Exodo
40 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: 2 “Sa unang araw ng unang buwan, itatayo mo ang tabernakulo, ang tolda ng pagpupulong.+ 3 Ilagay mo roon ang kaban ng Patotoo,+ at tabingan mo ng kurtina ang Kaban.+ 4 Ipasok mo roon ang mesa+ at ayusin ang mga bagay sa ibabaw nito, at ipasok mo ang kandelero+ at sindihan ang mga ilawan nito.+ 5 Pagkatapos, ilagay mo ang gintong altar ng insenso+ sa harap ng kaban ng Patotoo, at ilagay mo ang pantabing* para sa pasukan ng tabernakulo.+
6 “Ilagay mo ang altar ng handog na sinusunog+ sa tapat ng pasukan ng tabernakulo, ang tolda ng pagpupulong, 7 at ilagay mo ang tipunan ng tubig sa pagitan ng tolda ng pagpupulong at ng altar, at lagyan mo iyon ng tubig.+ 8 Pagkatapos, itayo mo ang bakod sa palibot para magkaroon ng looban,+ at ikabit mo ang pantabing*+ para sa pasukan ng looban. 9 At kunin mo ang langis para sa pag-aatas+ at pahiran* mo ang tabernakulo at ang lahat ng naroon,+ at pabanalin mo iyon at ang lahat ng kagamitan nito para maging banal iyon. 10 Pahiran mo ang altar ng handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito, at pabanalin mo ang altar para iyon ay maging isang kabanal-banalang altar.+ 11 At pahiran mo ang tipunan ng tubig at patungan nito, at pabanalin mo iyon.
12 “Pagkatapos, dalhin mo si Aaron at ang mga anak niya malapit sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, at utusan mo silang maligo.*+ 13 Isuot mo kay Aaron ang banal na kasuotan+ at pahiran mo siya ng langis+ at pabanalin, at maglilingkod siya sa akin bilang saserdote. 14 Pagkatapos, iharap mo sa akin ang mga anak niya, at isuot mo sa kanila ang mahahabang damit.+ 15 Pahiran mo sila gaya ng ginawa mo sa kanilang ama+ para makapaglingkod sila sa akin bilang mga saserdote; at dahil sa pagpapahid na ito, ang pagkasaserdote ay mananatili sa kanila, sa lahat ng henerasyon nila hanggang sa panahong walang takda.”+
16 Ginawa ni Moises ang lahat ayon sa iniutos ni Jehova sa kaniya.+ Gayong-gayon ang ginawa niya.
17 Nang ikalawang taon, noong unang araw ng unang buwan, ang tabernakulo ay naitayo.+ 18 Nang itayo ni Moises ang tabernakulo, inilatag niya ang may-butas na mga patungan nito,+ inilagay ang mga hamba,+ isinuot ang mga barakilan,*+ at itinayo ang mga haligi. 19 Iniladlad niya ang tolda+ sa ibabaw ng tabernakulo at inilagay ang pantakip+ ng tolda sa ibabaw nito, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
20 Pagkatapos, kinuha niya ang Patotoo+ at inilagay iyon sa loob ng Kaban+ at isinuot ang mga pingga*+ sa Kaban at inilagay ang pantakip+ sa ibabaw ng Kaban.+ 21 Ipinasok niya ang Kaban sa tabernakulo at inilagay ang kurtinang+ pantabing at tinabingan ang kaban ng Patotoo,+ gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
22 Pagkatapos, inilagay niya ang mesa+ sa loob ng tolda ng pagpupulong sa hilagang bahagi ng tabernakulo sa labas ng kurtina, 23 at inayos niya ang magkakapatong na tinapay+ sa ibabaw nito sa harap ni Jehova, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
24 Inilagay niya ang kandelero+ sa loob ng tolda ng pagpupulong sa tapat ng mesa, sa timugang bahagi ng tabernakulo. 25 Sinindihan niya ang mga ilawan+ sa harap ni Jehova, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
26 Pagkatapos, inilagay niya ang gintong altar+ sa loob ng tolda ng pagpupulong sa harap ng kurtina 27 para makapagpausok ng mabangong insenso+ sa ibabaw nito,+ gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
28 Inilagay niya ang pantabing*+ para sa pasukan ng tabernakulo.
29 Inilagay niya ang altar ng handog na sinusunog+ sa pasukan ng tabernakulo, ang tolda ng pagpupulong, para maihandog niya sa ibabaw nito ang handog na sinusunog+ at handog na mga butil, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
30 Pagkatapos, inilagay niya ang tipunan ng tubig sa pagitan ng tolda ng pagpupulong at ng altar, at nilagyan niya iyon ng tubig para sa paghuhugas.+ 31 Doon naghugas ng mga kamay at paa si Moises at si Aaron at ang mga anak nito. 32 Naghuhugas sila tuwing pumapasok sila sa tolda ng pagpupulong o lumalapit sa altar,+ gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
33 Bilang panghuli, itinayo niya ang bakod sa palibot ng tabernakulo at altar para magkaroon ng looban,+ at ikinabit niya ang pantabing* para sa pasukan ng looban.+
At natapos ni Moises ang gawain. 34 At tinakpan ng ulap ang tolda ng pagpupulong, at napuno ng kaluwalhatian ni Jehova ang tabernakulo.+ 35 Hindi makapasok si Moises sa tolda ng pagpupulong, dahil nanatili sa ibabaw nito ang ulap, at napuno ng kaluwalhatian ni Jehova ang tabernakulo.+
36 Kapag pumapaitaas ang ulap mula sa tabernakulo, inililigpit ng mga Israelita ang mga tolda nila at nagpapatuloy sa paglalakbay; ganito ang ginagawa nila sa buong panahon ng kanilang paglalakbay.+ 37 Pero kapag hindi pumapaitaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy sa paglalakbay hanggang sa araw na pumaitaas iyon.+ 38 Dahil ang ulap ni Jehova ay nasa ibabaw ng tabernakulo sa araw at isang apoy ang nananatili sa ibabaw nito sa gabi. Nakikita ito ng buong sambahayan ng Israel sa buong panahon ng kanilang paglalakbay.+