Mga Hukom
19 Noong panahong iyon na walang hari sa Israel,+ isang Levita na naninirahan sa liblib na bahagi ng mabundok na rehiyon ng Efraim+ ang kumuha ng asawa* mula sa Betlehem+ ng Juda. 2 Pero pinagtaksilan siya ng asawa niya, at iniwan siya nito at umuwi sa bahay ng ama nito sa Betlehem ng Juda. Nanatili ito roon nang apat na buwan. 3 Pagkatapos, sinundan niya ang asawa niya para kumbinsihin itong bumalik; kasama ng lalaki ang kaniyang lalaking tagapaglingkod at dalawang asno. Kaya pinatuloy siya ng babae sa bahay ng ama nito. Nang makita siya ng ama ng babae, masaya siyang tinanggap nito. 4 At kinumbinsi siya ng kaniyang biyenan, ang ama ng babae, na manatili sa bahay nito nang tatlong araw; at kumakain sila at umiinom, at doon siya nagpapalipas ng gabi.
5 Noong ikaapat na araw, nang maaga silang gumising para umalis, sinabi ng ama ng babae sa manugang niya: “Kumain ka para magkaroon ka ng lakas,* at pagkatapos ay makaaalis na kayo.” 6 Kaya umupo sila at magkasamang kumain at uminom; pagkatapos, sinabi ng ama ng babae sa lalaki: “Pakisuyo, dito ka na magpalipas ng gabi at magsaya ka.”* 7 Nang tumayo ang lalaki para umalis, patuloy siyang pinakiusapan ng kaniyang biyenan, kaya doon siya muling nagpalipas ng gabi.
8 Nang maaga siyang gumising noong ikalimang araw para umalis, sinabi ng ama ng babae: “Pakisuyo, kumain ka para magkaroon ka ng lakas.”* At silang dalawa ay patuloy na kumain, at inabot na sila ng hapon. 9 Nang tumayo ang lalaki para umalis kasama ang kaniyang asawa at ang kaniyang tagapaglingkod, sinabi sa kaniya ng biyenan niya, ang ama ng babae: “Tingnan mo! Pagabi na. Pakisuyo, dito na kayo magpalipas ng gabi. Matatapos na ang araw. Dito ka na magpalipas ng gabi at magsaya ka. Bukas, puwede kayong gumising nang maaga at maglakbay pauwi sa bahay* mo.” 10 Pero ayaw na ng lalaki na magpalipas pa ng gabi roon, kaya tumayo siya at naglakbay hanggang sa Jebus, na siyang Jerusalem.+ Kasama niya ang dalawang asno na may síya,* ang kaniyang asawa, at ang kaniyang tagapaglingkod.
11 Nang malapit na sila sa Jebus, medyo dumidilim na. Kaya sinabi ng tagapaglingkod sa panginoon niya: “Puwede ba tayong tumigil dito sa lunsod ng mga Jebusita at magpalipas dito ng gabi?” 12 Pero sinabi sa kaniya ng panginoon niya: “Huwag tayong tumigil sa lunsod ng mga banyaga na hindi mga Israelita. Magpatuloy tayo hanggang sa Gibeah.”+ 13 Sinabi pa niya sa tagapaglingkod niya: “Tara, sikapin nating makarating sa Gibeah o sa Rama;+ magpalipas tayo ng gabi sa isa sa mga lugar na iyon.” 14 Kaya nagpatuloy sila sa paglalakbay, at palubog na ang araw nang malapit na sila sa Gibeah, na teritoryo ng Benjamin.
15 Tumigil sila sa Gibeah para doon magpalipas ng gabi. Umupo sila sa liwasan* ng lunsod pero walang nag-alok na patuluyin sila sa bahay para doon magpalipas ng gabi.+ 16 Pagkatapos, nang gabi ring iyon, isang matandang lalaki ang dumating galing sa pagtatrabaho sa bukid. Mula siya sa mabundok na rehiyon ng Efraim+ at pansamantalang naninirahan sa Gibeah; pero ang mga nakatira sa lunsod na iyon ay mga Benjaminita.+ 17 Nang makita ng matandang lalaki ang manlalakbay sa liwasan ng lunsod, sinabi niya: “Saan ka papunta, at saan ka galing?” 18 Sumagot ito: “Galing kami sa Betlehem ng Juda at pauwi kami sa isang liblib na lugar sa mabundok na rehiyon ng Efraim. Nagpunta ako sa Betlehem ng Juda,+ at papunta ako ngayon sa bahay ni Jehova,* pero walang nagpapatuloy sa akin. 19 May sapat kaming dayami at pagkain para sa mga asno namin,+ at tinapay+ at alak para sa akin, sa asawa ko, at sa tagapaglingkod ko. Walang anumang kulang.” 20 Pero sinabi ng matandang lalaki: “Sumaiyo nawa ang kapayapaan! Ako na ang bahala sa mga kailangan mo. Huwag ka lang magpalipas ng gabi sa liwasan.” 21 At dinala niya ito sa bahay niya at binigyan ng pagkain ang mga asno. Pagkatapos, naghugas sila ng paa at kumain at uminom.
22 Habang masaya silang magkakasama, pinalibutan ng walang-kuwentang mga lalaki ng lunsod ang bahay; kinakalampag ng mga ito ang pinto at paulit-ulit na sinasabi sa matandang lalaki na may-ari ng bahay: “Ilabas mo ang lalaki na pumasok sa bahay mo, at makikipagtalik kami sa kaniya.”+ 23 Kaya lumabas ang may-ari ng bahay at sinabi sa kanila: “Huwag, mga kapatid ko, pakisuyo, huwag kayong gumawa ng masama. Bisita ko ang lalaking ito. Huwag ninyong gawin ang kahiya-hiyang bagay na iyan. 24 Narito ang anak kong dalaga* at ang asawa ng lalaking ito. Ilalabas ko sila; pagsamantalahan ninyo sila kung iyon ang gusto ninyo.+ Pero huwag ninyong gawin ang kahiya-hiyang bagay na iyan sa lalaking ito.”
25 Pero ayaw siyang pakinggan ng mga lalaki, kaya kinuha ng lalaki ang asawa niya+ at inilabas ito sa kanila. Ginahasa nila ito at inabuso nang buong magdamag hanggang kinaumagahan. Pagkatapos, pinaalis na nila ito nang magbukang-liwayway. 26 Nang mag-uumaga na, dumating ang babae at bumagsak sa pasukan ng bahay ng matandang lalaki na kinaroroonan ng asawa* niya; nakahandusay siya roon hanggang sa magliwanag na. 27 Nang bumangon kinaumagahan ang asawa* ng babae at buksan ang mga pinto ng bahay para magpatuloy sa paglalakbay, nakita niya ang babae, ang asawa niya, na nakahandusay sa pasukan ng bahay at ang mga kamay nito ay nasa may pintuan. 28 Kaya sinabi niya rito: “Tumayo ka; umalis na tayo.” Pero hindi ito sumasagot. Kaya isinakay ito ng lalaki sa asno at nagsimulang maglakbay pauwi.
29 Nang makarating ang lalaki sa bahay niya, kumuha siya ng kutsilyong pangkatay at pinagputol-putol ang katawan ng asawa niya sa 12 piraso at ipinadala ang bawat piraso sa bawat tribo ng Israel. 30 Lahat ng nakakita nito ay nagsabi: “Wala pang nangyari o nakitang tulad nito mula nang araw na lumabas ang mga Israelita sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito. Pag-isipan ninyo ang bagay na ito,* pag-usapan ninyo ito, at sabihin ninyo sa amin kung ano ang gagawin.”+