Ikalawang Liham sa mga Taga-Tesalonica
1 Akong si Pablo, kasama sina Silvano at Timoteo,+ ay sumusulat sa kongregasyon ng mga taga-Tesalonica na kaisa ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Kristo:
2 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.
3 Lagi kaming nauudyukan na magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid. Tama lang ito, dahil patuloy na lumalakas ang inyong pananampalataya at lalo pa ninyong minamahal ang isa’t isa.+ 4 Kaya ipinagmamalaki namin kayo+ sa mga kongregasyon ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis* at pananampalataya sa kabila ng pag-uusig sa inyo at mga problema.+ 5 Patunay ito ng matuwid na paghatol ng Diyos. Dahil dito, itinuring kayong karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos, na dahilan ng pagdurusa ninyo.+
6 Kaya naman matuwid para sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga pumipighati sa inyo.+ 7 Pero kayo na napipighati ngayon ay pagiginhawahin kasama namin sa panahong isisiwalat ang Panginoong Jesus+ mula sa langit kasama ang makapangyarihang mga anghel niya+ 8 sa isang nagliliyab na apoy. Sa panahong iyon, maghihiganti siya sa mga hindi nakakakilala sa Diyos+ at sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.+ 9 Ang mga ito ay hahatulan ng parusang walang-hanggang pagkapuksa,+ kaya aalisin sila sa harap ng Panginoon at hindi na nila makikita ang kaniyang maluwalhating kapangyarihan; 10 mangyayari iyan sa araw na dumating siya para maluwalhati siyang kasama ng kaniyang mga banal at para hangaan siya ng lahat ng nanampalataya sa kaniya, gaya ninyo na nanampalataya sa patotoong ibinigay namin sa inyo.+
11 Kaya naman lagi kaming nananalangin para sa inyo, na ituring kayo ng Diyos na karapat-dapat sa kaniyang pagtawag+ at gamitin niya ang kaniyang kapangyarihan para isagawa ang lahat ng kabutihang gusto niyang gawin at para gawing matagumpay ang inyong mga gawa na udyok ng pananampalataya. 12 Sa gayon, ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay maluluwalhati sa pamamagitan ninyo at kayo naman ay maluluwalhati dahil sa pagiging kaisa niya, ayon sa walang-kapantay na kabaitan ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo.