Deuteronomio
9 “Makinig kayo, O Israel, tatawirin ninyo ngayon ang Jordan+ para makuha ang lupain ng mga bansa na mas dakila at mas malalakas kaysa sa inyo,+ mga lunsod na malalaki at abot-langit ang pader,+ 2 mga taong malalakas at matatangkad, ang mga Anakim;+ kilala ninyo sila at narinig ninyong sinabi tungkol sa kanila, ‘Sino ang makakatalo sa mga anak ni Anak?’ 3 Kaya tandaan ninyo ngayon na ang Diyos ninyong si Jehova ay tatawid sa unahan ninyo.+ Siya ay isang apoy na tumutupok,+ at lilipulin niya sila. Tatalunin niya sila sa harap ninyo para madali ninyo silang maitaboy at mapuksa,* gaya ng ipinangako sa inyo ni Jehova.+
4 “Kapag itinaboy sila ng Diyos ninyong si Jehova mula sa harap ninyo, huwag ninyong isipin, ‘Matuwid kami kaya ibinigay sa amin ni Jehova ang lupaing ito.’+ Ang totoo, masama ang mga bansang ito+ kaya sila itataboy ni Jehova mula sa harap ninyo. 5 Hindi dahil sa matuwid kayo o malinis ang puso ninyo kaya ninyo makukuha ang lupain nila. Itataboy ng Diyos ninyong si Jehova ang mga bansang ito mula sa harap ninyo dahil masasama sila+ at para matupad ni Jehova ang ipinangako niya sa inyong mga ninuno na sina Abraham,+ Isaac,+ at Jacob.+ 6 Kaya tandaan ninyo na hindi dahil sa matuwid kayo kaya ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova ang magandang lupaing ito, dahil kayo ay isang bayang matigas ang ulo.*+
7 “Alalahanin ninyo—huwag ninyong kalimutan—kung paano ninyo ginalit ang Diyos ninyong si Jehova sa ilang.+ Mula nang araw na umalis kayo sa Ehipto hanggang sa pagdating ninyo sa lugar na ito, naghimagsik kayo kay Jehova.+ 8 Ginalit din ninyo si Jehova sa Horeb, at galit na galit sa inyo si Jehova kaya handa na siyang lipulin kayo.+ 9 Nang umakyat ako sa bundok para tanggapin ang mga tapyas ng bato,+ ang mga tapyas ng tipan ni Jehova sa inyo,+ nanatili ako sa bundok nang 40 araw at 40 gabi,+ at hindi ako kumain ng anuman o uminom ng tubig. 10 Pagkatapos, ibinigay sa akin ni Jehova ang dalawang tapyas ng bato na sinulatan ng daliri ng Diyos, at nasa mga iyon ang lahat ng sinabi sa inyo ni Jehova sa bundok noong magsalita siya mula sa apoy nang araw na tipunin ang bayan.*+ 11 Sa pagtatapos ng 40 araw at 40 gabi, ibinigay sa akin ni Jehova ang dalawang tapyas ng bato, ang mga tapyas ng tipan, 12 at sinabi ni Jehova, ‘Bumaba ka, bilisan mo, dahil gumawi nang kapaha-pahamak ang iyong bayan na inilabas mo sa Ehipto.+ Lumihis na sila agad mula sa daan na iniutos kong lakaran nila. Gumawa sila para sa kanilang sarili ng isang metal na imahen.’+ 13 At sinabi sa akin ni Jehova, ‘Nakita ko ang bayang ito, at matigas ang ulo* ng bayang ito.+ 14 Hayaan mo akong lipulin sila at burahin ang pangalan nila sa ibabaw ng lupa,* at gagawin kitang isang bansa na mas malakas at mas malaki kaysa sa kanila.’+
15 “Pagkatapos, bumaba ako sa bundok habang nag-aapoy iyon,+ at hawak ko sa dalawang kamay ang dalawang tapyas ng tipan.+ 16 At nakita ko na nagkasala kayo sa Diyos ninyong si Jehova! Gumawa kayo para sa inyong sarili ng metal na guya.* Lumihis kayo agad mula sa daan na iniutos ni Jehova na lakaran ninyo.+ 17 Kaya inihagis ko ang dalawang tapyas at nabasag ang mga iyon sa harap ninyo.+ 18 At gaya noong una, sumubsob ako sa harap ni Jehova nang 40 araw at 40 gabi. Hindi ako kumain ng anuman o uminom ng tubig,+ dahil sa lahat ng kasalanan ninyo nang gawin ninyo ang masama sa paningin ni Jehova at galitin siya. 19 Natakot ako dahil nagalit nang husto si Jehova sa inyo+ hanggang sa puntong handa na niya kayong lipulin. Pero nakinig ulit si Jehova sa akin nang pagkakataong iyon.+
20 “Galit na galit si Jehova kay Aaron kaya handa na niya itong patayin,+ pero nagsumamo rin ako noon para kay Aaron. 21 Pagkatapos, kinuha ko ang ginawa ninyong guya,+ ang dahilan ng pagkakasala ninyo, at sinunog iyon; dinurog ko iyon at giniling hanggang sa maging pinong gaya ng alabok, at itinapon ko ang alabok sa tubig na umaagos mula sa bundok.+
22 “Ginalit din ninyo si Jehova sa Tabera,+ sa Masah,+ at sa Kibrot-hataava.+ 23 Nang isugo kayo ni Jehova mula sa Kades-barnea+ at sabihin niya, ‘Kunin ninyo ang lupain na tiyak na ibibigay ko sa inyo!’ sumuway ulit kayo sa utos ng Diyos ninyong si Jehova,+ at hindi kayo nanampalataya+ at sumunod sa kaniya. 24 Mapaghimagsik na kayo kay Jehova mula pa noong makilala ko kayo.
25 “Kaya paulit-ulit akong sumubsob sa harap ni Jehova nang 40 araw at 40 gabi;+ ginawa ko ito dahil sinabi ni Jehova na lilipulin niya kayo. 26 Nagsumamo ako kay Jehova, ‘O Kataas-taasang Panginoong Jehova, huwag mong ipahamak ang iyong bayan. Sila ay iyong pag-aari,*+ na tinubos mo sa pamamagitan ng iyong kadakilaan at inilabas sa Ehipto gamit ang iyong makapangyarihang kamay.+ 27 Alalahanin mo ang iyong mga lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob.+ Huwag mong pansinin ang katigasan ng ulo, kasamaan, at kasalanan ng bayang ito.+ 28 Dahil baka sabihin ng mga tao sa lupain kung saan mo kami inilabas: “Hindi sila madala ni Jehova sa lupaing ipinangako niya sa kanila, at dahil napoot siya sa kanila, inilabas niya sila para patayin sa ilang.”+ 29 Sila ang iyong bayan at iyong pag-aari,*+ na inilabas mo gamit ang iyong malakas na kapangyarihan at unat na bisig.’+