Ikalawang Samuel
11 Sa pasimula ng taon,* noong nakikipagdigma ang mga hari, isinugo ni David si Joab at ang mga lingkod niya at ang buong hukbo ng Israel para lipulin ang mga Ammonita, at pinalibutan nila ang Raba,+ pero si David ay nanatili sa Jerusalem.+
2 Isang gabi,* bumangon si David mula sa higaan niya at naglakad-lakad sa bubungan ng bahay* ng hari. Mula sa bubungan ay nakita niya ang isang babaeng naliligo, at napakaganda ng babae. 3 Nagsugo si David ng tauhan para alamin kung sino ang babae. Iniulat ng tauhan: “Siya si Bat-sheba+ na anak ni Eliam+ at asawa ni Uria+ na Hiteo.”+ 4 Pagkatapos, nagsugo si David ng mga mensahero para sunduin ang babae.+ Kaya nagpunta ito sa kaniya, at sinipingan niya ito.+ (Nangyari ito habang nililinis pa ng babae ang sarili mula sa karumihan.*)+ Pagkatapos, bumalik ito sa bahay niya.
5 Nabuntis ang babae, at nagpadala ito ng mensahe kay David: “Buntis ako.” 6 Dahil dito, nagpadala ng ganitong mensahe si David kay Joab: “Papuntahin mo sa akin si Uria na Hiteo.” Kaya pinapunta ni Joab si Uria kay David. 7 Pagdating ni Uria kay David, kinumusta niya rito si Joab, ang lagay ng hukbo, at ang digmaan. 8 Pagkatapos, sinabi ni David kay Uria: “Umuwi ka sa bahay mo at magpahinga.”* Nang makaalis na si Uria sa bahay ng hari, nagpadala sa kaniya ng regalo* ang hari. 9 Pero natulog si Uria sa pasukan ng bahay ng hari kasama ng lahat ng iba pang lingkod ng kaniyang panginoon, at hindi siya umuwi sa bahay niya. 10 Pagkatapos, may nagsabi kay David: “Hindi umuwi si Uria sa bahay niya.” Kaya sinabi ni David kay Uria: “Hindi ba kagagaling mo lang sa paglalakbay? Bakit hindi ka umuwi sa bahay mo?” 11 Sinabi naman ni Uria kay David: “Ang Kaban+ at ang Israel at ang Juda ay nasa pansamantalang mga tirahan, at ang panginoon kong si Joab at ang mga lingkod ng aking panginoon ay nagkakampo sa parang. Kaya paano ko magagawang umuwi sa bahay ko para kumain at uminom at sumiping sa asawa ko?+ Isinusumpa ko,* hindi ko gagawin iyan!”
12 Pagkatapos, sinabi ni David kay Uria: “Dito ka muna ngayong araw na ito, at bukas ay pababalikin na kita.” Kaya si Uria ay nanatili sa Jerusalem nang araw na iyon at nang sumunod na araw. 13 At ipinatawag siya ni David para kumain at uminom na kasama nito, at nilasing siya nito. Pero kinagabihan, lumabas siya para matulog sa higaan niya kasama ng mga lingkod ng kaniyang panginoon, at hindi siya umuwi sa bahay niya. 14 Kinaumagahan, sumulat si David ng liham para kay Joab at ipinadala iyon kay Uria. 15 Sinabi niya sa liham: “Ilagay ninyo si Uria sa bandang unahan ng hukbo, kung saan pinakamatindi ang labanan. Pagkatapos, umurong kayo at iwan siya para mapabagsak siya ng kalaban at mamatay.”+
16 Binabantayang mabuti ni Joab ang lunsod, at ipinuwesto niya si Uria sa lugar kung saan alam niyang may malalakas na mandirigma. 17 Nang lumabas ang mga lalaki ng lunsod at makipaglaban kay Joab, ang ilan sa mga lingkod ni David ay napatay, kasama na si Uria na Hiteo.+ 18 Iniulat ngayon ni Joab kay David ang lahat ng nangyari sa digmaan. 19 Ibinilin niya sa mensahero: “Pagkatapos mong sabihin sa hari ang lahat ng nangyari sa digmaan, 20 baka magalit ang hari at sabihin sa iyo, ‘Bakit masyado kayong lumapit sa lunsod para makipaglaban? Hindi ba ninyo alam na papanain nila kayo mula sa ibabaw ng pader? 21 Sino ang nagpabagsak kay Abimelec+ na anak ni Jerubeset?+ Hindi ba napatay siya sa Tebez ng isang babae na nagbagsak sa kaniya ng pang-ibabaw na bato ng gilingan mula sa ibabaw ng pader? Bakit kinailangan ninyong lumapit nang husto sa pader?’ Sabihin mo naman, ‘Namatay rin ang lingkod mong si Uria na Hiteo.’”
22 Kaya umalis ang mensahero at pinarating kay David ang lahat ng ipinapasabi ni Joab. 23 Pagkatapos, sinabi ng mensahero kay David: “Dinaig kami ng kalaban, at sinugod nila kami sa parang; pero napaatras namin sila pabalik sa pasukan ng pintuang-daan ng lunsod. 24 Pinana ng mga kalaban ang mga lingkod mo mula sa ibabaw ng pader, at namatay ang ilan sa mga lingkod ng hari; namatay rin ang lingkod mong si Uria na Hiteo.”+ 25 Kaya sinabi ni David sa mensahero: “Sabihin mo kay Joab: ‘Huwag mong alalahanin ang nangyari, dahil talagang may namamatay sa digmaan. Paigtingin mo pa ang pakikipagdigma sa lunsod at sakupin mo iyon.’+ At patibayin mo ang loob niya.”
26 Nang malaman ng asawa ni Uria na ang asawa niyang si Uria ay namatay, nagdalamhati siya para sa asawa niya. 27 Pagkatapos ng panahon ng pagdadalamhati, agad siyang ipinasundo ni David para dalhin sa bahay nito, at siya ay naging asawa nito+ at nagkaroon sila ng anak na lalaki. Pero ang ginawa ni David ay napakasama sa paningin ni Jehova.+