Ikalawang Cronica
26 Pagkatapos, kinuha ng buong bayan ng Juda si Uzias,+ na 16 na taóng gulang, at ginawa nila siyang hari kapalit ng ama niyang si Amazias.+ 2 Muli niyang itinayo ang Elot+ at ibinalik ito sa Juda pagkamatay ng* hari.*+ 3 Si Uzias+ ay 16 na taóng gulang nang maging hari, at 52 taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Jecolias ng Jerusalem.+ 4 Patuloy niyang ginawa ang tama sa paningin ni Jehova, gaya ng ginawa ng ama niyang si Amazias.+ 5 At patuloy niyang hinanap ang Diyos noong panahon ni Zacarias, na nagturo sa kaniya na matakot sa tunay na Diyos. Noong hinahanap niya si Jehova, pinasagana siya ng tunay na Diyos.+
6 Nakipaglaban siya sa mga Filisteo+ at sinira niya ang pader ng Gat,+ ang pader ng Jabne,+ at ang pader ng Asdod+ at pinasok ang mga ito. Pagkatapos, nagtayo siya ng mga lunsod sa teritoryo ng Asdod at ng mga Filisteo. 7 Patuloy siyang tinulungan ng tunay na Diyos sa pakikipaglaban sa mga Filisteo, sa mga Arabe+ na nakatira sa Gurbaal, at sa mga Meunim. 8 Ang mga Ammonita+ ay nagsimulang magbigay ng tributo* kay Uzias. Nang maglaon, naging kilala siya hanggang sa Ehipto, dahil naging napakamakapangyarihan niya. 9 Bukod diyan, nagtayo si Uzias ng mga tore+ sa Jerusalem sa tabi ng Panulukang Pintuang-Daan,+ Pintuang-Daan ng Lambak,+ at ng Sumusuportang Haligi, at pinatatag niya ang mga iyon. 10 Nagtayo rin siya ng mga tore+ sa ilang at humukay* ng maraming imbakan ng tubig (dahil napakarami niyang alagang hayop); ganoon din ang ginawa niya sa Sepela at sa kapatagan.* Mayroon siyang mga magsasaka at mga tagapag-alaga ng ubasan sa mga bundok at sa Carmel, dahil hilig niya ang agrikultura.
11 Bukod diyan, nagkaroon si Uzias ng hukbong sinanay na mabuti sa digmaan. Nakikipagdigma sila nang pangkat-pangkat. Binilang sila at inirehistro+ ng kalihim+ na si Jeiel at ng opisyal na si Maaseias, sa ilalim ng pangangasiwa ni Hananias, na isa sa matataas na opisyal ng hari. 12 Lahat-lahat, ang mga ulo ng mga angkan na namamahala sa malalakas na mandirigmang ito ay 2,600. 13 Ang hukbo na nasa pangangasiwa nila ay binubuo ng 307,500 lalaking handa sa digmaan, isang malakas na hukbong sumusuporta sa hari laban sa mga kaaway.+ 14 Binigyan ni Uzias ang buong hukbo ng mga kalasag, sibat,+ helmet, kutamaya,*+ pana, at mga batong panghilagpos.+ 15 Bukod diyan, gumawa siya sa Jerusalem ng mga makinang pandigma na dinisenyo ng mga inhinyero; nakapuwesto ang mga iyon sa mga tore+ at sa mga kanto ng mga pader. Nakapagpapahilagpos ang mga iyon ng mga palaso at malalaking bato. Kaya naging kilala siya kahit sa malalayong lupain, dahil malaking tulong ang natanggap niya at naging makapangyarihan siya.
16 Pero nang makapangyarihan na siya, naging mapagmataas siya at ito ang nagpahamak sa kaniya. Hindi siya naging tapat sa Diyos niyang si Jehova nang pumasok siya sa templo ni Jehova para magsunog ng insenso sa altar ng insenso.+ 17 Agad siyang sinundan ng saserdoteng si Azarias at ng 80 iba pang magigiting na saserdote ni Jehova. 18 Hinarap nila si Haring Uzias at sinabi sa kaniya: “Uzias, hindi ikaw ang dapat magsunog ng insenso para kay Jehova!+ Mga saserdote lang ang dapat magsunog ng insenso, dahil sila ang mga inapo ni Aaron,+ ang mga pinabanal. Lumabas ka sa santuwaryo dahil hindi ka naging tapat, at hindi ka tatanggap ng kaluwalhatian mula sa Diyos na Jehova sa ginawa mo.”
19 Pero nagalit+ si Uzias, na nasa tabi ng altar ng insenso sa bahay ni Jehova at may hawak na insensaryo para magsunog ng insenso. At habang nag-iinit siya sa galit sa mga saserdote, bigla siyang nagkaketong+ sa noo sa harap ng mga saserdote. 20 Nang tingnan siya ng punong saserdoteng si Azarias at ng lahat ng saserdote, nakita nila ang ketong sa noo niya! Kaya inilabas nila siya agad; siya mismo ay nagmamadaling lumabas, dahil pinarusahan siya ni Jehova.
21 Si Haring Uzias ay nanatiling ketongin hanggang sa araw na mamatay siya; nanatili siya sa hiwalay na bahay at hindi na pinayagang pumunta sa bahay ni Jehova dahil sa ketong+ niya. Ang anak niyang si Jotam ang nangasiwa sa bahay* ng hari at humatol sa bayan.+
22 At ang iba pang nangyari kay Uzias, mula sa umpisa hanggang sa katapusan, ay isinulat ng propetang si Isaias+ na anak ni Amoz. 23 Pagkatapos, si Uzias ay namatay* at inilibing nila siyang kasama ng mga ninuno niya, pero sa isang parang na pag-aari ng mga hari,* dahil sinabi nila: “Ketongin siya.” At ang anak niyang si Jotam+ ang naging hari kapalit niya.