ang tanso. 4 Gumawa rin siya para sa altar ng isang parilya* na yari sa tanso at inilagay iyon sa bandang gitna ng altar, sa ilalim ng panggilid na nakapalibot dito. 5 Naghulma siya ng apat na argolya* na pagsusuotan ng mga pingga* at ikinabit ang mga iyon sa apat na kanto na malapit sa tansong parilya. 6 Pagkatapos, gumawa siya ng mga pingga na yari sa kahoy ng akasya at binalutan ng tanso ang mga iyon. 7 Ang mga pingga na pambuhat sa altar ay ipinasok niya sa mga argolya na nasa mga gilid ng altar. Ginawa niya ang altar na gaya ng isang kahon na yari sa mga tabla.
8 Ginawa niya ang tansong tipunan ng tubig+ at tansong patungan nito; ginamit niya ang mga salamin* ng mga babae na inorganisa para maglingkod sa pasukan ng tolda ng pagpupulong.
9 Pagkatapos, gumawa siya ng looban+ para sa tabernakulo. Para sa timugang bahagi ng looban, gumawa siya ng nakasabit na tabing na yari sa magandang klase ng pinilipit na lino, 100 siko.+ 10 Mayroon itong 20 haligi at 20 may-butas na patungang yari sa tanso, at ang mga kawit ng mga haligi at ang mga pandugtong* nito ay yari sa pilak. 11 Ang hilagang bahagi ay mayroon ding 100 siko ng nakasabit na tabing. Ang 20 haligi at 20 may-butas na patungan nito ay yari sa tanso. Ang mga kawit ng mga haligi at ang mga pandugtong* nito ay yari sa pilak. 12 Pero sa kanlurang bahagi, ang nakasabit na tabing ay 50 siko. Mayroon itong 10 haligi at 10 may-butas na patungan, at ang mga kawit ng mga haligi at ang mga pandugtong* nito ay yari sa pilak. 13 Ang lapad ng silangang bahagi na nakaharap sa sikatan ng araw ay 50 siko. 14 Ang nakasabit na tabing sa isang panig nito ay 15 siko; mayroon itong tatlong haligi at tatlong may-butas na patungan. 15 At para sa kabilang panig ng pasukan ng looban, ang nakasabit na tabing ay 15 siko; mayroon itong tatlong haligi at tatlong may-butas na patungan. 16 Ang lahat ng nakasabit na tabing sa palibot ng looban ay yari sa magandang klase ng pinilipit na lino. 17 Ang may-butas na mga patungan ng mga haligi ay yari sa tanso, ang mga kawit ng mga haligi at ang mga pandugtong* nito ay yari sa pilak, ang mga itaas na bahagi nito ay binalutan ng pilak, at ang lahat ng haligi sa looban ay may mga pilak na pangkabit.+
18 Ang pantabing* sa pasukan ng looban ay hinabi gamit ang asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino. Ang haba nito ay 20 siko at ang taas ay 5 siko, na kasintaas ng nakasabit na mga tabing sa looban.+ 19 Ang apat na haligi nito at ang apat na may-butas na patungan ng mga ito ay yari sa tanso. Ang mga kawit at pandugtong* nito ay yari sa pilak, at ang mga itaas na bahagi nito ay binalutan ng pilak. 20 Ang lahat ng tulos na pantolda para sa tabernakulo at sa palibot ng looban ay yari sa tanso.+
21 Ang sumusunod ay ang imbentaryo* ng materyales na ginamit sa tabernakulo, ang tabernakulo ng Patotoo.+ Ang pag-iimbentaryo ay iniutos ni Moises at nakaatas sa mga Levita+ sa ilalim ng pangangasiwa ni Itamar+ na anak ng saserdoteng si Aaron. 22 Ginawa ni Bezalel+ na anak ni Uri na anak ni Hur na mula sa tribo ni Juda ang lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises. 23 Kasama niya si Oholiab+ na anak ni Ahisamac na mula sa tribo ni Dan, isang bihasang manggagawa at burdador at manghahabi na gumagamit ng asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng lino.
24 Ang gintong ginamit sa lahat ng gawain sa banal na lugar ay 29 na talento* at 730 siklo* ayon sa siklo ng banal na lugar,* at ito ang dami ng ginto na iniharap bilang handog na iginagalaw.*+ 25 Ang pilak ng mga nairehistro sa sensus ay 100 talento at 1,775 siklo ayon sa siklo ng banal na lugar.* 26 Ang bawat tao, ang bawat lalaking nairehistro mula 20 taóng gulang pataas, ay nagdala ng kalahating siklo ayon sa siklo ng banal na lugar;*+ silang lahat ay 603,550.+
27 Ang hinulmang may-butas na mga patungan sa banal na lugar at ang may-butas na mga patungan ng kurtina ay umabot nang 100 talento; ang 100 may-butas na patungan ay 100 talento, isang talento para sa bawat may-butas na patungan.+ 28 Mula sa 1,775 siklo, gumawa siya ng mga kawit para sa mga haligi at binalutan ang itaas na bahagi ng mga ito at pinagdugtong-dugtong.
29 Ang tanso na inihandog* ay 70 talento at 2,400 siklo. 30 Ginamit niya ito sa paggawa ng may-butas na mga patungan sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, tansong altar at tansong parilya nito, lahat ng kagamitan ng altar, 31 may-butas na mga patungan sa palibot ng looban, may-butas na mga patungan sa pasukan ng looban, at lahat ng tulos na pantolda ng tabernakulo at lahat ng tulos na pantolda+ sa palibot ng looban.