Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto
12 Kailangan kong magmalaki. Wala akong pakinabang dito, pero sasabihin ko ang tungkol sa makahimalang mga pangitain+ at pagsisiwalat ng Panginoon.+ 2 May kilala akong tao na kaisa ni Kristo. Labing-apat na taon na ang nakararaan, inagaw siya papunta sa ikatlong langit—kung sa pisikal na katawan man ito o hindi, hindi ko alam; Diyos ang nakaaalam. 3 Oo, may kilala akong gayong tao. Kung sa pisikal na katawan man o hindi, hindi ko alam; Diyos ang nakaaalam 4 —ang taong ito ay inagaw papunta sa paraiso, at may narinig siyang mga salita na hindi dapat bigkasin at hindi puwedeng sabihin ng tao. 5 Ipagmamalaki ko ang gayong tao, pero hindi ko ipagmamalaki ang sarili ko, maliban kung tungkol sa mga kahinaan ko.+ 6 Dahil kung sakaling gusto kong magmalaki, nasa katuwiran pa rin ako, dahil katotohanan ang sasabihin ko. Pero nagpipigil ako para walang sinumang pumuri sa akin nang higit kaysa sa nakikita o naririnig niya sa akin, 7 dahil lang sa kamangha-manghang mga bagay na isiniwalat sa akin.
Kaya para hindi ako magmataas, binigyan ako ng isang tinik sa laman,+ isang anghel ni Satanas, na laging sasampal sa akin para hindi ako magmataas. 8 Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito. 9 Pero sinabi niya: “Sapat na ang walang-kapantay* na kabaitan ko sa iyo, dahil lubusang makikita ang kapangyarihan ko kapag mahina ang isa.”+ Kaya natutuwa akong ipagmalaki ang mga kahinaan ko, para ang kapangyarihan ng Kristo ay manatili sa akin, na gaya ng isang tolda sa ibabaw ko. 10 Kaya nalulugod ako sa mga kahinaan, insulto, panahon ng pangangailangan, at pag-uusig at problema alang-alang kay Kristo. Dahil kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.+
11 Hindi ako naging makatuwiran, pero kayo ang dahilan, dahil dapat sana ay inirekomenda ninyo ako.+ Dahil kahit wala akong kabuluhan sa tingin ninyo, sa anumang paraan ay hindi ako nakabababa sa inyong ubod-galing na mga apostol.*+ 12 Ang totoo, nakita ninyo sa akin ang mga palatandaan ng isang apostol: may matinding pagtitiis*+ at nagsasagawa ng mga tanda, kamangha-manghang mga bagay, at makapangyarihang mga gawa.*+ 13 Ang dahilan lang kung bakit kayo naging nakabababa sa lahat ng ibang kongregasyon ay dahil hindi ako naging pabigat sa inyo.+ Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito.
14 Ito ang ikatlong beses na naghanda akong pumunta sa inyo, at hindi ako magiging pabigat. Dahil ang hangad ko ay hindi ang mga ari-arian ninyo,+ kundi kayo; dahil hindi ang mga anak+ ang inaasahang mag-ipon para sa mga magulang nila, kundi ang mga magulang para sa mga anak nila.+ 15 Malulugod akong ibigay sa inyo ang lahat ng mayroon ako, pati na ang buhay ko.+ Kung mahal na mahal ko kayo, hindi ba ako karapat-dapat sa ganito ring pagmamahal?+ 16 Sa kabila nito, hindi ko kayo pinabigatan.+ Pero sinasabi ninyo na “tuso” ako at hinuli ko kayo “gamit ang panlilinlang.” 17 Sinamantala ko ba kayo sa pamamagitan ng sinumang isinugo ko sa inyo? 18 Hinimok ko si Tito na pumunta sa inyo at pinapunta ko rin ang kapatid na kasama niya. Sinamantala ba kayo ni Tito sa anumang paraan? Hindi!+ Hindi ba pareho kami ng kaisipan? Hindi ba lumakad kami sa iisang landas?
19 Iniisip ba ninyo na ipinagtatanggol namin ang sarili namin sa inyo? Sa harap ng Diyos kami nagsasalita bilang mga tagasunod ni Kristo. Ang totoo, ginagawa namin ang lahat ng ito para mapatibay kayo, mga minamahal. 20 Dahil natatakot ako na kapag dumating ako, madatnan ko kayo sa kalagayang hindi ko gusto at hindi rin ninyo magustuhan ang reaksiyon ko;+ baka ang maabutan ko ay mga away, inggitan, pagsiklab ng galit, pagtatalo, paninira nang talikuran, bulong-bulungan, pagmamalaki, at kaguluhan. 21 Baka pagbalik ko riyan, hayaan ng aking Diyos na makadama ako ng kahihiyan sa harap ninyo, at baka kailangan kong magdalamhati dahil sa marami na namuhay nang makasalanan pero hindi pinagsisihan ang kanilang karumihan at seksuwal na imoralidad at paggawi nang may kapangahasan.