Genesis
28 Kaya tinawag ni Isaac si Jacob, pinagpala siya, at iniutos sa kaniya: “Huwag kang kukuha ng asawa mula sa mga babae sa Canaan.+ 2 Pumunta ka sa Padan-aram sa bahay ni Betuel na ama ng iyong ina, at kumuha ka roon ng asawa mula sa mga anak na babae ni Laban+ na kapatid ng iyong ina. 3 Pagpapalain ka ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat at gagawin kang palaanakin at bibigyan ng maraming anak, at tiyak na pagmumulan ka ng maraming bayan.*+ 4 At ibibigay niya sa iyo at sa mga supling* mo ang pagpapala kay Abraham,+ para mapasaiyo ang lupain na tinitirhan mo bilang dayuhan, na ibinigay ng Diyos kay Abraham.”+
5 Kaya pinapunta ni Isaac si Jacob sa Padan-aram, kay Laban na anak ni Betuel na Arameano+ at kapatid ni Rebeka,+ ang ina nina Jacob at Esau.
6 Nakita ni Esau na pinagpala ni Isaac si Jacob at pinapunta ito sa Padan-aram para kumuha roon ng asawa, at nang pagpalain niya ito, iniutos niya rito, “Huwag kang kukuha ng asawa mula sa mga babae sa Canaan,”+ 7 at nakita rin ni Esau na sinunod ni Jacob ang kaniyang ama at ina at pumunta sa Padan-aram.+ 8 Kaya naisip ni Esau na ayaw ng ama niyang si Isaac sa mga babae sa Canaan.+ 9 Sa gayon, pumunta si Esau kay Ismael at kinuha bilang asawa si Mahalat, na anak ni Ismael na anak ni Abraham at kapatid na babae ni Nebaiot, bukod pa sa iba niyang mga asawa.+
10 Si Jacob ay umalis sa Beer-sheba at naglakbay papuntang Haran.+ 11 At nakarating siya sa isang lugar at naghandang magpalipas ng gabi roon dahil lumubog na ang araw. Kaya kumuha siya ng isang bato sa lugar na iyon, inilagay ito sa ulunan niya, at nahiga siya roon.+ 12 Pagkatapos, nanaginip siya. May isang hagdan sa lupa na umaabot hanggang langit; at ang mga anghel ng Diyos ay umaakyat at bumababa roon.+ 13 At si Jehova ay nasa itaas nito at nagsabi:
“Ako si Jehova na Diyos ni Abraham na iyong ama at Diyos ni Isaac.+ Ang lupain na hinihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga supling* mo.+ 14 At ang mga supling* mo ay tiyak na magiging tulad ng mga butil ng alabok sa lupa,+ at mangangalat sila sa kanluran, silangan, hilaga, at timog, at sa pamamagitan mo at ng mga supling* mo ay tiyak na pagpapalain* ang lahat ng pamilya sa lupa.+ 15 Ako ay sumasaiyo, at iingatan kita saan ka man pumunta, at ibabalik kita sa lupaing ito.+ Hindi kita iiwan hanggang sa matupad ko ang ipinangako ko sa iyo.”+
16 At nagising si Jacob at nagsabi: “Tiyak na nandito si Jehova sa lugar na ito; hindi ko iyon alam.” 17 At natakot siya at sinabi pa niya: “Espesyal ang lugar na ito; banal ito! Tiyak na ito ang bahay ng Diyos,+ at ito ang pintuang-daan ng langit.”+ 18 Kaya maagang bumangon si Jacob, kinuha ang bato sa ulunan niya, itinayo ito bilang palatandaan, at binuhusan ng langis ang ibabaw nito.+ 19 Kaya tinawag niyang Bethel* ang lugar na iyon, pero ang dating pangalan ng lunsod ay Luz.+
20 At nanata si Jacob: “Kung ang Diyos ay patuloy na sasaakin at iingatan ako sa paglalakbay ko at bibigyan ako ng tinapay na makakain at mga damit na maisusuot 21 at ako ay makababalik nang payapa sa bahay ng aking ama, si Jehova nga ang aking Diyos.* 22 At ang batong ito na itinayo ko bilang palatandaan ay magiging bahay ng Diyos,+ at ibibigay ko sa iyo ang ikasampu ng lahat ng ibinigay mo sa akin.”