Ikalawang Cronica
12 Nang matatag na ang paghahari ni Rehoboam+ at nang siya ay malakas na, tinalikuran niya at ng lahat ng Israelitang kasama niya ang Kautusan ni Jehova.+ 2 Nang ikalimang taon ni Haring Rehoboam, sinalakay ni Haring Sisak+ ng Ehipto ang Jerusalem, dahil hindi sila naging tapat kay Jehova. 3 Mayroon siyang 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo, at di-mabilang na mga sundalong sumama sa kaniya mula sa Ehipto—mga taga-Libya, mga Sukiim, at mga Etiope.+ 4 Sinakop niya ang mga napapaderang* lunsod ng Juda at bandang huli ay nakarating siya sa Jerusalem.
5 Pinuntahan ng propetang si Semaias+ si Rehoboam at ang matataas na opisyal ng Juda na nagtipon sa Jerusalem dahil sa takot kay Sisak. Sinabi niya sa kanila: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Iniwan ninyo ako, kaya iniwan ko rin kayo+ sa kamay ni Sisak.’” 6 Kaya nagpakumbaba ang matataas na opisyal ng Israel at ang hari.+ Sinabi nila: “Tama si Jehova.” 7 Nang makita ni Jehova na nagpakumbaba sila, dumating kay Semaias ang mensaheng ito ni Jehova: “Nagpakumbaba sila. Hindi ko sila lilipulin,+ at malapit ko na silang iligtas. Hindi ko ibubuhos ang galit ko sa Jerusalem sa pamamagitan ni Sisak. 8 Pero sila ay magiging mga lingkod niya, para malaman nila ang pagkakaiba ng paglilingkod sa akin at ng paglilingkod sa mga hari* ng ibang mga lupain.”
9 Kaya sinalakay ni Haring Sisak ng Ehipto ang Jerusalem. Kinuha niya ang mga kayamanan sa bahay ni Jehova+ at ang mga kayamanan sa bahay* ng hari. Kinuha niya lahat, pati ang mga gintong kalasag na ginawa ni Solomon.+ 10 Kaya gumawa si Haring Rehoboam ng mga tansong kalasag kapalit ng mga iyon, at ipinagkatiwala niya ang mga iyon sa mga pinuno ng mga bantay,* na nagbabantay sa pasukan ng bahay ng hari. 11 Sa tuwing pupunta ang hari sa bahay ni Jehova, pumapasok ang mga bantay at dinadala ang mga iyon; pagkatapos, ibinabalik nila ang mga iyon sa silid ng mga bantay. 12 Dahil nagpakumbaba ang hari, nawala ang galit ni Jehova sa kaniya,+ at hindi niya sila lubusang nilipol.+ Bukod dito, may ilang mabubuting bagay na nakita sa Juda.+
13 Pinatibay ni Haring Rehoboam ang posisyon niya sa Jerusalem at patuloy siyang naghari; si Rehoboam ay 41 taóng gulang nang maging hari, at 17 taon siyang namahala sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ni Jehova mula sa lahat ng tribo ng Israel para doon ilagay ang pangalan niya. Ang ina ng hari ay si Naama na Ammonita.+ 14 Pero ginawa niya ang masama, dahil hindi niya isinapuso ang paghanap kay Jehova.+
15 Ang mga nangyari kay Rehoboam, mula sa umpisa hanggang sa katapusan, ay nasa ulat ng propetang si Semaias+ at ni Ido+ na nakakakita ng pangitain. Ang mga ulat na ito ay nasa talaangkanan. At madalas na may digmaan sa pagitan ni Rehoboam at ni Jeroboam.+ 16 At si Rehoboam ay namatay* at inilibing sa Lunsod ni David;+ at ang anak niyang si Abias+ ang naging hari kapalit niya.