Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwt Genesis 1:1-50:26
  • Genesis

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Genesis
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Genesis

GENESIS

1 Nang pasimula ay nilalang* ng Diyos ang langit at ang lupa.+

2 Ang lupa noon ay walang anyo at walang laman, at madilim sa ibabaw ng malalim na katubigan,*+ at ang aktibong puwersa* ng Diyos+ ay gumagalaw sa ibabaw ng tubig.+

3 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag.” At nagkaroon ng liwanag.+ 4 Pagkatapos, nakita ng Diyos na ang liwanag ay mabuti, at pinaghiwalay ng Diyos ang liwanag at ang dilim. 5 Tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, pero ang dilim ay tinawag niyang Gabi.+ At lumipas ang gabi at ang umaga, ang unang araw.

6 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakan*+ sa pagitan ng mga tubig para mahiwalay ang tubig sa tubig.”+ 7 At iyon nga ang nangyari. Ginawa ng Diyos ang kalawakan; pinaghiwalay niya ang tubig kaya nagkaroon ng tubig sa ilalim ng kalawakan at sa ibabaw ng kalawakan.+ 8 Tinawag ng Diyos ang kalawakan na Langit.* At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikalawang araw.

9 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Matipon sa isang lugar ang tubig na nasa ilalim ng langit, at lumitaw ang tuyong lupa.”+ At iyon nga ang nangyari. 10 Tinawag ng Diyos ang tuyong bahagi na Lupa,+ pero ang natipong tubig ay tinawag niyang Dagat.+ At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.+ 11 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Tubuan ang lupa ng damo, mga halamang may binhi, at mga puno na ang bunga ay may buto, ayon sa kani-kanilang uri.” At iyon nga ang nangyari. 12 At ang lupa ay tinubuan ng damo, mga halamang may binhi,+ at mga puno na ang bunga ay may buto, ayon sa kani-kanilang uri. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. 13 At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikatlong araw.

14 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw*+ sa langit* para maghiwalay ang araw at ang gabi,+ at ang mga iyon ay magiging batayan* ng mga panahon at ng mga araw at taon.+ 15 Ang mga iyon ay magsisilbing tanglaw sa langit* para magbigay ng liwanag sa lupa.” At iyon nga ang nangyari. 16 At ginawa ng Diyos ang dalawang maliliwanag na tanglaw, ang isang tanglaw para sumikat nang maliwanag* kapag araw+ at ang isa pa para magbigay ng mahinang liwanag* kapag gabi. Ginawa rin niya ang mga bituin.+ 17 Inilagay ng Diyos ang mga iyon sa langit* para magbigay ng liwanag sa lupa, 18 para maging tanglaw sa araw at sa gabi, at para maghiwalay ang liwanag at ang dilim.+ At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. 19 At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikaapat na araw.

20 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa tubig ng maraming buháy na nilalang,* at magliparan sa ibabaw ng lupa ang lumilipad na mga nilalang sa langit.”*+ 21 At nilalang ng Diyos ayon sa kani-kanilang uri ang dambuhalang mga hayop sa dagat at lahat ng buháy na nilalang* na gumagalaw at lumalangoy nang sama-sama sa tubig, pati na ang bawat nilalang na may pakpak at lumilipad. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. 22 Pagkatapos, pinagpala sila ng Diyos at sinabi: “Magpakarami kayo at punuin ninyo ang tubig sa dagat,+ at magpakarami sa lupa ang lumilipad na mga nilalang.” 23 At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikalimang araw.

24 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng buháy na mga nilalang* ayon sa kani-kanilang uri—maaamong hayop, gumagapang na mga hayop,* at maiilap na hayop, ayon sa mga uri nito.”+ At iyon nga ang nangyari. 25 At nilikha ng Diyos ang maiilap na hayop sa lupa ayon sa mga uri nito, ang maaamong hayop ayon sa mga uri nito, at ang lahat ng gumagapang na hayop sa lupa ayon sa mga uri nito. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.

26 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Gawin natin+ ang tao ayon sa ating larawan,+ ayon sa ating wangis,*+ at sila ang mamamahala sa mga isda sa dagat at sa lumilipad na mga nilalang sa langit at sa maaamong hayop at sa bawat gumagapang na hayop sa ibabaw ng lupa, at pangangalagaan nila ang buong lupa.”+ 27 At nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, ayon sa larawan ng Diyos ay nilalang niya siya; nilalang niya sila na lalaki at babae.+ 28 Gayundin, pinagpala sila ng Diyos at sinabi: “Magpalaanakin kayo at magpakarami, punuin ninyo ang lupa+ at pangasiwaan iyon,+ at pamahalaan+ ninyo ang mga isda sa dagat at lumilipad na mga nilalang sa langit at bawat buháy na nilalang na gumagala sa ibabaw ng lupa.”

29 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng halamang may binhi na nasa ibabaw ng buong lupa at ang bawat puno na ang bunga ay may buto. Ang mga ito ay magiging pagkain para sa inyo.+ 30 At sa bawat mailap na hayop sa lupa at sa bawat lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat bagay na may buhay* na gumagala sa ibabaw ng lupa, ibinibigay ko ang lahat ng berdeng pananim bilang pagkain.”+ At iyon nga ang nangyari.

31 Pagkatapos, nakita ng Diyos ang lahat ng ginawa niya, at iyon ay napakabuti.+ At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikaanim na araw.

2 Kaya natapos ang langit at ang lupa at ang lahat ng naroon.*+ 2 At pagdating ng ikapitong araw, natapos na ng Diyos ang ginagawa niya, at siya ay nagsimulang magpahinga noong ikapitong araw sa lahat ng ginagawa niya.+ 3 At pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong banal, dahil noon ay nagpapahinga na siya mula sa lahat ng ginawa niya, pagkatapos niyang lalangin ang lahat ng bagay na nilayon niyang gawin.

4 Ito ang kasaysayan ng langit at lupa noong panahong lalangin ang mga ito, noong araw na gawin ng Diyos na Jehova* ang lupa at langit.+

5 Wala pang halaman noon sa lupa o iba pang tumutubong pananim, dahil hindi pa nagpapaulan ang Diyos na Jehova sa lupa at wala pang tao na magsasaka rito. 6 Pero isang manipis na ulap ang pumapailanlang mula sa lupa, at dinidiligan nito ang ibabaw ng buong lupa.

7 At inanyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok+ ng lupa at inihihip sa mga butas ng ilong nito ang hininga ng buhay,+ at ang tao ay nagkaroon ng buhay.*+ 8 Bukod diyan, ang Diyos na Jehova ay gumawa ng isang hardin sa Eden,+ na nasa silangan; doon niya inilagay ang tao na inanyuan niya.+ 9 At pinatubo ng Diyos na Jehova mula sa lupa ang bawat puno na magandang tingnan at may mga bunga na mabuting kainin, pati na ang puno ng buhay+ sa gitna ng hardin at ang puno ng pagkaalam ng mabuti at masama.+

10 At may isang ilog na umaagos mula sa Eden na dumidilig sa hardin. At mula roon, nahahati ito sa apat na ilog.* 11 Ang pangalan ng una ay Pison; iyon ang pumapalibot sa buong lupain ng Havila, kung saan may ginto. 12 Mataas ang kalidad ng ginto sa lupaing iyon at mayroon ding mabangong dagta* at batong onix. 13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; iyon ang pumapalibot sa buong lupain ng Cus. 14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hidekel,*+ na umaagos sa silangan ng Asirya.+ At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.+

15 Inilagay ng Diyos na Jehova ang tao sa hardin ng Eden para sakahin iyon at alagaan.+ 16 Inutusan din ng Diyos na Jehova ang tao: “Makakakain ka ng bunga mula sa bawat puno sa hardin hanggang sa masiyahan ka.+ 17 Pero huwag kang kakain ng bunga mula sa puno ng pagkaalam ng mabuti at masama, dahil sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.”+

18 Pagkatapos, sinabi ng Diyos na Jehova: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako para sa kaniya ng isang katulong na makakatuwang niya.”+ 19 At ang Diyos na Jehova ay patuloy na gumawa mula sa lupa ng bawat mailap na hayop sa parang at bawat lumilipad na nilalang sa langit, at dinala niya ang mga ito sa lalaki para malaman kung ano ang itatawag nito sa bawat isa. Anuman ang itawag ng lalaki sa bawat buháy na nilalang,* iyon ang nagiging pangalan nito.+ 20 Kaya pinangalanan ng lalaki ang lahat ng maaamong hayop at lumilipad na nilalang sa langit at bawat mailap na hayop sa parang, pero ang lalaki ay walang katulong na magiging katuwang niya. 21 Kaya ang lalaki ay pinatulog nang mahimbing ng Diyos na Jehova. Habang natutulog ito, kinuha ng Diyos ang isa sa mga tadyang ng lalaki at saka isinara ang laman sa ibabaw nito. 22 At ang tadyang na kinuha ng Diyos na Jehova mula sa lalaki ay ginawa niyang isang babae, at dinala niya ang babae sa lalaki.+

23 Pagkatapos, sinabi ng lalaki:

“Sa wakas, ito ay buto ng aking mga buto,

At laman ng aking laman.

Tatawagin itong Babae,

Dahil kinuha siya mula sa lalaki.”+

24 Iyan ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama* ng kaniyang asawang babae, at sila ay magiging isang laman.+ 25 At nanatili silang hubad,+ ang lalaki at ang asawa niya; pero hindi sila nahihiya.

3 At ang ahas+ ang pinakamaingat* sa lahat ng maiilap na hayop sa parang na ginawa ng Diyos na Jehova. Kaya sinabi nito sa babae: “Talaga bang sinabi ng Diyos na hindi kayo puwedeng kumain ng bunga mula sa lahat ng puno sa hardin?”+ 2 Sumagot ang babae sa ahas: “Puwede kaming kumain ng bunga ng mga puno sa hardin.+ 3 Pero kung tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin,+ sinabi ng Diyos: ‘Huwag kayong kakain ng bunga mula sa punong iyon at huwag ninyong hihipuin iyon para hindi kayo mamatay.’” 4 At sinabi ng ahas sa babae: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.+ 5 Dahil alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo ng bunga mula sa punong iyon, mabubuksan ang mga mata ninyo at magiging tulad kayo ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.”+

6 Dahil dito, nakita ng babae na ang bunga ng puno ay katakam-takam at magandang tingnan, oo, masarap itong tingnan. Kaya pumitas siya ng bunga at kinain iyon.+ At nang kasama na niya ang kaniyang asawa, binigyan din niya ito at kumain ito.+ 7 Pagkatapos, nabuksan ang mga mata nila at nakita nilang hubad sila. Kaya pinagdugtong-dugtong nila ang mga dahon ng igos at itinali ito sa balakang nila.+

8 At sa mahanging bahagi ng araw,* narinig nila ang tinig ng Diyos na Jehova habang naglalakad siya sa hardin. At ang lalaki at ang asawa niya ay nagtago sa Diyos na Jehova sa pagitan ng mga puno sa hardin. 9 At paulit-ulit na tinawag ng Diyos na Jehova ang lalaki at sinabi: “Nasaan ka?” 10 Sa wakas, sumagot siya: “Narinig ko sa hardin ang tinig mo, pero natakot ako dahil hubad ako, kaya nagtago ako.” 11 Kaya sinabi ng Diyos: “Sino ang nagsabi sa iyo na hubad ka?+ Kumain ka ba ng bunga mula sa punong ipinagbabawal ko?”+ 12 Sinabi ng lalaki: “Ang babae na ibinigay mo para makasama ko, binigyan niya ako ng bunga mula sa puno kaya kumain ako.” 13 Pagkatapos, sinabi ng Diyos na Jehova sa babae: “Ano itong ginawa mo?” Sumagot ang babae: “Nilinlang ako ng ahas kaya kumain ako.”+

14 At sinabi ng Diyos na Jehova sa ahas:+ “Dahil sa ginawa mong ito, isinumpa ka sa lahat ng maaamong hayop at sa lahat ng maiilap na hayop sa parang. Ang tiyan mo ang ipanggagapang mo, at kakain ka ng alabok sa lahat ng araw ng buhay mo. 15 At maglalagay ako ng alitan+ sa pagitan mo+ at ng babae+ at sa pagitan ng supling* mo+ at ng supling* niya.+ Dudurugin* ng supling niya ang ulo mo,+ at susugatan mo ito sa sakong.”*+

16 At sinabi niya sa babae: “Patitindihin ko ang kirot ng pagdadalang-tao mo; mahihirapan ka sa panganganak, at magiging labis-labis ang paghahangad mo sa iyong asawa, at pamumunuan ka niya.”

17 At sinabi niya kay Adan:* “Kahit inutusan+ kita, ‘Huwag kang kakain ng bunga mula sa punong iyon,’ pinakinggan mo pa rin ang asawa mo at kumain ka nito; kaya sumpain ang lupa dahil sa iyo.+ Sa lahat ng araw ng buhay mo, maghihirap ka bago makakuha ng bunga mula rito.*+ 18 Tutubuan ito ng mga damo at matitinik na halaman, at kakainin mo ang pananim sa parang. 19 Pagpapawisan ka at maghihirap bago makakuha ng pagkain hanggang sa bumalik ka sa lupa, dahil diyan ka kinuha.+ Ikaw ay alabok, kaya sa alabok ka babalik.”+

20 Pagkatapos nito, pinangalanan ni Adan ang asawa niya na Eva,* dahil siya ang magiging ina ng lahat ng tao.*+ 21 At si Adan at ang asawa niya ay iginawa ng Diyos na Jehova ng mahahabang damit na yari sa balat ng hayop para damtan sila.+ 22 Pagkatapos, sinabi ng Diyos na Jehova: “Ang tao ay naging tulad natin na nakaaalam ng mabuti at masama.+ At ngayon, para hindi siya kumuha ng bunga mula sa puno ng buhay+ at kumain nito at mabuhay magpakailanman,*—” 23 Dahil dito, pinalayas siya ng Diyos na Jehova sa hardin ng Eden+ para sakahin ang lupa na pinagkunan sa kaniya.+ 24 Pinalayas ng Diyos ang tao, at sa silangan ng hardin ng Eden ay naglagay siya ng mga kerubin+ at ng nagliliyab na espadang patuloy na umiikot. Ginawa niya ito para mabantayan ang daan papunta sa puno ng buhay.

4 At nakipagtalik si Adan sa asawa niyang si Eva, at ito ay nagdalang-tao.+ Nang isilang ni Eva si Cain,+ sinabi niya: “Nanganak ako ng isang lalaki sa tulong ni Jehova.” 2 Pagkatapos, isinilang niya ang kapatid nitong si Abel.+

Si Abel ay naging pastol, pero si Cain ay naging magsasaka. 3 Pagkalipas ng ilang panahon, naghandog si Cain kay Jehova ng mga bunga ng lupa. 4 Pero si Abel ay nagdala ng mga panganay ng kaniyang kawan,+ kasama ang taba ng mga ito. Sinang-ayunan ni Jehova si Abel at ang handog nito,+ 5 pero hindi niya sinang-ayunan si Cain at ang handog nito. Kaya galit na galit si Cain at ang sama-sama ng loob niya. 6 Sinabi ni Jehova kay Cain: “Bakit galit na galit ka at ang sama-sama ng loob mo? 7 Kung gagawa ka ng mabuti, hindi ba sasang-ayunan kita? Pero kung hindi ka gagawa ng mabuti, ang kasalanan ay nakaabang sa may pinto at gusto ka nitong biktimahin; pero hahayaan mo bang matalo ka nito?”

8 Pagkatapos, sinabi ni Cain sa kapatid niyang si Abel: “Pumunta tayo sa parang.” At habang nasa parang sila, sinalakay ni Cain ang kapatid niyang si Abel at pinatay ito.+ 9 Pagkaraan nito, sinabi ni Jehova kay Cain: “Nasaan ang kapatid mong si Abel?” Sumagot siya: “Hindi ko alam. Ako ba ang tagapag-alaga ng kapatid ko?” 10 Kaya sinabi Niya: “Ano ang ginawa mo? Pakinggan mo! Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng kapatid mo.+ 11 At ngayon ay isinumpa ka; palalayasin kita mula sa lupa, kung saan dumanak* ang dugo ng iyong kapatid na pinatay mo.+ 12 Kahit sakahin mo ang lupa, hindi ito mamumunga nang sagana.* Magiging palaboy ka at takas sa lupa.” 13 Kaya sinabi ni Cain kay Jehova: “Napakabigat ng parusa para sa kasalanan ko. 14 Itinataboy mo ako ngayon mula sa lupain,* at hindi mo na ako makikita; at ako ay magiging palaboy at takas sa lupa, at tiyak na papatayin ako ng sinumang makakakita sa akin.” 15 Kaya sinabi ni Jehova sa kaniya: “Dahil diyan, ang sinumang papatay kay Cain ay gagantihan nang pitong ulit.”

Kaya naglagay* si Jehova ng isang tanda* para hindi patayin si Cain ng sinumang makakita sa kaniya. 16 At umalis si Cain sa harap ni Jehova at tumira sa lupain ng Pagtakas,* na nasa silangan ng Eden.+

17 Pagkatapos, nakipagtalik si Cain sa asawa niya,+ at nagdalang-tao ito at isinilang nito si Enoc. At nagtayo si Cain ng isang lunsod at ipinangalan ito sa anak niyang si Enoc. 18 Pagkatapos, naging anak ni Enoc si Irad. At naging anak ni Irad si Mehujael, at naging anak ni Mehujael si Metusael, at naging anak ni Metusael si Lamec.

19 Si Lamec ay kumuha ng dalawang asawa. Ang pangalan ng una ay Ada, at ang ikalawa ay Zila. 20 Isinilang ni Ada si Jabal. Si Jabal ang unang tao na tumira* sa mga tolda at nag-alaga ng mga hayop. 21 Ang kapatid niya ay si Jubal. Si Jubal ang ama* ng lahat ng tumutugtog ng alpa at ng tipano.* 22 Isinilang naman ni Zila si Tubal-cain, ang panday ng bawat uri ng kasangkapang tanso at bakal. At ang kapatid na babae ni Tubal-cain ay si Naama. 23 Pagkatapos, kinatha ni Lamec ang tulang ito para sa mga asawa niyang sina Ada at Zila:

“Dinggin ang aking tinig, kayong mga asawa ni Lamec;

Pakinggan ninyo ang sasabihin ko:

Pinatay ko ang isang lalaki dahil sinugatan niya ako,

Oo, isang kabataang lalaki dahil sa pananakit sa akin.

24 Kung 7 ulit na ipaghihiganti si Cain,+

Si Lamec naman ay 77.”

25 Muling nakipagtalik si Adan sa asawa niya, at nanganak ito ng isang lalaki. Pinangalanan ito ni Eva na Set,*+ dahil ang sabi niya: “Binigyan* ako ng Diyos ng isa pang anak* kapalit ni Abel, dahil pinatay siya ni Cain.”+ 26 Nagkaroon din si Set ng isang anak na lalaki, at pinangalanan niya itong Enos.+ Nang panahong iyon, pinasimulan ng mga tao ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.

5 Ito ang aklat ng kasaysayan ni Adan. Nang araw na lalangin ng Diyos si Adan, ginawa Niya siya ayon sa wangis ng Diyos.+ 2 Nilalang niya sila na lalaki at babae.+ Nang araw na lalangin sila,+ pinagpala niya sila at tinawag na Tao.*

3 Si Adan ay 130 taóng gulang nang magkaroon siya ng isang anak na lalaki na kagayang-kagaya niya,* at pinangalanan niya itong Set.+ 4 Nang maisilang ang anak niyang si Set, nabuhay pa si Adan nang 800 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae. 5 Kaya nabuhay si Adan nang 930 taon, at siya ay namatay.+

6 Si Set ay 105 taóng gulang nang maging anak niya si Enos.+ 7 Nang maisilang ang anak niyang si Enos, nabuhay pa si Set nang 807 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae. 8 Kaya nabuhay si Set nang 912 taon, at siya ay namatay.

9 Si Enos ay 90 taóng gulang nang maging anak niya si Kenan. 10 Nang maisilang ang anak niyang si Kenan, nabuhay pa si Enos nang 815 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae. 11 Kaya nabuhay si Enos nang 905 taon, at siya ay namatay.

12 Si Kenan ay 70 taóng gulang nang maging anak niya si Mahalalel.+ 13 Nang maisilang ang anak niyang si Mahalalel, nabuhay pa si Kenan nang 840 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae. 14 Kaya nabuhay si Kenan nang 910 taon, at siya ay namatay.

15 Si Mahalalel ay 65 taóng gulang nang maging anak niya si Jared.+ 16 Nang maisilang ang anak niyang si Jared, nabuhay pa si Mahalalel nang 830 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae. 17 Kaya nabuhay si Mahalalel nang 895 taon, at siya ay namatay.

18 Si Jared ay 162 taóng gulang nang maging anak niya si Enoc.+ 19 Nang maisilang ang anak niyang si Enoc, nabuhay pa si Jared nang 800 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae. 20 Kaya nabuhay si Jared nang 962 taon, at siya ay namatay.

21 Si Enoc ay 65 taóng gulang nang maging anak niya si Matusalem.+ 22 Nang maisilang ang anak niyang si Matusalem, si Enoc ay patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos* sa loob ng 300 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae. 23 Kaya nabuhay si Enoc nang 365 taon. 24 Si Enoc ay patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos.+ Pagkatapos, wala nang nakakita sa kaniya, dahil kinuha siya ng Diyos.*+

25 Si Matusalem ay 187 taóng gulang nang maging anak niya si Lamec.+ 26 Nang maisilang ang anak niyang si Lamec, nabuhay pa si Matusalem nang 782 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae. 27 Kaya nabuhay si Matusalem nang 969 na taon, at siya ay namatay.

28 Si Lamec ay 182 taóng gulang nang magkaroon siya ng isang anak na lalaki. 29 Pinangalanan niya itong Noe*+ at sinabi: “Ang isang ito ay magbibigay sa atin ng kaginhawahan* mula sa ating mabigat na trabaho at pagod na mga kamay dahil sa lupang isinumpa ni Jehova.”+ 30 Nang maisilang ang anak niyang si Noe, nabuhay pa si Lamec nang 595 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae. 31 Kaya nabuhay si Lamec nang 777 taon, at siya ay namatay.

32 Nang si Noe ay 500 taóng gulang na, nagkaroon siya ng mga anak. Sila ay sina Sem,+ Ham,+ at Japet.+

6 At nang magsimulang dumami ang tao sa ibabaw ng lupa at magkaroon sila ng mga anak na babae, 2 napansin ng mga anak ng tunay na Diyos*+ na magaganda ang mga anak na babae ng tao. Kaya kinuha nila bilang asawa ang lahat ng magustuhan nila. 3 At sinabi ni Jehova: “Hindi ko pagtitiisan* ang tao magpakailanman,+ dahil siya ay laman* lang.* Kaya 120 taon na lang siyang mabubuhay.”+

4 Noong mga araw na iyon at sa lumipas pang mga panahon, may mga Nefilim* sa lupa dahil ang mga anak ng tunay na Diyos ay patuloy na nakipagtalik sa mga anak na babae ng tao, at nanganak ang mga ito ng mga lalaki. Sila ang mga Nefilim, malalakas na lalaki* na bantog noon.

5 Dahil dito, nakita ni Jehova na laganap na sa lupa ang kasamaan ng tao at ang laman ng isip at puso nito ay lagi na lang masama.+ 6 Ikinalungkot ni Jehova na ginawa niya ang mga tao sa lupa, at nasaktan* ang puso niya.+ 7 Kaya sinabi ni Jehova: “Lilipulin ko sa ibabaw ng lupa ang mga taong nilalang ko, mga tao kasama ang maaamong hayop, gumagapang na mga hayop, at lumilipad na mga nilalang sa langit, dahil ikinalungkot ko na ginawa ko sila.” 8 Pero si Noe ay kalugod-lugod sa paningin ni Jehova.

9 Ito ang kasaysayan ni Noe.

Si Noe ay isang matuwid na lalaki.+ Siya ay walang pagkukulang* kung ihahambing sa mga kapanahon* niya. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.+ 10 Nang maglaon, nagkaroon si Noe ng tatlong anak na lalaki, sina Sem, Ham, at Japet.+ 11 Pero ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos, at ang lupa ay napuno ng karahasan. 12 Oo, tiningnan ng Diyos ang lupa at nakitang ito ay nasira;+ napakasama ng ginagawa ng lahat ng tao* sa lupa.+

13 Pagkatapos, sinabi ng Diyos kay Noe: “Napagpasiyahan kong puksain ang lahat ng tao. Ang lupa ay punô ng karahasan dahil sa kanila, kaya ipapahamak ko sila, pati ang lupa.+ 14 Gumawa ka ng isang arka mula sa madagtang mga puno.+ Lagyan mo iyon ng mga silid at pahiran mo ng alkitran*+ sa loob at labas. 15 Ganito ang dapat mong gawin sa arka: Dapat na 300 siko* ang haba nito, 50 siko ang lapad, at 30 siko ang taas. 16 Gumawa ka ng bintana* para makapasok ang liwanag sa arka, isang siko mula sa itaas. Ilagay mo ang pasukan ng arka sa tagiliran nito,+ at gawan mo ito ng una, ikalawa, at ikatlong palapag.

17 “At magpapadala ako ng baha+ sa ibabaw ng lupa para lipulin ang lahat ng nilikha* na may hininga* ng buhay sa ilalim ng langit. Lahat ng nasa lupa ay mamamatay.+ 18 At nakikipagtipan ako sa iyo, at pumasok ka sa arka, ikaw, ang iyong mga anak, ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak.+ 19 At ipasok mo sa arka ang dalawa sa bawat uri ng buháy na nilalang+ para maingatan silang buháy kasama mo, isang lalaki at isang babae.+ 20 Mula sa lumilipad na mga nilalang ayon sa mga uri nito, maaamong hayop ayon sa mga uri nito, at lahat ng gumagapang na hayop sa lupa ayon sa mga uri nito, dalawa sa bawat uri ang pupunta sa iyo at papasok sa arka para maingatan silang buháy.+ 21 At magtipon ka ng lahat ng klase ng pagkain+ at ipasok mo sa arka para maging pagkain ninyo at ng mga hayop.”

22 At ginawa ni Noe ang lahat ayon sa iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayong-gayon ang ginawa niya.+

7 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Noe: “Pumasok ka sa arka, ikaw at ang buong pamilya mo, dahil nakita kong matuwid ka sa gitna ng henerasyong ito.+ 2 Magpasok ka sa arka ng pito sa bawat malinis na hayop,*+ lalaki at babae; at sa bawat di-malinis na hayop ay dalawa lang, lalaki at babae; 3 magpasok ka rin ng tigpipito sa lumilipad na mga nilalang sa langit,* lalaki at babae, para patuloy na mabuhay ang mga ito sa ibabaw ng buong lupa.+ 4 Dahil pitong araw na lang at magpapaulan ako+ sa lupa sa loob ng 40 araw at 40 gabi,+ at papawiin ko sa ibabaw ng lupa ang lahat ng nabubuhay na bagay na ginawa ko.”+ 5 At ginawa ni Noe ang lahat ng iniutos ni Jehova sa kaniya.

6 Si Noe ay 600 taóng gulang nang bumaha sa lupa.+ 7 At si Noe, kasama ang mga anak niya, asawa niya, at asawa ng mga anak niya, ay pumasok sa arka bago bumaha.+ 8 Mula sa bawat malinis na hayop, bawat di-malinis na hayop, lumilipad na mga nilalang, at bawat bagay na gumagala sa lupa,+ 9 dala-dalawa, lalaki at babae, ang pumasok sa arka papunta kay Noe, gaya ng iniutos ng Diyos kay Noe. 10 At pagkalipas ng pitong araw ay bumaha sa lupa.

11 Nang ika-600 taon ng buhay ni Noe, noong ika-17 araw ng ikalawang buwan, nabuksan ang lahat ng bukal ng tubig sa langit at ang mga pintuan ng tubig ng langit.+ 12 At umulan sa lupa sa loob ng 40 araw at 40 gabi. 13 Nang mismong araw na iyon, pumasok si Noe sa arka kasama ang mga anak niyang sina Sem, Ham, at Japet,+ ang asawa niya, at ang tatlong asawa ng mga anak niya.+ 14 Pumasok sila kasama ang lahat ng uri ng maiilap na hayop, lahat ng uri ng maaamong hayop, lahat ng uri ng gumagapang na hayop sa lupa, at lahat ng uri ng lumilipad na nilalang, bawat ibon at iba pang may-pakpak na nilalang. 15 Patuloy silang pumasok sa arka papunta kay Noe nang dala-dalawa, ang bawat uri ng hayop na may hininga* ng buhay. 16 Kaya pumasok ang mga ito, lalaki at babae mula sa bawat uri ng hayop, gaya ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Pagkatapos, isinara ni Jehova ang pinto.

17 At patuloy na umulan sa loob ng 40 araw, at tumaas nang tumaas ang tubig sa lupa hanggang sa umangat ang arka, at nagpalutang-lutang iyon sa tubig. 18 Naging napakalaki ng baha sa lupa at patuloy ang mabilis na pagtaas nito, pero ang arka ay nakalutang pa rin sa tubig. 19 Sa laki ng baha, lumubog sa tubig ang lahat ng matataas na bundok sa buong lupa.+ 20 Ang tubig ay lumampas nang 15 siko* sa taluktok ng mga bundok.

21 Kaya nalipol ang lahat ng buháy na nilalang* sa lupa+—ang lumilipad na mga nilalang, maaamong hayop, maiilap na hayop, mga nilalang na nagkukulumpon,* at lahat ng tao.+ 22 Ang lahat ng nabubuhay at humihingang nilikha* sa tuyong lupa ay namatay.+ 23 Kaya pinawi Niya sa lupa ang bawat buháy na nilikha, kasama ang mga tao, mga hayop, gumagapang na mga hayop, at lumilipad na mga nilalang sa langit. Silang lahat ay napawi sa lupa;+ si Noe lang at ang mga kasama niya sa arka ang nakaligtas.+ 24 At nanatiling mataas ang tubig sa lupa sa loob ng 150 araw.+

8 Pero binigyang-pansin* ng Diyos si Noe at ang lahat ng maiilap na hayop at maaamong hayop na kasama niya sa arka,+ at ang Diyos ay nagpahihip ng hangin sa ibabaw ng lupa, at nagsimulang humupa ang tubig. 2 Nagsara ang mga bukal ng tubig sa langit at ang mga pintuan ng tubig ng langit, kaya huminto ang pagbuhos ng ulan.+ 3 At ang tubig sa lupa ay unti-unting bumaba. Sa pagtatapos ng 150 araw, humupa na ang tubig. 4 Noong ika-17 araw ng ikapitong buwan, ang arka ay sumadsad sa mga bundok ng Ararat. 5 At ang tubig ay tuloy-tuloy sa pagbaba hanggang sa ika-10 buwan. Noong unang araw ng ika-10 buwan, lumitaw ang taluktok ng mga bundok.+

6 Kaya sa pagtatapos ng 40 araw, binuksan ni Noe ang ginawa niyang bintana+ ng arka, 7 at nagpalipad siya ng isang uwak; nagpabalik-balik ito sa arka hanggang sa matuyo ang tubig sa lupa.

8 Nang maglaon, nagpalipad siya ng isang kalapati para malaman kung bumaba na ang tubig sa ibabaw ng lupa. 9 Walang nakitang madadapuan ang kalapati, kaya bumalik ito sa kaniya dahil natatakpan pa ng tubig ang buong lupa.+ Kaya iniunat ni Noe ang kamay niya at ipinasok ang kalapati sa arka. 10 Naghintay pa siya nang pitong araw, at muli niyang pinalipad ang kalapati. 11 Nang bumalik sa kaniya ang kalapati nang papagabi na, nakita niyang may bagong-pitas na dahon ng olibo sa tuka nito! Kaya nalaman ni Noe na humupa na ang tubig sa lupa.+ 12 Naghintay pa ulit siya ng pitong araw. Pagkatapos ay pinalipad niya ang kalapati, pero hindi na ito bumalik sa kaniya.

13 At nang ika-601 taon,+ noong unang araw ng unang buwan, wala nang baha sa lupa; at inalis ni Noe ang isang bahagi ng bubong* ng arka at nakita niya na natutuyo na ang ibabaw ng lupa. 14 Noong ika-27 araw ng ikalawang buwan, natuyo na ang lupa.

15 Sinabi ngayon ng Diyos kay Noe: 16 “Lumabas ka sa arka, ikaw, ang asawa mo, ang mga anak mo, at ang asawa ng mga anak mo.+ 17 Ilabas mo rin ang lahat ng buháy na nilalang,+ ang iba’t ibang uri ng lumilipad na mga nilalang, mga hayop, at lahat ng gumagapang na hayop sa lupa, para magpalaanakin sila sa lupa at magpakarami.”+

18 Kaya lumabas si Noe, kasama ang mga anak niya,+ ang asawa niya, at ang mga asawa ng mga anak niya. 19 Bawat buháy na nilalang, bawat gumagapang na hayop at bawat lumilipad na nilalang, ang lahat ng gumagalaw sa lupa ay lumabas sa arka ayon sa kani-kanilang uri.+ 20 At nagtayo si Noe ng isang altar+ para kay Jehova at kumuha ng ilan mula sa lahat ng malilinis na hayop at sa lahat ng malilinis na lumilipad na nilalang+ at naghain ng mga handog na sinusunog sa altar.+ 21 At nilanghap ni Jehova ang nakagiginhawang amoy. Kaya sinabi ni Jehova sa sarili* niya: “Hindi ko na muling susumpain ang lupa+ dahil sa tao, dahil masama ang laman ng puso ng tao mula sa kaniyang pagkabata;+ at hindi ko na muling pupuksain ang bawat nabubuhay na bagay gaya ng ginawa ko.+ 22 Hangga’t umiiral ang lupa, laging magkakaroon ng paghahasik ng binhi at pag-aani, lamig at init, tag-araw at taglamig, at araw at gabi.”+

9 Pinagpala ng Diyos si Noe at ang mga anak niya at sinabi: “Magpalaanakin kayo at magpakarami, at punuin ninyo ang lupa.+ 2 Patuloy na matatakot sa inyo ang bawat buháy na nilalang sa lupa, bawat lumilipad na nilalang sa langit, bawat bagay na gumagalaw sa lupa, at lahat ng isda sa dagat. Pamamahalaan* ninyo ang mga iyon.+ 3 Ang bawat gumagalaw na hayop na buháy ay puwede ninyong maging pagkain.+ Ang lahat ng iyon ay ibinibigay ko sa inyo gaya ng berdeng pananim.+ 4 Pero huwag ninyong kakainin ang laman kasama ang buhay* nito—ang dugo+ nito.+ 5 Bukod diyan, pananagutin ko ang magpapadanak ng dugo ninyo.* Kung patayin kayo ng isang buháy na nilalang, dapat itong mamatay. Kung patayin ng isang tao ang kapuwa niya, dapat siyang patayin, dahil pinadanak niya ang dugo ng kapatid niya.+ 6 Ang sinumang pumatay* ng tao ay papatayin din ng tao,+ dahil ang tao ay ginawa ng Diyos ayon sa Kaniyang larawan.+ 7 At kung tungkol sa inyo, magpalaanakin kayo at magpakarami, at mangalat kayo sa buong lupa.”+

8 Pagkatapos, sinabi ng Diyos kay Noe at sa mga anak niya: 9 “Nakikipagtipan ako ngayon sa inyo+ at sa magiging mga anak ninyo, 10 at sa bawat buháy na nilalang* na kasama ninyo, ang mga ibon, hayop, at lahat ng buháy na nilalang sa lupa na kasama ninyo, ang lahat ng lumabas sa arka—ang lahat ng buháy na nilalang sa lupa.+ 11 Oo, nakikipagtipan ako sa inyo: Hindi na muling malilipol ang lahat ng tao at hayop* sa pamamagitan ng baha, at hindi na muling sisirain ng isang baha ang lupa.”+

12 At sinabi pa ng Diyos: “Ito ang tanda ng pakikipagtipan ko sa inyo at sa bawat buháy na nilalang* na kasama ninyo, para sa lahat ng susunod na henerasyon. 13 Maglalagay ako sa ulap ng bahaghari, at ito ang magiging tanda ng tipan sa pagitan ko at ng lupa. 14 Sa tuwing magdadala ako ng ulap sa ibabaw ng lupa, tiyak na lilitaw ang bahaghari sa ulap. 15 At tiyak na maaalaala ko ang pakikipagtipan ko sa inyo at sa bawat uri ng buháy na nilalang;* at ang tubig ay hindi na muling magiging baha na lilipol sa lahat ng tao at hayop.+ 16 At ang bahaghari ay lilitaw sa ulap, at tiyak na makikita ko iyon at maaalaala ang walang-hanggang tipan sa pagitan ng Diyos at ng bawat uri ng buháy na nilalang* sa lupa.”

17 Inulit ng Diyos kay Noe: “Ito ang tanda ng pakikipagtipan ko sa lahat ng tao at hayop na nasa lupa.”+

18 Ang mga anak ni Noe na lumabas sa arka ay sina Sem, Ham, at Japet.+ At naging anak ni Ham si Canaan.+ 19 Ang tatlong ito ang mga anak ni Noe, at sa kanila nagmula ang lahat ng taong nangalat sa lupa.+

20 At sinimulan ni Noe na sakahin ang lupa, at nagtanim siya ng mga ubas. 21 Nang uminom siya ng alak, nalasing siya at naghubad sa loob ng tolda niya. 22 Nakita ni Ham, na ama ni Canaan, ang kahubaran ng kaniyang ama at sinabi iyon sa dalawang kapatid niya na nasa labas. 23 Kaya kumuha sina Sem at Japet ng isang balabal at inilagay sa balikat nilang dalawa at lumakad nang paatras. Sa gayon, tinakpan nila ang kahubaran ng kanilang ama habang nakatalikod sila, at hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama.

24 Nang magising si Noe at mawala ang kalasingan, nalaman niya ang ginawa sa kaniya ng bunso niyang anak, 25 kaya sinabi niya:

“Sumpain si Canaan.+

At siya ang maging pinakamababang alipin ng mga kapatid niya.”+

26 Sinabi pa niya:

“Purihin si Jehova, ang Diyos ni Sem,

At si Canaan ay maging alipin niya.+

27 Bigyan nawa ng Diyos si Japet ng napakalaking lupain,

At manirahan nawa siya sa mga tolda ni Sem.

At si Canaan ay maging alipin din niya.”

28 Si Noe ay nabuhay pa nang 350 taon pagkatapos ng Baha.+ 29 Kaya nabuhay si Noe nang 950 taon, at siya ay namatay.

10 Ito ang kasaysayan ng mga anak ni Noe na sina Sem,+ Ham, at Japet.

Nagkaroon sila ng mga anak pagkatapos ng Baha.+ 2 Ang mga anak ni Japet ay sina Gomer,+ Magog,+ Madai, Javan, Tubal,+ Mesec,+ at Tiras.+

3 Ang mga anak ni Gomer ay sina Askenaz,+ Ripat, at Togarma.+

4 Ang mga anak ni Javan ay sina Elisa,+ Tarsis,+ Kitim,+ at Dodanim.

5 Sa kanila nanggaling ang mga naninirahan sa mga isla,* at nangalat ang mga ito ayon sa kani-kanilang wika, pamilya, at bansa.

6 Ang mga anak ni Ham ay sina Cus, Mizraim,+ Put,+ at Canaan.+

7 Ang mga anak ni Cus ay sina Seba,+ Havila, Sabta, Raama,+ at Sabteca.

Ang mga anak ni Raama ay sina Sheba at Dedan.

8 Naging anak ni Cus si Nimrod. Siya ang unang tao na naging makapangyarihan sa lupa. 9 Siya ay naging makapangyarihang mangangaso na kumakalaban kay Jehova. Kaya naman may kasabihan: “Gaya ni Nimrod, isang makapangyarihang mangangaso na kumakalaban kay Jehova.” 10 Nagsimula ang kaharian niya sa* Babel,+ Erec,+ Acad, at Calne, na nasa lupain ng Sinar.+ 11 Mula sa lupaing iyon, pumunta siya sa Asirya+ at itinayo ang Nineve,+ Rehobot-Ir, Cala, 12 at Resen na nasa pagitan ng Nineve at Cala: Ito ang dakilang lunsod.*

13 Naging anak ni Mizraim sina Ludim,+ Anamim, Lehabim, Naptuhim,+ 14 Patrusim,+ Casluhim (ang ninuno ng mga Filisteo),+ at Captorim.+

15 Naging anak ni Canaan si Sidon,+ na panganay niya, at si Het;+ 16 siya rin ang ninuno ng mga Jebusita,+ Amorita,+ Girgasita, 17 Hivita,+ Arkeo, Sinita, 18 Arvadita,+ Zemarita, at Hamateo.+ Pagkatapos, nangalat ang mga pamilya ng mga Canaanita. 19 Kaya ang teritoryo ng mga Canaanita ay mula sa Sidon hanggang sa Gerar+ na malapit sa Gaza,+ at hanggang sa Sodoma, Gomorra,+ Adma, at Zeboiim,+ na malapit sa Lasa. 20 Ito ang mga anak ni Ham ayon sa kani-kanilang pamilya, wika, lupain, at bansa.

21 Nagkaroon din ng mga anak si Sem, na ninuno ng lahat ng anak ni Eber+ at kapatid ng panganay na si Japet.* 22 Ang mga anak ni Sem ay sina Elam,+ Asur,+ Arpacsad,+ Lud, at Aram.+

23 Ang mga anak ni Aram ay sina Uz, Hul, Geter, at Mas.

24 Naging anak ni Arpacsad si Shela,+ at naging anak ni Shela si Eber.

25 Nagkaroon si Eber ng dalawang anak na lalaki. Ang pangalan ng isa ay Peleg,*+ dahil nagkabaha-bahagi ang lupa* noong panahon niya. Ang pangalan ng isa pa ay Joktan.+

26 Naging anak ni Joktan sina Almodad, Selep, Hazarmavet, Jera,+ 27 Hadoram, Uzal, Dikla, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Opir,+ Havila, at Jobab; silang lahat ang anak na lalaki ni Joktan.

30 Ang teritoryong tinitirhan nila ay mula sa Mesa hanggang sa Separ, ang mabundok na rehiyon ng Silangan.

31 Ito ang mga anak ni Sem ayon sa kani-kanilang pamilya, wika, lupain, at bansa.+

32 Ito ang mga pamilya ng mga anak ni Noe ayon sa kani-kanilang angkan at bansa. Mula sa mga ito, nangalat sa lupa ang mga bansa pagkatapos ng Baha.+

11 Nang panahong iyon, iisa lang ang wika at bokabularyo* ng buong lupa.* 2 Habang naglalakbay ang mga tao pasilangan, natuklasan nila ang isang kapatagan sa lupain ng Sinar,+ at tumira sila roon. 3 Pagkatapos, sinabi nila sa isa’t isa: “Halikayo! Gumawa tayo ng mga laryo* at lutuin ang mga iyon sa apoy.” Kaya gumamit sila ng laryo sa halip na bato at ng bitumen bilang argamasa.* 4 At sinabi nila: “Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod para sa ating sarili at ng isang tore na aabot sa langit ang taluktok at gawin nating tanyag ang ating pangalan, para hindi tayo mangalat sa ibabaw ng buong lupa.”+

5 Pagkatapos, bumaba si Jehova para tingnan ang lunsod at ang tore na itinayo ng mga anak ng tao. 6 At sinabi ni Jehova: “Sila ay iisang bayan na may iisang wika,+ at ito ang ginawa nila. Ngayon, anumang bagay na maiisip nilang gawin ay magagawa nila. 7 Halika!* Bumaba tayo+ roon at guluhin natin ang wika nila para hindi nila maintindihan ang wika ng isa’t isa.” 8 Kaya mula roon ay pinangalat sila ni Jehova sa ibabaw ng buong lupa,+ at nang maglaon ay itinigil nila ang pagtatayo ng lunsod. 9 Iyan ang dahilan kung bakit tinawag itong Babel,*+ dahil doon ay ginulo ni Jehova ang wika ng buong lupa, at mula roon ay pinangalat sila ni Jehova sa ibabaw ng buong lupa.

10 Ito ang kasaysayan ni Sem.+

Si Sem ay 100 taóng gulang nang maging anak niya si Arpacsad+ dalawang taon pagkatapos ng Baha. 11 Nang maisilang ang anak niyang si Arpacsad, nabuhay pa si Sem nang 500 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.+

12 Si Arpacsad ay 35 taóng gulang nang maging anak niya si Shela.+ 13 Nang maisilang ang anak niyang si Shela, nabuhay pa si Arpacsad nang 403 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.

14 Si Shela ay 30 taóng gulang nang maging anak niya si Eber.+ 15 Nang maisilang ang anak niyang si Eber, nabuhay pa si Shela nang 403 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.

16 Si Eber ay 34 na taóng gulang nang maging anak niya si Peleg.+ 17 Nang maisilang ang anak niyang si Peleg, nabuhay pa si Eber nang 430 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.

18 Si Peleg ay 30 taóng gulang nang maging anak niya si Reu.+ 19 Nang maisilang ang anak niyang si Reu, nabuhay pa si Peleg nang 209 na taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.

20 Si Reu ay 32 taóng gulang nang maging anak niya si Serug. 21 Nang maisilang ang anak niyang si Serug, nabuhay pa si Reu nang 207 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.

22 Si Serug ay 30 taóng gulang nang maging anak niya si Nahor. 23 Nang maisilang ang anak niyang si Nahor, nabuhay pa si Serug nang 200 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.

24 Si Nahor ay 29 na taóng gulang nang maging anak niya si Tera.+ 25 Nang maisilang ang anak niyang si Tera, nabuhay pa si Nahor nang 119 na taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.

26 Nang si Tera ay 70 taóng gulang na, nagkaroon siya ng mga anak. Sila ay sina Abram,+ Nahor,+ at Haran.

27 Ito ang kasaysayan ni Tera.

Naging anak ni Tera sina Abram, Nahor, at Haran; at naging anak ni Haran si Lot.+ 28 Buháy pa si Tera nang mamatay ang anak niyang si Haran sa lupain kung saan ito ipinanganak, sa Ur+ ng mga Caldeo.+ 29 Nag-asawa sina Abram at Nahor. Ang pangalan ng asawa ni Abram ay Sarai,+ at ang pangalan ng asawa ni Nahor ay Milca,+ na anak ni Haran, ang ama nina Milca at Isca. 30 At si Sarai ay baog;+ wala siyang anak.

31 Pagkatapos, isinama ni Tera palabas ng Ur ng mga Caldeo ang anak niyang si Abram, ang apo niyang si Lot,+ na anak ni Haran, at ang manugang niyang si Sarai, na asawa ni Abram na kaniyang anak. Sumama sila sa kaniya papunta sa Canaan.+ Nang maglaon, nakarating sila sa Haran+ at tumira doon. 32 Nabuhay si Tera nang 205 taon, at namatay siya sa Haran.

12 At sinabi ni Jehova kay Abram: “Umalis ka sa iyong lupain, iwan mo ang mga kamag-anak mo at ang pamilya ng iyong ama, at pumunta ka sa lupain na ipapakita ko sa iyo.+ 2 Gagawin kitang isang malaking* bansa, at pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang pangalan mo, at magiging pagpapala ka.+ 3 Pagpapalain ko ang mga humihiling na pagpalain ka ng Diyos, at susumpain ko ang sumusumpa sa iyo,+ at tiyak na pagpapalain* ang lahat ng pamilya sa lupa sa pamamagitan mo.”+

4 Kaya umalis si Abram gaya ng sinabi ni Jehova sa kaniya, at sumama sa kaniya si Lot. Si Abram ay 75 taóng gulang nang umalis siya sa Haran.+ 5 Kaya isinama ni Abram si Sarai na asawa niya,+ si Lot na anak ng kapatid niya,+ at ang lahat ng alipin na kasama nila sa Haran; dinala rin niya ang lahat ng pag-aari na natipon nila roon,+ at naglakbay sila papunta sa Canaan.+ Nang makarating sila sa Canaan, 6 patuloy na naglakbay si Abram sa lupain hanggang sa lugar ng Sikem,+ malapit sa malalaking puno ng More.+ Nang panahong iyon, nakatira sa lupain ang mga Canaanita. 7 Nagpakita ngayon si Jehova kay Abram at nagsabi: “Ibibigay ko sa mga supling* mo+ ang lupaing ito.”+ Kaya nagtayo siya roon ng isang altar para kay Jehova, na nagpakita sa kaniya. 8 Nang maglaon, umalis siya roon at lumipat sa mabundok na rehiyon sa silangan ng Bethel+ at itinayo ang tolda niya sa pagitan ng Bethel na nasa kanluran at ng Ai+ na nasa silangan. Nagtayo siya roon ng isang altar para kay Jehova+ at nagsimulang pumuri kay Jehova.*+ 9 Pagkatapos, patuloy na naglakbay si Abram papuntang Negeb+ at nagpalipat-lipat ng kampo.

10 At nagkaroon ng taggutom sa lupain, kaya pumunta si Abram sa Ehipto para pansamantalang manirahan doon*+ dahil matindi ang taggutom sa lupain.+ 11 Nang papasók na siya sa Ehipto, sinabi niya sa asawa niyang si Sarai: “Pakisuyo, makinig ka. Napakaganda mong babae.+ 12 Kapag nakita ka ng mga Ehipsiyo, siguradong sasabihin nila, ‘Asawa niya ito.’ Kaya papatayin nila ako pero pananatilihin ka nilang buháy. 13 Pakisuyong sabihin mo na kapatid kita, para mapabuti ako dahil sa iyo at hindi nila ako* patayin.”+

14 At pagpasok ni Abram sa Ehipto, napansin agad ng mga Ehipsiyo na napakaganda ni Sarai. 15 Nakita rin siya ng matataas na opisyal ng Paraon, at pinupuri nila siya sa Paraon, kaya dinala ang babae sa bahay ng Paraon. 16 Maganda ang naging pakikitungo nito kay Abram dahil kay Sarai, at nagkaroon si Abram ng mga tupa, baka, asnong lalaki at babae, alilang lalaki at babae, at mga kamelyo.+ 17 Pagkatapos, pinadalhan ni Jehova ang Paraon at ang sambahayan nito ng matitinding salot dahil kay Sarai, na asawa ni Abram.+ 18 Kaya ipinatawag ng Paraon si Abram at sinabi: “Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin na asawa mo siya? 19 Bakit mo sinabing kapatid mo siya?+ Muntik ko na siyang kunin bilang asawa. Heto ang asawa mo. Kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Kaya nagbigay ng utos ang Paraon sa mga alipin niya tungkol kay Abram, at pinaalis nila siya kasama ang asawa niya at lahat ng pag-aari niya.+

13 Pagkatapos, si Abram ay umalis sa Ehipto at pumunta sa Negeb.+ Kasama niya ang asawa niya at lahat ng pag-aari niya, pati na si Lot. 2 Napakarami niyang alagang hayop, pilak, at ginto.+ 3 Nagpalipat-lipat siya ng kampo habang naglalakbay mula Negeb hanggang Bethel, at nakarating siya sa lugar na pinagtayuan niya noon ng tolda sa pagitan ng Bethel at Ai,+ 4 sa lugar kung saan siya nagtayo noon ng altar. Doon pumuri si Abram kay Jehova.*

5 Si Lot, na naglalakbay kasama ni Abram, ay mayroon ding mga tupa, baka, at mga tolda. 6 At hindi na posible para sa kanila na manirahang magkakasama sa iisang lugar dahil naging napakarami ng pag-aari nila. 7 Dahil dito, nag-away ang mga pastol ng alagang hayop ni Abram at ang mga pastol ni Lot. (Nang panahong iyon, nakatira sa lupain ang mga Canaanita at Perizita.)+ 8 Kaya sinabi ni Abram kay Lot:+ “Nakikiusap ako sa iyo, huwag tayong mag-away o ang ating mga pastol, dahil magkapatid tayo. 9 Makakabuti kung maghiwalay tayo. Puwede mong piliin ang anumang bahagi ng lupain na gusto mo. Kung pupunta ka sa kaliwa, pupunta ako sa kanan; pero kung pupunta ka sa kanan, pupunta ako sa kaliwa.” 10 Kaya tumingin si Lot sa paligid, at nakita niya na ang buong distrito ng Jordan+ hanggang sa Zoar+ ay sagana sa tubig (noong hindi pa winawasak ni Jehova ang Sodoma at Gomorra), gaya ng hardin* ni Jehova+ at lupain ng Ehipto. 11 At pinili ni Lot ang buong distrito ng Jordan at inilipat ang kampo niya sa silangan. Kaya naghiwalay sila. 12 Si Abram ay tumira sa Canaan, pero si Lot ay tumira malapit sa mga lunsod ng distrito.+ Nang dakong huli, itinayo niya ang kaniyang tolda malapit sa Sodoma. 13 At ang mga lalaki ng Sodoma ay napakasama at talagang makasalanan sa paningin ni Jehova.+

14 Sinabi ni Jehova kay Abram pagkatapos humiwalay ni Lot sa kaniya: “Pakisuyo, mula sa kinaroroonan mo ay tumingin ka sa paligid mo, sa hilaga, sa timog, sa silangan, at sa kanluran, 15 dahil ang lahat ng lupain na natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga supling* mo para maging pag-aari ninyo magpakailanman.+ 16 At gagawin kong kasindami ng mga butil ng alabok sa lupa ang mga supling* mo; kung paanong hindi kayang bilangin ang mga butil ng alabok sa lupa, hindi rin mabibilang ang mga supling* mo.+ 17 At libutin mo ang buong haba at lapad ng lupain, dahil sa iyo ko ibibigay iyon.” 18 Kaya patuloy na nanirahan si Abram sa mga tolda. Nang maglaon, nakarating siya malapit sa malalaking puno sa Mamre,+ na nasa Hebron,+ at tumira doon. Nagtayo siya roon ng isang altar para kay Jehova.+

14 Nang mga araw nina Amrapel na hari ng Sinar,+ Ariok na hari ng Elasar, Kedorlaomer+ na hari ng Elam,+ at Tidal na hari ng Goiim, 2 nakipagdigma sila kina Bera na hari ng Sodoma,+ Birsa na hari ng Gomorra,+ Sinab na hari ng Adma, Semeber na hari ng Zeboiim,+ at sa hari ng Bela, na tinatawag ding Zoar. 3 Lahat sila* ay nagsanib-puwersa sa Lambak* ng Sidim,+ na tinatawag ding Dagat Asin.*+

4 Naglingkod ang limang haring iyon kay Kedorlaomer nang 12 taon, pero naghimagsik sila noong ika-13 taon. 5 Kaya noong ika-14 na taon, si Kedorlaomer at ang mga haring kasama niya ay lumusob, at tinalo nila ang mga Repaim sa Asterot-karnaim, ang mga Zuzim sa Ham, ang mga Emim+ sa Save-kiriataim, 6 at ang mga Horita+ sa kanilang bundok ng Seir+ hanggang sa El-paran, na nasa ilang. 7 Pagkatapos, bumalik sila at pumunta sa En-mispat, na tinatawag ding Kades,+ at sinakop nila ang buong teritoryo ng mga Amalekita+ at gayundin ang mga Amorita+ na naninirahan sa Hazazon-tamar.+

8 Sa pagkakataong ito, lumusob ang hari ng Sodoma, gayundin ang hari ng Gomorra, ang hari ng Adma, ang hari ng Zeboiim, at ang hari ng Bela, na tinatawag ding Zoar, at sila ay humanay sa Lambak* ng Sidim para makipagdigma 9 kina Kedorlaomer na hari ng Elam, Tidal na hari ng Goiim, Amrapel na hari ng Sinar, at Ariok na hari ng Elasar+—apat na hari laban sa lima. 10 Napakaraming hukay na punô ng bitumen sa Lambak* ng Sidim, at habang sinusubukang tumakas ng mga hari ng Sodoma at Gomorra, nahulog sila sa mga iyon, at ang iba pa ay tumakas papunta sa mabundok na rehiyon. 11 Pagkatapos, kinuha ng apat na nagtagumpay na hari ang lahat ng pag-aari ng Sodoma at Gomorra at ang lahat ng pagkain nila at umalis.+ 12 Kinuha rin nila si Lot, ang anak ng kapatid ni Abram na nakatira sa Sodoma,+ pati na ang mga pag-aari nito.

13 Pagkatapos, isang taong nakatakas ang pumunta kay Abram na Hebreo at ikinuwento ang nangyari. Nakatira siya noon* malapit sa malalaking puno ni Mamre na Amorita,+ ang kapatid nina Escol at Aner.+ Sila ay mga kakampi ni Abram. 14 Sa gayon ay narinig ni Abram na nabihag ang kaniyang kamag-anak.*+ Kaya tinipon niya ang mga lalaking sinanay para makipagdigma, 318 lingkod na ipinanganak sa sambahayan niya, at hinabol nila ang mga kalaban hanggang sa Dan.+ 15 Nang gabi na, hinati niya sa mga grupo ang kaniyang mga lingkod, at nilusob niya at ng mga lingkod niya ang mga kalaban at tinalo ang mga ito. At hinabol niya sila hanggang sa Hoba, na nasa hilaga ng Damasco. 16 Nabawi niya ang lahat ng pag-aari, at nabawi rin niya si Lot na kaniyang kamag-anak, ang mga pag-aari nito, ang mga babae, at ang iba pang bihag.

17 Nang makabalik si Abram matapos niyang talunin si Kedorlaomer at ang mga kasama nitong hari, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Lambak* ng Save, na tinatawag ding Lambak ng Hari.+ 18 At si Melquisedec+ na hari ng Salem+ ay naglabas ng tinapay at alak; siya ay saserdote ng Kataas-taasang Diyos.+

19 Pagkatapos, pinagpala niya si Abram at sinabi:

“Pagpalain nawa si Abram ng Kataas-taasang Diyos,

Ang Maylikha ng langit at lupa;

20 At purihin ang Kataas-taasang Diyos,

Na nagbigay ng mga kaaway mo sa iyong kamay!”

At binigyan siya ni Abram ng ikasampu ng lahat ng bagay.+

21 Pagkatapos, sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram: “Ibigay mo sa akin ang mga tao, pero kunin mo ang mga pag-aari.” 22 Pero sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma: “Itinataas ko ang kamay ko bilang panunumpa kay Jehova na Kataas-taasang Diyos, na Maylikha ng langit at lupa, 23 na wala akong kukuning anumang bagay na pag-aari mo, kahit isang sinulid o isang sintas ng sandalyas, para hindi mo sabihin, ‘Ako ang nagpayaman kay Abram.’ 24 Wala akong kukunin maliban sa nakain na ng mga lingkod ko. Pero para sa mga lalaking sumama sa akin, sina Aner, Escol, at Mamre+—hayaan mong kunin nila ang parte nila.”

15 Pagkatapos nito, ang salita ni Jehova ay dumating kay Abram sa isang pangitain, na nagsasabi: “Huwag kang matakot,+ Abram. Ako ay kalasag para sa iyo.+ Napakalaki ng magiging gantimpala mo.”+ 2 Sumagot si Abram: “Kataas-taasang* Panginoong Jehova, ano ang ibibigay mo sa akin, gayong wala akong anak at ang magmamana ng aking bahay ay isang taga-Damasco, si Eliezer?”+ 3 Sinabi pa ni Abram: “Hindi mo ako binigyan ng supling,*+ at isang miyembro* ng aking sambahayan ang magiging tagapagmana ko.” 4 Pero ito ang sagot sa kaniya ni Jehova: “Hindi ang taong iyon ang magiging tagapagmana mo, kundi ang sarili mong anak.”*+

5 Dinala Niya siya ngayon sa labas at sinabi: “Pakisuyo, tumingin ka sa langit at bilangin mo ang mga bituin, kung mabibilang mo nga iyon.” Pagkatapos, sinabi Niya: “Magiging ganiyan karami ang mga supling* mo.”+ 6 At nanampalataya siya kay Jehova,+ at dahil dito, itinuring Niya siyang matuwid.*+ 7 At sinabi pa Niya: “Ako si Jehova, na naglabas sa iyo mula sa Ur ng mga Caldeo para ibigay sa iyo ang lupaing ito.”+ 8 Sumagot siya: “Kataas-taasang Panginoong Jehova, paano ko malalaman na magiging akin iyon?” 9 Sinabi naman Niya: “Kumuha ka ng isang tatlong-taóng-gulang na dumalagang baka, isang tatlong-taóng-gulang na babaeng kambing, isang tatlong-taóng-gulang na lalaking tupa, isang batubato, at isang inakáy ng kalapati.” 10 Kaya kinuha niya ang lahat ng ito, hinati ang mga ito sa dalawang bahagi, at inihanay nang magkatapat ang mga bahagi, pero hindi niya hinati-hati ang mga ibon. 11 At ang mga ibong maninila* ay bumababa sa pinatay na mga hayop, pero itinataboy ni Abram ang mga ito.

12 Nang papalubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram. Nilukuban siya ng isang nakakatakot at matinding kadiliman. 13 At sinabi Niya kay Abram: “Siguradong ang mga supling* mo ay magiging mga dayuhan sa ibang bansa, at aalipinin sila ng mga tagaroon at pahihirapan nang 400 taon.+ 14 Pero hahatulan ko ang bansa na mang-aalipin sa kanila,+ at pagkatapos ay lalaya sila dala ang maraming pag-aari.+ 15 Kung tungkol sa iyo, mamamatay kang payapa matapos masiyahan sa mahabang buhay; at ililibing kang kasama ng iyong mga ninuno.+ 16 Pero babalik dito ang iyong mga supling+ sa ikaapat na henerasyon, dahil hindi pa umaabot sa sukdulan ang kasalanan ng mga Amorita.”+

17 Noong lumubog na ang araw at napakadilim na, lumitaw ang isang umuusok na hurno, at isang nag-aapoy na sulo ang dumaan sa pagitan ng mga piraso ng hayop. 18 Nang araw na iyon, nakipagtipan si Jehova kay Abram:+ “Ibibigay ko sa mga supling* mo ang lupaing ito,+ mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates:+ 19 ang lupain ng mga Kenita,+ Kenizita, Kadmonita, 20 Hiteo,+ Perizita,+ Repaim,+ 21 Amorita, Canaanita, Girgasita, at Jebusita.”+

16 At hindi nagkaanak ang asawa ni Abram na si Sarai,+ pero mayroon siyang alilang Ehipsiyo na ang pangalan ay Hagar.+ 2 Kaya sinabi ni Sarai kay Abram: “Hindi ako pinahintulutan ni Jehova na magkaanak. Pakisuyo, sumiping ka sa aking alila. Baka magkaroon ako ng mga anak sa pamamagitan niya.”+ At nakinig si Abram sa sinabi ni Sarai. 3 Noong 10 taon nang naninirahan si Abram sa Canaan, ibinigay ni Sarai sa asawa niyang si Abram ang kaniyang alilang Ehipsiyo na si Hagar para maging asawa nito. 4 Kaya sumiping si Abram kay Hagar, at nagdalang-tao siya. Nang malaman ni Hagar na nagdadalang-tao siya, naging hamak sa paningin niya ang amo niyang babae.

5 Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram: “Ikaw ang may kasalanan kung bakit niya ako hinahamak. Ako ang nagbigay sa iyo* ng aking alila, pero nang malaman niyang nagdadalang-tao siya, naging hamak ako sa paningin niya. Si Jehova nawa ang humatol sa akin at sa iyo.” 6 Kaya sinabi ni Abram kay Sarai: “Alila mo siya. Gawin mo sa kaniya kung ano sa tingin mo ang makakabuti.” At ipinahiya ni Sarai si Hagar kaya lumayas siya.

7 Nang maglaon, nakita siya ng anghel ni Jehova sa isang bukal ng tubig sa ilang, ang bukal na nasa daan papuntang Sur.+ 8 Sinabi nito: “Hagar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” Sumagot siya: “Tumatakas ako mula sa amo kong si Sarai.” 9 Kaya sinabi sa kaniya ng anghel ni Jehova: “Bumalik ka sa amo mo at magpakumbaba* ka sa kaniya.” 10 Pagkatapos, sinabi ng anghel ni Jehova: “Talagang pararamihin ko ang mga supling* mo hanggang sa hindi na sila kayang bilangin.”+ 11 Idinagdag pa ng anghel ni Jehova: “Nagdadalang-tao ka, at magsisilang ka ng isang lalaki. Pangalanan mo siyang Ismael,* dahil narinig ni Jehova ang paghihirap mo. 12 Magiging tulad siya ng mailap na asno.* Siya ay magiging laban sa lahat, at ang lahat ay magiging laban sa kaniya, at maninirahan siya malapit sa lahat ng kapatid niya.”*

13 Kaya tumawag siya sa pangalan ni Jehova, na nakikipag-usap sa kaniya, at sinabi niya: “Ikaw ay Diyos ng paningin,”+ dahil sinabi niya: “Talaga bang nakita ko ang isa na nakakakita sa akin?” 14 Iyan ang dahilan kung bakit ang balon ay tinawag na Beer-lahai-roi.* (Nasa pagitan ito ng Kades at Bered.) 15 Kaya nagsilang si Hagar ng isang lalaki, at pinangalanan ni Abram na Ismael ang anak niya kay Hagar.+ 16 Si Abram ay 86 na taóng gulang nang isilang ni Hagar si Ismael.

17 Noong si Abram ay 99 na taóng gulang, si Jehova ay nagpakita kay Abram at nagsabi: “Ako ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Lumakad ka nang tapat sa harap ko at ipakita mong wala kang pagkukulang.* 2 At makikipagtipan ako sa iyo,+ at bibigyan kita ng napakaraming supling.”+

3 Dahil dito, sumubsob si Abram, at ang Diyos ay patuloy na nakipag-usap sa kaniya: 4 “May pakikipagtipan ako sa iyo,+ at ikaw ay tiyak na magiging ama ng maraming bansa.+ 5 Ang pangalan mo ay hindi na Abram;* ang pangalan mo ay magiging Abraham,* dahil gagawin kitang ama ng maraming bansa. 6 Bibigyan kita ng napakaraming supling at pagmumulan ka ng mga bansa, at pagmumulan ka ng mga hari.+

7 “At tutuparin ko ang tipan ko sa iyo+ at sa magiging supling* mo hanggang sa susunod pang mga henerasyon bilang isang walang-hanggang tipan, para maging Diyos ako sa iyo at sa magiging supling* mo. 8 At ibibigay ko sa iyo at sa magiging mga supling* mo ang lupain kung saan ka nanirahan bilang dayuhan+—ang buong lupain ng Canaan—para maging pag-aari ninyo magpakailanman, at ako ay magiging Diyos ninyo.”+

9 Sinabi pa ng Diyos kay Abraham: “Kung tungkol sa iyo, tuparin mo ang aking tipan, ikaw at ang magiging mga supling* mo hanggang sa susunod pang mga henerasyon. 10 Ito ang tipan ko sa inyo, na dapat mong tuparin at ng magiging mga supling* mo: Ang bawat lalaki sa inyo ay dapat magpatuli.+ 11 Dapat kayong magpatuli, at ito ay magiging tanda ng tipan ko sa inyo.+ 12 Sa lahat ng henerasyon, ang bawat lalaki sa inyo ay dapat tuliin walong araw pagkapanganak sa kaniya,+ sinumang ipinanganak sa sambahayan at sinumang hindi mo supling* na binili mo mula sa banyaga. 13 Ang bawat lalaking ipinanganak sa iyong sambahayan at ang bawat lalaking binili mo ay dapat tuliin,+ at ang tandang ito sa inyong katawan* ay katibayan ng aking pakikipagtipan sa inyo hanggang sa panahong walang takda. 14 At kung ang sinumang lalaki ay hindi magpatuli, papatayin siya.* Sinira niya ang aking tipan.”

15 At sinabi ng Diyos kay Abraham: “Kung tungkol sa iyong asawa na si Sarai,*+ huwag mo na siyang tawaging Sarai, dahil magiging Sara* na ang pangalan niya. 16 Pagpapalain ko siya at bibigyan din kita ng isang anak na lalaki sa pamamagitan niya;+ pagpapalain ko si Sara at pagmumulan siya ng mga bansa; pagmumulan siya ng mga hari.”* 17 Dahil dito, sumubsob si Abraham at nagsimulang tumawa at nagsabi sa kaniyang sarili:+ “Magkakaanak pa ba ang isang lalaki na 100 taóng gulang na, at magsisilang pa ba si Sara, isang babae na 90 taóng gulang na?”+

18 Kaya sinabi ni Abraham sa tunay na Diyos: “O pagpalain mo nawa si Ismael!”+ 19 Pero sinabi ng Diyos: “Tiyak na magkakaroon ka ng isang anak na lalaki sa asawa mong si Sara, at tatawagin mo siyang Isaac.*+ At makikipagtipan ako sa kaniya, at siya at ang mga supling* niya ay makikinabang dito magpakailanman.+ 20 Pero kung tungkol kay Ismael, narinig kita. Pagpapalain ko siya at gagawin ko siyang palaanakin at bibigyan ko siya ng napakaraming supling. Pagmumulan siya ng 12 pinuno, at gagawin ko siyang isang dakilang bansa.+ 21 Pero ako ay makikipagtipan kay Isaac,+ na isisilang ni Sara sa ganito ring panahon sa susunod na taon.”+

22 Nang matapos makipag-usap ang Diyos kay Abraham, pumaitaas ang Diyos mula roon. 23 At kinuha ni Abraham ang anak niyang si Ismael at ang lahat ng lalaking ipinanganak sa sambahayan niya at ang lahat ng binili niya, ang lahat ng lalaki sa sambahayan ni Abraham, at tinuli niya sila nang mismong araw na iyon, gaya ng sinabi ng Diyos sa kaniya.+ 24 Si Abraham ay 99 na taóng gulang nang magpatuli siya.+ 25 At ang anak niyang si Ismael ay 13 taóng gulang nang magpatuli ito.+ 26 Nang mismong araw na iyon, nagpatuli si Abraham at ang anak niyang si Ismael. 27 At nagpatuli rin nang araw na iyon ang lahat ng lalaki sa kaniyang sambahayan, ang sinumang ipinanganak sa sambahayan at ang sinumang binili mula sa banyaga.

18 Pagkatapos, nagpakita sa kaniya si Jehova+ sa gitna ng malalaking puno sa Mamre+ habang nakaupo siya sa pasukan ng tolda nang kainitan ng araw. 2 At may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa malayo.+ Pagkakita sa kanila, tumakbo siya mula sa pasukan ng tolda para salubungin sila, at yumukod siya sa kanila.* 3 Pagkatapos, sinabi niya: “Jehova, kung kalugod-lugod ako sa iyong paningin, pakisuyong huwag mong lampasan ang iyong lingkod. 4 Pakiusap, hayaan ninyong makapagdala kami ng kaunting tubig para mahugasan ang mga paa ninyo;+ pagkatapos ay magpahinga kayo sa ilalim ng puno. 5 Dahil pumunta kayo sa inyong lingkod, hayaan ninyong makapagdala ako ng isang piraso ng tinapay para maginhawahan kayo.* Pagkatapos ay puwede na kayong magpatuloy sa paglalakbay.” Sinabi nila: “Sige, puwede mong gawin ang mga sinabi mo.”

6 Kaya nagmadali si Abraham papunta kay Sara sa tolda, at sinabi niya: “Dali! Kumuha ka ng tatlong takal* ng magandang klase ng harina, masahin mo ito, at gumawa ka ng mga tinapay.” 7 Pagkatapos, tumakbo si Abraham sa bakahan at pumili ng mainam na batang toro na malambot ang karne. Ibinigay niya iyon sa tagapaglingkod, at nagmadali ito para maihanda iyon. 8 Pagkatapos, kumuha siya ng mantikilya at gatas at inihain ang mga ito kasama ng ipinahanda niyang batang toro. At habang kumakain sila, nakatayo siya sa tabi nila sa ilalim ng puno.+

9 Sinabi nila sa kaniya: “Nasaan ang asawa mong si Sara?”+ Sumagot siya: “Nasa loob ng tolda.” 10 Kaya sinabi ng isa sa kanila: “Tiyak na babalik ako sa iyo sa ganito ring panahon sa susunod na taon, at ang asawa mong si Sara ay magkakaroon ng isang anak na lalaki.”+ Nakikinig si Sara sa may pasukan ng tolda, na nasa likuran ng lalaki. 11 Napakatanda na nina Abraham at Sara.+ Lampas na si Sara sa edad na puwedeng manganak.*+ 12 Kaya natawa* si Sara at sinabi sa sarili niya: “Ngayong lipas na ako at matanda na ang aking panginoon, talaga kayang mararanasan ko pa ang ganitong kaligayahan?”+ 13 Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Bakit tumawa si Sara at nagsabi, ‘Talaga kayang manganganak ako kahit matanda na ako?’ 14 May imposible ba kay Jehova?+ Babalik ako sa iyo sa ganito ring panahon sa susunod na taon, at si Sara ay magkakaroon ng isang anak na lalaki.” 15 Pero sa takot, ikinaila iyon ni Sara at sinabi: “Hindi ako tumawa!” Kaya sinabi ng Diyos: “Hindi! Tumawa ka.”

16 Nang tumayo ang mga lalaki para magpaalam at tumingin sa direksiyon ng Sodoma,+ sinamahan sila ni Abraham sa paglalakad. 17 Sinabi ni Jehova: “Hindi ko ililihim kay Abraham ang gagawin ko.+ 18 Si Abraham ay tiyak na magiging isang dakila at makapangyarihang bansa, at sa pamamagitan niya ay pagpapalain* ang lahat ng bansa sa lupa.+ 19 Dahil napalapít ako sa kaniya at alam kong uutusan niya ang kaniyang magiging mga anak at sambahayan na manatili sa daan ni Jehova sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano ang tama at makatarungan,+ para matupad ni Jehova ang ipinangako niya may kinalaman kay Abraham.”

20 Pagkatapos, sinabi ni Jehova: “Napakalakas ng pagdaing laban sa Sodoma at Gomorra,+ at napakabigat ng kasalanan nila.+ 21 Bababa ako para makita kung totoo ang pagdaing na nakaabot sa akin at kung talagang napakasama ng ginagawa nila. Gusto ko itong malaman.”+

22 At umalis doon ang mga lalaki at naglakbay papuntang Sodoma, pero si Jehova+ ay nanatiling kasama ni Abraham. 23 Pagkatapos, lumapit si Abraham sa Diyos at nagsabi: “Talaga bang lilipulin mo ang mga matuwid kasama ng masasama?+ 24 Ipagpalagay nang may 50 matuwid sa lunsod. Lilipulin mo pa rin ba ang lunsod at hindi ito patatawarin alang-alang sa 50 matuwid na naroon? 25 Malayong mangyari na patayin mo ang matuwid kasama ng masama, sa gayon ay pareho ang magiging kahihinatnan ng matuwid at ng masama!+ Malayong mangyari na gawin mo iyan.+ Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong lupa kung ano ang tama?”+ 26 Sinabi ni Jehova: “Kung may makita akong 50 matuwid sa lunsod ng Sodoma, patatawarin ko ang buong lunsod alang-alang sa kanila.” 27 Pero nagsalita ulit si Abraham: “O Jehova, nangahas akong makipag-usap sa iyo kahit na ako ay alabok at abo. 28 Ipagpalagay nang magkulang ng lima ang 50 matuwid. Wawasakin mo ba ang buong lunsod dahil sa lima?” Sinabi niya: “Hindi ko iyon wawasakin kung may makita akong 45 roon.”+

29 Pero muling nagsalita si Abraham: “Ipagpalagay nang may 40 roon.” Sumagot siya: “Hindi ko iyon gagawin alang-alang sa 40.” 30 Pero nagpatuloy si Abraham: “Jehova, pakiusap, huwag ka sanang magalit,+ kundi hayaan mo akong patuloy na magsalita: Ipagpalagay nang 30 lang ang naroon.” Sumagot siya: “Hindi ko iyon gagawin kung may makita akong 30 roon.” 31 Pero nagpatuloy pa si Abraham: “O Jehova, nangahas akong makipag-usap sa iyo: Ipagpalagay nang 20 lang ang naroon.” Sumagot siya: “Hindi ko iyon wawasakin alang-alang sa 20.” 32 Sa huling pagkakataon, sinabi ni Abraham: “Jehova, pakiusap, huwag ka sanang magalit, kundi hayaan mo akong magsalita nang minsan pa: Ipagpalagay nang 10 lang ang naroon.” Sumagot siya: “Hindi ko iyon wawasakin alang-alang sa 10.” 33 Nang matapos makipag-usap si Jehova kay Abraham, umalis siya+ at bumalik naman si Abraham sa tolda niya.

19 Kinagabihan, dumating ang dalawang anghel sa Sodoma, at si Lot ay nakaupo sa pintuang-daan ng Sodoma. Pagkakita sa kanila, tumayo si Lot para salubungin sila at sumubsob sa lupa.+ 2 Sinabi niya: “Pakiusap, mga panginoon ko, pumunta kayo sa bahay ng inyong lingkod at magpalipas ng gabi roon at pahugasan ninyo ang inyong mga paa. Pagkatapos, puwede kayong bumangon nang maaga at magpatuloy sa inyong paglalakbay.” Sinabi nila: “Hindi, sa liwasan* kami magpapalipas ng gabi.” 3 Pero talagang pinipilit niya sila kaya sumama na sila sa bahay niya. Naghanda siya ng maraming pagkain para sa kanila, at nagluto siya ng tinapay na walang pampaalsa, at kumain sila.

4 Bago sila humiga para matulog, ang mga lalaki sa lunsod—ang lahat ng lalaki sa Sodoma mula bata hanggang matanda—ay pumalibot sa bahay at nanggulo. 5 Paulit-ulit nilang tinatawag si Lot at sinasabi: “Nasaan ang mga lalaki na pumunta sa bahay mo ngayong gabi? Ilabas mo sila sa amin para masipingan namin sila.”+

6 Lumabas si Lot at isinara ang pinto paglabas niya. 7 Sinabi niya: “Pakiusap, mga kapatid ko, huwag kayong gumawa ng masama. 8 Mayroon akong dalawang anak na babae na hindi pa nasisipingan ng lalaki. Pakiusap, hayaan ninyong ilabas ko sila sa inyo para magawa ninyo sa kanila kung ano ang gusto ninyo. Pero huwag ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito, dahil nasa bahay ko sila at pananagutan ko sila.”*+ 9 Kaya sinabi nila: “Tumabi ka!” Sinabi pa nila: “Dayuhan lang ang taong ito na tumira sa lugar natin, pero ang lakas ng loob niyang hatulan tayo! Ngayon ay mas masama ang gagawin namin sa iyo kaysa sa kanila.” Dinumog nila si Lot, at gusto nilang sirain ang pinto. 10 Kaya hinila ng mga lalaki* si Lot at ipinasok sa bahay kasama nila, at isinara nila ang pinto. 11 Pero binulag nila ang mga lalaki na nasa may pinto ng bahay, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda,* kaya hirap na hirap ang mga ito sa paghahanap ng pinto.

12 Pagkatapos, sinabi ng mga lalaki* kay Lot: “May iba ka pa bang kamag-anak dito? Ilabas mo sa lugar na ito ang iyong mga manugang na lalaki at mga anak na lalaki at babae at ang lahat ng kamag-anak mo sa lunsod! 13 Wawasakin namin ang lugar na ito dahil narinig ni Jehova ang napakalakas na pagdaing laban sa mga tao sa lunsod na ito;+ isinugo kami ni Jehova para wasakin ito.” 14 Kaya lumabas si Lot at nakipag-usap sa mga manugang niya na mapapangasawa ng mga anak niya, at paulit-ulit niyang sinasabi: “Dali! Umalis kayo sa lugar na ito, dahil wawasakin ni Jehova ang lunsod!” Pero akala ng mga manugang niya, nagbibiro lang siya.+

15 Nang madaling-araw na, inapura na ng mga anghel si Lot at sinabi: “Dali! Isama mo ang iyong asawa at dalawang anak na kasama mo rito para hindi ka malipol dahil sa kasalanan ng lunsod!”+ 16 Nang hindi pa rin siya nagmamadali, nahabag sa kaniya si Jehova,+ kaya hinawakan ng mga lalaki* ang kamay niya at ang kamay ng kaniyang asawa at dalawang anak at inilabas sila sa lunsod.+ 17 At nang madala na nila sila sa may hangganan, sinabi ng isa sa kanila: “Tumakas ka para hindi ka mamatay! Huwag kang lilingon+ at huwag kang hihinto kahit saan sa distrito!+ Tumakas ka papunta sa mabundok na rehiyon para hindi ka malipol!”

18 Pero sinabi ni Lot sa kanila: “Pakiusap, huwag doon, Jehova! 19 Ang iyong lingkod ay naging kalugod-lugod sa paningin mo at naging napakabait mo sa akin* dahil iniligtas mo ako,*+ pero hindi ako makatatakas papunta sa mabundok na rehiyon dahil natatakot akong mapahamak doon at mamatay.+ 20 May malapit na bayan dito at puwede akong tumakas papunta roon; maliit na bayan lang iyon. Pakiusap, puwede bang doon ako magtago? Maliit na bayan lang iyon. At maliligtas ako.”* 21 Kaya sinabi niya: “O sige, magpapakita ako ulit sa iyo ng konsiderasyon.+ Hindi ko wawasakin ang bayan na sinabi mo.+ 22 Dali! Tumakas ka papunta roon, dahil wala akong magagawa hanggang sa makarating ka roon!”+ Kaya naman tinawag niyang Zoar*+ ang bayang iyon.

23 Sumikat na ang araw nang dumating si Lot sa Zoar. 24 At nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy sa Sodoma at Gomorra—mula ito kay Jehova, mula sa langit.+ 25 Kaya winasak niya ang mga lunsod na ito, oo, ang buong distrito, kasama ang lahat ng nakatira sa mga lunsod at ang mga halaman sa lupa.+ 26 Pero lumingon ang asawa ni Lot, na nasa likuran niya, at ito ay naging haliging asin.+

27 At gumising nang maaga si Abraham at pumunta sa lugar kung saan siya tumayo at nakipag-usap kay Jehova.+ 28 Nang tumingin siya sa direksiyon ng Sodoma at Gomorra at sa buong lupain ng distrito, nakakita siya ng makapal na usok na nagmumula sa lupain gaya ng makapal na usok mula sa isang pugon!+ 29 Nang wasakin ng Diyos ang mga lunsod sa distrito, inalaala ng Diyos si Abraham kaya inilabas niya si Lot mula sa mga lunsod na winasak niya, kung saan tumira si Lot.+

30 Nang maglaon, umalis si Lot sa Zoar kasama ang dalawang anak niya at tumira sa mabundok na rehiyon,+ dahil natakot siyang tumira sa Zoar.+ Kaya tumira siya sa isang kuweba kasama ang dalawang anak niya. 31 At sinabi ng panganay sa nakababata: “Matanda na ang ating ama, at walang lalaki sa lupain na magbibigay sa atin ng anak gaya ng kaugalian ng mga tao. 32 Painumin natin ng alak ang ating ama, at sumiping tayo sa kaniya para hindi maputol ang angkan ng ating ama.”

33 Kaya nang gabing iyon, nilasing nila ang kanilang ama; pagkatapos, pumasok ang panganay at sumiping sa kaniyang ama, pero hindi namalayan ng ama niya nang humiga at bumangon siya. 34 Kinabukasan, sinabi ng panganay sa nakababata: “Sumiping ako kagabi sa ating ama. Painumin natin siya ulit ng alak ngayong gabi. Pagkatapos, pumasok ka at sumiping sa kaniya para hindi maputol ang angkan ng ating ama.” 35 Kaya nang gabi ring iyon, nilasing nila ang kanilang ama; pagkatapos, pumasok ang nakababata at sumiping sa kaniya, pero hindi niya namalayan nang humiga at bumangon ang anak niya. 36 Kaya ang mga anak ni Lot ay parehong nagdalang-tao sa pamamagitan ng kanilang ama. 37 Nanganak ang panganay ng isang lalaki at pinangalanan itong Moab.+ Siya ang ama ng mga Moabita sa ngayon.+ 38 Nanganak din ang nakababata ng isang lalaki at pinangalanan itong Ben-ami. Siya ang ama ng mga Ammonita+ sa ngayon.

20 At inilipat ni Abraham ang kaniyang kampo mula roon+ papunta sa lupain ng Negeb at nanirahan sa pagitan ng Kades+ at Sur.+ Habang nakatira siya* sa Gerar,+ 2 sinabi ulit ni Abraham tungkol sa asawa niyang si Sara: “Kapatid ko siya.”+ Kaya si Abimelec na hari ng Gerar ay nagsugo para kunin si Sara.+ 3 Pagkatapos, isang gabi ay sinabi ng Diyos kay Abimelec sa panaginip: “Mamamatay ka dahil sa babaeng kinuha mo,+ dahil may asawa na siya at pag-aari ng ibang lalaki.”+ 4 Pero hindi pa nakalalapit si Abimelec kay Sara.* Kaya sinabi niya: “Jehova, papatayin mo ba ang isang bansang wala naman talagang kasalanan?* 5 Hindi ba sinabi sa akin ni Abraham, ‘Kapatid ko siya,’ at hindi ba sinabi rin ni Sara, ‘Kapatid ko siya’? Malinis ang konsensiya* ko. Hindi ko alam na mali ang ginawa ko.” 6 At sinabi sa kaniya ng tunay na Diyos sa panaginip: “Alam ko na malinis ang konsensiya mo nang gawin mo ito, kaya pinigilan kita na magkasala sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit hindi kita pinahintulutang galawin siya. 7 Kaya ibalik mo ngayon ang asawa ng lalaki, dahil isa siyang propeta,+ at magsusumamo siya alang-alang sa iyo+ para patuloy kang mabuhay. Pero kung hindi mo siya ibabalik, tiyak na mamamatay ka, ikaw at ang lahat ng sa iyo.”

8 At bumangon nang maaga si Abimelec at tinawag ang lahat ng lingkod niya at sinabi sa kanila ang lahat ng ito, kaya takot na takot sila. 9 Pagkatapos, tinawag ni Abimelec si Abraham at sinabi: “Ano itong ginawa mo sa amin? Ano ang kasalanan ko sa iyo kaya nagdala ka ng malaking kapahamakan sa akin at sa kaharian ko? Hindi tama ang ginawa mo sa akin.” 10 Sinabi pa ni Abimelec kay Abraham: “Ano ba ang nasa isip mo at ginawa mo ito?”+ 11 Sumagot si Abraham: “Naisip ko, ‘Siguradong walang takot sa Diyos sa lugar na ito, at papatayin nila ako dahil sa asawa ko.’+ 12 Isa pa, talagang kapatid ko siya; anak siya ng ama ko pero hindi siya anak ng aking ina, at naging asawa ko siya.+ 13 Kaya nang sabihin ng Diyos na iwan ko ang bahay ng aking ama+ at magpalipat-lipat ng lugar, sinabi ko sa asawa ko: ‘Sa ganitong paraan ka sana magpakita ng tapat na pag-ibig sa akin: Saanman tayo pumunta, sabihin mo tungkol sa akin, “Kapatid ko siya.”’”+

14 Pagkatapos, kumuha si Abimelec ng mga tupa, baka, at mga alilang lalaki at babae at ibinigay ang mga iyon kay Abraham, at ibinalik niya ang asawa nitong si Sara. 15 Sinabi pa ni Abimelec: “Narito ang lupain ko. Tumira ka kahit saan mo gusto.” 16 At sinabi niya kay Sara: “Magbibigay ako ng 1,000 pirasong pilak sa kapatid mo.+ Patunay ito sa lahat ng kasama mo at sa harap ng lahat na hindi ka nadungisan,* at maaalis sa iyo ang kahihiyan.” 17 At nagsimulang magsumamo si Abraham sa tunay na Diyos, at pinagaling ng Diyos si Abimelec at ang kaniyang asawa at mga aliping babae, at nagsimula silang magkaanak; 18 dahil ginawang baog ni Jehova ang lahat ng babae* sa sambahayan ni Abimelec dahil kay Sara, na asawa ni Abraham.+

21 Binigyang-pansin ni Jehova si Sara gaya ng sinabi niya, at tinupad ni Jehova ang pangako niya.+ 2 Kaya nagdalang-tao si Sara+ at nagsilang ng isang anak na lalaki kay Abraham kahit matanda na ito, sa panahong ipinangako rito ng Diyos.+ 3 Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa anak niya kay Sara.+ 4 At tinuli ni Abraham ang anak niyang si Isaac walong araw matapos itong ipanganak, gaya ng iniutos ng Diyos sa kaniya.+ 5 Si Abraham ay 100 taóng gulang nang maging anak niya si Isaac. 6 At sinabi ni Sara: “Binigyan ako ng Diyos ng dahilan para tumawa at magsaya; tatawang kasama ko ang* lahat ng makaririnig nito.” 7 Sinabi pa niya: “Sino ang mag-iisip na magkakaanak pa* ang asawa ni Abraham na si Sara? Pero ngayon, nagkaroon ako ng anak sa kaniya kahit matanda na siya.”

8 At lumaki ang bata at inawat sa pagsuso, at naghanda si Abraham ng isang malaking salusalo nang araw na awatin si Isaac. 9 Pero laging napapansin ni Sara na si Isaac ay nilalait ng anak ni Abraham sa Ehipsiyong si Hagar.+ 10 Kaya sinabi niya kay Abraham: “Palayasin mo ang aliping babaeng ito at ang anak niya, dahil ang anak ng aliping babaeng ito ay hindi magiging tagapagmanang kasama ng anak kong si Isaac!”+ 11 Minasama ni Abraham ang sinabi ni Sara tungkol sa anak niya.+ 12 Pero sinabi ng Diyos kay Abraham: “Huwag mong masamain ang sinasabi ni Sara sa iyo tungkol sa iyong anak at sa iyong aliping babae. Pakinggan mo siya,* dahil kay Isaac magmumula ang tatawaging iyong supling.*+ 13 Kung tungkol sa anak ng aliping babae,+ pagmumulan din siya ng isang bansa,+ dahil anak* mo siya.”

14 Kaya maagang gumising si Abraham at kumuha ng tinapay at ng tubig na nasa lalagyang yari sa balat at ibinigay ang mga iyon kay Hagar. Ipinatong niya ang mga iyon sa balikat nito at pinaalis kasama ang anak niya.+ Kaya umalis ito at gumala-gala sa ilang ng Beer-sheba.+ 15 Nang dakong huli, naubos ang tubig sa lalagyan, at iniwan ni Hagar ang anak niya sa ilalim ng isa sa mga palumpong. 16 Nagpatuloy siya sa paglalakad at umupong nag-iisa, sa layong isang hilagpos ng pana, dahil sinabi niya: “Ayokong makita kapag namatay ang anak ko.” Kaya umupo siya sa malayo at umiyak nang malakas.

17 At narinig ng Diyos ang tinig ng kabataang lalaki,+ at mula sa langit ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi:+ “Ano ang nangyari sa iyo, Hagar? Huwag kang matakot, dahil narinig ng Diyos ang tinig ng anak mo sa kinaroroonan nito. 18 Tumayo ka, buhatin mo ang anak mo at hawakan mo siyang mabuti, dahil gagawin ko siyang isang dakilang bansa.”+ 19 At binuksan ng Diyos ang mga mata niya at nakakita siya ng isang balon ng tubig; pinuntahan niya iyon, pinuno ng tubig ang lalagyang yari sa balat, at pinainom ang anak niya. 20 At ang kabataang lalaki+ ay pinagpala ng Diyos habang lumalaki siya. Tumira siya sa ilang at naging isang mamamanà. 21 Tumira siya sa ilang ng Paran,+ at ang kaniyang ina ay kumuha ng asawa para sa kaniya mula sa Ehipto.

22 Nang panahong iyon, si Abimelec kasama si Picol na pinuno ng kaniyang hukbo ay nagsabi kay Abraham: “Sumasaiyo ang Diyos sa lahat ng ginagawa mo.+ 23 Kaya ngayon, sa harap ng Diyos ay sumumpa ka rito sa akin na hindi mo ako dadayain at ang mga anak ko at kaapo-apuhan at na magpapakita ka ng tapat na pag-ibig sa akin at sa lupain na tinitirhan mo gaya ng ipinakita ko sa iyo.”+ 24 Kaya sinabi ni Abraham: “Sumusumpa ako.”

25 Pero nagreklamo si Abraham kay Abimelec tungkol sa balon ng tubig na puwersahang inagaw ng mga lingkod ni Abimelec.+ 26 Sinabi ni Abimelec: “Hindi ko alam kung sino ang gumawa nito; hindi mo ito sinabi sa akin, at ngayon ko lang ito nalaman.” 27 Kaya kumuha si Abraham ng mga tupa at baka at ibinigay ang mga iyon kay Abimelec, at silang dalawa ay gumawa ng isang kasunduan. 28 Nang magbukod si Abraham ng pitong babaeng kordero* mula sa kawan, 29 sinabi ni Abimelec kay Abraham: “Bakit mo ibinukod ang pitong babaeng korderong ito?” 30 Sinabi niya: “Tanggapin mo ang pitong babaeng kordero mula sa akin* bilang patotoo na ako ang humukay sa balong ito.” 31 Kaya tinawag niyang Beer-sheba* ang lugar na iyon,+ dahil doon sila sumumpa. 32 Kaya gumawa sila ng kasunduan+ sa Beer-sheba, at pagkatapos ay umalis si Abimelec kasama si Picol na pinuno ng kaniyang hukbo, at bumalik sila sa lupain ng mga Filisteo.+ 33 Pagkatapos, nagtanim siya ng isang puno ng tamarisko sa Beer-sheba, at doon ay tumawag siya sa pangalan ni Jehova,+ ang walang-hanggang Diyos.+ 34 At matagal* na nanirahan* si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.+

22 Pagkatapos nito, sinubok ng tunay na Diyos si Abraham,+ at sinabi niya: “Abraham!” Sumagot ito: “Narito ako!” 2 Sinabi niya: “Pakisuyo, isama mo ang iyong anak na si Isaac,+ ang kaisa-isa mong anak na pinakamamahal mo,+ at maglakbay ka papunta sa lupain ng Moria+ at ihain mo siya bilang handog na sinusunog sa isa sa mga bundok doon na ituturo ko sa iyo.”

3 Kaya maagang gumising si Abraham at inihanda ang kaniyang asno at isinama ang dalawa sa mga lingkod niya at ang anak niyang si Isaac. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na sinusunog, at nagsimula silang maglakbay papunta sa lugar na sinabi sa kaniya ng tunay na Diyos. 4 Noong ikatlong araw, natanaw na ni Abraham ang lugar. 5 Sinabi ngayon ni Abraham sa mga lingkod niya: “Maiwan kayo rito kasama ng asno, pero pupunta kami roon ng anak ko para sumamba at babalikan namin kayo.”

6 Kaya kinuha ni Abraham ang kahoy para sa handog na sinusunog at ipinasan iyon sa anak niyang si Isaac. Dinala naman niya ang baga* at kutsilyo,* at magkasama silang lumakad. 7 Sinabi ni Isaac sa ama niyang si Abraham: “Ama ko!” Sumagot ito: “Bakit, anak ko?” Sinabi niya: “Narito ang baga* at kahoy, pero nasaan ang tupa bilang handog na sinusunog?” 8 Kaya sinabi ni Abraham: “Ang Diyos mismo ang maglalaan ng tupa bilang handog na sinusunog,+ anak ko.” At nagpatuloy sila sa paglalakad.

9 Sa wakas, narating nila ang lugar na sinabi ng tunay na Diyos sa kaniya, at si Abraham ay gumawa roon ng isang altar, at inayos niya ang kahoy sa ibabaw nito. Tinalian niya ang kamay at paa ng anak niyang si Isaac at inihiga ito sa altar sa ibabaw ng kahoy.+ 10 Pagkatapos, kinuha ni Abraham ang kutsilyo* at papatayin na sana ang kaniyang anak,+ 11 pero tinawag siya ng anghel ni Jehova mula sa langit at sinabi: “Abraham, Abraham!” Sumagot siya: “Narito ako!” 12 Sinabi nito: “Huwag mong saktan ang anak mo, at huwag kang gumawa ng anuman sa kaniya; alam ko na ngayon na ikaw ay may takot sa Diyos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong kaisa-isang anak.”+ 13 Nang pagkakataong iyon, tumingin si Abraham sa di-kalayuan at may nakitang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay nasabit sa mga sanga. Kaya pumunta roon si Abraham at kinuha ang lalaking tupa at inihain iyon bilang handog na sinusunog kapalit ng anak niya. 14 At tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na Jehova-jireh.* Kaya sinasabi pa rin ngayon: “Sa bundok ni Jehova ay ilalaan iyon.”+

15 Sa ikalawang pagkakataon, si Abraham ay tinawag ng anghel ni Jehova mula sa langit, 16 at sinabi nito: “‘Ipinanunumpa ko ang sarili ko,’ ang sabi ni Jehova,+ ‘na dahil ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait ang iyong kaisa-isang anak,+ 17 tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang supling* mo gaya ng mga bituin sa langit at gaya ng mga butil ng buhangin sa baybayin ng dagat,+ at kukunin ng iyong supling* ang mga lunsod* ng mga kaaway niya.+ 18 At sa pamamagitan ng iyong supling,*+ ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila dahil pinakinggan mo ang tinig ko.’”+

19 Pagkatapos nito, binalikan ni Abraham ang mga lingkod niya, at magkakasama silang naglakbay pabalik sa Beer-sheba;+ at si Abraham ay patuloy na tumira sa Beer-sheba.

20 Pagkalipas ng ilang panahon, ibinalita kay Abraham: “Si Milca rin ay nagkaroon ng mga anak na lalaki sa kapatid mong si Nahor:+ 21 si Uz na panganay niya, si Buz na kapatid nito, si Kemuel na ama ni Aram, 22 sina Kesed, Hazo, Pildas, Jidlap, at Betuel.”+ 23 Naging anak ni Betuel si Rebeka.+ Ang walong ito ang naging anak ni Milca kay Nahor na kapatid ni Abraham. 24 Ang kaniyang pangalawahing asawa na nagngangalang Reuma ay nagkaroon din ng mga anak: sina Teba, Gaham, Tahas, at Maaca.

23 Nabuhay si Sara nang 127 taon. Ganiyan kahaba ang buhay niya.+ 2 Namatay si Sara sa Kiriat-arba,+ na siyang Hebron,+ sa lupain ng Canaan,+ at si Abraham ay nagsimulang magdalamhati at umiyak dahil kay Sara. 3 Pagkatapos, iniwan ni Abraham ang namatay niyang asawa at sinabi sa mga anak ni Het:+ 4 “Ako ay isang dayuhan na naninirahan sa inyong lupain.+ Bigyan ninyo ako ng lupa mula sa inyong teritoryo na puwede kong gawing libingan para mailibing ko roon ang namatay kong asawa.” 5 Sumagot kay Abraham ang mga anak ni Het: 6 “Pakinggan mo kami, panginoon ko. Para sa amin, isa kang pinuno na pinili ng Diyos.*+ Maililibing mo ang iyong namatay na asawa sa isa sa mga libingan namin na mapipili mo. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kaniyang libingan para pigilan kang ilibing ang namatay mong asawa.”

7 Kaya tumayo si Abraham at yumukod sa mga tao sa lupain, sa mga anak ni Het,+ 8 at sinabi niya: “Kung pumapayag kayong mailibing ko ang namatay kong asawa, makinig kayo sa akin at kumbinsihin ninyo si Epron na anak ni Zohar 9 na ipagbili sa akin ang kuweba ng Macpela, na pag-aari niya; nasa dulo ito ng kaniyang lupain. Bibilhin ko ito sa harap ninyo sa buong halaga nito sa pilak+ para magkaroon ako ng mapaglilibingan.”+

10 At si Epron ay nakaupong kasama ng mga anak ni Het. Kaya sa harap ng mga anak ni Het at ng lahat ng pumasok sa pintuang-daan ng lunsod,+ sinabi ni Epron na Hiteo kay Abraham: 11 “Hindi, panginoon ko! Makinig ka sa akin. Ibinibigay ko sa iyo ang lupain at ang kuweba roon. Ibinibigay ko ang mga iyon sa iyo sa harap ng mga kababayan ko. Ilibing mo ang namatay mong asawa.” 12 Kaya yumukod si Abraham sa harap ng mga tao sa lupain, 13 at sinabi niya kay Epron sa harap ng mga tao: “Hindi, makinig ka sa akin. Ibibigay ko sa iyo ang kabuoang halaga ng lupain. Tanggapin mo ang aking pilak para mailibing ko roon ang namatay kong asawa.”

14 Pagkatapos, sumagot si Epron kay Abraham: 15 “Panginoon ko, makinig ka sa akin. Ang lupaing ito ay nagkakahalaga ng 400 siklong* pilak, pero ano iyon sa akin at sa iyo? Kaya ilibing mo ang namatay mong asawa.” 16 Nang marinig ni Abraham ang sinabi ni Epron, tinimbang ni Abraham ang dami ng pilak na sinabi ni Epron sa harap ng mga anak ni Het at ibinigay ito sa kaniya, 400 siklong* pilak ayon sa pagtimbang ng mga negosyante.+ 17 Sa gayon, ang lupain ni Epron sa Macpela, na nasa tapat ng Mamre—ang lupain, ang kuweba roon, at ang lahat ng puno na nasa loob ng mga hangganan ng lupain—ay pinagtibay 18 bilang nabiling pag-aari ni Abraham sa harap ng mga anak ni Het at sa lahat ng pumapasok sa pintuang-daan ng lunsod. 19 At inilibing ni Abraham ang asawa niyang si Sara sa kuweba sa lupain ng Macpela sa tapat ng Mamre, na siyang Hebron, sa lupain ng Canaan. 20 Sa gayon, ang lupain at ang kuweba roon ay ibinigay ng mga anak ni Het kay Abraham para mailibing niya roon ang asawa niya.+

24 Napakatanda na ni Abraham, at pinagpala ni Jehova si Abraham sa lahat ng bagay.+ 2 Sinabi ni Abraham sa kaniyang lingkod, ang pinakamatanda sa sambahayan niya, na namamahala sa lahat ng pag-aari niya:+ “Pakisuyo, ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng hita ko, 3 at pasusumpain kita sa harap ni Jehova, ang Diyos ng langit at ang Diyos ng lupa, na hindi ka kukuha ng asawa para sa anak ko mula sa mga Canaanita, na naninirahan sa palibot natin.+ 4 Sa halip, pumunta ka sa pinanggalingan kong lupain at sa mga kamag-anak ko,+ at kumuha ka ng asawa para sa anak kong si Isaac.”

5 Pero sinabi ng lingkod: “Paano kung ayaw ng babae na sumama sa akin sa lupaing ito? Dapat ko bang ibalik ang iyong anak sa lupain na pinanggalingan mo?”+ 6 Sinabi ni Abraham: “Huwag na huwag mong isasama roon ang anak ko.+ 7 Si Jehova na Diyos ng langit, na kumuha sa akin mula sa bahay ng aking ama at mula sa lupain ng mga kamag-anak ko+ at nakipag-usap sa akin at sumumpa sa akin:+ ‘Ibibigay ko sa mga supling* mo+ ang lupaing ito,’+ siya ay magsusugo ng anghel niya sa unahan mo,+ at tiyak na makakakuha ka roon+ ng asawa para sa anak ko. 8 Pero kung ayaw sumama sa iyo ng babae, mapalalaya ka mula sa sumpang ito. Pero huwag mong isasama roon ang anak ko.” 9 Kaya inilagay ng lingkod ang kamay niya sa ilalim ng hita ni Abraham na kaniyang panginoon at sumumpa rito.+

10 Kaya kumuha ang lingkod ng 10 kamelyo ng panginoon niya at umalis dala ang lahat ng klase ng regalo mula sa panginoon niya. At naglakbay siya papuntang Mesopotamia, sa lunsod ng Nahor. 11 Pinaluhod niya ang mga kamelyo sa tabi ng isang balon ng tubig sa labas ng lunsod. Pagabi na noon, at sa ganoong oras lumalabas ang mga babae para sumalok ng tubig. 12 Pagkatapos, sinabi niya: “Jehova na Diyos ng panginoon kong si Abraham, pakiusap, magtagumpay sana ako sa araw na ito, at magpakita ka ng tapat na pag-ibig sa panginoon kong si Abraham. 13 Nakatayo ako ngayon sa tabi ng isang bukal ng tubig, at palabas na ang mga kabataang babae sa lunsod para sumalok ng tubig. 14 At kung sino ang dalagang sasabihan ko, ‘Pakisuyo, ibaba mo ang iyong banga ng tubig para makainom ako,’ at sasagot, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang mga kamelyo mo,’ siya na sana ang pinili mo para sa lingkod mong si Isaac; at sa ganitong paraan mo ipaalám sa akin na nagpakita ka ng tapat na pag-ibig sa panginoon ko.”

15 Bago pa siya matapos magsalita, si Rebeka, na anak ni Betuel+ na anak ni Milca+ na asawa ni Nahor,+ na kapatid ni Abraham, ay lumabas na may banga ng tubig sa balikat niya. 16 At napakaganda ng dalaga; wala pang lalaki na nakipagtalik sa kaniya. Bumaba siya sa kinaroroonan ng bukal, pinuno ang kaniyang banga ng tubig, at umakyat pabalik. 17 Kaagad na tumakbo ang lingkod para salubungin siya, at sinabi nito: “Puwede bang makiinom ng kaunting tubig sa iyong banga?” 18 Sinabi naman niya: “Uminom ka, panginoon ko.” At ibinaba niya agad ang banga mula sa balikat niya at hinawakan ito habang pinaiinom ang lingkod. 19 Nang matapos niya itong painumin, sinabi niya: “Sasalok din ako ng tubig para sa mga kamelyo mo hanggang sa matapos silang uminom.” 20 Kaya agad niyang ibinuhos ang laman ng kaniyang banga sa painuman at tumakbo siya nang pabalik-balik sa balon para sumalok ng tubig, at patuloy siyang sumalok ng tubig para sa lahat ng kamelyo nito. 21 Samantala, manghang-mangha ang lalaki at tahimik siyang pinagmamasdan, at iniisip nito kung pinagtagumpay ni Jehova ang paglalakbay niya o hindi.

22 Nang matapos uminom ang mga kamelyo, binigyan siya ng lalaki ng isang gintong hikaw sa ilong na kalahating siklo* ang bigat at dalawang gintong pulseras na 10 siklo* ang bigat, 23 at sinabi nito: “Pakisuyo, sabihin mo sa akin, kanino kang anak? Mayroon bang lugar sa bahay ng iyong ama na puwede naming matuluyan ngayong gabi?” 24 Sumagot siya: “Anak ako ni Betuel+ na anak nina Milca at Nahor.”+ 25 Sinabi pa niya: “May lugar kayong matutuluyan sa amin ngayong gabi, at may dayami rin kami at maraming pagkain para sa mga kamelyo.” 26 Pagkatapos, yumukod ang lalaki, sumubsob sa harap ni Jehova, 27 at nagsabi: “Purihin nawa si Jehova, ang Diyos ng panginoon kong si Abraham, dahil patuloy siyang nagpakita ng tapat na pag-ibig at katapatan sa panginoon ko. Inakay ako ni Jehova sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon.”

28 Tumakbo ang dalaga para sabihin sa sambahayan ng kaniyang ina ang tungkol dito. 29 At may kapatid si Rebeka na ang pangalan ay Laban.+ Tumakbo si Laban papunta sa lalaki na nasa labas sa tabi ng bukal. 30 Nang makita niya ang hikaw sa ilong at mga pulseras na suot ng kapatid niya at marinig ang mga sinabi ng kapatid niyang si Rebeka, “Ganito ang sinabi sa akin ng lalaki,” pinuntahan niya ang lalaki, na nakatayo pa rin sa tabi ng mga kamelyo sa may bukal. 31 Kaagad niyang sinabi: “Halika, ikaw na pinagpala ni Jehova. Bakit nakatayo ka pa rito sa labas? Inihanda ko na ang bahay at ang lugar para sa mga kamelyo.” 32 Kaya pumasok sa bahay ang lalaki, at kinalagan niya* ang mga kamelyo at binigyan ng dayami at pagkain ang mga ito; kumuha rin siya ng tubig para mahugasan ang mga paa nito at ang mga paa ng mga lalaking kasama nito. 33 Pero nang hainan ng pagkain ang lingkod, sinabi niya: “Hindi ako kakain hanggang sa masabi ko sa iyo ang kailangan kong sabihin.” Kaya sinabi ni Laban: “Magsalita ka.”

34 Sinabi niya: “Lingkod ako ni Abraham.+ 35 Pinagpala nang husto ni Jehova ang panginoon ko; talagang pinayaman niya ito at binigyan ng mga tupa at baka, pilak at ginto, mga alilang lalaki at babae, at mga kamelyo at asno.+ 36 At si Sara na asawa ng panginoon ko ay nagkaroon ng isang anak na lalaki sa panginoon ko nang tumanda na siya,+ at ibibigay ni Abraham sa anak niya ang lahat ng kaniyang pag-aari.+ 37 Kaya pinasumpa ako ng panginoon ko: ‘Huwag kang kukuha ng asawa para sa anak ko mula sa mga Canaanita, na sa kanilang lupain ay naninirahan ako.+ 38 Sa halip, pumunta ka sa bahay ng ama ko at sa pamilya ko,+ at kumuha ka ng asawa para sa aking anak.’+ 39 Pero sinabi ko sa panginoon ko: ‘Paano kung ayaw ng babae na sumama sa akin?’+ 40 Sinabi niya sa akin: ‘Lumakad ako nang tapat sa harap ni Jehova,+ kaya magsusugo siya ng anghel niya+ na kasama mo at tiyak na pagtatagumpayin niya ang paglalakbay mo, at kukuha ka ng asawa para sa aking anak mula sa pamilya ko at sa bahay ng ama ko.+ 41 Mapalalaya ka sa isinumpa mo sa akin kung pupunta ka sa pamilya ko at hindi nila ibigay sa iyo ang dalaga. Ito ang magpapalaya sa iyo mula sa iyong isinumpa.’+

42 “Nang makarating ako ngayon sa bukal, sinabi ko: ‘Jehova na Diyos ng panginoon kong si Abraham, kung talagang pagtatagumpayin mo ang paglalakbay ko, 43 ganito sana ang mangyari habang nakatayo ako sa tabi ng bukal na ito: Kapag lumabas ang isang dalaga+ para sumalok ng tubig, sasabihin ko, “Puwede bang makiinom ng kaunting tubig sa iyong banga?” 44 at sasabihin naman niya, “Uminom ka, at sasalok din ako ng tubig para sa mga kamelyo mo.” Siya na sana ang babaeng pinili ni Jehova para sa anak ng panginoon ko.’+

45 “Bago pa ako matapos sa pananalangin nang tahimik, lumabas na si Rebeka na may banga sa balikat niya. Bumaba siya sa kinaroroonan ng bukal at nagsimulang sumalok ng tubig. At sinabi ko sa kaniya: ‘Puwede bang makiinom?’+ 46 Kaya ibinaba niya agad ang banga mula sa balikat niya at sinabi: ‘Uminom ka,+ at paiinumin ko rin ang mga kamelyo mo.’ At uminom ako, at pinainom din niya ang mga kamelyo. 47 Pagkatapos, tinanong ko siya, ‘Kanino kang anak?’ at sumagot siya, ‘Anak ako ni Betuel na anak nina Nahor at Milca.’ Kaya ikinabit ko sa ilong niya ang hikaw at isinuot sa kaniya ang mga pulseras.+ 48 At yumukod ako at sumubsob sa harap ni Jehova, at pinuri ko si Jehova na Diyos ng panginoon kong si Abraham,+ na umakay sa akin sa tamang daan para mahanap ang apong babae ng kapatid ng panginoon ko para sa anak niya. 49 At ngayon, sabihin ninyo sa akin kung gusto ninyong magpakita ng tapat na pag-ibig at katapatan sa panginoon ko; pero kung hindi, sabihin ninyo sa akin, para malaman ko kung ano ang susunod kong gagawin.”*+

50 Sumagot sina Laban at Betuel: “Galing ito kay Jehova. Hindi kami makapagsasabi sa iyo ng oo o hindi.* 51 Narito si Rebeka sa harap mo. Isama mo siya, at siya ay magiging asawa ng anak ng panginoon mo, gaya ng sinabi ni Jehova.” 52 Nang marinig ng lingkod ni Abraham ang mga sinabi nila, agad siyang sumubsob sa lupa sa harap ni Jehova. 53 At ang lingkod ay naglabas ng mga kagamitang pilak at ginto at mga damit at ibinigay ang mga iyon kay Rebeka; nagbigay rin siya ng magagandang regalo sa kapatid at ina nito. 54 Pagkatapos, siya at ang mga lalaking kasama niya ay kumain at uminom, at doon sila nagpalipas ng gabi.

Paggising niya kinaumagahan, sinabi niya: “Uuwi na ako sa panginoon ko.” 55 Kaya sinabi ng kapatid at ina nito: “Hayaan mo munang makasama namin ang dalaga kahit 10 araw lang. Pagkatapos, puwede na siyang umalis.” 56 Pero sinabi niya: “Huwag ninyo akong pigilan, dahil pinagtagumpay ni Jehova ang paglalakbay ko. Paalisin ninyo ako para makabalik na ako sa panginoon ko.” 57 Kaya sinabi nila: “Tawagin natin ang dalaga at tanungin siya.” 58 Tinawag nila si Rebeka at sinabi: “Sasama ka ba sa lalaking ito?” Sumagot siya: “Handa akong sumama.”

59 Kaya pinayagan nilang umalis ang kapatid nilang si Rebeka,+ ang yaya* niya,+ ang lingkod ni Abraham, at ang mga lalaking kasama nito. 60 At pinagpala nila si Rebeka at sinabi: “Kapatid namin, ikaw nawa ay maging libo-libong sampung libo,* at makuha nawa ng mga supling* mo ang lunsod* ng mga napopoot sa kanila.”+ 61 Pagkatapos, si Rebeka at ang mga tagapaglingkod niyang babae ay naghanda, sumakay sa mga kamelyo, at sumunod sa lalaki. Sa gayon, isinama ng lingkod si Rebeka at umalis.

62 At si Isaac ay nanggaling sa gawi ng Beer-lahai-roi,+ dahil nakatira siya sa lupain ng Negeb.+ 63 Nang papagabi na, naglalakad-lakad si Isaac sa parang para magbulay-bulay.+ Pagtanaw niya, may nakita siyang dumarating na mga kamelyo! 64 Pagtingin ni Rebeka, nakita niya si Isaac, at agad siyang bumaba sa kamelyo. 65 Tinanong niya ang lingkod: “Sino ang lalaking iyon na naglalakad sa parang para salubungin tayo?” Sumagot ang lingkod: “Siya ang panginoon ko.” Kaya naglambong si Rebeka para takpan ang sarili niya. 66 At sinabi ng lingkod kay Isaac ang lahat ng kaniyang ginawa. 67 Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeka sa tolda ni Sara na kaniyang ina.+ Sa gayon, naging asawa niya ito; at minahal niya ito,+ at nagkaroon ng kaaliwan si Isaac matapos na mawala ang kaniyang ina.+

25 At muling nag-asawa si Abraham, at ang pangalan nito ay Ketura. 2 Nang maglaon, naging anak nila sina Zimran, Joksan, Medan, Midian,+ Isbak, at Shuah.+

3 Naging anak ni Joksan sina Sheba at Dedan.

Ang mga anak ni Dedan ay sina Asurim, Letusim, at Leumim.

4 Ang mga anak ni Midian ay sina Epa, Eper, Hanok, Abida, at Eldaa.

Ang lahat ng ito ang mga anak ni Ketura.

5 Nang maglaon, ibinigay ni Abraham kay Isaac ang lahat ng pag-aari niya,+ 6 pero nagbigay si Abraham ng mga regalo sa mga anak niya sa kaniyang mga pangalawahing asawa. At habang buháy pa siya, pinapunta niya sila sa gawing silangan, malayo sa anak niyang si Isaac,+ sa tinatawag na lupain ng Silangan. 7 Nabuhay si Abraham nang 175 taon. 8 Namatay si Abraham matapos masiyahan sa mahabang buhay, at inilibing siya gaya ng mga ninuno niya.* 9 Inilibing siya ng mga anak niyang sina Isaac at Ismael sa kuweba ng Macpela sa lupain ni Epron na anak ni Zohar na Hiteo na nasa tapat ng Mamre,+ 10 sa lupaing binili ni Abraham mula sa mga anak ni Het. Doon inilibing si Abraham, kung saan inilibing ang asawa niyang si Sara.+ 11 Pagkamatay ni Abraham, patuloy na pinagpala ng Diyos ang anak nitong si Isaac;+ si Isaac ay nakatira malapit sa Beer-lahai-roi.+

12 Ito ang kasaysayan ni Ismael+ na anak ni Abraham sa Ehipsiyong si Hagar,+ na alila ni Sara.

13 At ito ang pangalan ng mga anak ni Ismael, ang mga inapo niya: ang panganay ni Ismael ay si Nebaiot,+ at sumunod sina Kedar,+ Adbeel, Mibsam,+ 14 Misma, Duma, Masa, 15 Hadad, Tema, Jetur, Napis, at Kedema. 16 Ito ang mga anak ni Ismael, at ito ang mga pangalan nila ayon sa kanilang mga pamayanan at ayon sa kanilang mga kampo,* 12 pinuno ayon sa kanilang mga angkan.+ 17 At nabuhay si Ismael nang 137 taon. Namatay siya at inilibing gaya ng mga ninuno niya.* 18 At nanirahan sila sa Havila+ malapit sa Sur,+ na malapit sa Ehipto, hanggang sa Asirya. Tumira siya malapit sa lahat ng kapatid niya.*+

19 At ito ang kasaysayan ni Isaac na anak ni Abraham.+

Naging anak ni Abraham si Isaac. 20 Si Isaac ay 40 taóng gulang nang mapangasawa niya si Rebeka, na anak ni Betuel+ na Arameano ng Padan-aram at kapatid ni Laban na Arameano. 21 At paulit-ulit na nakiusap si Isaac kay Jehova para sa kaniyang asawa dahil baog ito; kaya sinagot ni Jehova ang kahilingan niya, at nagdalang-tao ang asawa niyang si Rebeka. 22 At ang mga sanggol sa sinapupunan ni Rebeka ay nag-aaway,+ kaya sinabi niya: “Kung kailangan kong maghirap nang ganito, wala nang dahilan para mabuhay pa ako.” At tinanong niya si Jehova tungkol dito. 23 At sinabi ni Jehova sa kaniya: “Dalawang bansa ang nasa iyong sinapupunan,+ at dalawang magkaibang bayan ang magmumula sa iyo;+ at ang isang bansa ay magiging mas malakas kaysa sa isang bansa,+ at ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”+

24 Nang dumating na ang panahon para magsilang siya, kambal nga ang nasa sinapupunan niya! 25 At ang una ay lumabas na mapula ang buong katawan at tulad ng mabalahibong damit,+ kaya pinangalanan nila siyang Esau.*+ 26 Pagkatapos, lumabas ang kapatid niya at ang kamay nito ay nakahawak sa sakong ni Esau,+ kaya pinangalanan niya itong Jacob.*+ Si Isaac ay 60 taóng gulang nang magsilang ang asawa niya.

27 Habang lumalaki ang mga bata, si Esau ay naging mahusay na mangangaso+ at madalas na nasa parang, pero si Jacob ay isang lalaking walang kapintasan, na madalas na nasa tolda.+ 28 At mahal ni Isaac si Esau dahil nagdadala ito ng karneng makakain, pero mahal ni Rebeka si Jacob.+ 29 Isang araw, nagluluto si Jacob ng nilaga nang dumating si Esau mula sa parang na pagod na pagod. 30 Kaya sinabi ni Esau kay Jacob: “Dalian mo, pakisuyo, bigyan mo ako* ng mapulang nilagang iyan,* dahil pagod na pagod* ako!” Kaya naman pinangalanan siyang Edom.*+ 31 Sinabi ni Jacob: “Ipagbili mo muna sa akin ang karapatan mo bilang panganay!”+ 32 Sumagot si Esau: “Mamamatay na ako sa gutom! Ano pa ang silbi ng karapatan ko bilang panganay?” 33 Sinabi ni Jacob: “Sumumpa ka muna sa akin!” Kaya sumumpa ito sa kaniya at ipinagbili kay Jacob ang karapatan nito bilang panganay.+ 34 At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilagang lentehas, at kumain siya at uminom; pagkatapos, tumayo siya at umalis. Sa gayon, hinamak ni Esau ang karapatan niya bilang panganay.

26 At nagkaroon ng taggutom sa lupain, bukod pa sa unang taggutom noong panahon ni Abraham,+ kaya pumunta si Isaac kay Abimelec na hari ng mga Filisteo, sa Gerar. 2 At nagpakita si Jehova sa kaniya at nagsabi: “Huwag kang pumunta sa Ehipto. Tumira ka sa lupain na sasabihin ko sa iyo. 3 Manirahan ka bilang dayuhan sa lupaing ito,+ at patuloy akong sasaiyo at pagpapalain kita dahil ibibigay ko ang lahat ng lupaing ito sa iyo at sa mga supling* mo,+ at tutuparin ko ang isinumpa ko kay Abraham na iyong ama:+ 4 ‘Pararamihin ko ang supling* mo gaya ng mga bituin sa langit;+ at ibibigay ko sa supling* mo ang lahat ng lupaing ito;+ at sa pamamagitan ng iyong supling,* ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila,’+ 5 dahil nakinig si Abraham sa tinig ko at patuloy niyang sinunod ang aking mga kahilingan, batas, at kautusan.”+ 6 Kaya patuloy na nanirahan si Isaac sa Gerar.+

7 Tuwing nagtatanong ang mga lalaki roon tungkol sa asawa niya, sinasabi niya: “Kapatid ko siya.”+ Natatakot siyang sabihin, “Asawa ko siya.” Maganda ito,+ kaya iniisip niya, “Baka patayin ako ng mga lalaki rito dahil kay Rebeka.” 8 Pagkalipas ng ilang panahon, si Abimelec na hari ng mga Filisteo ay tumingin mula sa bintana, at nakita niya si Isaac na nilalambing* ang asawa nitong si Rebeka.+ 9 Kaagad na tinawag ni Abimelec si Isaac at sinabi: “Asawa mo pala siya! Bakit mo sinabi, ‘Kapatid ko siya’?” Sumagot si Isaac: “Natatakot akong mamatay dahil sa kaniya kaya sinabi ko iyon.”+ 10 Pero sinabi ni Abimelec: “Ano itong ginawa mo sa amin?+ Kung nasipingan ng isa sa bayan ang asawa mo, magkakasala pa kami dahil sa iyo!”+ 11 Kaya sinabi ni Abimelec sa buong bayan: “Ang sinumang gumalaw sa lalaking ito at sa asawa niya ay tiyak na papatayin!”

12 At nagsimulang maghasik si Isaac ng binhi sa lupaing iyon, at nang taóng iyon, umani siya nang 100 beses na mas marami sa inihasik niya, dahil pinagpapala siya ni Jehova.+ 13 Yumaman siya at patuloy pang nadagdagan ang mga pag-aari niya hanggang sa maging napakayaman niya. 14 Nagkaroon siya ng mga kawan ng tupa at baka at napakaraming lingkod,+ at nainggit sa kaniya ang mga Filisteo.

15 Kaya kumuha ng lupa ang mga Filisteo at tinabunan ang lahat ng balon na hinukay ng mga lingkod ng kaniyang ama noong panahon ni Abraham.+ 16 At sinabi ni Abimelec kay Isaac: “Umalis ka sa pamayanan namin, dahil napakalakas mo na kumpara sa amin.” 17 Kaya umalis doon si Isaac at nagkampo sa lambak* ng Gerar+ at tumira doon. 18 At muling hinukay ni Isaac ang mga balon na hinukay noong panahon ng ama niyang si Abraham pero tinabunan ng mga Filisteo pagkamatay ni Abraham,+ at tinawag niya ang mga ito ayon sa mga pangalang ibinigay ng kaniyang ama.+

19 Noong naghuhukay sa lambak* ang mga lingkod ni Isaac, nakakita sila ng isang balon na may sariwang tubig. 20 At inaway ng mga pastol ng Gerar ang mga pastol ni Isaac, at sinasabi nila: “Amin ang tubig!” Kaya naman tinawag niyang Esek* ang balon, dahil nakipag-away sila sa kaniya. 21 Naghukay sila ng isa pang balon, at pinag-awayan din nila iyon. Kaya tinawag niya itong Sitna.* 22 Nang maglaon, umalis siya roon at naghukay ng isa pang balon, pero hindi na nila ito pinag-awayan. Kaya tinawag niya itong Rehobot* at sinabi: “Ito ay dahil binigyan na tayo ni Jehova ng malawak na lupain at pinagpala niya tayo ng mga inapo.”+

23 At mula roon ay pumunta siya sa Beer-sheba.+ 24 Nang gabing iyon, nagpakita sa kaniya si Jehova at nagsabi: “Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham.+ Huwag kang matakot,+ dahil ako ay sumasaiyo, at pagpapalain kita at pararamihin ko ang mga supling* mo dahil kay Abraham na lingkod ko.”+ 25 Kaya nagtayo siya roon ng isang altar at tumawag sa pangalan ni Jehova.+ Doon itinayo ni Isaac ang tolda niya,+ at naghukay roon ng balon ang mga lingkod niya.

26 Nang maglaon, pinuntahan siya ni Abimelec mula sa Gerar kasama ang tagapayo nitong si Ahuzat at ang pinuno ng hukbo nito na si Picol.+ 27 Sinabi ni Isaac sa kanila: “Bakit ninyo ako pinuntahan, samantalang galit kayo sa akin at pinaalis ninyo ako sa inyong pamayanan?” 28 Sinabi nila: “Kitang-kita namin na sumasaiyo si Jehova.+ Kaya nagpasiya kaming sabihin sa iyo, ‘Pakiusap, magkaroon sana ng kasunduan ng kapayapaan sa pagitan natin, at hayaan mo kaming makipagtipan sa iyo+ 29 na hindi mo kami gagawan ng masama kung paanong hindi ka namin ginawan ng masama, at kabutihan lang ang ginawa namin sa iyo dahil pinaalis ka namin nang payapa. Nakikita namin na ikaw ang pinagpapala ni Jehova.’” 30 At pinaghanda niya sila ng isang malaking salusalo, at kumain sila at uminom. 31 Kinabukasan, gumising sila nang maaga at sumumpa sa isa’t isa.+ Pagkatapos, pinaalis sila ni Isaac nang payapa.

32 Nang araw na iyon, dumating ang mga lingkod ni Isaac at iniulat sa kaniya ang tungkol sa balon na nahukay nila.+ Sinabi nila: “Nakakita kami ng tubig!” 33 Kaya tinawag niya itong Siba. Iyan ang dahilan kung bakit ang pangalan ng lunsod ay Beer-sheba+ hanggang sa araw na ito.

34 Nang si Esau ay 40 taóng gulang, naging asawa niya si Judit na anak ni Beeri na Hiteo at si Basemat na anak ni Elon na Hiteo.+ 35 Hirap na hirap ang kalooban nina Isaac at Rebeka dahil sa kanila.*+

27 At nang matanda na si Isaac at napakalabo na ng mga mata niya para makakita, tinawag niya si Esau+ na nakatatanda niyang anak at sinabi: “Anak ko!” Sumagot ito: “Narito ako!” 2 Sinabi niya: “Matanda na ako. Hindi ko alam kung gaano katagal na lang ako mabubuhay. 3 Kaya pakisuyo, kunin mo ngayon ang mga gamit mo sa pangangaso, ang iyong mga palaso at búsog, at manghuli ka ng mailap na hayop para sa akin.+ 4 At ipagluto mo ako ng masarap na pagkaing paborito ko at dalhin mo iyon sa akin. Pagkatapos kong kainin iyon ay pagpapalain kita bago ako mamatay.”

5 Pero nakikinig si Rebeka habang nakikipag-usap si Isaac sa anak niyang si Esau. At umalis si Esau para manghuli ng hayop at maiuwi ito.+ 6 At sinabi ni Rebeka sa anak niyang si Jacob:+ “Karirinig ko lang na sinabi ng iyong ama sa kapatid mong si Esau, 7 ‘Manghuli ka ng hayop para sa akin at ipagluto mo ako ng masarap na pagkain. Pagkatapos kong kainin iyon ay pagpapalain kita sa harap ni Jehova bago ako mamatay.’+ 8 At ngayon, anak ko, makinig kang mabuti at gawin mo ang iuutos ko sa iyo.+ 9 Pakisuyo, pumunta ka sa kawan at ikuha mo ako ng dalawang matataba at batang kambing para maipaghanda ko ang iyong ama ng masarap na pagkain, gaya ng lutong gusto niya. 10 At dalhin mo iyon sa iyong ama para makain niya at pagkatapos ay pagpapalain ka niya bago siya mamatay.”

11 Sinabi ni Jacob kay Rebeka na kaniyang ina: “Pero balbon ang kapatid kong si Esau,+ at ako ay hindi. 12 Paano po kung hipuin ako ng ama ko?+ Tiyak na iisipin niyang niloloko ko siya, at magdadala ako sa sarili ko ng sumpa imbes na pagpapala.” 13 Kaya sinabi ng kaniyang ina: “Mapasaakin nawa ang sumpa sa iyo, anak ko. Basta gawin mo ang sinabi ko at kunin mo ang mga iyon para sa akin.”+ 14 Kaya umalis siya, kinuha ang mga iyon, at dinala sa kaniyang ina; at naghanda ang kaniyang ina ng masarap na pagkain, gaya ng lutong gusto ng kaniyang ama. 15 Pagkatapos, kinuha ni Rebeka sa bahay niya ang pinakamagagandang damit ng nakatatanda niyang anak na si Esau, at isinuot ang mga iyon sa nakababata niyang anak na si Jacob.+ 16 Inilagay rin niya ang balat ng mga batang kambing sa mga braso nito at sa bahagi ng leeg nito na walang buhok.+ 17 Pagkatapos, ibinigay niya sa anak niyang si Jacob ang masarap na pagkain at ang tinapay na ginawa niya.+

18 Kaya pinuntahan ni Jacob ang kaniyang ama at sinabi: “Ama ko!” Sinabi nito: “Narito ako! Sino ka, anak ko?” 19 Sinabi ni Jacob: “Ako po ang inyong panganay na si Esau.+ Nagawa ko na ang sinabi ninyo sa akin. Umupo kayo, pakisuyo, at kumain ng nahuli kong hayop at pagkatapos ay pagpalain ninyo* ako.”+ 20 Sinabi ni Isaac: “Paano nangyari na napakabilis mong nakahuli, anak ko?” Sumagot ito: “Dahil tinulungan ako ni Jehova na inyong Diyos.” 21 Pagkatapos, sinabi ni Isaac kay Jacob: “Pakisuyo, anak ko, lumapit ka para mahipo kita at malaman ko kung talagang ikaw ang anak kong si Esau.”+ 22 Kaya lumapit si Jacob, at hinipo siya ng ama niyang si Isaac at sinabi: “Ang tinig ay tinig ni Jacob, pero ang mga braso ay kay Esau.”+ 23 Hindi siya nakilala ng ama niya dahil ang mga braso niya ay balbon na tulad ng sa kapatid niyang si Esau. Kaya pinagpala siya ng kaniyang ama.+

24 Pagkatapos, nagtanong ito: “Ikaw ba talaga ang anak kong si Esau?” Sumagot siya: “Ako nga.” 25 Kaya sinabi nito: “Anak ko, dalhin mo sa akin ang karne ng mailap na hayop para makain ko, at pagkatapos ay pagpapalain kita.” At dinala niya iyon sa kaniya at kinain iyon, at nagdala siya ng alak at uminom ito. 26 At sinabi sa kaniya ni Isaac na ama niya: “Pakisuyo, anak ko, lumapit ka at halikan mo ako.”+ 27 Kaya lumapit siya at hinalikan ito, at naamoy nito ang amoy ng mga damit niya.+ At pinagpala siya nito at sinabi:

“Ang amoy ng anak ko ay tulad ng amoy ng parang na pinagpala ni Jehova. 28 Ibigay nawa sa iyo ng tunay na Diyos ang mga hamog ng langit+ at ang matatabang lupain sa lupa+ at ang kasaganaan ng butil at bagong alak.+ 29 Maglingkod nawa sa iyo ang mga bayan, at yumukod nawa sa iyo ang mga bansa. Maging panginoon ka sa iyong mga kapatid, at yumukod nawa sa iyo ang mga anak ng iyong ina.+ Sumpain ang lahat ng sumusumpa sa iyo, at pagpalain ang lahat ng humihiling na pagpalain ka ng Diyos.”+

30 Katatapos lang pagpalain ni Isaac si Jacob at kaaalis lang ni Jacob sa harap ng ama niyang si Isaac nang dumating ang kapatid niyang si Esau mula sa pangangaso.+ 31 Naghanda rin ito ng masarap na pagkain at dinala iyon sa ama niya at sinabi: “Ama, bumangon po kayo at kainin ang karne ng hayop na hinuli ng inyong anak, at pagkatapos ay pagpalain ninyo* ako.” 32 Kaya sinabi sa kaniya ng ama niyang si Isaac: “Sino ka?” Sumagot siya: “Ako po ang inyong anak, ang panganay ninyong si Esau.”+ 33 At nangatog nang husto si Isaac at sinabi: “Sino, kung gayon, ang nanghuli ng hayop at nagdala nito sa akin? Kinain ko na iyon bago ka pa dumating at pinagpala ko siya—at tiyak na pagpapalain siya!”

34 Nang marinig ni Esau ang sinabi ng ama niya, umiyak siya nang napakalakas at sinabi niya sa kaniyang ama: “Pagpalain po ninyo ako, ako rin, ama ko!”+ 35 Pero sinabi nito: “Pinuntahan ako ng kapatid mo at nilinlang ako para makuha ang pagpapalang para sa iyo.” 36 Kaya sinabi niya: “Bagay talaga sa kaniya ang pangalang Jacob* dahil dalawang beses niya akong inagawan.+ Kinuha na niya sa akin ang karapatan ko bilang panganay,+ at ngayon naman, ang pagpapalang para sa akin!”+ Sinabi pa niya: “Wala ba kayong itinirang pagpapala para sa akin?” 37 Sumagot si Isaac kay Esau: “Inatasan ko na siya bilang panginoon mo,+ ibinigay ko na sa kaniya ang lahat ng kapatid niya bilang mga lingkod, at ibinigay ko na ang butil at bagong alak bilang panustos niya.+ Kaya ano pa ang maibibigay ko sa iyo, anak ko?”

38 Sinabi ni Esau: “Iisa lang ba ang pagpapala ninyo, ama ko? Pagpalain mo rin ako, ama ko!” At umiyak nang malakas si Esau.+ 39 Kaya sinabi ng ama niyang si Isaac:

“Ang magiging tahanan mo ay malayo sa matatabang lupain sa lupa at malayo sa hamog ng langit sa itaas.+ 40 At sa pamamagitan ng espada mo ay mabubuhay ka,+ at maglilingkod ka sa kapatid mo.+ Pero kapag hindi mo na kaya, babaliin mo ang pamatok niya sa iyong leeg.”*+

41 Pero si Esau ay nagkimkim ng matinding galit kay Jacob dahil sa pagpapalang ibinigay rito ng kaniyang ama,+ at sinasabi ni Esau sa sarili* niya: “Malapit na ang mga araw ng pagdadalamhati para sa aking ama.+ Pagkatapos nito, papatayin ko ang kapatid kong si Jacob.” 42 Nang ibalita kay Rebeka ang sinabi ng nakatatanda niyang anak na si Esau, ipinatawag niya agad ang nakababata niyang anak na si Jacob at sinabi rito: “Nagpaplanong maghiganti ang kapatid mong si Esau, at gusto ka niyang patayin.* 43 Ngayon, anak ko, gawin mo ang sasabihin ko sa iyo. Maghanda ka at tumakas papunta sa kapatid kong si Laban na nasa Haran.+ 44 Makitira ka muna sa kaniya hanggang sa kumalma ang kapatid mo, 45 hanggang sa mawala ang galit niya sa iyo at makalimutan niya ang ginawa mo sa kaniya. Pagkatapos, ipasusundo kita mula roon. Ayokong mawala kayong dalawa sa akin sa isang araw.”

46 Pagkatapos nito, laging sinasabi ni Rebeka kay Isaac: “Naging miserable ang buhay ko dahil sa mga babaeng Hiteo.+ Kung mag-aasawa rin si Jacob ng mga babaeng Hiteo, na gaya ng mga babaeng nakatira sa lupain, mabuti pang mamatay na lang ako.”+

28 Kaya tinawag ni Isaac si Jacob, pinagpala siya, at iniutos sa kaniya: “Huwag kang kukuha ng asawa mula sa mga babae sa Canaan.+ 2 Pumunta ka sa Padan-aram sa bahay ni Betuel na ama ng iyong ina, at kumuha ka roon ng asawa mula sa mga anak na babae ni Laban+ na kapatid ng iyong ina. 3 Pagpapalain ka ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat at gagawin kang palaanakin at bibigyan ng maraming anak, at tiyak na pagmumulan ka ng maraming bayan.*+ 4 At ibibigay niya sa iyo at sa mga supling* mo ang pagpapala kay Abraham,+ para mapasaiyo ang lupain na tinitirhan mo bilang dayuhan, na ibinigay ng Diyos kay Abraham.”+

5 Kaya pinapunta ni Isaac si Jacob sa Padan-aram, kay Laban na anak ni Betuel na Arameano+ at kapatid ni Rebeka,+ ang ina nina Jacob at Esau.

6 Nakita ni Esau na pinagpala ni Isaac si Jacob at pinapunta ito sa Padan-aram para kumuha roon ng asawa, at nang pagpalain niya ito, iniutos niya rito, “Huwag kang kukuha ng asawa mula sa mga babae sa Canaan,”+ 7 at nakita rin ni Esau na sinunod ni Jacob ang kaniyang ama at ina at pumunta sa Padan-aram.+ 8 Kaya naisip ni Esau na ayaw ng ama niyang si Isaac sa mga babae sa Canaan.+ 9 Sa gayon, pumunta si Esau kay Ismael at kinuha bilang asawa si Mahalat, na anak ni Ismael na anak ni Abraham at kapatid na babae ni Nebaiot, bukod pa sa iba niyang mga asawa.+

10 Si Jacob ay umalis sa Beer-sheba at naglakbay papuntang Haran.+ 11 At nakarating siya sa isang lugar at naghandang magpalipas ng gabi roon dahil lumubog na ang araw. Kaya kumuha siya ng isang bato sa lugar na iyon, inilagay ito sa ulunan niya, at nahiga siya roon.+ 12 Pagkatapos, nanaginip siya. May isang hagdan sa lupa na umaabot hanggang langit; at ang mga anghel ng Diyos ay umaakyat at bumababa roon.+ 13 At si Jehova ay nasa itaas nito at nagsabi:

“Ako si Jehova na Diyos ni Abraham na iyong ama at Diyos ni Isaac.+ Ang lupain na hinihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga supling* mo.+ 14 At ang mga supling* mo ay tiyak na magiging tulad ng mga butil ng alabok sa lupa,+ at mangangalat sila sa kanluran, silangan, hilaga, at timog, at sa pamamagitan mo at ng mga supling* mo ay tiyak na pagpapalain* ang lahat ng pamilya sa lupa.+ 15 Ako ay sumasaiyo, at iingatan kita saan ka man pumunta, at ibabalik kita sa lupaing ito.+ Hindi kita iiwan hanggang sa matupad ko ang ipinangako ko sa iyo.”+

16 At nagising si Jacob at nagsabi: “Tiyak na nandito si Jehova sa lugar na ito; hindi ko iyon alam.” 17 At natakot siya at sinabi pa niya: “Espesyal ang lugar na ito; banal ito! Tiyak na ito ang bahay ng Diyos,+ at ito ang pintuang-daan ng langit.”+ 18 Kaya maagang bumangon si Jacob, kinuha ang bato sa ulunan niya, itinayo ito bilang palatandaan, at binuhusan ng langis ang ibabaw nito.+ 19 Kaya tinawag niyang Bethel* ang lugar na iyon, pero ang dating pangalan ng lunsod ay Luz.+

20 At nanata si Jacob: “Kung ang Diyos ay patuloy na sasaakin at iingatan ako sa paglalakbay ko at bibigyan ako ng tinapay na makakain at mga damit na maisusuot 21 at ako ay makababalik nang payapa sa bahay ng aking ama, si Jehova nga ang aking Diyos.* 22 At ang batong ito na itinayo ko bilang palatandaan ay magiging bahay ng Diyos,+ at ibibigay ko sa iyo ang ikasampu ng lahat ng ibinigay mo sa akin.”

29 Pagkatapos, nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay, at pumunta siya sa lupain ng mga taga-Silangan. 2 At may nakita siyang isang balon sa parang at nakahiga sa tabi nito ang tatlong kawan ng tupa, dahil karaniwan nang doon nila pinaiinom ang mga kawan. May isang malaking bato na nakatakip sa balon. 3 Kapag natipon na roon ang lahat ng kawan, iginugulong nila ang bato na nakatakip sa balon at pinaiinom ang mga kawan, pagkatapos ay ibinabalik nila ang bato na nakatakip sa balon.

4 Kaya sinabi ni Jacob sa kanila: “Mga kapatid ko, tagasaan kayo?” Sumagot sila: “Taga-Haran kami.”+ 5 Sinabi niya: “Kilala ba ninyo si Laban+ na apo ni Nahor?”+ Sumagot sila: “Oo.” 6 Kaya sinabi niya: “Kumusta siya?” Sumagot sila: “Mabuti naman siya. Heto ang anak niyang si Raquel,+ dumarating kasama ang mga tupa!” 7 Pagkatapos, sinabi niya: “Tanghali pa lang. Hindi pa oras para tipunin ang mga kawan. Painumin ninyo ang mga tupa at pagkatapos ay pakainin ang mga ito.” 8 Pero sinabi nila: “Hindi namin puwedeng gawin iyon hanggang sa matipon ang lahat ng kawan at igulong nila ang bato na nakatakip sa balon, saka lang namin mapaiinom ang mga tupa.”

9 Habang nakikipag-usap pa siya sa kanila, dumating si Raquel kasama ang mga tupa ng kaniyang ama, dahil isa siyang pastol. 10 Nang makita ni Jacob si Raquel, na anak ni Laban na kapatid ng kaniyang ina, at ang mga tupa ni Laban, kaagad na lumapit si Jacob at iginulong ang batong nakatakip sa balon at pinainom ang mga tupa ni Laban, ang kapatid ng kaniyang ina. 11 Pagkatapos, hinalikan ni Jacob si Raquel at umiyak nang malakas. 12 Sinabi ni Jacob kay Raquel na kamag-anak* siya ng ama nito at na anak siya ni Rebeka. Kaya tumakbo si Raquel at sinabi ito sa kaniyang ama.

13 Nang marinig ni Laban+ na naroon si Jacob na anak ng kapatid niya, tumakbo siya para salubungin ito. Niyakap niya ito, hinalikan, at isinama sa bahay niya. At ikinuwento nito kay Laban ang lahat ng nangyari sa kaniya. 14 Sinabi ni Laban: “Talaga ngang kadugo kita.”* Kaya nanirahan itong kasama niya nang isang buong buwan.

15 Pagkatapos, sinabi ni Laban kay Jacob: “Dahil ba sa kamag-anak* kita,+ maglilingkod ka na sa akin nang walang bayad? Sabihin mo sa akin, ano ang magiging kabayaran mo?”+ 16 At si Laban ay may dalawang anak na babae. Ang pangalan ng nakatatanda ay Lea, at ang nakababata ay Raquel.+ 17 Ang mga mata ni Lea ay walang ningning, pero si Raquel ay isang kaakit-akit at napakagandang babae. 18 At minahal ni Jacob si Raquel, kaya sinabi niya: “Handa akong maglingkod sa iyo nang pitong taon para sa nakababata mong anak na si Raquel.”+ 19 Sinabi naman ni Laban: “Mas mabuting ibigay ko siya sa iyo kaysa ibigay ko siya sa ibang lalaki. Patuloy kang manirahang kasama ko.” 20 At naglingkod si Jacob nang pitong taon para kay Raquel,+ pero katumbas lang iyon ng ilang araw para sa kaniya dahil sa pag-ibig niya rito.

21 Pagkatapos, sinabi ni Jacob kay Laban: “Ibigay mo siya sa akin para maging* asawa ko, dahil tapos na ang mga araw ng paglilingkod ko, at hayaan mong sipingan ko siya.” 22 Dahil dito, tinipon ni Laban ang lahat ng tagaroon at naghanda ng malaking salusalo. 23 Pero noong gabi na, ang anak niyang si Lea ang ibinigay niya kay Jacob para masipingan nito. 24 Ibinigay rin ni Laban sa anak niyang si Lea ang kaniyang alilang babae na si Zilpa para maging alila nito.+ 25 Kinaumagahan, nakita ni Jacob na si Lea ang katabi niya! Kaya sinabi niya kay Laban: “Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba naglingkod ako sa iyo para kay Raquel? Bakit mo ako niloko?”+ 26 Sumagot si Laban: “Hindi kaugalian dito na ibigay ang nakababatang babae bago ang panganay. 27 Patapusin mo muna ang isang-linggong pagdiriwang para sa panganay kong anak. Pagkatapos, ibibigay ko rin sa iyo ang isa ko pang anak kapalit ng pitong taon mo pang paglilingkod sa akin.”+ 28 Iyon ang ginawa ni Jacob, at pagkatapos ng isang-linggong pagdiriwang para sa panganay na anak, ibinigay sa kaniya ni Laban ang anak nitong si Raquel bilang asawa. 29 Ibinigay rin ni Laban sa anak niyang si Raquel ang kaniyang alilang babae na si Bilha+ para maging alila nito.+

30 Pagkatapos, sinipingan din ni Jacob si Raquel, at mas minahal niya si Raquel kaysa kay Lea, at naglingkod siya kay Laban nang pitong taon pa.+ 31 Nang makita ni Jehova na si Lea ay hindi mahal* ng asawa nito, hinayaan niya itong magdalang-tao,*+ pero baog si Raquel.+ 32 At nagdalang-tao si Lea at nagsilang ng isang lalaki at pinangalanan itong Ruben,*+ at sinabi niya: “Nakita kasi ni Jehova ang paghihirap ko,+ kaya mamahalin na ako ngayon ng asawa ko.” 33 Nagdalang-tao siya ulit at nagsilang ng isang lalaki at sinabi niya: “Narinig ako ni Jehova dahil hindi ako mahal ng asawa ko, kaya ibinigay rin niya ang isang ito sa akin.” At pinangalanan niya itong Simeon.*+ 34 At nagdalang-tao siya ulit at nagsilang ng isang lalaki at sinabi niya: “Ngayon, mapapalapít na sa akin ang asawa ko dahil nagkaanak ako sa kaniya ng tatlong lalaki.” Kaya pinangalanan niya itong Levi.*+ 35 At nagdalang-tao pa siya ulit at nagsilang ng isang lalaki at sinabi niya: “Pupurihin ko ngayon si Jehova.” Kaya pinangalanan niya itong Juda.*+ Pagkatapos, huminto na siya sa panganganak.

30 Nang makita ni Raquel na hindi pa sila nagkakaanak ni Jacob, nagselos siya sa kapatid niya at paulit-ulit niyang sinasabi kay Jacob: “Bigyan mo ako ng mga anak, dahil kung hindi ay mamamatay ako.” 2 Dahil dito ay nagalit nang husto si Jacob kay Raquel at sinabi niya: “Diyos ba ako? Ako ba ang humahadlang sa iyo na magkaanak?”* 3 Kaya sinabi nito: “Narito ang alipin kong babae na si Bilha.+ Sipingan mo siya para makapagsilang siya ng mga anak para sa akin,* at ako rin ay magkaroon ng mga anak sa pamamagitan niya.” 4 At ibinigay nito sa kaniya ang alila niyang si Bilha bilang asawa, at sinipingan ito ni Jacob.+ 5 Nagdalang-tao si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki. 6 Kaya sinabi ni Raquel: “Ang Diyos ay naging hukom ko at nakinig din siya sa tinig ko, kaya binigyan niya ako ng anak.” Iyan ang dahilan kung bakit niya ito pinangalanang Dan.*+ 7 At nagdalang-tao ulit ang alila ni Raquel na si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isa pang lalaki. 8 Pagkatapos, sinabi ni Raquel: “Hindi biro-biro ang naging pakikipaglaban ko sa kapatid ko. At ako ang nanalo!” Kaya pinangalanan niya itong Neptali.*+

9 Nang makita ni Lea na huminto na siya sa panganganak, kinuha niya ang alila niyang si Zilpa at ibinigay ito kay Jacob bilang asawa.+ 10 At ang alila ni Lea na si Zilpa ay nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki. 11 Kaya sinabi ni Lea: “Talagang pinagpala ako!” At pinangalanan niya itong Gad.*+ 12 Pagkatapos, ang alila ni Lea na si Zilpa ay nagkaanak kay Jacob ng isa pang lalaki. 13 At sinabi ni Lea: “Napakaligaya ko! Ngayon ay sasabihin ng mga babae na maligaya ako.”+ Kaya pinangalanan niya itong Aser.*+

14 Habang naglalakad si Ruben+ noong panahon ng pag-aani ng trigo, nakakita siya ng mga mandragoras* sa parang. At dinala niya ang mga ito sa nanay niyang si Lea. Kaya sinabi ni Raquel kay Lea: “Pahingi naman ng mga mandragoras ng anak mo.” 15 Sinabi naman nito: “Maliit na bagay lang ba sa iyo na kinuha mo sa akin ang asawa ko?+ Kukunin mo rin ba ngayon ang mga mandragoras ng anak ko?” Kaya sinabi ni Raquel: “Sige! Sisiping siya sa iyo ngayong gabi kapalit ng mga mandragoras ng anak mo.”

16 Nang paparating na si Jacob mula sa parang nang kinagabihan, lumabas si Lea para salubungin ito, at sinabi niya: “Sa akin ka sisiping dahil inupahan na kita sa pamamagitan ng mga mandragoras ng aking anak.” Kaya sumiping ito sa kaniya nang gabing iyon. 17 Dininig ng Diyos si Lea, at nagdalang-tao siya at isinilang niya ang ikalima niyang anak na lalaki kay Jacob. 18 Pagkatapos, sinabi ni Lea: “Ibinigay sa akin ng Diyos ang kabayaran ko* dahil ibinigay ko ang aking alila sa asawa ko.” Kaya pinangalanan niya itong Isacar.*+ 19 At nagdalang-tao ulit si Lea at isinilang ang ikaanim niyang anak na lalaki kay Jacob.+ 20 Pagkatapos, sinabi ni Lea: “Pinagkalooban ako ng Diyos, oo, ako, ng isang mabuting kaloob. Sa wakas, pagtitiisan ako ng asawa ko+ dahil nagsilang ako sa kaniya ng anim na lalaki.”+ Kaya pinangalanan niya itong Zebulon.*+ 21 Nagsilang din siya ng isang babae at pinangalanan itong Dina.+

22 At naalaala ng Diyos si Raquel, at dininig siya ng Diyos at hinayaang magdalang-tao.*+ 23 Nagdalang-tao siya at nagsilang ng isang lalaki. Pagkatapos, sinabi niya: “Inalis ng Diyos ang kadustaan ko!”+ 24 Kaya pinangalanan niya itong Jose*+ at sinabi: “Dinagdagan ako ni Jehova ng isa pang anak.”

25 Nang maisilang na ni Raquel si Jose, sinabi agad ni Jacob kay Laban: “Hayaan mo akong umuwi sa aking tahanan at sa aking lupain.+ 26 Hayaan mong sumama sa pag-alis ko ang mga asawa at anak ko, na dahilan ng paglilingkod ko sa iyo, dahil alam na alam mo kung paano kita pinaglingkuran.”+ 27 Sinabi ni Laban: “Kung naging kalugod-lugod ako sa iyong paningin,—naunawaan ko sa pamamagitan ng mga tanda* na pinagpapala ako ni Jehova dahil sa iyo.” 28 At idinagdag nito: “Sabihin mo sa akin ang dapat kong ibayad sa iyo at ibibigay ko iyon.”+ 29 Kaya sinabi ni Jacob sa kaniya: “Alam mo kung paano ako naglingkod sa iyo at kung paano dumami ang kawan mo sa akin;+ 30 kakaunti lang ang pag-aari mo bago ako dumating, pero lumaki at dumami ang kawan mo, at pinagpala ka ni Jehova mula nang dumating ako. Kailan ko naman aasikasuhin ang sarili kong sambahayan?”+

31 Kaya sinabi niya: “Ano ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot si Jacob: “Wala kang kailangang ibigay sa akin na kahit ano! Ipagpapatuloy ko ang pagpapastol at pagbabantay sa kawan mo+ kung papayag ka sa kasunduang ito: 32 Dadaan ako sa iyong buong kawan ngayon. Ibukod mo mula roon ang bawat tupa na batik-batik at may mga patse, bawat batang lalaking tupa na kayumanggi, at mga babaeng kambing na may patse at batik-batik. Mula ngayon, ito ang magiging bayad sa akin.+ 33 Sa hinaharap, kapag tiningnan mo ang ibinayad mo sa akin, makikita mo na tapat ako sa iyo;* ang bawat babaeng kambing na hindi batik-batik at walang patse at mga batang lalaking tupa na hindi kayumanggi ay nakaw kung iyon ay nasa akin.”

34 Kaya sinabi ni Laban: “Maganda iyan! Pumapayag ako sa sinabi mo.”+ 35 At nang araw na iyon, ibinukod ni Laban ang mga lalaking kambing na guhit-guhit at may patse at ang lahat ng babaeng kambing na batik-batik at may patse, ang lahat ng may kulay puti, at ang lahat ng batang lalaking tupa na kayumanggi at ibinigay ang mga ito sa pangangalaga ng mga anak niyang lalaki. 36 Pagkatapos, pumunta siya sa isang lugar na tatlong-araw na paglalakbay ang layo mula kay Jacob, at pinastulan ni Jacob ang mga natira sa kawan ni Laban.

37 Pagkatapos, kumuha si Jacob ng mga sanga mula sa puno ng estorake, almendras, at platano, saka niya binalatan ang ibang parte ng mga ito para lumabas ang puting bahagi at magmukhang batik-batik. 38 At inilagay niya ang mga iyon sa harap ng kawan, sa mga painuman kung saan pumupunta ang mga kawan para uminom, nang sa gayon ay maglandi ang mga kawan sa harap ng mga kahoy na iyon kapag pumupunta ang mga ito para uminom ng tubig.

39 Kaya ang mga kawan ay naglalandi sa harap ng mga kahoy, at nanganganak ang mga ito ng guhit-guhit, batik-batik, at may patse. 40 Pagkatapos, inihiwalay ni Jacob ang mga batang lalaking tupa at iniharap ang mga kawan sa mga guhit-guhit at sa lahat ng kayumanggi na nasa gitna ng mga kawan ni Laban. At inihiwalay niya ang mga kawan niya mula sa mga kawan ni Laban. 41 At tuwing maglalandi ang malulusog na hayop, inilalagay ni Jacob ang mga kahoy sa mga painuman para makita ito ng mga kawan, nang sa gayon ay maglandi ang mga ito sa tabi ng mga kahoy. 42 Pero kapag mahina ang mga hayop, hindi niya inilalagay roon ang mga kahoy. Kaya ang mahihina ay laging napupunta kay Laban, pero ang malulusog ay kay Jacob.+

43 At ang lalaki ay naging napakayaman, at nagkaroon siya ng malalaking kawan, mga alilang lalaki at babae, mga kamelyo, at mga asno.+

31 Sa kalaunan, narinig niya ang sinasabi ng mga anak ni Laban: “Kinuha ni Jacob ang lahat ng pag-aari ng ama natin, at lahat ng kayamanan niya ay galing sa ating ama.”+ 2 Kapag tinitingnan ni Jacob ang mukha ni Laban, nakikita niyang hindi na katulad ng dati ang pakikitungo nito sa kaniya.+ 3 Kaya sinabi ni Jehova kay Jacob: “Bumalik ka sa lupain ng iyong mga ninuno at mga kamag-anak,+ at patuloy akong sasaiyo.” 4 Pagkatapos, ipinasabi ni Jacob kina Raquel at Lea na pumunta sa parang kung nasaan ang kawan niya, 5 at sinabi niya sa kanila:

“Nakikita kong nag-iba na ang pakikitungo sa akin ng inyong ama,+ pero sumasaakin ang Diyos ng aking ama.+ 6 Alam na alam ninyong naglingkod ako sa inyong ama nang buong lakas ko.+ 7 At sinubukan akong dayain ng inyong ama at 10 beses niyang binago-bago ang bayad niya sa akin; pero hindi siya pinahintulutan ng Diyos na gawan ako ng masama. 8 Kapag sinabi niya, ‘Ang mga batik-batik ang magiging bayad ko sa iyo,’ ang buong kawan ay nanganganak ng batik-batik; pero kapag sinabi niya, ‘Ang mga guhit-guhit ang magiging bayad ko sa iyo,’ ang buong kawan ay nanganganak naman ng guhit-guhit.+ 9 Gayon kinukuha ng Diyos ang mga alagang hayop ng inyong ama at ibinibigay sa akin. 10 Minsan, noong panahong naglalandi ang kawan, nakita ko sa isang panaginip na ang mga lalaking kambing na nakapaibabaw* sa mga babaeng kambing ay guhit-guhit, batik-batik, at may patse.+ 11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng anghel ng tunay na Diyos sa panaginip, ‘Jacob!’ At sumagot ako, ‘Narito ako.’ 12 Sinabi niya, ‘Tingnan mo, pakisuyo, at makikita mong ang lahat ng lalaking kambing na nakapaibabaw sa mga babaeng kambing ay guhit-guhit, batik-batik, at may patse, dahil nakita ko ang lahat ng ginagawa sa iyo ni Laban.+ 13 Ako ang tunay na Diyos ng Bethel,+ kung saan mo binuhusan ng langis* ang isang bato* at kung saan ka nanata sa akin.+ Ngayon, kumilos ka, umalis ka sa lupaing ito at bumalik sa lupain kung saan ka ipinanganak.’”+

14 Sumagot sina Raquel at Lea: “Wala na kaming mamanahin sa bahay ng aming ama! 15 Hindi ba itinuturing na niya kaming dayuhan, dahil ipinagbili niya kami at ginagamit niya ang perang ibinigay para sa amin?+ 16 Ang lahat ng kayamanang kinuha ng Diyos sa aming ama ay sa amin at sa mga anak namin.+ Kaya sige, gawin mo ang lahat ng ipinagagawa sa iyo ng Diyos.”+

17 Kaya isinakay ni Jacob sa mga kamelyo ang kaniyang mga anak at mga asawa,+ 18 at isinama niya sa paglalakbay ang buong kawan niya at dinala ang lahat ng pag-aari na natipon niya.+ Ang kawan na natipon niya sa Padan-aram ay isinama niya sa pagpunta kay Isaac na kaniyang ama sa lupain ng Canaan.+

19 Wala noon si Laban dahil ginugupitan niya ang kaniyang mga tupa, at ninakaw ni Raquel ang mga rebultong terapim*+ na pag-aari ng ama niya.+ 20 Gayundin, naisahan ni Jacob si Laban na Arameano dahil hindi niya sinabi rito na aalis siya. 21 At tumakas siya at tumawid sa Ilog,*+ dala ang lahat ng sa kaniya. Pagkatapos, naglakbay siya papunta sa mabundok na rehiyon ng Gilead.+ 22 Nang ikatlong araw, may nagsabi kay Laban na tumakas si Jacob. 23 Kaya isinama niya ang kaniyang mga kapatid,* at hinabol niya ito at naabutan sa mabundok na rehiyon ng Gilead pagkaraan ng pitong araw. 24 Pero isang gabi, nagpakita ang Diyos kay Laban na Arameano+ sa isang panaginip+ at nagsabi: “Mag-ingat ka sa mga sasabihin mo kay Jacob, mabuti man o masama.”*+

25 Kaya pinuntahan ni Laban si Jacob, dahil nagtayo si Jacob ng tolda niya sa bundok at si Laban naman at ang mga kapatid niya ay nagkampo sa mabundok na rehiyon ng Gilead. 26 At sinabi ni Laban kay Jacob: “Ano itong ginawa mo? Bakit mo ako nilinlang at tinangay ang mga anak ko na parang mga nabihag sa labanan? 27 Bakit mo ako nilinlang at bakit ka umalis nang hindi nagsasabi sa akin? Kung nagsabi ka sa akin, masaya sana akong nagpaalam sa iyo nang may awitan at pagtugtog ng tamburin at alpa. 28 Hindi mo ako binigyan ng pagkakataong mahalikan ang mga apo* ko at mga anak na babae. Naging padalos-dalos ka. 29 Kayang-kaya kitang saktan, pero kinausap ako ng Diyos ng inyong ama kagabi at sinabi, ‘Mag-ingat ka sa mga sasabihin mo kay Jacob, mabuti man o masama.’+ 30 Ngayon ay umalis ka dahil sabik na sabik ka nang makabalik sa bahay ng iyong ama, pero bakit mo ninakaw ang mga diyos ko?”+

31 Sumagot si Jacob kay Laban: “Dahil natatakot ako at naisip kong baka kunin mo sa akin ang mga anak mo. 32 Kung kanino mo makita ang mga diyos mo, dapat siyang mamatay. Sa harap ng mga kapatid natin, tingnan mo ang mga dala ko at kunin mo ang sa iyo.” Pero hindi alam ni Jacob na ninakaw ni Raquel ang mga iyon. 33 Kaya pumasok si Laban sa tolda ni Jacob, sa tolda ni Lea, at sa tolda ng dalawang aliping babae,+ pero hindi niya nakita ang mga iyon. Pagkalabas niya sa tolda ni Lea, pumasok siya sa tolda ni Raquel. 34 Pero kinuha ni Raquel ang mga rebultong terapim at itinago sa upuang pambabae na ipinapatong sa kamelyo at umupo roon. Kaya naghanap si Laban sa buong tolda, pero hindi niya nakita ang mga iyon. 35 At sinabi niya sa kaniyang ama: “Huwag ka sanang magalit, panginoon ko. Dinatnan*+ kasi ako ngayon kaya hindi ako makatayo.” At naghanap pa itong mabuti pero hindi nito nakita ang mga rebultong terapim.+

36 Kaya nagalit si Jacob at sinumbatan si Laban. Sinabi ni Jacob kay Laban: “Ano ang ginawa kong masama, at ano ang kasalanan ko kaya tinutugis mo ako? 37 Ngayong nahalughog mo na ang lahat ng dala ko, may nakita ka bang pag-aari ng sambahayan mo? Ilagay mo iyon dito sa harap ng mga kapatid ko at ng mga kapatid mo, at hayaan nating sila ang humatol sa ating dalawa. 38 Sa 20 taóng nakasama mo ako, hindi kailanman nakunan ang mga tupa at kambing mo,+ at hindi ko kinain ang mga barakong tupa ng iyong kawan. 39 Hindi ko iniuuwi sa iyo ang mga hayop na nilapa ng mababangis na hayop.+ Inaako ko ang pagkawala ng mga iyon. Araw man o gabi ninakaw ang hayop, sinisingil mo iyon sa akin. 40 Halos masunog ako sa init kapag araw, at ginaw na ginaw ako sa gabi, at napupuyat ako.+ 41 Nanirahan akong kasama mo nang 20 taon. Naglingkod ako sa iyo nang 14 na taon para sa dalawang anak mo at 6 na taon para sa kawan mo, at 10 beses mong binago-bago ang bayad mo sa akin.+ 42 Kung wala sa panig ko ang Diyos ng aking ama,+ ang Diyos ni Abraham at ang Diyos na kinatatakutan ni Isaac,*+ pinaalis mo na sana ako nang walang dala. Nakita ng Diyos ang paghihirap ko at kung paano ako nagtrabahong mabuti, kaya sinaway ka niya kagabi.”+

43 At sinabi ni Laban kay Jacob: “Ang mga babaeng ito ay mga anak ko, at ang mga batang ito ay mga apo ko, at ang kawang ito ay kawan ko, at ang lahat ng nakikita mo ay sa akin at sa mga anak ko. Kaya bakit ko sila sasaktan o ang mga anak nila? 44 Ngayon, gumawa tayo ng isang kasunduan, ikaw at ako, at magsisilbi itong saksi sa pagitan nating dalawa.” 45 Kaya kumuha si Jacob ng isang bato at itinayo ito bilang palatandaan.+ 46 Pagkatapos, sinabi ni Jacob sa mga kapatid niya: “Kumuha kayo ng mga bato!” At kumuha sila ng mga bato at pinagpatong-patong ang mga ito. At kumain sila sa magkakapatong na bato. 47 Tinawag iyon ni Laban na Jegar-sahaduta,* pero tinawag iyon ni Jacob na Galeed.*

48 Pagkatapos, sinabi ni Laban: “Ang magkakapatong na batong ito ay saksi nating dalawa ngayon.” Kaya tinawag itong Galeed,+ 49 at Bantayan, dahil sinabi niya: “Si Jehova nawa ang magbantay sa akin at sa iyo kapag hindi natin nakikita ang isa’t isa. 50 Kung pakikitunguhan mo nang hindi maganda ang mga anak ko at kung kukuha ka ng iba pang mga asawa bukod sa mga anak ko, hindi man ito makita ng ibang tao, tandaan mo na makikita ito ng Diyos at siya ang ating saksi.” 51 Sinabi pa ni Laban kay Jacob: “Narito ang magkakapatong na batong ito, at narito ang batong itinayo ko bilang palatandaan ng kasunduan nating dalawa. 52 Ang magkakapatong na batong ito ay saksi, at ang batong itinayo bilang palatandaan ang magpapatotoo,+ na hindi ako lalampas sa magkakapatong na batong ito para saktan ka at na hindi ka lalampas sa magkakapatong na batong ito at sa batong itinayo bilang palatandaan para saktan ako. 53 Ang Diyos nawa ni Abraham+ at ang Diyos ni Nahor, ang Diyos ng ama nila, ang humatol sa pagitan natin.” At sumumpa si Jacob sa Diyos na kinatatakutan ng ama niyang si Isaac.*+

54 Pagkatapos, si Jacob ay naghandog ng isang hain sa bundok at inanyayahang kumain ang mga kapatid niya. Kaya kumain sila at nagpalipas ng gabi sa bundok. 55 Kinabukasan, maagang bumangon si Laban at hinalikan ang kaniyang mga apo*+ at mga anak na babae at pinagpala sila.+ Pagkatapos, umuwi na si Laban.+

32 Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay, at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. 2 At pagkakita ni Jacob sa kanila, sinabi niya: “Ito ang kampo ng Diyos!” Kaya tinawag niyang Mahanaim* ang lugar na iyon.

3 Pagkatapos, nagpauna si Jacob ng mga mensahero papunta sa kapatid niyang si Esau na nasa lupain ng Seir,+ na teritoryo ng Edom,+ 4 at inutusan niya sila: “Ito ang sasabihin ninyo sa panginoon kong si Esau, ‘Ito ang sinabi ng lingkod mong si Jacob: “Nanirahan akong* kasama ni Laban nang matagal na panahon.+ 5 At nagkaroon ako ng mga toro, asno, tupa, at mga alilang lalaki at babae,+ at ipinaaalam ko sa panginoon ko ang bagay na ito, para malugod ka sa akin.”’”

6 Pagkatapos, bumalik kay Jacob ang mga mensahero at nagsabi: “Nakausap namin ang kapatid mong si Esau, at papunta na siya para salubungin ka, at may kasama siyang 400 lalaki.”+ 7 Natakot nang husto si Jacob at nag-alala.+ Kaya hinati niya sa dalawang kampo ang mga taong kasama niya, pati na ang mga tupa, kambing, baka, at mga kamelyo. 8 Sinabi niya: “Kung salakayin ni Esau ang isang kampo, makatatakas pa ang isang kampo.”

9 Pagkatapos, sinabi ni Jacob: “O Diyos ng ama kong si Abraham at Diyos ng ama kong si Isaac, O Jehova, ikaw na nagsabi sa akin, ‘Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong mga kamag-anak, at gagawan kita ng mabuti,’+ 10 hindi ako karapat-dapat sa lahat ng tapat na pag-ibig at katapatan na ipinakita mo sa iyong lingkod,+ dahil baston lang ang dala ko nang tawirin ko itong Jordan at ngayon ay dalawang kampo na ako.+ 11 Dalangin ko, iligtas mo ako+ mula sa kamay ng kapatid kong si Esau, dahil natatakot ako na baka dumating siya para salakayin ako,+ pati na ang mga babae at mga bata.* 12 At sinabi mo: ‘Tiyak na gagawan kita ng mabuti, at ang mga supling* mo ay gagawin kong gaya ng mga butil ng buhangin sa dagat, na napakarami para bilangin.’”+

13 At doon siya nagpalipas ng gabi. Pagkatapos, mula sa mga pag-aari niya ay pumili siya ng ibibigay sa kapatid niyang si Esau:+ 14 200 babaeng kambing, 20 lalaking kambing, 200 babaeng tupa, 20 lalaking tupa, 15 30 kamelyo at mga pasusuhin nito, 40 baka, 10 toro, 20 babaeng asno, at 10 lalaking asno na husto na ang gulang.+

16 Ipinagkatiwala niya ang bawat kawan sa mga lingkod niya at sinabi: “Mauna kayong tumawid sa akin, at maglagay kayo ng agwat sa pagitan ng bawat kawan.” 17 Inutusan din niya ang unang lingkod: “Kapag sinalubong ka ng kapatid kong si Esau at tinanong ka, ‘Sino ang panginoon mo, saan ka pupunta, at kaninong kawan ang nasa unahan mo?’ 18 sabihin mo sa kaniya, ‘Alipin ako ng inyong lingkod na si Jacob. Regalo niya ito sa panginoon kong si Esau.+ Ang totoo, kasunod din namin siya!’” 19 At inutusan din niya ang ikalawa, ang ikatlo, at ang lahat ng iba pang lingkod na pinagkatiwalaan ng kawan: “Ito rin ang sasabihin ninyo kay Esau kapag nasalubong ninyo siya. 20 At sabihin din ninyo, ‘Kasunod din namin ang inyong lingkod na si Jacob.’” Dahil sinabi niya sa sarili niya: ‘Kung mapalulubag ko ang loob niya sa pamamagitan ng regalo sa unahan ko,+ baka maging mabait siya sa pagtanggap sa akin kapag nagkita kami.’ 21 Kaya naunang tumawid ang mga lingkod niya dala ang regalo, at siya naman ay nagpalipas ng gabi sa kampo.

22 Nang malalim na ang gabi, bumangon siya at isinama ang kaniyang dalawang asawa,+ dalawang alilang babae,+ at 11 batang anak na lalaki, at tumawid sila sa mababaw na bahagi ng ilog ng Jabok.+ 23 Kaya itinawid niya sila sa ilog,* at dinala rin niya ang lahat ng pag-aari niya.

24 Nang dakong huli, naiwang mag-isa si Jacob. At isang lalaki ang nakipagbuno sa kaniya hanggang sa magbukang-liwayway.+ 25 Nang makita ng lalaki na hindi niya ito matalo, hinawakan niya ang hugpungan ng balakang nito; kaya nalinsad ang hugpungan ng balakang ni Jacob habang nakikipagbuno ito sa lalaki.+ 26 At sinabi ng lalaki: “Bitawan mo ako, dahil nagbubukang-liwayway na.” Sinabi ni Jacob: “Hindi kita bibitawan hangga’t hindi mo ako pinagpapala.”+ 27 Kaya nagtanong siya: “Ano ang pangalan mo?” Sinabi nito: “Jacob.” 28 Pagkatapos ay sinabi niya: “Ang pangalan mo ay hindi na Jacob kundi Israel,*+ dahil nakipagpunyagi ka sa Diyos+ at sa mga tao, at sa wakas ay nanalo ka.” 29 Sinabi naman ni Jacob: “Pakisuyo, sabihin mo sa akin ang pangalan mo.” Pero sinabi niya: “Bakit mo tinatanong ang pangalan ko?”+ At pinagpala niya ito roon. 30 Kaya tinawag ni Jacob na Peniel*+ ang lugar na iyon, dahil sinabi niya, “Nakita ko ang Diyos nang mukhaan, pero hindi ako namatay.”+

31 At sumikat na ang araw nang umalis siya sa Penuel,* pero iika-ika siya dahil sa balakang niya.+ 32 Iyan ang dahilan kung bakit hanggang sa araw na ito ay hindi nasanay ang mga anak ni Israel na kumain ng litid sa hita, na nasa hugpungan ng balakang, dahil hinawakan ng lalaki ang hugpungan ng balakang ni Jacob, sa may litid sa hita.

33 Pagtanaw ni Jacob, nakita niyang paparating na si Esau at may kasama itong 400 lalaki.+ Kaya hinati-hati niya ang mga bata kina Lea, Raquel, at sa dalawang alilang babae.+ 2 Ipinuwesto niya sa unahan ang mga alilang babae at ang mga anak nila,+ kasunod ay si Lea at ang mga anak niya,+ at inilagay niya sa hulihan sina Raquel+ at Jose. 3 At nauna siya sa kanila, at yumukod siya sa lupa nang pitong beses habang papalapit sa kapatid niya.

4 Pero tumakbo si Esau para salubungin siya, niyakap siya at hinalikan, at nag-iyakan sila. 5 Nang makita nito ang mga babae at mga bata, sinabi nito: “Sino itong mga kasama mo?” Sumagot siya: “Ang mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.”+ 6 Kaya lumapit ang mga alilang babae kasama ang mga anak nila at yumukod; 7 lumapit din si Lea at ang mga anak niya at yumukod. Pagkatapos, lumapit si Jose kasama si Raquel at yumukod.+

8 Sinabi ni Esau: “Bakit mo isinugo ang mga tao at kawan na nakasalubong ko?”+ Sumagot siya: “Para malugod sa akin ang panginoon ko.”+ 9 Kaya sinabi ni Esau: “Napakarami kong pag-aari, kapatid ko.+ Sa iyo na ang mga iyon.” 10 Pero sinabi ni Jacob: “Hindi. Kung nalulugod ka sa akin, tanggapin mo ang mga regalo ko, dahil ipinadala ko ang mga iyon para makita ko ang iyong mukha. At ngayong nakita ko ang iyong mukha, para bang nakikita ko ang mukha ng Diyos dahil masaya mo akong tinanggap.+ 11 Pakisuyo, tanggapin mo ang ipinadala kong regalo* sa iyo,+ dahil nalugod sa akin ang Diyos at nasa akin na ang lahat ng kailangan ko.”+ Hindi niya ito tinigilan hanggang sa tanggapin na nito ang regalo.

12 Nang maglaon, sinabi ni Esau: “Maglakbay na tayo, at hayaan mo akong manguna sa daan.” 13 Pero sinabi niya rito: “Alam ng panginoon ko na maliliit pa ang mga bata+ at mayroon din akong mga tupa at baka na may mga pasusuhin. Kapag minadali ang mga ito sa paglalakbay kahit isang araw lang, mamamatay ang buong kawan. 14 Pakisuyo, mauna na ang panginoon ko sa lingkod niya, pero magpapatuloy ako nang mas mabagal, ayon sa bilis ng mga alaga kong hayop at ng mga bata hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir.”+ 15 Kaya sinabi ni Esau: “Pakisuyo, hayaan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga kasama ko.” Sinabi niya: “Huwag na. Sapat na sa akin ang kalugdan ako ng panginoon ko.” 16 Kaya nang araw na iyon, naglakbay na si Esau pabalik sa Seir.

17 At naglakbay si Jacob papuntang Sucot,+ at nagtayo siya roon ng bahay niya at gumawa ng mga silungan para sa kawan niya. Kaya naman tinawag niyang Sucot* ang lugar na iyon.

18 Pagkatapos maglakbay mula sa Padan-aram,+ nakarating si Jacob nang ligtas sa lunsod ng Sikem+ na nasa lupain ng Canaan,+ at nagkampo siya malapit sa lunsod. 19 At ang bahagi ng lupain kung saan niya itinayo ang kaniyang tolda ay binili niya mula sa mga anak ni Hamor na ama ni Sikem, sa halagang 100 piraso ng salapi.+ 20 Nagtayo siya roon ng isang altar at tinawag iyon na Diyos, ang Diyos ni Israel.+

34 At si Dina, na anak ni Jacob kay Lea,+ ay laging umaalis para makasama ang* mga kabataang babae ng lupain.+ 2 Nang makita siya ni Sikem, na anak ni Hamor na Hivita,+ na isang pinuno ng lupain, kinuha siya nito at hinalay. 3 At hindi maalis sa isip niya si Dina, na anak ni Jacob, at minahal niya ito at sinuyo.* 4 At sinabi ni Sikem sa ama niyang si Hamor:+ “Kunin mo para sa akin ang kabataang babaeng ito para maging asawa ko.”

5 Nang mabalitaan ni Jacob na nilapastangan nito ang anak niyang si Dina, nasa parang noon ang mga anak niyang lalaki at binabantayan ang kawan niya. Kaya tumahimik muna si Jacob hanggang sa makabalik sila. 6 At si Hamor, na ama ni Sikem, ay pumunta kay Jacob para makipag-usap. 7 Pero nabalitaan ito ng mga anak ni Jacob kaya umuwi sila agad mula sa parang. Nasaktan sila at galit na galit dahil hiniya ni Sikem si Israel nang sipingan nito ang anak ni Jacob,+ isang bagay na hinding-hindi dapat gawin.+

8 Sinabi ni Hamor: “Gustong-gusto ng anak kong si Sikem ang anak mo. Pakisuyo, ibigay mo siya sa kaniya para maging asawa niya, 9 at makipag-alyansa kayo sa amin sa pag-aasawa. Ibigay ninyo sa amin ang mga anak ninyong babae, at kunin ninyo bilang asawa ang mga anak naming babae.+ 10 Manirahan kayong kasama namin, at ituring ninyong sa inyo ang lupain namin. Tumira kayo, magnegosyo, at magkaroon ng mga pag-aari doon.” 11 Pagkatapos, sinabi ni Sikem sa ama at mga kapatid ni Dina: “Maging kalugod-lugod sana ako sa inyo, at ibibigay ko sa inyo ang anumang hingin ninyo sa akin. 12 Humingi kayo sa akin ng regalo at napakataas na dote.+ Handa kong ibigay ang anumang sabihin ninyo. Basta ibigay ninyo sa akin ang kabataang babae para maging asawa ko.”

13 At nilinlang ng mga anak ni Jacob si Sikem at ang ama nitong si Hamor dahil nilapastangan nito ang kapatid nilang si Dina. 14 Sinabi nila sa mga ito: “Hindi namin magagawang ibigay ang kapatid namin sa isang lalaking di-tuli*+ dahil kahihiyan iyan sa amin. 15 Papayag kami, pero sa isang kondisyon: kung magiging tulad namin kayo at magpapatuli ang lahat ng lalaki sa inyo.+ 16 Pagkatapos, ibibigay namin sa inyo ang mga anak naming babae, at kukunin namin ang inyong mga anak na babae, at maninirahan kaming kasama ninyo at magiging isang bayan tayo. 17 Pero kung ayaw ninyong makinig sa amin at hindi kayo magpapatuli, kukunin namin ang kapatid namin.”

18 Nagustuhan ni Hamor+ at ng anak niyang si Sikem+ ang sinabi nila. 19 Hindi nagpaliban ang kabataang lalaki na gawin ang sinabi nila+ dahil gusto niya ang anak ni Jacob, at siya ang pinakamarangal sa buong sambahayan ng kaniyang ama.

20 Kaya si Hamor at ang anak niyang si Sikem ay pumunta sa pintuang-daan ng lunsod at kinausap ang mga lalaki sa lunsod nila:+ 21 “Gusto ng mga lalaking ito na mapanatili ang kapayapaan sa pagitan natin. Hayaan natin silang manirahan sa lupain at magnegosyo rito dahil maluwang pa ang lupain para sa kanila. Kukunin natin ang mga anak nilang babae para maging asawa, at ibibigay natin sa kanila ang mga anak nating babae.+ 22 Pero papayag lang ang mga lalaking ito na manirahang kasama natin at maging isang bayan tayo sa isang kondisyon: kung magpapatuli ang lahat ng lalaki sa atin gaya nila.+ 23 Pagkatapos, hindi ba mapapasaatin din ang kanilang mga pag-aari, kayamanan, at lahat ng alagang hayop? Kaya hayaan natin silang manirahang kasama natin.” 24 Ang lahat ng lumalabas sa pintuang-daan ng lunsod ay nakinig kay Hamor at sa anak niyang si Sikem, at ang lahat ng lalaki ay nagpatuli, lahat ng lumalabas sa pintuang-daan ng lunsod.

25 Pero nang ikatlong araw, nang nakadarama pa sila ng kirot, ang dalawang anak ni Jacob na sina Simeon at Levi, na mga kapatid ni Dina,+ ay kumuha ng kani-kaniyang espada at pinasok ang walang kamalay-malay na lunsod at pinatay ang lahat ng lalaki.+ 26 Pinatay nila si Hamor at ang anak nitong si Sikem gamit ang espada at saka kinuha si Dina mula sa bahay ni Sikem at umalis. 27 Pumunta rin ang iba pang mga anak ni Jacob at nakita ang pinatay na mga lalaki, at ninakawan nila ang lunsod dahil sa paglapastangan sa kapatid nilang babae.+ 28 Kinuha nila ang mga kawan, mga bakahan, at mga asno ng mga ito, at ang anumang nasa lunsod at nasa parang. 29 Kinuha rin nila ang lahat ng pag-aari ng mga ito, binihag ang lahat ng maliliit na anak at mga asawa ng mga ito, at ninakaw ang lahat ng nasa mga bahay.

30 Dahil dito, sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi:+ “Binigyan ninyo ako ng napakalaking problema!* Mamumuhi sa akin ang mga naninirahan sa lupain, ang mga Canaanita at ang mga Perizita. Kakaunti lang tayo, at tiyak na magkakampihan sila para salakayin ako at lipulin, ako at ang sambahayan ko.” 31 Sumagot sila: “Pero tama bang tratuhin na parang babaeng bayaran ang kapatid namin?”

35 Pagkatapos, sinabi ng Diyos kay Jacob: “Maghanda ka. Pumunta ka sa Bethel+ at manirahan doon, at gumawa ka roon ng isang altar para sa tunay na Diyos, na nagpakita sa iyo noong tumatakas ka mula sa kapatid mong si Esau.”+

2 Kaya sinabi ni Jacob sa sambahayan niya at sa lahat ng kasama niya: “Alisin ninyo sa gitna ninyo ang mga diyos ng mga banyaga,+ at linisin ninyo ang inyong sarili at magpalit kayo ng damit, 3 at aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Gagawa ako roon ng isang altar para sa tunay na Diyos, na duminig sa akin sa panahon ng kagipitan at kasama ko saanman ako pumunta.”+ 4 Kaya ibinigay nila kay Jacob ang lahat ng diyos ng mga banyaga at ang mga hikaw sa mga tainga nila, at ibinaon* ni Jacob ang mga iyon sa ilalim ng malaking puno na malapit sa Sikem.

5 Nang maglakbay na sila, tinakot ng Diyos ang mga lunsod sa palibot kaya hindi na hinabol ng mga ito ang mga anak ni Jacob. 6 Nang maglaon, nakarating si Jacob sa Luz,+ na siyang Bethel, sa lupain ng Canaan, siya at ang lahat ng kasama niya. 7 Nagtayo siya roon ng isang altar at tinawag ang lugar na El-bethel, dahil nagpakita sa kaniya roon ang tunay na Diyos noong tumatakas siya mula sa kapatid niya.+ 8 Nang maglaon, namatay ang yaya ni Rebeka na si Debora+ at inilibing sa paanan ng Bethel sa ilalim ng malaking puno.* Kaya tinawag niya itong Alon-bakut.*

9 Muling nagpakita ang Diyos kay Jacob nang manggaling siya sa Padan-aram, at pinagpala siya ng Diyos. 10 Sinabi ng Diyos: “Jacob ang pangalan mo.+ Hindi ka na tatawaging Jacob; Israel na ang magiging pangalan mo.” Mula noon, tinawag na niya itong Israel.+ 11 Sinabi pa ng Diyos: “Ako ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.+ Magpalaanakin ka at magpakarami. Pagmumulan ka ng mga bansa,* oo, ng maraming bansa,+ at pagmumulan ka ng* mga hari.+ 12 Ang lupain na ibinigay ko kina Abraham at Isaac ay ibibigay ko rin sa iyo, at sa magiging mga supling* mo ay ibibigay ko ang lupain.”+ 13 Pagkatapos, pumaitaas ang Diyos mula sa lugar na iyon kung saan siya nakipag-usap sa kaniya.

14 Kaya isang bato ang itinayo ni Jacob bilang palatandaan sa lugar kung saan siya kinausap ng Diyos, at binuhusan niya iyon ng handog na inumin at ng langis.+ 15 At patuloy na tinawag ni Jacob na Bethel+ ang lugar kung saan siya kinausap ng Diyos.

16 Pagkatapos, umalis sila sa Bethel. Nang medyo malayo pa sila sa Eprat, nagsimulang humilab ang tiyan ni Raquel, pero nahihirapan siyang manganak. 17 Habang naghihirap siya sa panganganak, sinabi ng komadrona sa kaniya: “Huwag kang matakot, magsisilang ka ng isa pang anak na lalaki.”+ 18 Noong naghihingalo na siya (dahil malapit na siyang mamatay), pinangalanan niya itong Ben-oni;* pero tinawag itong Benjamin*+ ng ama nito. 19 At namatay si Raquel at inilibing sa daan papuntang Eprat, na siyang Betlehem.+ 20 Kaya itinayo ni Jacob ang isang malaking bato sa ibabaw ng libingan niya; ito ang palatandaan ng libingan ni Raquel hanggang sa araw na ito.

21 Pagkatapos, nagpatuloy si Israel sa paglalakbay at itinayo ang tolda niya pagkalampas sa tore ng Eder. 22 Habang naninirahan si Israel sa lupaing iyon, sinipingan ni Ruben si Bilha na pangalawahing asawa ng ama niya, at nalaman ni Israel ang tungkol dito.+

Si Jacob ay nagkaroon ng 12 anak na lalaki. 23 Ang mga anak ni Jacob kay Lea ay ang panganay na si Ruben,+ sumunod sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, at Zebulon. 24 Ang mga anak niya kay Raquel ay sina Jose at Benjamin. 25 Ang mga anak niya sa alila ni Raquel na si Bilha ay sina Dan at Neptali. 26 At ang mga anak niya sa alila ni Lea na si Zilpa ay sina Gad at Aser. Ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa Padan-aram.

27 Nang maglaon, nakarating si Jacob sa ama niyang si Isaac na nasa Mamre,+ sa Kiriat-arba, na siyang Hebron, kung saan nanirahan bilang mga dayuhan sina Abraham at Isaac.+ 28 Nabuhay si Isaac nang 180 taon.+ 29 Pagkatapos, namatay si Isaac at inilibing gaya ng mga ninuno niya,* matapos masiyahan sa mahabang buhay;* inilibing siya ng mga anak niyang sina Esau at Jacob.+

36 Ito ang kasaysayan ni Esau, na tinatawag ding Edom.+

2 Si Esau ay kumuha ng mga asawa mula sa mga babae sa Canaan: si Ada+ na anak ni Elon na Hiteo,+ at si Oholibama+ na anak ni Anah at apo ni Zibeon na Hivita; 3 at si Basemat,+ na anak ni Ismael at kapatid na babae ni Nebaiot.+

4 At naging anak ni Ada si Elipaz kay Esau, at naging anak ni Basemat si Reuel,

5 at naging anak ni Oholibama sina Jeus, Jalam, at Kora.+

Ito ang mga anak ni Esau na ipinanganak sa lupain ng Canaan. 6 Pagkatapos, tinipon ni Esau ang kaniyang mga asawa, mga anak na lalaki at babae, lahat ng miyembro ng sambahayan niya, ang kawan niya at lahat ng iba pang hayop, at ang lahat ng naging kayamanan niya+ sa lupain ng Canaan. At lumipat siya sa lupain na malayo sa kapatid niyang si Jacob,+ 7 dahil napakarami na ng mga pag-aari nila para manirahan silang magkasama at hindi na sila kayang tustusan ng lupaing tinitirhan nila* dahil sa mga kawan nila. 8 Kaya nanirahan si Esau sa mabundok na rehiyon ng Seir.+ Si Esau ay si Edom.+

9 At ito ang kasaysayan ni Esau, ang ama ng Edom, sa mabundok na rehiyon ng Seir.+

10 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Esau: si Elipaz na anak ni Ada, na asawa ni Esau; si Reuel na anak ni Basemat, na asawa ni Esau.+

11 Ang mga anak ni Elipaz ay sina Teman,+ Omar, Zepo, Gatam, at Kenaz.+ 12 Si Timna ay naging pangalawahing asawa ni Elipaz, na anak ni Esau. Nang maglaon, naging anak niya si Amalek+ kay Elipaz. Ito ang mga apo ni Ada, na asawa ni Esau.

13 Ito ang mga anak ni Reuel: sina Nahat, Zera, Shamah, at Miza. Ito ang mga apo ni Basemat,+ na asawa ni Esau.

14 Ito ang mga anak ni Esau sa asawa niyang si Oholibama na anak ni Anah at apo ni Zibeon: sina Jeus, Jalam, at Kora.

15 Ito ang mga shik* na nagmula kay Esau:+ Ang mga anak ni Elipaz, na panganay ni Esau: sina Shik Teman, Shik Omar, Shik Zepo, Shik Kenaz,+ 16 Shik Kora, Shik Gatam, at Shik Amalek. Ito ang mga shik ni Elipaz+ sa lupain ng Edom. Ito ang mga apo ni Ada.

17 Ito ang mga anak ni Reuel, na anak ni Esau: sina Shik Nahat, Shik Zera, Shik Shamah, at Shik Miza. Ito ang mga shik ni Reuel sa lupain ng Edom.+ Ito ang mga apo ni Basemat, na asawa ni Esau.

18 Ito ang mga anak ni Oholibama, na asawa ni Esau: sina Shik Jeus, Shik Jalam, at Shik Kora. Ito ang mga shik ni Oholibama na anak ni Anah at asawa ni Esau.

19 Ito ang mga anak ni Esau, at ito ang kanilang mga shik. Siya ay si Edom.+

20 Ito ang mga anak ni Seir na Horita, na nakatira sa lupain:+ sina Lotan, Sobal, Zibeon, Anah,+ 21 Dison, Ezer, at Disan.+ Ito ang mga shik ng mga Horita, na mga anak ni Seir, sa lupain ng Edom.

22 Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Hemam, at ang kapatid na babae ni Lotan ay si Timna.+

23 Ito ang mga anak ni Sobal: sina Alvan, Manahat, Ebal, Sepo, at Onam.

24 Ito ang mga anak ni Zibeon:+ sina Aias at Anah. Siya ang Anah na nakakita ng maiinit na bukal sa ilang habang binabantayan ang mga asno ng ama niyang si Zibeon.

25 Ito ang mga anak ni Anah: si Dison at ang anak na babae ni Anah na si Oholibama.

26 Ito ang mga anak ni Dison: sina Hemdan, Esban, Itran, at Keran.+

27 Ito ang mga anak ni Ezer: sina Bilhan, Zaavan, at Akan.

28 Ito ang mga anak ni Disan: sina Uz at Aran.+

29 Ito ang mga shik ng mga Horita: sina Shik Lotan, Shik Sobal, Shik Zibeon, Shik Anah, 30 Shik Dison, Shik Ezer, at Shik Disan.+ Ito ang mga shik ng mga Horita sa lupain ng Seir.

31 Ito ang mga haring namahala sa lupain ng Edom+ bago nagkaroon ng hari ang mga Israelita.+ 32 Si Bela na anak ni Beor ay namahala sa Edom, at ang pangalan ng lunsod niya ay Dinhaba. 33 Nang mamatay si Bela, si Jobab na anak ni Zera na mula sa Bozra ang namahala kapalit niya. 34 Nang mamatay si Jobab, si Husam na mula sa lupain ng mga Temanita ang namahala kapalit niya. 35 Nang mamatay si Husam, ang anak ni Bedad na si Hadad, na tumalo sa mga Midianita+ sa teritoryo ng Moab, ang namahala kapalit niya, at ang pangalan ng lunsod niya ay Avit. 36 Nang mamatay si Hadad, si Samla na mula sa Masreka ang namahala kapalit niya. 37 Nang mamatay si Samla, si Shaul na mula sa Rehobot na nasa tabi ng Ilog ang namahala kapalit niya. 38 Nang mamatay si Shaul, si Baal-hanan na anak ni Acbor ang namahala kapalit niya. 39 Nang mamatay si Baal-hanan na anak ni Acbor, si Hadar ang namahala kapalit niya. Ang pangalan ng lunsod niya ay Pau, at ang asawa niya ay si Mehetabel na anak na babae ni Matred na anak na babae ni Mezahab.

40 Kaya ito ang pangalan ng mga shik ni Esau ayon sa pangalan ng kani-kanilang pamilya at lugar: Shik Timna, Shik Alva, Shik Jetet,+ 41 Shik Oholibama, Shik Elah, Shik Pinon, 42 Shik Kenaz, Shik Teman, Shik Mibzar, 43 Shik Magdiel, at Shik Iram. Ito ang mga shik ng Edom ayon sa kani-kanilang pamayanan sa lupain na pag-aari nila.+ Ito si Esau, ang ama ng Edom.+

37 Si Jacob ay patuloy na nanirahan sa lupain ng Canaan, kung saan tumira ang kaniyang ama bilang dayuhan.+

2 Ito ang kasaysayan ni Jacob.

Nang si Jose+ ay 17 taóng gulang, kasama niyang nag-aalaga ng mga tupa+ ang mga anak nina Bilha+ at Zilpa,+ na mga asawa ng kaniyang ama. At isinumbong ni Jose sa kanilang ama ang ginagawa ng mga ito. 3 Mas mahal ni Israel si Jose kaysa sa lahat ng iba pa niyang anak+ dahil naging anak niya ito noong matanda na siya, at pinagawan niya ito ng espesyal na damit.* 4 Nang makita ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama kaysa sa kanila, napoot sila sa kaniya, at hindi nila siya kayang kausapin nang payapa.

5 Nang maglaon, nanaginip si Jose at sinabi ito sa mga kapatid niya,+ kaya lalo pa silang napoot sa kaniya. 6 Sinabi niya sa kanila: “Pakisuyo, pakinggan ninyo ang panaginip ko. 7 Nagtatali raw tayo ng mga tungkos sa gitna ng bukid nang tumayo nang tuwid ang tungkos ko at pumalibot ang mga tungkos ninyo at yumukod sa tungkos ko.”+ 8 Sinabi ng mga kapatid niya: “Sinasabi mo bang maghahari ka sa amin at magpupuno ka sa amin?”+ Kaya may dahilan na naman sila para mapoot sa kaniya dahil sa panaginip niya at sa sinabi niya.

9 Pagkatapos, nanaginip ulit siya at sinabi sa mga kapatid niya: “Nanaginip ulit ako. Yumuyukod daw sa akin ang araw, buwan, at 11 bituin.”+ 10 Ikinuwento niya iyon sa kaniyang ama at mga kapatid, at sinaway siya ng kaniyang ama: “Ano ang ibig sabihin ng panaginip mong iyan? Ako ba, pati ang iyong ina at mga kapatid, ay talagang yuyukod sa lupa sa harap mo?” 11 At nainggit ang mga kapatid niya sa kaniya,+ pero tinandaan ng kaniyang ama ang sinabi niya.

12 At dinala ng mga kapatid niya ang kawan ng kanilang ama para manginain malapit sa Sikem.+ 13 Pagkatapos, sinabi ni Israel kay Jose: “Hindi ba pinapastulan ng mga kapatid mo ang mga kawan malapit sa Sikem? Puntahan mo sila.” Sumagot ito: “Opo, Ama!” 14 Sinabi pa niya: “Pakisuyo, tingnan mo kung maayos ang kalagayan ng mga kapatid mo, pati ng kawan, at bumalik ka at balitaan mo ako.” Kaya mula sa lambak* ng Hebron,+ pinapunta niya ito sa Sikem. 15 At habang naglalakad si Jose sa parang, nakita siya ng isang lalaki. Tinanong siya nito: “Ano ang hinahanap mo?” 16 Sumagot siya: “Hinahanap ko ang mga kapatid ko. Alam po ba ninyo kung saan nila pinapastulan ang mga kawan?” 17 Sinabi ng lalaki: “Wala na sila rito. Narinig kong sinabi nila, ‘Pumunta tayo sa Dotan.’” Kaya sinundan ni Jose ang mga kapatid niya at nakita sila sa Dotan.

18 Nakita nila siya mula sa malayo, at bago pa siya makalapit sa kanila, nagplano na silang patayin siya. 19 Sinabi nila sa isa’t isa: “Nandiyan na ang mahilig managinip.+ 20 Patayin natin siya at itapon sa isa sa mga balon, at sabihin natin na nilapa siya ng mabangis na hayop. Tingnan natin ngayon kung ano ang mangyayari sa mga panaginip niya.” 21 Nang marinig ito ni Ruben,+ sinikap niyang iligtas siya. Kaya sinabi niya: “Huwag natin siyang patayin.”+ 22 Sinabi pa ni Ruben: “Huwag kayong papatay.+ Itapon ninyo siya sa balon sa ilang pero huwag ninyo siyang sasaktan.”*+ Dahil gusto niya siyang iligtas para maiuwi sa ama niya.

23 Nang makarating si Jose sa mga kapatid niya, hinubad nila ang damit ni Jose, ang suot niyang espesyal na damit,+ 24 at dinala nila siya at itinapon sa balon. Walang tubig noon ang balon.

25 At umupo sila para kumain. Pagkatapos, nakita nilang may paparating na isang grupo ng mga Ismaelita+ mula sa Gilead. Ang mga kamelyo ng mga ito ay may kargang ladano,* balsamo, at madagtang balat ng puno,+ at papunta ang mga ito sa Ehipto. 26 Kaya sinabi ni Juda sa mga kapatid niya: “Ano ang mapapala natin kung papatayin natin ang ating kapatid at pagtatakpan ang ginawa natin?+ 27 Ibenta na lang natin siya+ sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang saktan. Tutal, kapatid natin siya, kadugo natin.”* Kaya nakinig sila sa kapatid nila. 28 At pagdaan ng mga negosyanteng Midianita,+ iniahon nila si Jose mula sa balon at ipinagbili siya sa mga Ismaelita sa halagang 20 pirasong pilak.+ Dinala ng mga ito si Jose sa Ehipto.

29 Nang bumalik si Ruben sa balon at makitang wala na roon si Jose, pinunit niya ang kaniyang mga damit. 30 Nang bumalik siya sa mga kapatid niya, sinabi niya: “Wala na ang bata! At ako—ano na ang gagawin ko?”

31 Kaya kinuha nila ang damit ni Jose, pumatay sila ng lalaking kambing, at isinawsaw nila ang damit sa dugo. 32 Pagkatapos, ipinadala nila ang espesyal na damit sa kanilang ama at ipinasabi: “Nakita namin ito. Pakisuyo, tingnan ninyo kung sa anak ninyo ang damit na ito o hindi.”+ 33 At tiningnan niya itong mabuti at sinabi: “Sa anak ko ang damit na ito! Malamang na nilapa siya ng mabangis na hayop! Tiyak na nagkaluray-luray si Jose!” 34 At pinunit ni Jacob ang mga damit niya, naglagay ng telang-sako sa baywang, at nagdalamhati nang maraming araw para sa kaniyang anak. 35 Sinusubukan siyang aliwin ng lahat ng kaniyang anak na lalaki at babae, pero tumatanggi siya at sinasabi niya: “Mamamatay ako*+ na nagdadalamhati para sa anak ko!” At patuloy na umiyak ang kaniyang ama dahil sa kaniya.

36 Pero ipinagbili siya ng mga Midianita kay Potipar na taga-Ehipto, isang opisyal sa palasyo ng Paraon+ at pinuno ng mga bantay.+

38 Nang mga panahong iyon, iniwan ni Juda ang mga kapatid niya at nagtayo ng tolda malapit sa isang lalaking Adulamita na ang pangalan ay Hira. 2 Nakita roon ni Juda ang anak na babae ni Shua, na isang Canaanita.+ Kinuha niya ang babae at sinipingan ito, 3 kaya nagdalang-tao ang babae. Nang maglaon, nagsilang ito ng isang lalaki, at pinangalanan ito ni Juda na Er.+ 4 Nagdalang-tao siya ulit at nanganak ng isang lalaki at pinangalanan itong Onan. 5 Nanganak siya ulit ng isang lalaki at pinangalanan itong Shela. Nasa Aczib+ siya* noong manganak ang babae.

6 Nang maglaon, kumuha si Juda ng asawa para sa panganay niyang si Er, at ang pangalan nito ay Tamar.+ 7 Pero si Er, na panganay ni Juda, ay gumawa ng masama sa paningin ni Jehova; kaya pinatay siya ni Jehova. 8 Sinabi ni Juda kay Onan: “Pakasalan mo ang asawa ng kapatid mo bilang pagtupad sa pananagutan mo bilang bayaw* at sipingan mo siya para magkaroon ng anak ang namatay mong kapatid.”+ 9 Pero alam ni Onan na ang magiging anak ay hindi ituturing na kaniya.+ Kaya kapag sinisipingan niya ang asawa ng kapatid niya, sinasayang niya* ang semilya niya para hindi mabigyan ng anak ang kapatid niya.+ 10 Ang ginawa ni Onan ay masama sa paningin ni Jehova, kaya pinatay niya rin ito.+ 11 Sinabi ni Juda sa manugang niyang si Tamar: “Tumira ka muna bilang biyuda sa bahay ng iyong ama hanggang sa lumaki ang anak kong si Shela,” dahil sinabi niya sa sarili niya: ‘Baka mamatay rin siyang gaya ng mga kapatid niya.’+ Kaya umalis si Tamar at tumira sa bahay ng ama niya.

12 Lumipas ang ilang panahon at namatay ang asawa ni Juda, na anak na babae ni Shua.+ Nang matapos ang panahon ng pagdadalamhati ni Juda, pumunta siya sa mga manggugupit ng kaniyang mga tupa sa Timnah,+ kasama ang kaibigan niyang Adulamita na si Hira.+ 13 May nagsabi kay Tamar: “Ang biyenan mo ay pupunta sa Timnah para gupitan ang mga tupa niya.” 14 Dahil dito, hinubad niya ang kaniyang damit na pambiyuda at nagsuot ng belo at ng alampay, at umupo siya sa pasukan ng Enaim, na madadaanan papuntang Timnah, dahil nakita niyang malaki na si Shela pero hindi pa rin siya ibinibigay rito para maging asawa.+

15 Nang makita ni Juda si Tamar, inisip niya agad na isa itong babaeng bayaran, dahil may takip ito sa mukha. 16 Kaya nilapitan niya ito sa tabing-daan at sinabi: “Pakisuyo, pahintulutan mo akong sipingan ka,” dahil hindi niya alam na manugang niya ito.+ Sinabi nito: “Ano ang ibibigay mo sa akin para masipingan mo ako?” 17 Sumagot siya: “Magpapadala ako ng isang batang kambing mula sa kawan ko.” Pero sinabi nito: “Magbibigay ka ba ng paniguro hanggang sa maipadala mo iyon?” 18 Sinabi niya: “Anong paniguro ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot ito: “Ang iyong singsing na pantatak,+ ang panali nito, at ang tungkod na hawak mo.” Kaya ibinigay niya ang mga ito sa babae at sumiping siya rito, at ipinagbuntis nito ang anak niya. 19 Pagkatapos, tumayo ito at umalis. Inalis nito ang kaniyang alampay at isinuot ulit ang kaniyang damit na pambiyuda.

20 At ipinadala ni Juda sa kaibigan niyang Adulamita+ ang batang kambing para mabawi ang paniguro mula sa babae, pero hindi nito nakita ang babae. 21 Nagtanong-tanong siya sa mga tagaroon: “Nasaan na ang babaeng bayaran* na nasa tabi ng daan sa Enaim?” Pero sinasabi nila: “Walang babaeng bayaran dito.” 22 Kaya bumalik siya kay Juda, at sinabi niya: “Hindi ko siya nakita, at sinasabi rin ng mga tagaroon, ‘Walang babaeng bayaran dito.’” 23 Sinabi ni Juda: “Hayaan na natin sa kaniya ang mga iyon, at baka pagtawanan pa tayo ng mga tao dahil sa kakahanap sa kaniya. Basta ipinadala ko itong batang kambing, pero hindi mo naman siya nakita.”

24 Pero pagkaraan ng mga tatlong buwan, may nagsabi kay Juda: “Ang iyong manugang na si Tamar ay naging babaeng bayaran, at nagdadalang-tao siya ngayon.” Kaya sinabi ni Juda: “Ilabas ninyo siya at sunugin.”+ 25 Nang inilalabas na siya, ipinasabi niya sa biyenan niya: “Ang may-ari ng mga ito ang ama ng dinadala ko.” Idinagdag pa niya: “Pakisuyo, tingnan mong mabuti kung kanino ang mga ito, ang singsing na pantatak, ang panali nito, at ang tungkod.”+ 26 At tiningnang mabuti ni Juda ang mga iyon at sinabi: “Mas matuwid siya kaysa sa akin, dahil hindi ko siya ibinigay sa anak kong si Shela.”+ At hindi na siya muling nakipagtalik dito.

27 Nang dumating ang panahon ng panganganak niya, nalamang kambal ang nasa sinapupunan niya. 28 Habang nanganganak siya, inilabas ng isa ang kamay nito kaya kumuha agad ang komadrona ng pulang sinulid at itinali iyon sa kamay nito at sinabi: “Ito ang unang lumabas.” 29 Nang ipasok ng sanggol ang kamay niya, lumabas ang kapatid niya, kaya sinabi ng komadrona: “Napakalaking punit ang ginawa mo!” Kaya pinangalanan itong Perez.*+ 30 Pagkatapos, lumabas ang kapatid nitong may pulang sinulid sa kamay, at pinangalanan siyang Zera.+

39 Si Jose ay dinala ng mga Ismaelita+ sa Ehipto,+ at binili siya sa kanila ng Ehipsiyong si Potipar,+ na isang opisyal sa palasyo ng Paraon at pinuno ng mga bantay. 2 Pero ginagabayan ni Jehova si Jose.+ Dahil dito, naging matagumpay siya at pinamahala sa bahay ng panginoon niyang Ehipsiyo. 3 At nakita ng panginoon niya na sumasakaniya si Jehova at na pinagtatagumpay ni Jehova ang lahat ng ginagawa niya.

4 Tuwang-tuwa kay Jose ang panginoon nito, at ito ay naging lingkod na pinagkakatiwalaan niya. Kaya inatasan niya itong mamahala sa bahay niya at sa lahat ng pag-aari niya. 5 Mula nang atasan niya itong mamahala sa bahay niya at sa lahat ng pag-aari niya, patuloy na pinagpala ni Jehova ang bahay ng Ehipsiyo dahil kay Jose, at pinagpala ni Jehova ang lahat ng pag-aari niya sa bahay at sa bukid.+ 6 Nang maglaon, ipinagkatiwala niya kay Jose ang lahat ng pag-aari niya, at wala na siyang iniintindi maliban sa kakainin niya. Bukod diyan, si Jose ay lumaking matipuno at guwapo.

7 At nagustuhan si Jose ng asawa ng kaniyang panginoon at sinabi nito: “Sipingan mo ako.” 8 Pero tumanggi siya at sinabi sa asawa ng kaniyang panginoon: “Hindi na inaalam ng panginoon ko kung ano ang pinamamahalaan ko sa bahay niya, at ipinagkatiwala na niya sa akin ang lahat ng pag-aari niya. 9 Walang nakahihigit sa akin sa bahay na ito, at wala siyang ipinagkait sa akin maliban sa iyo, dahil asawa ka niya. Kaya paano ko magagawa ang napakasamang bagay na ito at magkasala nga laban sa Diyos?”+

10 Kaya araw-araw niyang kinakausap si Jose para akitin ito, pero hindi ito kailanman pumayag na sumiping sa kaniya o makasama siya. 11 Pero isang araw, nang pumasok si Jose sa bahay para gawin ang trabaho niya, walang ibang lingkod sa loob ng bahay. 12 At hinatak siya ng babae sa damit at sinabi: “Sipingan mo ako!” Pero iniwan na niya ang damit niya at tumakas palabas. 13 Nang makita ng babae na naiwan ni Jose ang damit nito sa kamay niya at tumakas palabas, 14 nagsisigaw siya at sinabi sa mga lingkod niya: “Tingnan ninyo! Dinala niya sa atin ang lalaking Hebreong iyon para gawin tayong katawa-tawa. Pumunta siya rito para sipingan ako pero nagsisigaw ako. 15 Nang marinig niyang sumigaw ako, iniwan na niya ang damit niya sa tabi ko at tumakas palabas.” 16 Pagkatapos, inilatag niya ang damit nito sa tabi niya hanggang sa dumating ang panginoon nito sa bahay.

17 At iyon din ang sinabi niya sa asawa niya: “Ang lingkod na Hebreo na dinala mo rito ay pumunta sa akin para gawin akong katawa-tawa. 18 Pero nang magsisigaw ako, iniwan na niya ang damit niya sa tabi ko at tumakas palabas.” 19 Nang marinig ni Potipar ang sinabi ng asawa niya: “Ganito ang ginawa sa akin ng lingkod mo,” galit na galit siya. 20 Kaya si Jose ay kinuha ng panginoon niya at dinala sa bilangguan, kung saan ikinukulong ang mga bilanggo ng hari, at nanatili siya roon sa bilangguan.+

21 Pero hindi iniwan ni Jehova si Jose; patuloy siyang nagpakita rito ng tapat na pag-ibig, at pinagpapala niya ito para matuwa rito ang punong opisyal ng bilangguan.+ 22 Kaya ipinagkatiwala ng punong opisyal ng bilangguan kay Jose ang lahat ng bilanggo roon, at siya ang namamahala sa lahat ng bagay na ginagawa nila roon.+ 23 Hindi na iniintindi ng punong opisyal ng bilangguan ang mga bagay na pinamamahalaan ni Jose, dahil ginagabayan ni Jehova si Jose at pinagtatagumpay ni Jehova ang lahat ng ginagawa nito.+

40 Pagkatapos nito, ang punong katiwala ng kopa+ ng hari ng Ehipto at ang punong panadero ay nagkasala sa kanilang panginoon, ang hari ng Ehipto. 2 Kaya nagalit ang Paraon sa dalawang opisyal niya, sa punong katiwala ng kopa at sa punong panadero,+ 3 at ipinakulong niya sila sa bilangguan na nasa pangangasiwa ng pinuno ng mga bantay,+ kung saan nakabilanggo rin si Jose.+ 4 Pagkatapos, inatasan ng pinuno ng mga bantay si Jose para maging lingkod nila,+ at nanatili sila sa bilangguan sa loob ng ilang panahon.*

5 Isang gabi, parehong nanaginip ang nakabilanggong katiwala ng kopa at panadero ng hari ng Ehipto, at may magkaibang kahulugan ang mga panaginip nila. 6 Kinaumagahan, nang puntahan sila ni Jose at makita sila, mukha silang problemado. 7 Kaya tinanong niya ang mga opisyal ng Paraon na kasama niya sa bilangguang nasa pangangasiwa ng panginoon niya: “Bakit matamlay kayo ngayon?” 8 Sinabi nila: “Pareho kaming nanaginip, pero wala kaming kasama na magbibigay ng kahulugan nito.” Sinabi ni Jose: “Hindi ba Diyos ang nagbibigay ng kahulugan sa panaginip?+ Sabihin ninyo iyon sa akin, pakisuyo.”

9 Kaya sinabi ng punong katiwala ng kopa kay Jose ang panaginip niya: “Sa panaginip ko, may isang punong ubas sa harap ko. 10 Ang punong ubas ay may tatlong sanga, at habang tinutubuan ito ng maliliit na sanga, namulaklak ito at ang mga kumpol ay nahinog at naging ubas. 11 At hawak ko ang kopa ng Paraon. Kinuha ko ang mga ubas at piniga ang mga iyon sa kopa ng Paraon. Pagkatapos, iniabot ko sa Paraon ang kopa.” 12 Sinabi ni Jose: “Ito ang kahulugan ng panaginip: Ang tatlong sanga ay tatlong araw. 13 Tatlong araw mula ngayon, ilalabas ka ng Paraon,* ibabalik ka niya sa iyong katungkulan,+ at iaabot mo sa Paraon ang kopa niya, gaya ng dati mong ginagawa bilang kaniyang katiwala ng kopa.+ 14 Pero huwag mo akong kalimutan kapag maayos na ang kalagayan mo. Pakisuyo, magpakita ka sa akin ng tapat na pag-ibig at banggitin mo ako sa Paraon para makaalis ako sa lugar na ito. 15 Ang totoo, kinuha ako sa lupain ng mga Hebreo,+ at wala akong ginawang masama para ilagay nila ako sa bilangguan.”*+

16 Nang makita ng punong panadero na maganda ang kahulugang ibinigay ni Jose, sinabi niya rito: “Naroon din ako sa panaginip ko, at may tatlong basket ng puting tinapay na nakapatong sa ulo ko, 17 at sa pinakaibabaw na basket ay may iba’t ibang pagkaing gawa ng panadero para sa Paraon, at may mga ibong kumakain sa mga iyon mula sa basket na nakapatong sa ulo ko.” 18 Sinabi ni Jose: “Ito ang kahulugan ng panaginip: Ang tatlong basket ay tatlong araw. 19 Tatlong araw mula ngayon, pupugutan ka ng Paraon* at ibibitin ka sa tulos, at kakainin ng mga ibon ang laman mo.”+

20 At nang ikatlong araw ay kaarawan ng Paraon,+ at naghanda siya ng isang malaking salusalo para sa lahat ng lingkod niya, at inilabas niya ang punong katiwala ng kopa at ang punong panadero* para makita ng mga lingkod niya. 21 Ang punong katiwala ng kopa ay ibinalik niya sa pagiging katiwala ng kopa, at patuloy itong nag-abot ng kopa sa Paraon. 22 Pero ibinitin niya ang punong panadero, gaya ng sinabi ni Jose na kahulugan ng panaginip.+ 23 Gayunman, hindi siya naalaala ng punong katiwala ng kopa; nalimutan na nito si Jose.+

41 Pagkaraan ng dalawang buong taon, nanaginip ang Paraon+ na nakatayo siya sa tabi ng Ilog Nilo. 2 At mula sa ilog ay umahon ang pitong magaganda at matatabang baka, at nanginain ang mga iyon sa damuhan ng Nilo.+ 3 Kasunod ng mga iyon ay umahon mula sa Nilo ang pitong pangit at payat na mga baka, at tumayo ang mga iyon sa tabi ng matatabang baka sa may pampang ng Nilo. 4 Pagkatapos, nilamon ng pangit at payat na mga baka ang pitong magaganda at matatabang baka. At nagising ang Paraon.

5 Pero natulog siya ulit at nanaginip sa ikalawang pagkakataon. Sumibol sa isang tangkay ang pitong malalaki at matatabang uhay.+ 6 Kasunod ng mga iyon ay sumibol ang pitong uhay na payat at natuyot ng hanging silangan. 7 Nilamon ng payat na mga uhay ang pitong malalaki at matatabang uhay. At nagising ang Paraon, at naisip niyang nananaginip lang pala siya.

8 Kinaumagahan, hindi siya mapakali. Kaya ipinatawag niya ang lahat ng mahikong saserdote at matatalinong tao sa Ehipto. Sinabi ng Paraon sa kanila ang mga panaginip niya, pero walang makapagbigay sa Paraon ng kahulugan ng mga iyon.

9 Kaya sinabi ng punong katiwala ng kopa sa Paraon: “Sasabihin ko ngayon ang mga kasalanan ko. 10 Galit na galit noon ang Paraon sa mga lingkod niya. Kaya ipinakulong niya ako sa bilangguang nasa pangangasiwa ng pinuno ng mga bantay, ako at ang punong panadero.+ 11 Isang gabi, pareho kaming nanaginip. Magkaiba ang kahulugan ng mga panaginip namin.+ 12 At may kasama kami roon na isang lalaking Hebreo, na lingkod ng pinuno ng mga bantay.+ Nang ikuwento namin sa kaniya ang bawat panaginip,+ sinabi niya ang kahulugan ng mga iyon. 13 At kung ano ang sinabi niyang kahulugan, iyon nga ang nangyari. Ibinalik ako sa katungkulan ko, pero ibinitin sa tulos ang isa.”+

14 Kaya ipinatawag ng Paraon si Jose,+ at dali-dali nila siyang inilabas sa bilangguan.*+ Nag-ahit siya, nagpalit ng damit, at pumunta sa Paraon. 15 Sinabi ng Paraon kay Jose: “Nanaginip ako, pero walang makapagbigay ng kahulugan nito. Nabalitaan kong kapag narinig mo ang isang panaginip, kaya mong sabihin ang kahulugan nito.”+ 16 Sinabi ni Jose sa Paraon: “Hindi po ako! Ang Diyos ang magsasalita para sa ikabubuti ng Paraon.”+

17 Sinabi ng Paraon kay Jose: “Sa panaginip ko, nakatayo ako sa may pampang ng Ilog Nilo. 18 At mula sa Nilo ay umahon ang pitong magaganda at matatabang baka, at nanginain ang mga iyon sa damuhan ng Nilo.+ 19 Kasunod ng mga iyon ay umahon ang pito pang baka, na mahihina, napakapangit, at payat. Hindi pa ako nakakita ng ganoon kapangit na mga baka sa buong lupain ng Ehipto. 20 At nilamon ng payat at pangit na mga baka ang pitong matatabang baka. 21 Pero pagkatapos nilang lamunin ang mga iyon, walang makakahalata na ginawa nila iyon, dahil payat at pangit pa rin sila gaya noong una. At nagising ako.

22 “Pagkatapos, nakita ko sa panaginip ko na sumibol sa isang tangkay ang pitong malalaki at matatabang uhay.+ 23 Kasunod ng mga iyon ay sumibol ang pitong tuyong uhay na payat at natuyot ng hanging silangan. 24 At nilamon ng payat na mga uhay ang pitong matatabang uhay. Sinabi ko iyon sa mga mahikong saserdote,+ pero walang makapagpaliwanag nito sa akin.”+

25 Pagkatapos, sinabi ni Jose sa Paraon: “Iisa lang ang kahulugan ng mga panaginip ng Paraon. Ipinaalám ng tunay na Diyos sa Paraon kung ano ang gagawin Niya.+ 26 Ang pitong magagandang baka ay pitong taon. Ang pitong magagandang uhay ay pitong taon din. Iisa lang ang kahulugan ng mga panaginip. 27 Ang pitong payat at pangit na baka na umahong kasunod nila ay pitong taon, at ang pitong uhay na walang laman, na natuyot ng hanging silangan, ay nangangahulugang pitong taon ng taggutom. 28 Gaya nga ng sinabi ko sa Paraon: Ipinakita ng tunay na Diyos sa Paraon kung ano ang gagawin Niya.

29 “Magkakaroon ng pitong-taóng kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto. 30 Pero kasunod nito ay magkakaroon naman ng pitong-taóng taggutom, at malilimutan nga ang lahat ng kasaganaan sa lupain ng Ehipto, at napakalaki ng pinsalang idudulot ng taggutom sa lupain.+ 31 At hindi na maaalaala ang naranasang kasaganaan sa lupain dahil sa kasunod nitong taggutom, dahil magiging napakatindi nito. 32 Dalawang beses itong napanaginipan ng Paraon dahil pinagtibay ito ng tunay na Diyos, at malapit na itong gawin ng tunay na Diyos.

33 “Kaya maghanap ang Paraon ng isang taong matalino at may unawa para atasang mamahala sa lupain ng Ehipto. 34 Kailangang kumilos ang Paraon at mag-atas ng mga mangangasiwa sa lupain, at kunin ng Paraon ang ikalimang bahagi ng ani sa Ehipto sa panahon ng pitong-taóng kasaganaan.+ 35 At titipunin nila ang lahat ng pagkain sa darating na saganang mga taon, at itatago nila at babantayan ang mga butil sa mga imbakan ng Paraon sa mga lunsod.+ 36 Iyon ang magiging suplay ng pagkain sa lupain para sa pitong-taóng taggutom na mararanasan sa Ehipto, para hindi malipol ang mga tao at hayop dahil sa taggutom.”+

37 Nagustuhan ng Paraon at ng lahat ng lingkod niya ang mungkahing ito. 38 Kaya sinabi ng Paraon sa mga lingkod niya: “May makikita pa ba tayong gaya ng lalaking ito na may espiritu ng Diyos?” 39 At sinabi ng Paraon kay Jose: “Dahil ipinaalám sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, wala nang mas matalino at mas may unawa kaysa sa iyo. 40 Ikaw mismo ang mamamahala sa sambahayan ko, at susundin ng buong bayan ko ang lahat ng sasabihin mo.+ Magiging mas dakila lang ako sa iyo dahil sa papel ko bilang hari.”* 41 Sinabi pa ng Paraon kay Jose: “Inaatasan kita ngayong mamahala sa buong lupain ng Ehipto.”+ 42 Pagkatapos, hinubad ng Paraon ang kaniyang singsing na panlagda at isinuot iyon kay Jose, dinamtan siya ng mga damit na yari sa magandang klase ng lino, at sinuotan siya ng gintong kuwintas. 43 Pinasakay niya rin siya sa ikalawang karwahe* ng hari, at sumisigaw sila sa unahan niya, “Avrek!”* Sa gayong paraan niya siya inatasang mamahala sa buong lupain ng Ehipto.

44 Sinabi pa ng Paraon kay Jose: “Ako ang Paraon, pero kung wala ang pahintulot mo, walang sinuman sa buong lupain ng Ehipto ang makagagawa ng anuman.”*+ 45 Pagkatapos, pinangalanan ng Paraon si Jose na Zapenat-panea at ibinigay sa kaniya bilang asawa si Asenat,+ na anak ni Potipera na saserdote ng On.* At si Jose ay nagsimulang mangasiwa* sa lupain ng Ehipto.+ 46 Si Jose ay 30 taóng gulang+ nang tumayo siya sa harap ng* Paraon na hari ng Ehipto.

Pagkatapos, umalis si Jose mula sa harap ng Paraon at lumibot sa buong lupain ng Ehipto. 47 At sa loob ng pitong-taóng kasaganaan, naging napakabunga ng* lupain. 48 At sa loob ng pitong taon, patuloy niyang tinipon ang lahat ng pagkain sa lupain ng Ehipto, at inilalagay niya ang pagkain sa mga lunsod. Sa bawat lunsod ay iniimbak niya ang pagkain mula sa mga bukid na nakapalibot dito. 49 Patuloy na nag-imbak si Jose ng napakaraming butil, tulad ng buhangin sa dagat, hanggang sa tumigil na silang alamin kung gaano karami iyon dahil hindi na iyon kayang alamin.

50 Bago dumating ang taon ng taggutom, nagkaroon ng dalawang anak na lalaki si Jose+ kay Asenat, na anak ni Potipera na saserdote ng On.* 51 Pinangalanan ni Jose ang panganay niya na Manases,*+ dahil ang sabi niya, “Ipinalimot sa akin ng Diyos ang lahat ng paghihirap ko at ang buong sambahayan ng ama ko.” 52 At pinangalanan niyang Efraim*+ ang ikalawa, dahil ang sabi niya, “Ginawa akong palaanakin ng Diyos sa lupain ng pagdurusa ko.”+

53 At natapos ang pitong-taóng kasaganaan sa lupain ng Ehipto,+ 54 at nagsimula ang pitong-taóng taggutom, gaya ng sinabi ni Jose.+ Naranasan ang taggutom sa lahat ng lupain, pero may tinapay* sa buong lupain ng Ehipto.+ 55 Nang maglaon, naapektuhan na rin ng taggutom ang buong lupain ng Ehipto, at nagsimulang humingi ng tinapay sa Paraon ang bayan.+ Kaya sinabi ng Paraon sa lahat ng Ehipsiyo: “Pumunta kayo kay Jose, at gawin ninyo ang anumang sabihin niya.”+ 56 Nagpatuloy ang taggutom sa buong lupa.+ At binuksan ni Jose ang lahat ng imbakan ng butil na nasa gitna nila at ipinagbili sa mga Ehipsiyo,+ dahil napakatindi ng taggutom sa lupain ng Ehipto. 57 Bukod diyan, pumupunta sa Ehipto ang mga tao sa buong lupa para bumili kay Jose, dahil napakatindi ng taggutom sa buong lupa.+

42 Nang malaman ni Jacob na may butil sa Ehipto,+ sinabi niya sa mga anak niya: “Bakit nagtitinginan lang kayo at ayaw ninyong kumilos?” 2 Sinabi pa niya: “Nabalitaan kong may butil sa Ehipto. Pumunta kayo roon at bumili para sa atin, para manatili tayong buháy at hindi mamatay.”+ 3 Kaya pumunta sa Ehipto ang 10 kapatid ni Jose+ para bumili ng butil. 4 Pero hindi ipinasama ni Jacob si Benjamin,+ ang kapatid ni Jose, sa iba pa nitong kapatid, dahil sinabi niya: “Baka maaksidente siya at mamatay.”+

5 Kaya ang mga anak ni Israel ay pumunta sa Ehipto kasama ang iba pa na bibili rin, dahil ang taggutom ay umabot sa lupain ng Canaan.+ 6 Si Jose ang may awtoridad sa lupain,+ at siya ang nagbebenta ng butil sa lahat ng tao sa lupa.+ Kaya dumating ang mga kapatid ni Jose at yumukod sa kaniya.+ 7 Nang makita ni Jose ang mga kapatid niya, nakilala niya sila agad, pero hindi siya nagpakilala sa kanila.+ At mabagsik siyang nakipag-usap sa kanila, at sinabi niya: “Tagasaan kayo?” Sumagot sila: “Sa lupain ng Canaan. Nandito kami para bumili ng pagkain.”+

8 Kaya nakilala ni Jose ang mga kapatid niya, pero hindi nila siya nakilala. 9 Naalaala agad ni Jose ang mga panaginip niya tungkol sa kanila,+ at sinabi niya sa kanila: “Mga espiya kayo! Pumunta kayo rito para makita kung anong bahagi ng lupain ang madaling salakayin!”* 10 Kaya sinabi nila: “Hindi, panginoon ko. Pumunta rito ang iyong mga lingkod para bumili ng pagkain. 11 Magkakapatid kami,* at hindi kami masasamang tao.* Hindi mga espiya ang iyong mga lingkod.” 12 Pero sinabi niya: “Hindi! Pumunta kayo rito para makita kung anong bahagi ng lupain ang madaling salakayin!” 13 Sumagot sila: “Ang iyong mga lingkod ay 12 magkakapatid na lalaki.+ Anak kami ng iisang lalaki+ na naninirahan sa lupain ng Canaan, at ang bunso ay kasama ng aming ama ngayon,+ pero ang isa pa ay wala na.”+

14 Pero sinabi ni Jose: “Gaya ng sinabi ko—‘Mga espiya kayo!’ 15 Titingnan ko kung nagsasabi kayo ng totoo: Sumusumpa ako sa ngalan* ng Paraon, hindi kayo makaaalis dito hanggang sa pumunta rito ang bunso ninyong kapatid.+ 16 Pabalikin ninyo ang isa sa inyo para kunin ang kapatid ninyo at ang iba ay mananatiling nakakulong dito. Sa ganitong paraan, malalaman ko kung nagsasabi kayo ng totoo. At kung hindi, sumusumpa ako sa ngalan ng Paraon—mga espiya kayo.” 17 At sama-sama niya silang ikinulong nang tatlong araw.

18 Sa ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila: “Gawin ninyo ito para manatili kayong buháy, dahil may takot ako sa Diyos. 19 Kung matuwid kayo, manatili sa kulungan ang isa sa inyong magkakapatid, pero ang lahat ng iba pa ay puwede nang umuwi at magdala ng butil para makaraos sa taggutom ang inyong mga sambahayan.+ 20 Pagkatapos, dalhin ninyo sa akin ang bunso ninyong kapatid para malaman ko kung mapagkakatiwalaan ang inyong mga salita, at hindi kayo mamamatay.” At gayon ang ginawa nila.

21 At sinabi nila sa isa’t isa: “Tiyak na pinaparusahan tayo dahil sa ating kapatid,+ dahil nakita natin ang paghihirap niya nang magmakaawa siya sa atin, pero hindi tayo nakinig. Iyan ang dahilan kung bakit nagdurusa tayo ngayon.” 22 Kaya sinabi ni Ruben: “Hindi ba sinabi ko sa inyo, ‘Huwag ninyong gawan ng masama ang bata’? Pero hindi kayo nakinig.+ At ngayon ay sinisingil sa atin ang dugo niya.”+ 23 Pero hindi nila alam na naiintindihan sila ni Jose, dahil gumagamit pa siya ng tagapagsalin. 24 Dahil dito ay umalis siya sa harap nila at umiyak.+ Nang bumalik siya at kausapin silang muli, kinuha niya si Simeon+ at iginapos sa harap nila.+ 25 Pagkatapos, ipinag-utos ni Jose na punuin ng butil ang kanilang mga lalagyan, ibalik ang pera ng mga lalaki sa kani-kaniyang sako, at bigyan sila ng panustos para sa paglalakbay. At gayon nga ang ginawa para sa kanila.

26 Kaya isinakay nila ang mga butil sa kanilang mga asno, at umalis sila. 27 Nang buksan ng isa sa kanila ang sako niya para pakainin ang kaniyang asno sa tinutuluyan nila, nakita niya sa sako ang pera niya. 28 Kaya sinabi niya sa mga kapatid niya: “Ibinalik ang pera ko at nandito iyon sa lalagyan ko!” Pagkatapos, nanlupaypay sila, at habang nanginginig, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano itong ginawa ng Diyos sa atin?”

29 Nang makarating sila sa ama nilang si Jacob sa lupain ng Canaan, ikinuwento nila sa kaniya ang lahat ng nangyari sa kanila. Sinabi nila: 30 “Ang lalaking namamahala sa lupain ay mabagsik na nakipag-usap sa amin+ at pinagbintangan kaming mga espiya sa lupain. 31 Pero sinabi namin sa kaniya, ‘Hindi kami masasamang tao. Hindi kami mga espiya.+ 32 Kami ay 12 magkakapatid na lalaki+ na may iisang ama. Wala na ang isa,+ at ang bunso ay kasama ngayon ng aming ama sa lupain ng Canaan.’+ 33 Pero sinabi sa amin ng lalaking namamahala sa lupain, ‘Titingnan ko kung kayo ay matuwid: Iwanan ninyo rito ang isa ninyong kapatid.+ Pagkatapos, magdala kayo ng pagkain para makaraos sa taggutom ang inyong mga sambahayan at umuwi na kayo.+ 34 At dalhin ninyo sa akin ang bunso ninyong kapatid para malaman ko na hindi kayo mga espiya kundi mga taong matuwid. Pagkatapos, ibabalik ko sa inyo ang inyong kapatid, at puwede na kayong bumili ng butil sa lupain.’”

35 Nang inaalis nila ang laman ng sako nila, nakita nilang nasa kani-kaniyang sako ang nakabalot na pera ng bawat isa. Kaya natakot sila pati ang kanilang ama. 36 Sumigaw ang ama nilang si Jacob: “Kinukuha ninyo sa akin ang mga anak ko!+ Wala na si Jose,+ wala na si Simeon,+ at kukunin pa ninyo si Benjamin! Bakit nangyayari sa akin ang lahat ng ito?” 37 Pero sinabi ni Ruben sa kaniyang ama: “Ipapatay mo ang dalawang anak ko kung hindi ko siya maibalik sa iyo.+ Ipagkatiwala mo siya sa akin, at ibabalik ko siya sa iyo.”+ 38 Pero sinabi niya: “Hindi sasama sa inyo ang anak ko, dahil ang kapatid niya ay patay na at siya na lang ang naiwan.+ Kung maaksidente siya at mamatay habang naglalakbay kayo, tiyak na ibababa ninyo ako sa Libingan*+ dahil sa pamimighati.”+

43 At matindi ang taggutom sa lupain.+ 2 Kaya nang maubos na nila ang butil na dinala nila mula sa Ehipto,+ sinabi ng kanilang ama: “Bumalik kayo at bumili ng kaunting pagkain para sa atin.” 3 Sumagot si Juda: “Mahigpit ang bilin sa amin ng lalaki, ‘Huwag kayong magpapakita sa akin kung hindi ninyo kasama ang inyong kapatid.’+ 4 Kung papayagan mong sumama ang kapatid namin, aalis kami at bibili ng pagkain para sa iyo. 5 Pero kung hindi mo siya pasasamahin, hindi kami aalis, dahil sinabi ng lalaki sa amin, ‘Huwag kayong magpapakita sa akin kung hindi ninyo kasama ang inyong kapatid.’”+ 6 Nagtanong si Israel:+ “Bakit ninyo ako pinahihirapan nang ganito? Bakit sinabi ninyong may isa pa kayong kapatid?” 7 Sumagot sila: “Direktang nagtanong ang lalaki tungkol sa amin at sa mga kamag-anak namin, ‘Buháy pa ba ang inyong ama? Mayroon ba kayong isa pang kapatid na lalaki?’ at sinabi namin sa kaniya ang totoo.+ Paano naman namin malalaman na sasabihin pala niya, ‘Isama ninyo rito ang inyong kapatid’?”+

8 At kinumbinsi ni Juda ang kaniyang amang si Israel: “Pasamahin mo siya sa akin,+ nang makaalis na kami para manatili tayong buháy at hindi mamatay+—kami, ikaw, at ang mga anak namin.+ 9 Titiyakin kong walang anumang mangyayari sa kaniya.+ Ako ang mananagot para sa kaniya. Kung hindi ko siya maibalik at maiharap sa iyo, habambuhay kong dadalhin ang kasalanang ito. 10 Pero kung nakaalis kami agad, dalawang beses na sana kaming nakarating doon at nakabalik.”

11 Kaya sinabi sa kanila ni Israel na kanilang ama: “Kung wala nang ibang paraan, gawin ninyo ito: Magdala kayo ng pinakamaiinam na produkto ng lupain sa mga lalagyan ninyo at ibigay ninyo ang mga iyon sa lalaki bilang regalo:+ kaunting balsamo,+ kaunting pulot-pukyutan, ladano, madagtang balat ng puno,+ pistasyo, at mga almendras. 12 Doblihin ninyo ang dala ninyong pera; at ibalik din ninyo ang perang nakalagay noon sa mga sako ninyo.+ Baka isang pagkakamali lang iyon. 13 Isama ninyo ang kapatid ninyo at umalis na kayo; bumalik kayo sa lalaki. 14 Tulungan nawa kayo ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat para kaawaan kayo ng lalaki at palayain niya ang isa pa ninyong kapatid at si Benjamin. Pero kung kailangan ko talagang mawalan ng anak, wala na akong magagawa!”+

15 Kaya kinuha ng mga lalaki ang regalo, dinoble ang dala nilang pera, at isinama si Benjamin. Pagkatapos, umalis sila papunta sa Ehipto at muling humarap kay Jose.+ 16 Nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, kaagad niyang sinabi sa lalaking namamahala sa bahay niya: “Dalhin mo sa bahay ang mga lalaki. Magkatay ka ng mga hayop at ihanda mo ang pagkain, dahil manananghaliang kasama ko ang mga lalaki.” 17 Kaagad na ginawa ng lalaki ang sinabi ni Jose,+ at dinala niya sila sa bahay ni Jose. 18 Pero natakot ang mga lalaki nang dalhin sila sa bahay ni Jose, at sinabi nila: “Dinala tayo rito dahil sa perang naibalik noon sa mga sako natin. Dadakpin nila tayo at gagawing alipin at kukunin ang mga asno natin!”+

19 Kaya lumapit sila sa lalaking namamahala sa bahay ni Jose at nakipag-usap sa kaniya sa pasukan ng bahay. 20 Sinabi nila: “Pagpaumanhinan mo kami, panginoon ko! Bibili talaga kami ng pagkain nang pumunta kami rito noon.+ 21 Pero nang dumating kami sa aming tuluyan at buksan namin ang mga sako namin, naroon ang pera ng bawat isa sa kani-kaniyang sako, ang buong halaga ng pera namin.+ Kaya gusto naming ibalik iyon nang personal. 22 At nagdala pa kami ng mas maraming pera para bumili ng pagkain. Hindi namin alam kung sino ang naglagay ng pera namin sa aming mga sako.”+ 23 Sinabi niya: “Walang problema. Huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos at ang Diyos ng inyong ama ang naglagay ng kayamanan sa inyong mga sako. Natanggap ko ang pera ninyo.” At dinala niya si Simeon sa kanila.+

24 Pagkatapos, pinapasok sila ng lalaki sa bahay ni Jose, binigyan ng tubig na panghugas sa mga paa nila, at binigyan ng pagkain ang mga asno nila. 25 At inihanda nila ang regalo+ para sa pagdating ni Jose sa tanghali, dahil narinig nila na doon sila kakain.+ 26 Nang pumasok si Jose sa bahay, dinala nila sa kaniya ang kanilang regalo at yumukod sa kaniya.+ 27 Pagkatapos nito, kinumusta niya sila at sinabi: “Kumusta na ang inyong matanda nang ama na binanggit ninyo? Buháy pa ba siya?”+ 28 Sumagot sila: “Ang aming ama na iyong lingkod ay nasa mabuting kalagayan. Buháy pa siya.” At yumukod sila.+

29 Nang tumingin siya sa paligid at makita niya ang kapatid niyang si Benjamin, na anak ng kaniyang ina,+ sinabi niya: “Ito ba ang kapatid ninyo, ang bunso na binanggit ninyo sa akin?”+ Sinabi pa niya: “Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak ko.” 30 Nagmadaling lumabas si Jose; hindi na niya mapigil ang damdamin niya dahil sa kapatid niya, at naghanap siya ng lugar kung saan puwede siyang umiyak. Kaya pumasok siya sa isang pribadong silid at doon umiyak.+ 31 Pagkatapos, naghilamos siya at lumabas na kontrolado na ang damdamin, at sinabi niya: “Ihain ninyo ang pagkain.” 32 Naghain sila nang bukod para sa kaniya, para sa kanila, at para sa mga Ehipsiyong kasama niya, dahil hindi makakakain ang mga Ehipsiyo kasabay ng mga Hebreo; kasuklam-suklam iyon sa mga Ehipsiyo.+

33 Ang magkakapatid* ay pinaupo sa harap niya ayon sa kanilang edad, mula sa panganay ayon sa karapatan niya bilang panganay+ hanggang sa bunso, at takang-taka sila at nagtitinginan. 34 Pinadadalhan niya sila ng pagkain mula sa mesa niya, pero limang ulit na mas marami ang ibinibigay niya kay Benjamin kumpara sa lahat ng iba pa.+ At patuloy silang kumain at uminom kasama niya hanggang sa mabusog.

44 Pagkatapos, inutusan niya ang lalaking namamahala sa bahay niya: “Punuin mo ng pagkain ang mga sako ng mga lalaki hanggang sa makakaya nilang dalhin, at ilagay mo ang pera ng bawat isa sa sako niya.+ 2 Pero ilagay mo sa sako ng bunso ang pilak na kopa ko kasama ang pera para sa butil niya.” Kaya ginawa nito ang iniutos ni Jose.

3 Kinaumagahan, nang magliwanag na, pinauwi na ang mga lalaki kasama ang mga asno nila. 4 Hindi pa sila nakalalayo sa lunsod nang utusan ni Jose ang lalaking namamahala sa bahay niya: “Bilis! Habulin mo ang mga lalaki! Kapag inabutan mo sila, sabihin mo, ‘Bakit ninyo ginantihan ng masama ang mabuti? 5 Hindi ba ito ang iniinuman ng panginoon ko at ang ginagamit niya para mabasa nang tama ang mga tanda? Napakasama ng ginawa ninyo!’”

6 Kaya nang maabutan niya sila, sinabi niya ito sa kanila. 7 Pero sinabi nila sa kaniya: “Bakit nasabi iyan ng panginoon ko? Hinding-hindi iyan magagawa ng iyong mga lingkod. 8 Ibinalik pa nga namin sa inyo mula sa lupain ng Canaan ang perang nakita namin sa mga sako namin.+ Kaya paano namin magagawang magnakaw ng pilak o ginto sa bahay ng iyong panginoon? 9 Kung makita ito sa isa sa iyong mga alipin, dapat siyang mamatay, at kaming lahat ay magiging mga alipin ng aking panginoon.” 10 Kaya sinabi niya: “Sige, ayon sa sinabi mo, kung kanino makita ang kopa, magiging alipin siya, pero ituturing na walang-sala ang lahat ng iba pa.” 11 Kaya dali-dali nilang ibinaba sa lupa ang kani-kaniyang sako at binuksan ito. 12 Naghanap siyang mabuti, mula sa panganay hanggang sa bunso. At nakita ang kopa sa sako ni Benjamin.+

13 Kaya pinunit nila ang kanilang mga damit, at muli nilang isinakay sa kani-kaniyang asno ang mga dala nila at bumalik sila sa lunsod. 14 Nang pumasok si Juda+ at ang mga kapatid niya sa bahay ni Jose, naroon pa si Jose; at sumubsob sila sa harap niya.+ 15 Sinabi ni Jose: “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na may kakayahang bumasa ng mga tanda ang lalaking gaya ko?”+ 16 Sumagot si Juda: “Ano pa ba ang masasabi namin sa panginoon ko? Paano kami magpapaliwanag? At paano namin mapatutunayang matuwid kami? Natuklasan ng tunay na Diyos ang kasalanan ng iyong mga alipin.+ Mga alipin na kami ngayon ng panginoon ko, kami at ang nahulihan ng kopa!” 17 Pero sinabi niya: “Hinding-hindi ko iyan magagawa! Ang nahulihan lang ng kopa ang magiging alipin ko.+ At ang iba pa sa inyo ay makakauwi na sa inyong ama.”

18 Lumapit ngayon si Juda sa kaniya at nagsabi: “Nakikiusap ako sa iyo, panginoon ko, hayaan mo sana akong magsalita at huwag ka sanang magalit sa iyong alipin, dahil parang ikaw na rin ang Paraon.+ 19 Tinanong ng panginoon ko ang mga alipin niya, ‘Mayroon pa ba kayong ama o kapatid?’ 20 Kaya sinabi namin sa panginoon ko, ‘Mayroon kaming ama na matanda na at mayroon siyang isang anak sa kaniyang katandaan, ang bunso.+ Pero patay na ang kapatid nito,+ kaya siya na lang ang naiwang anak ng kaniyang ina,+ at mahal siya ng ama niya.’ 21 Pagkatapos, sinabi mo sa iyong mga alipin, ‘Isama ninyo siya rito para makita ko siya.’+ 22 Pero sinabi namin sa panginoon ko, ‘Hindi niya puwedeng iwan ang ama niya. Kung iiwan niya ito, tiyak na mamamatay ito.’+ 23 At sinabi mo sa iyong mga alipin, ‘Huwag kayong magpapakita sa akin kung hindi ninyo kasama ang bunso ninyong kapatid.’+

24 “Kaya bumalik kami sa aming ama na iyong alipin at binanggit sa kaniya ang mga sinabi ng aking panginoon. 25 Nang maglaon, sinabi ng aming ama, ‘Bumalik kayo at bumili ng kaunting pagkain para sa atin.’+ 26 Pero sinabi namin, ‘Hindi kami makaaalis. Aalis lang kami kung kasama namin ang bunso naming kapatid, dahil hindi kami puwedeng magpakita sa lalaki kung hindi namin kasama ang bunso naming kapatid.’+ 27 Pero sinabi sa amin ng aming ama na iyong alipin, ‘Alam ninyong dalawang anak na lalaki lang ang isinilang ng asawa ko.+ 28 Pero iniwan na ako ng isa at sinabi ko: “Tiyak na nagkaluray-luray siya!”+ at hindi ko na siya muling nakita hanggang ngayon. 29 Kung kukunin pa ninyo sa akin ang isang ito at maaksidente siya at mamatay, tiyak na ibababa ninyo ako sa Libingan*+ dahil sa pamimighati.’+

30 “Mahal na mahal ng aming ama ang kapatid namin, gaya ng sarili niyang buhay, kaya kung babalik ako sa aking ama na iyong alipin at hindi namin kasama ang kapatid namin, 31 tiyak na mamamatay siya kapag nakita niyang wala ito, at ibababa namin sa Libingan* ang aming ama na iyong alipin dahil sa pamimighati. 32 Tiniyak ko* sa aming ama na walang anumang mangyayari sa kapatid namin. Sinabi ko, ‘Kung hindi ko siya maibalik sa iyo, habambuhay kong dadalhin ang kasalanang ito.’+ 33 Kaya ngayon, pakiusap, panginoon ko, ako na lang ang gawin mong alipin imbes na ang kapatid ko, para makauwi siya kasama ng mga kapatid niya. 34 Paano ako makababalik sa ama ko nang hindi siya kasama? Hindi ko kakayaning makitang nagdurusa ang ama ko!”

45 Dahil dito, hindi na mapigil ni Jose ang kaniyang damdamin sa harap ng lahat ng lingkod niya.+ Kaya sumigaw siya: “Palabasin ninyo ang lahat!” Walang ibang naiwan kasama ni Jose habang nagpapakilala siya sa mga kapatid niya.+

2 At umiyak siya nang napakalakas kaya narinig iyon ng mga Ehipsiyo at ng sambahayan ng Paraon. 3 Sa wakas, sinabi ni Jose sa mga kapatid niya: “Ako si Jose. Buháy pa ba ang ama ko?” Pero hindi makasagot ang mga kapatid niya dahil gulat na gulat sila. 4 Kaya sinabi ni Jose sa mga kapatid niya: “Lumapit kayo sa akin, pakisuyo.” At lumapit sila sa kaniya.

Pagkatapos, sinabi niya: “Ako ang kapatid ninyong si Jose, na ibinenta ninyo sa Ehipto.+ 5 Pero huwag na kayong mag-alala o magsisihan na ibinenta ninyo ako; dahil isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo para magligtas ng buhay.+ 6 Ito ang ikalawang taon ng taggutom sa lupa,+ at mayroon pang limang taon na walang mag-aararo o mag-aani. 7 Pero isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo para maingatan ang inyong angkan*+ sa lupa at manatili kayong buháy sa pamamagitan ng isang kahanga-hangang pagliligtas. 8 Kaya hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang tunay na Diyos, para maatasan niya akong punong tagapayo* ng Paraon at panginoon sa buong sambahayan nito at pinuno sa buong lupain ng Ehipto.+

9 “Bumalik kayo agad sa ama ko, at sabihin ninyo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ng anak mong si Jose: “Inatasan ako ng Diyos bilang panginoon sa buong Ehipto.+ Pumunta kayo agad dito sa akin.+ 10 Tumira kayo sa lupain ng Gosen,+ na malapit sa akin—kayo, kasama ang inyong mga anak, apo, kawan, at bakahan at ang lahat ng pag-aari ninyo. 11 Bibigyan ko kayo ng pagkain doon, dahil limang taon pa ang taggutom.+ Kung hindi, maghihirap kayo at ang inyong sambahayan, at mawawala ang lahat ng pag-aari ninyo.”’ 12 Nakikita mismo ng inyong mga mata at ng kapatid kong si Benjamin na ako nga ang nakikipag-usap sa inyo.+ 13 Kaya sabihin ninyo sa aking ama ang tungkol sa lahat ng kaluwalhatian ko sa Ehipto at ang lahat ng nakita ninyo. Magmadali kayo at isama ninyo rito ang aking ama.”

14 Pagkatapos, niyakap niya ang* kapatid niyang si Benjamin at umiyak, at niyakap din siya ni Benjamin at umiyak.+ 15 At hinalikan niya ang lahat ng kapatid niya at umiyak dahil sa kanila, at pagkatapos ay kinausap siya ng mga kapatid niya.

16 Nakarating ang balita sa sambahayan ng Paraon: “Nandito ang mga kapatid ni Jose!” Ikinatuwa iyon ng Paraon at ng mga lingkod niya. 17 Kaya sinabi ng Paraon kay Jose: “Sabihin mo sa mga kapatid mo: ‘Kargahan ninyo ng pagkain ang mga hayop ninyo at pumunta kayo sa lupain ng Canaan. 18 Sunduin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sambahayan at pumunta kayo sa akin. Ibibigay ko sa inyo ang mabubuting bagay sa lupain ng Ehipto at kakainin ninyo ang mga bunga ng pinakamatabang bahagi ng lupain.’+ 19 Sabihin mo rin sa kanila:+ ‘Kumuha kayo ng mga karwahe+ mula sa lupain ng Ehipto para sa inyong mga anak at asawa, at isakay ninyo roon ang inyong ama at pumunta kayo rito.+ 20 Huwag ninyong panghinayangan ang mga pag-aari ninyo,+ dahil mapapasainyo ang pinakamabubuting bagay sa buong lupain ng Ehipto.’”

21 At iyon ang ginawa ng mga anak ni Israel, at binigyan sila ni Jose ng mga karwahe ayon sa utos ng Paraon at binigyan sila ng mga panustos sa paglalakbay. 22 Binigyan niya ang bawat isa sa kanila ng tig-iisang pamalit na damit, pero binigyan niya si Benjamin ng 300 pirasong pilak at limang pamalit na damit.+ 23 At para sa ama niya ay ipinadala niya ang sumusunod: 10 asno na may pasang mabubuting bagay ng Ehipto at 10 babaeng asno na may pasang mga butil, tinapay, at panustos ng kaniyang ama sa paglalakbay. 24 At pinauwi na niya ang mga kapatid niya, at habang papaalis sila, sinabi niya: “Huwag kayong mag-aaway habang nasa daan.”+

25 Pagkatapos, umalis na sila sa Ehipto at nakarating sa lupain ng Canaan, sa kanilang amang si Jacob. 26 At sinabi nila sa kaniya: “Buháy si Jose, at siya ang tagapamahala sa buong lupain ng Ehipto!”+ Pero hindi niya pinansin ang kuwento nila dahil hindi niya sila pinaniwalaan.+ 27 Nang patuloy nilang ikinuwento sa kaniya ang lahat ng sinabi ni Jose sa kanila at nang makita niya ang mga karwahe na ipinadala ni Jose para sakyan niya, nabuhayan ng loob ang* kanilang amang si Jacob. 28 Sinabi ni Israel: “Naniniwala na ako! Buháy pa ang anak kong si Jose! Pupuntahan ko siya para makita ko siya bago ako mamatay!”+

46 Kaya dinala ni Israel ang lahat ng sa kaniya at umalis. Nang dumating siya sa Beer-sheba,+ naghandog siya sa Diyos ng ama niyang si Isaac.+ 2 Isang gabi, kinausap ng Diyos si Israel sa pamamagitan ng pangitain at sinabi: “Jacob, Jacob!” Sumagot ito: “Narito ako!” 3 Sinabi niya: “Ako ang tunay na Diyos, ang Diyos ng iyong ama.+ Huwag kang matakot na pumunta sa Ehipto, dahil gagawin kitang isang malaking* bansa roon.+ 4 Sasamahan kita sa pagpunta mo sa Ehipto, at ibabalik kita sa lupaing ito,+ at ipapatong ni Jose ang kamay niya sa mga mata mo.”*+

5 Pagkatapos, umalis si Jacob sa Beer-sheba, at isinakay ng mga anak ni Israel ang kanilang amang si Jacob, pati na ang mga anak at asawa nila, sa mga karwaheng ipinadala ng Paraon para sa paglalakbay ni Jacob. 6 Dinala nila ang kanilang mga kawan at mga pag-aari, na natipon nila sa lupain ng Canaan. Nang maglaon, nakarating sila sa Ehipto, si Jacob at ang lahat ng kasama niyang supling. 7 Isinama niya sa Ehipto ang kaniyang mga anak na lalaki at apong lalaki, mga anak na babae at apong babae—lahat ng supling niya.

8 Ito ang pangalan ng mga anak ni Israel na pumunta sa Ehipto,+ si Jacob at ang mga anak niya: Ang panganay ni Jacob ay si Ruben.+

9 Ang mga anak ni Ruben ay sina Hanok, Palu, Hezron, at Carmi.+

10 Ang mga anak ni Simeon+ ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar, at si Shaul+ na anak ng isang babaeng Canaanita.

11 Ang mga anak ni Levi+ ay sina Gerson, Kohat, at Merari.+

12 Ang mga anak ni Juda+ ay sina Er, Onan, Shela,+ Perez,+ at Zera.+ Pero sina Er at Onan ay namatay sa lupain ng Canaan.+

Ang mga anak ni Perez ay sina Hezron at Hamul.+

13 Ang mga anak ni Isacar ay sina Tola, Puva, Iob, at Simron.+

14 Ang mga anak ni Zebulon+ ay sina Sered, Elon, at Jahleel.+

15 Ito ang mga anak na lalaki ni Lea kay Jacob na ipinanganak nito sa Padan-aram, kasama ang anak niyang babae na si Dina.+ Ang lahat ng kaniyang anak na lalaki at babae ay 33.

16 Ang mga anak ni Gad+ ay sina Zipion, Hagi, Suni, Ezbon, Eri, Arodi, at Areli.+

17 Ang mga anak ni Aser+ ay sina Imnah, Isva, Isvi, at Berias, at si Sera ang kapatid nilang babae.

Ang mga anak ni Berias ay sina Heber at Malkiel.+

18 Ito ang mga nagmula kay Zilpa,+ na ibinigay ni Laban sa anak niyang si Lea. Ang lahat ng nagmula kina Zilpa at Jacob ay 16.*

19 Ang mga anak ng asawa ni Jacob na si Raquel ay sina Jose+ at Benjamin.+

20 Naging anak ni Jose sa lupain ng Ehipto sina Manases+ at Efraim,+ na isinilang ni Asenat+ na anak ni Potipera na saserdote ng On.*

21 Ang mga anak ni Benjamin+ ay sina Bela, Beker, Asbel, Gera,+ Naaman, Ehi, Ros, Mupim, Hupim,+ at Ard.+

22 Ito ang mga nagmula kina Raquel at Jacob: 14 lahat.

23 Ang anak* ni Dan+ ay si Husim.+

24 Ang mga anak ni Neptali+ ay sina Jahzeel, Guni, Jezer, at Silem.+

25 Ito ang mga nagmula kay Bilha, na ibinigay ni Laban sa anak niyang si Raquel. Ang lahat ng nagmula kina Bilha at Jacob ay pito.

26 Ang lahat ng nagmula kay Jacob at sumama sa kaniya sa Ehipto, bukod pa sa mga asawa ng mga anak ni Jacob, ay 66.+ 27 Ang mga anak na lalaki ni Jose na isinilang sa Ehipto ay dalawa. Ang lahat ng miyembro ng sambahayan ni Jacob na pumunta sa Ehipto ay 70.+

28 Pinauna ni Jacob si Juda+ para sabihin kay Jose na papunta na siya sa Gosen. Nang makarating sila sa lupain ng Gosen,+ 29 ipinahanda ni Jose ang karwahe niya para salubungin sa Gosen ang ama niyang si Israel. Nang magkita sila, niyakap niya agad ang* kaniyang ama at umiyak siya nang umiyak.* 30 Pagkatapos, sinabi ni Israel kay Jose: “Handa na akong mamatay; nakita ko na ang iyong mukha at nalaman kong buháy ka pa.”

31 At sinabi ni Jose sa mga kapatid niya at sa sambahayan ng kaniyang ama: “Aalis muna ako para mag-ulat sa Paraon,+ at sasabihin ko sa kaniya, ‘Dumating na ang mga kapatid ko at ang sambahayan ng aking ama mula sa lupain ng Canaan.+ 32 Ang mga lalaki ay pastol,+ at nag-aalaga sila ng mga hayop,+ at dinala nila rito ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at lahat ng pag-aari nila.’+ 33 Kapag ipinatawag kayo ng Paraon at nagtanong siya, ‘Ano ang hanapbuhay ninyo?’ 34 sabihin ninyo, ‘Ang iyong mga lingkod ay nag-aalaga ng mga hayop mula pagkabata hanggang ngayon, kami at ang mga ninuno namin,’+ para makapanirahan kayo sa lupain ng Gosen,+ dahil namumuhi ang mga Ehipsiyo sa mga pastol ng tupa.”+

47 Kaya umalis si Jose at nag-ulat sa Paraon:+ “Dumating mula sa lupain ng Canaan ang aking ama at mga kapatid at ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat ng sa kanila, at sila ay nasa lupain ng Gosen.”+ 2 Isinama niya ang lima sa mga kapatid niya at iniharap sa Paraon.+

3 Sinabi ng Paraon sa mga kapatid niya: “Ano ang hanapbuhay ninyo?” Sumagot sila sa Paraon: “Ang iyong mga lingkod ay mga pastol ng tupa, kami at ang mga ninuno namin.”+ 4 Pagkatapos, sinabi nila sa Paraon: “Pumunta kami rito para manirahan bilang mga dayuhan sa lupain+ dahil wala nang pastulan para sa kawan ng iyong mga lingkod; matindi ang taggutom sa lupain ng Canaan.+ Kaya pakisuyo, payagan mong manirahan ang iyong mga lingkod sa lupain ng Gosen.”+ 5 Dahil dito, sinabi ng Paraon kay Jose: “Pinuntahan ka rito ng iyong ama at mga kapatid. 6 Ang lupain ng Ehipto ay nasa iyong mga kamay. Patirahin mo ang iyong ama at mga kapatid sa pinakamainam na bahagi ng lupain.+ Patirahin mo sila sa lupain ng Gosen, at kung may alam kang mga lalaking may kakayahan sa kanila, ipagkatiwala mo sa mga ito ang aking hayupan.”

7 Pagkatapos, isinama ni Jose ang ama niyang si Jacob at iniharap sa Paraon, at pinagpala ni Jacob ang Paraon. 8 Tinanong ng Paraon si Jacob: “Ilang taon ka na?” 9 Sinabi ni Jacob sa Paraon: “Ako ay 130 taóng gulang, at sa buong buhay ko ay nagpagala-gala ako.* Napakahirap ng mga taon ng buhay ko,+ at hindi ito kasinghaba ng mga taon ng buhay ng mga ninuno ko na ginugol nila sa pagpapagala-gala.”*+ 10 Pagkatapos, pinagpala ni Jacob ang Paraon at umalis sa harap nito.

11 Kaya pinatira ni Jose ang kaniyang ama at mga kapatid sa lupain ng Ehipto, at binigyan niya sila ng pag-aari dito, sa pinakamainam na bahagi ng lupain, sa lupain ng Rameses,+ gaya ng iniutos ng Paraon. 12 At patuloy na binigyan ni Jose ng pagkain* ang kaniyang ama, mga kapatid, at ang buong sambahayan ng ama niya, ayon sa dami ng kanilang anak.

13 At walang pagkain* sa buong lupain, dahil napakatindi ng taggutom, at ang mga tao sa lupain ng Ehipto at Canaan ay nanghina dahil sa taggutom.+ 14 Kinokolekta ni Jose ang lahat ng pera sa lupain ng Ehipto at Canaan na ibinibigay ng mga tao kapalit ng butil na binibili nila,+ at patuloy na dinadala ni Jose ang pera sa bahay ng Paraon. 15 Nang maglaon, naubos na ang pera sa lupain ng Ehipto at Canaan, kaya nagpuntahan kay Jose ang lahat ng Ehipsiyo. Sinabi nila: “Bigyan mo kami ng pagkain! Bakit kailangan kaming mamatay sa harap mo dahil sa wala na kaming pera?” 16 Sinabi ni Jose: “Kung ubos na ang pera ninyo, dalhin ninyo ang inyong mga alagang hayop, at bibigyan ko kayo ng pagkain kapalit ng mga iyon.” 17 Kaya dinala nila kay Jose ang kanilang mga alagang hayop, at binibigyan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng dinadala nilang mga kabayo, tupa, kambing, baka, at mga asno, at sa loob ng taóng iyon, patuloy niya silang binigyan ng pagkain kapalit ng lahat ng kanilang alagang hayop.

18 Nang sumunod na taon, pumunta ulit sila sa kaniya at nagsabi: “Gusto naming malaman ng aming panginoon na naibigay na namin ang pera at mga alagang hayop namin. Wala na kaming maibibigay sa aming panginoon maliban sa aming sarili at mga lupain. 19 Bakit kailangan kaming mamatay sa harap mo, kami at ang lupain namin? Bilhin mo kami at ang aming lupain kapalit ng pagkain, at kami ay magiging mga alipin ng Paraon at ang lupain namin ay magiging pag-aari niya. Bigyan mo kami ng binhi para mabuhay kami at hindi mamatay at para hindi matiwangwang ang lupain namin.” 20 Kaya binili ni Jose ang lahat ng lupain ng mga Ehipsiyo para sa Paraon dahil ipinagbili ng bawat Ehipsiyo ang kaniyang bukid, dahil napakatindi ng taggutom; at ang lupain ay naging pag-aari ng Paraon.

21 Pagkatapos, ang mga tao sa buong teritoryo ng Ehipto ay inilipat niya sa mga lunsod.+ 22 Ang lupain lang ng mga saserdote ang hindi niya binili,+ dahil ang mga saserdote ay tumatanggap ng rasyon ng pagkain mula sa Paraon. Kaya hindi nila ipinagbili ang lupain nila. 23 Pagkatapos, sinabi ni Jose sa mga tao: “Ngayon ay binili ko na kayo at ang lupain ninyo para sa Paraon. Heto ang binhi para sa inyo, at itanim ninyo ito sa lupain. 24 Kapag nagbunga na ito, ibigay ninyo sa Paraon ang ikalimang bahagi,*+ pero sa inyo ang apat na bahagi* para may binhi kayong maitanim sa bukid at para maging pagkain ninyo at ng inyong sambahayan at mga anak.” 25 Kaya sinabi nila: “Iniligtas mo ang buhay namin.+ Malugod sana sa amin ang aming panginoon, at magiging mga alipin kami ng Paraon.”+ 26 At ginawa itong batas ni Jose, na may bisa pa rin sa buong lupain ng Ehipto hanggang ngayon, na ang ikalimang bahagi ng ani ay dapat ibigay sa Paraon. Ang lupain lang ng mga saserdote ang hindi naging pag-aari ng Paraon.+

27 Patuloy na tumira si Israel at ang sambahayan niya sa Gosen,+ sa lupain ng Ehipto, at nagkaroon sila roon ng mga pag-aari, naging palaanakin, at dumami nang husto.+ 28 At si Jacob ay nabuhay sa lupain ng Ehipto nang 17 taon, kaya nabuhay si Jacob nang 147 taon.+

29 Nang malapit nang mamatay si Israel,+ tinawag niya ang anak niyang si Jose at sinabi: “Kung naging kalugod-lugod ako sa iyong paningin, pakisuyong ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng hita ko at magpakita ka ng tapat na pag-ibig at katapatan sa akin. Pakisuyo, huwag mo akong ilibing sa Ehipto.+ 30 Kapag namatay ako,* ilabas mo ako sa Ehipto at ilibing sa libingan ng mga ninuno ko.”+ Kaya sinabi niya: “Gagawin ko po ang sinabi ninyo.” 31 Pagkatapos, sinabi niya: “Sumumpa ka sa akin.” Kaya sumumpa siya sa kaniya.+ At sa ulunan ng higaan niya, yumukod si Israel sa Diyos.+

48 Pagkatapos ng mga ito, may nagsabi kay Jose: “Ang iyong ama ay humihina na.” Kaya isinama niya ang dalawa niyang anak na sina Manases at Efraim.+ 2 At sinabi kay Jacob: “Narito ang anak mong si Jose.” Kaya ginamit ni Israel ang buo niyang lakas at umupo siya sa higaan. 3 At sinabi ni Jacob kay Jose:

“Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ay nagpakita sa akin sa Luz, sa lupain ng Canaan, at pinagpala niya ako.+ 4 Sinabi niya sa akin, ‘Gagawin kitang palaanakin, at pararamihin kita, at pagmumulan ka ng maraming bayan,*+ at ibibigay ko ang lupaing ito sa magiging mga supling* mo para maging pag-aari nila magpakailanman.’+ 5 Ngayon, sa akin na ang dalawa mong anak na isinilang sa lupain ng Ehipto bago ako pumunta sa iyo sa Ehipto.+ Sina Efraim at Manases ay magiging akin tulad nina Ruben at Simeon.+ 6 Pero ang mga anak mo na kasunod ng mga ito ay magiging iyo. Mapapasailalim sila sa pangalan ng mga kapatid nila at tatanggap ng mana mula sa bahagi ng mga ito.+ 7 Kung tungkol sa akin, nang manggaling ako sa Padan, namatay si Raquel+ sa tabi ko sa lupain ng Canaan, samantalang malayo-layo pa kami sa Eprat.+ Kaya inilibing ko siya doon sa daan papuntang Eprat, na siyang Betlehem.”+

8 Pagkatapos, nakita ni Israel ang mga anak ni Jose at nagtanong: “Sino ang mga ito?” 9 Sinabi ni Jose sa ama niya: “Sila ang mga anak ko na ibinigay ng Diyos sa akin sa lugar na ito.”+ Kaya sinabi nito: “Pakisuyo, ilapit mo sila sa akin para pagpalain ko sila.”+ 10 Malabo na ang mga mata ni Israel dahil sa katandaan, at halos hindi na siya makakita. Kaya inilapit sila ni Jose sa kaniya, at hinalikan niya ang mga ito at niyakap. 11 Sinabi ni Israel kay Jose: “Hindi ko akalaing makikita ko pa ulit ang iyong mukha,+ pero bukod sa iyo, ipinakita rin sa akin ng Diyos ang mga anak* mo.” 12 At inilayo sila ni Jose mula sa mga tuhod ni Israel, at yumukod siya sa lupa.

13 Muling inilapit ni Jose sa ama niya ang dalawa niyang anak; si Efraim+ na nasa kanang kamay niya ay ipinuwesto niya sa kaliwa ni Israel at si Manases+ na nasa kaliwang kamay niya ay ipinuwesto niya sa kanan ni Israel. 14 Pero iniunat ni Israel ang kanang kamay niya at ipinatong sa ulo ni Efraim, bagaman ito ang nakababata, at ipinatong niya ang kaliwang kamay niya sa ulo ni Manases. Sinadya niyang ipatong ang mga kamay niya sa ganoong paraan, kahit si Manases ang panganay.+ 15 At pinagpala niya si Jose at sinabi:+

“Ang tunay na Diyos na sinundan ng mga ama kong sina Abraham at Isaac,+

Ang tunay na Diyos na nagpapastol sa akin sa buong buhay ko hanggang sa araw na ito,+

16 Ang isa na gumagamit ng anghel para iligtas ako sa lahat ng kapahamakan,+ pagpalain mo ang mga bata.+

Dalhin nawa nila ang pangalan ko at ang pangalan ng mga ama kong sina Abraham at Isaac,

Dumami nawa sila nang napakarami sa lupa.”+

17 Nang makita ni Jose na hindi inaalis ng ama niya ang kanang kamay nito sa ulo ni Efraim, hindi niya iyon nagustuhan, kaya sinubukan niyang ilipat sa ulo ni Manases ang kamay ng ama niya na nakapatong sa ulo ni Efraim. 18 Sinabi ni Jose sa ama niya: “Hindi, ama ko, ito ang panganay.+ Ilagay po ninyo sa ulo niya ang inyong kanang kamay.” 19 Pero tumatanggi ang ama niya, at sinabi nito: “Alam ko, anak ko, alam ko. Siya rin ay magiging isang bayan, at siya rin ay magiging dakila. Gayunman, ang nakababata niyang kapatid ay magiging mas dakila kaysa sa kaniya,+ at ang dami ng magiging supling* nito ay sapat para makabuo ng mga bansa.”+ 20 Kaya patuloy niya silang pinagpala nang araw na iyon,+ na sinasabi:

“Banggitin ka nawa ng Israel kapag bumibigkas sila ng mga pagpapala, na sinasabi,

‘Gawin ka nawa ng Diyos na tulad ni Efraim at tulad ni Manases.’”

Sa gayon, lagi niyang inuuna si Efraim kaysa kay Manases.

21 Pagkatapos, sinabi ni Israel kay Jose: “Mamamatay na ako,+ pero patuloy na sasainyo ang Diyos at tiyak na ibabalik niya kayo sa lupain ng inyong mga ninuno.+ 22 At kumpara sa mga kapatid mo, tatanggap ka mula sa akin ng isa pang bahagi ng lupain,* na kinuha ko mula sa kamay ng mga Amorita sa pamamagitan ng aking espada at pana.”

49 At tinawag ni Jacob ang mga anak niya at sinabi: “Magtipon-tipon kayo para masabi ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa hinaharap.* 2 Magsama-sama kayo at makinig, kayong mga anak ni Jacob, oo, makinig kayo kay Israel na inyong ama.

3 “Ruben,+ ikaw ang panganay ko,+ ang aking sigla at ang pasimula ng kakayahan kong magkaanak; nakahihigit ka pagdating sa dangal at lakas. 4 Pero hindi na ngayon, dahil naging mapusok kang gaya ng nagngangalit na tubig, dahil sumampa ka sa higaan ng iyong ama.+ Dinumhan* mo noon ang higaan ko. Talagang sumampa siya roon!

5 “Sina Simeon at Levi ay magkapatid.+ Ang kanilang mga espada ay mga sandata ng karahasan.+ 6 Huwag nawa akong mapasama sa kanila. At huwag kang makiisa sa grupo nila, O puso* ko, dahil sa galit ay pumatay sila ng tao,+ at para sa katuwaan ay pinutulan nila ng litid sa binti ang mga toro para malumpo. 7 Sumpain ang kanilang galit, dahil iyon ay malupit, at ang kanilang poot, dahil iyon ay mabagsik.+ Magkakawatak-watak sila sa Jacob, at pangangalatin ko sila sa Israel.+

8 “Kung tungkol sa iyo, Juda,+ pupurihin ka ng mga kapatid mo.+ Hahawakan mo sa leeg ang mga kaaway mo.+ Ang mga anak ng iyong ama ay yuyukod sa iyo.+ 9 Si Juda ay isang anak ng leon.+ Anak ko, tiyak na kakainin mo ang iyong nasila* at babangon ka. Siya ay hihiga at magpapahinga na gaya ng leon, at gaya sa leon, sino ang mangangahas na gumising sa kaniya? 10 Ang setro ay hindi hihiwalay kay Juda,+ at ang baston ng kumandante ay hindi maaalis sa pagitan ng mga paa niya, hanggang sa dumating ang Shilo,*+ at magiging masunurin dito ang mga bayan.+ 11 Itatali niya ang asno niya sa punong ubas at ang anak ng kaniyang asno sa piling punong ubas, at lalabhan niya ang damit niya sa alak at ang kasuotan niya sa katas ng ubas. 12 Pulang-pula ang mga mata niya dahil sa alak, at maputi ang mga ngipin niya dahil sa gatas.

13 “Si Zebulon+ ay titira sa tabi ng dagat, sa baybayin kung saan nakadaong ang mga barko,+ at ang hangganan niya ay papunta sa direksiyon ng Sidon.+

14 “Si Isacar+ ay isang asnong matitibay ang buto, na humihiga habang nasa likod nito ang dalawang lalagyang nakakabit sa síya.* 15 At makikita niya na mabuti ang lugar na pagpapahingahan niya at na maganda ang lupain. Ibababa niya ang balikat niya para dalhin ang pasan at magpapasailalim siya sa puwersahang pagtatrabaho.

16 “Si Dan,+ na isa sa mga tribo ni Israel, ay hahatol sa bayan niya.+ 17 Si Dan nawa ay maging isang ahas sa tabing-daan, isang may-sungay na ahas sa tabi ng daan, na nanunuklaw ng mga sakong ng kabayo kaya nahuhulog sa likuran ang sakay nito.+ 18 Maghihintay ako ng kaligtasan mula sa iyo, O Jehova.

19 “Kung tungkol kay Gad,+ sasalakayin siya ng isang grupo ng mga mandarambong, pero sasalakayin niya sila sa kanilang mga sakong.+

20 “Ang tinapay* ni Aser+ ay magiging sagana,* at maglalaan siya ng pagkaing bagay sa isang hari.+

21 “Si Neptali+ ay isang maliksing babaeng usa. Bumibigkas siya ng marikit na pananalita.+

22 “Si Jose+ ay sanga ng isang mabungang puno, isang mabungang puno sa tabi ng bukal, na ang mga sanga ay lumalampas sa pader. 23 Pero patuloy siyang nililigalig ng mga mamamanà at pinana nila siya at patuloy silang nagkikimkim ng galit sa kaniya.+ 24 Pero laging matatag na nakaposisyon ang kaniyang pana,+ at ang mga kamay niya ay nanatiling malakas at maliksi.+ Ito ay mula sa mga kamay ng makapangyarihang isa ni Jacob, mula sa pastol, ang bato ni Israel. 25 Siya* ay mula sa Diyos ng kaniyang ama, at tutulungan siya ng Diyos, at siya ay kasama ng Makapangyarihan-sa-Lahat, at bibigyan siya ng Diyos ng mga pagpapala mula sa langit sa itaas at ng mga pagpapala mula sa malalim na katubigan,+ at pagpapalain siya ng maraming anak at alagang hayop. 26 Ang mga pagpapala ng kaniyang ama ay makahihigit pa sa mabubuting bagay ng walang-hanggang mga bundok at sa kagandahan ng matatagal nang burol.+ Ang mga iyon ay mananatili sa ulo ni Jose, sa ibabaw ng ulo ng isa na pinili mula sa mga kapatid niya.+

27 “Si Benjamin+ ay patuloy na manlalapa na tulad ng lobo.*+ Kakainin niya sa umaga ang nahuling hayop, at hahatiin niya sa gabi ang samsam.”+

28 Ang lahat ng ito ang 12 tribo ni Israel, at ito ang sinabi sa kanila ng kanilang ama nang pagpalain niya sila. Binigyan niya sila ng pagpapalang nararapat sa bawat isa.+

29 Pagkatapos, inutusan niya sila: “Mamamatay na ako.*+ Ilibing ninyo ako kasama ng aking mga ama sa kuweba na nasa lupain ni Epron na Hiteo,+ 30 ang kuweba sa lupain ng Macpela na nasa tapat ng Mamre sa lupain ng Canaan, ang lupaing binili ni Abraham mula kay Epron na Hiteo para maging libingan. 31 Doon nila inilibing si Abraham at ang asawa niyang si Sara.+ Doon nila inilibing si Isaac+ at ang asawa niyang si Rebeka, at doon ko inilibing si Lea. 32 Ang lupain at ang kuwebang naroon ay binili mula sa mga anak ni Het.”+

33 At natapos ni Jacob ang paghahabilin sa mga anak niyang lalaki. Pagkatapos, humiga siya, hinugot ang kaniyang huling hininga, at namatay.*+

50 At sumubsob si Jose sa kaniyang ama,+ umiyak, at hinalikan ito. 2 Pagkatapos, inutusan ni Jose ang mga lingkod niya, ang mga manggagamot, na embalsamuhin+ ang ama niya. Kaya inembalsamo ng mga manggagamot si Israel, 3 at gumugol sila ng 40 araw para sa kaniya, dahil ganito karaming araw ang kailangan sa pag-eembalsamo, at patuloy siyang iniyakan ng mga Ehipsiyo sa loob ng 70 araw.

4 Nang matapos ang mga araw ng pagdadalamhati para sa kaniya, sinabi ni Jose sa mga opisyal* ng Paraon: “Kung kalugod-lugod ako sa inyong paningin, sabihin ninyo ito sa Paraon: 5 ‘Pinasumpa ako ng aking ama,+ na sinasabi: “Malapit na akong mamatay.+ Ilibing mo ako sa aking libingan,+ na hinukay ko sa lupain ng Canaan.”+ Pakisuyo, hayaan mo akong umalis para ilibing ang ama ko, at babalik din ako pagkatapos.’” 6 Sumagot ang Paraon: “Sige, ilibing mo ang iyong ama gaya ng ipinasumpa niya sa iyo.”+

7 Kaya umalis si Jose para ilibing ang ama niya, at sumama sa kaniya ang lahat ng lingkod ng Paraon, ang matataas na opisyal+ sa palasyo* at lahat ng matataas na opisyal sa lupain ng Ehipto, 8 at ang buong sambahayan ni Jose at ang mga kapatid niya at ang sambahayan ng ama niya.+ Ang iniwan lang nila sa lupain ng Gosen ay ang maliliit nilang anak, mga kawan, at mga bakahan. 9 May kasama rin siyang mga karwahe+ at mangangabayo, kaya napakalaki ng kanilang grupo. 10 At nakarating sila sa giikan ng Atad, na nasa rehiyon ng Jordan, at doon nila ipinagpatuloy ang kanilang pag-iyak at napakatinding pagdadalamhati, at pitong araw siyang nagdalamhati para sa kaniyang ama. 11 Habang nagdadalamhati sila sa giikan ng Atad, nakita sila ng mga naninirahan sa lupain, ang mga Canaanita, at sinabi ng mga ito: “Matindi ang pagdadalamhati ng mga Ehipsiyo!” Iyan ang dahilan kung bakit tinawag itong Abel-mizraim,* na nasa rehiyon ng Jordan.

12 Kaya ginawa ng mga anak niya para sa kaniya kung ano mismo ang inihabilin niya.+ 13 Dinala siya ng mga anak niya sa lupain ng Canaan at inilibing sa kuweba sa lupain ng Macpela, ang lupain sa tapat ng Mamre na binili ni Abraham mula kay Epron na Hiteo para maging libingan.+ 14 Pagkatapos ilibing ang kaniyang ama, bumalik si Jose sa Ehipto kasama ang mga kapatid niya at ang lahat ng sumama sa kaniya sa paglilibing ng ama niya.

15 Ngayong patay na ang ama nila, sinabi ng mga kapatid ni Jose sa isa’t isa: “Baka may galit pa rin sa atin si Jose at baka gantihan niya tayo dahil sa lahat ng kasamaang ginawa natin sa kaniya.”+ 16 Kaya nagpadala sila ng mensahe kay Jose: “Iniutos ng iyong ama bago siya mamatay: 17 ‘Ito ang sasabihin ninyo kay Jose: “Nakikiusap ako sa iyo, patawarin mo ang pagkakamali ng mga kapatid mo at ang kasalanan nila dahil ginawan ka nila ng masama.”’ Ngayon, pakisuyo, patawarin mo ang pagkakamali ng mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” At umiyak si Jose nang kausapin nila siya. 18 Pagkatapos, dumating din ang mga kapatid niya at yumukod, at sinabi nila: “Kami ay para mo na ring mga alipin!”+ 19 Sinabi ni Jose: “Huwag kayong matakot. Diyos ba ako? 20 Kahit gusto ninyo akong ipahamak noon,+ hinayaan ito ng Diyos para sa ikabubuti, nang sa gayon ay mailigtas ang maraming tao, gaya ng ginagawa niya ngayon.+ 21 Kaya huwag na kayong matakot. Patuloy akong maglalaan ng pagkain sa inyo at sa inyong maliliit na anak.”+ Sa gayon, pinatibay niya sila at kinausap para mapanatag ang loob nila.

22 At si Jose ay patuloy na nanirahan sa Ehipto, siya at ang sambahayan ng ama niya, at nabuhay si Jose nang 110 taon. 23 Nakita ni Jose ang ikatlong henerasyon ng mga anak ni Efraim,+ pati na ang mga anak ni Makir,+ na anak ni Manases. Ipinanganak sila sa mga tuhod* ni Jose. 24 Nang maglaon, sinabi ni Jose sa mga kapatid niya: “Mamamatay na ako, pero tiyak na tutulungan kayo ng Diyos+ at ilalabas kayo mula sa lupaing ito para dalhin sa lupaing ipinangako* niya kina Abraham, Isaac, at Jacob.”+ 25 Kaya pinasumpa ni Jose ang mga anak ni Israel at sinabi: “Tiyak na tutulungan kayo ng Diyos. Ilabas ninyo rito ang mga buto ko.”+ 26 At namatay si Jose sa edad na 110, at ipinaembalsamo nila siya,+ at inilagay siya sa isang kabaong sa Ehipto.

O “nilikha.”

O “ng dumadaluyong na tubig.”

O “ang espiritu.”

Atmospera.

O “Himpapawid.”

O “ilaw.”

Lit., “kalawakan ng langit.”

O “tanda.”

Lit., “kalawakan ng langit.”

Lit., “para maghari.”

Lit., “para maghari.”

Lit., “kalawakan ng langit.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

O “himpapawid.” Lit., “kalawakan ng langit.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Malamang na kabilang dito ang mga reptilya at iba pang klase ng hayop.

O “Gawin natin ang tao na kapareho natin.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Lit., “ang buong hukbo nila.”

Ito ang unang paglitaw ng natatanging pangalan ng Diyos, יהוה (YHWH). Tingnan ang Ap. A4.

Lit., “naging humihingang nilalang.” Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

O “sanga.”

O “bedelio.”

O “Tigris.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Ang salitang Hebreo ay nangangahulugang “nakakapit nang mahigpit, na parang ginamitan ng pandikit.”

O “pinakatuso.”

O “At nang papagabi na.”

Lit., “binhi.” Ang salitang Hebreo para dito ay nagagamit sa pangmaramihang anyo at puwede ring tumukoy sa isang grupo.

Lit., “binhi.”

O “Susugatan.”

O “dudurugin mo ang sakong nito.”

Ibig sabihin, “Makalupang Tao; Sangkatauhan.”

Lit., “kakainin mo nang may kirot ang bunga nito.”

Ibig sabihin, “Isa na Buháy.”

Lit., “lahat ng nabubuhay.”

O “hanggang sa panahong walang wakas.”

Lit., “na nagbuka ng bibig nito para tanggapin.”

Lit., “hindi nito ibabalik sa iyo ang lakas niya.”

O “mula sa ibabaw ng lupa.”

O “gumawa.”

Posibleng tumutukoy ito sa isang batas na nagsilbing babala sa iba.

O “lupain ng Nod.”

O “ang tagapagpasimula ng pagtira.”

O “tagapagpasimula.”

O “plawta.”

Ibig sabihin, “Inilaan; Inilagay; Itinalaga.”

O “Pinaglaanan.”

Lit., “binhi.”

O “Adan; Sangkatauhan.”

Lit., “ayon sa wangis niya, ayon sa larawan niya.”

Lit., “ng Diyos.” Tingnan sa Glosari, “Tunay na Diyos.”

Pinatulog siya ng Diyos sa kamatayan.

Malamang na ibig sabihin, “Kapahingahan; Kaaliwan.”

O “kaaliwan.”

Idyoma sa Hebreo na tumutukoy sa mga anghel.

O “Hindi pagtitiisan ng espiritu ko.”

O “taong mortal.”

O “dahil kumikilos siya ayon sa laman.”

Posibleng ang ibig sabihin ay “Mga Tagapagbagsak,” o mga nagpapabagsak sa iba. Tingnan sa Glosari.

O “makapangyarihang mga lalaki.”

O “nalungkot.”

O “Walang maipipintas sa kaniya.”

O “kahenerasyon.”

Lit., “laman.”

Malapot at itim na likidong puwedeng gamitin para hindi makatagos ang tubig.

Ang isang siko ay 44.5 cm (17.5 in). Tingnan ang Ap. B14.

Sa Hebreo, tsoʹhar, na puwedeng mangahulugang bubong o bintana.

Lit., “laman.”

Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

O posibleng “ng pitong pares ng bawat malinis na hayop.”

O posibleng “ng pitong pares ng lumilipad na mga nilalang sa langit.”

Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

Ang isang siko ay 44.5 cm (17.5 in). Tingnan ang Ap. B14.

Lit., “lahat ng laman.”

Maliliit na hayop na nagsasama-sama.

Lit., “lahat ng may hininga ng puwersa ng buhay.”

Lit., “naalaala.”

Lit., “ang pantakip.”

Lit., “puso.”

O “Pangangalagaan.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

O “magpadanak ng dugo.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Lit., “ng laman.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

O “baybayin.”

O “Ang unang mga lunsod ng kaharian niya ay ang.”

O posibleng “Ang mga ito ang bumubuo sa dakilang lunsod.”

O posibleng “at nakatatandang kapatid ni Japet.”

Ibig sabihin, “Pagkakabaha-bahagi.”

O “ang mga tao sa lupa.”

O “grupo ng mga salita.”

O “ng lahat ng tao sa lupa.”

Bloke na ginagamit sa pagtatayo; gawa sa pinatigas na putik.

Inilalagay sa pagitan ng mga laryo o mga bato para magdikit ang mga ito o ginagamit na pampalitada.

Sa Hebreo, puwede itong tumukoy sa dalawa o higit pang kausap.

Ibig sabihin, “Kaguluhan.”

O “dakilang.”

O “na makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila.”

Lit., “sa binhi.”

Lit., “tumawag sa pangalan ni Jehova.”

O “para manirahan doon bilang dayuhan.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Lit., “tumawag si Abram sa pangalan ni Jehova.”

Hardin ng Eden.

Lit., “sa binhi.”

Lit., “ang binhi.”

Lit., “ang binhi.”

Lumilitaw na ang panghalip na “sila” ay tumutukoy sa mga hari sa tal. 1.

O “Mababang Kapatagan.”

Dagat na Patay.

O “Mababang Kapatagan.”

O “Mababang Kapatagan.”

O “Nakatira siya noon sa mga tolda.”

Lit., “kapatid.”

O “Mababang Kapatagan.”

O “Soberanong.”

Lit., “binhi.”

Lit., “anak.”

Lit., “ang isa na lalabas mula sa iyong mga panloob na bahagi.”

Lit., “ang binhi.”

O “ibinilang Niya itong katuwiran sa kaniya.”

Mga ibon na kumakain ng laman, gaya ng buwitre.

Lit., “ang binhi.”

Lit., “sa binhi.”

Lit., “sa iyong dibdib.”

O “magpasakop.”

Lit., “ang binhi.”

Ibig sabihin, “Naririnig ng Diyos.”

Iniisip ng ilan na tumutukoy ito sa sebra. Malamang na ginamit para tumukoy sa pagiging mapagsarili.

O posibleng “at mabubuhay siya na kaaway ang lahat ng kapatid niya.”

Ibig sabihin, “Balon ng Isa na Buháy na Nakakakita sa Akin.”

O “ipakita mong walang maipipintas sa iyo.”

Ibig sabihin, “Ang Ama ay Mataas (Dinakila).”

Ibig sabihin, “Ama ng Pulutong; Ama ng Marami.”

Lit., “binhi.”

Lit., “binhi.”

Lit., “magiging binhi.”

Lit., “magiging binhi.”

Lit., “magiging binhi.”

Lit., “binhi.”

Lit., “laman.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Posibleng ang ibig sabihin ay “Mahilig Makipagtalo.”

Ibig sabihin, “Prinsesa.”

Lit., “mga hari ng mga bayan.”

Ibig sabihin, “Pagtawa.”

Lit., “ang binhi.”

Lit., “sumubsob siya sa lupa.”

Lit., “para mapatibay ang inyong puso.”

Lit., “tatlong seah.” Ang isang seah ay 7.33 L. Tingnan ang Ap. B14.

Hindi na dinadatnan si Sara.

Lit., “natawa sa loob niya.”

O “ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila.”

O “plaza.”

Lit., “dahil nasa lilim sila ng bubong ko.”

Mga anghel.

Lit., “mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakadakila.”

Mga anghel.

Mga anghel.

O “at nagpakita ka sa akin ng tapat na pag-ibig.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Ibig sabihin, “Pagiging Maliit.”

O “naninirahan siya bilang dayuhan.”

Hindi pa nasisipingan ni Abimelec si Sara.

O “bansang matuwid?”

O “budhi.”

Lit., “Narito, sa iyo ay pantakip ito sa mga mata ng lahat ng kasama mo at sa harap ng lahat.”

O “dahil mahigpit na sinarhan ni Jehova ang bawat sinapupunan.”

O posibleng “pagtatawanan ako ng.”

O “magpapasuso pa ng anak.”

Lit., “ang tinig niya.”

Lit., “binhi.”

Lit., “binhi.”

O “batang tupa.”

Lit., “mula sa kamay ko.”

Posibleng nangangahulugang “Balon ng Sumpa” o “Balon ng Pito.”

Lit., “maraming araw.”

O “nanirahan bilang dayuhan.”

Lit., “apoy.”

O “kutsilyong pangkatay.”

Lit., “apoy.”

O “kutsilyong pangkatay.”

Ibig sabihin, “Si Jehova ay Maglalaan; Titiyakin Iyon ni Jehova.”

Lit., “binhi.”

Lit., “binhi.”

O “pintuang-daan.”

Lit., “binhi.”

O posibleng “isa kang dakilang pinuno.”

Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.

Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.

Lit., “sa binhi.”

Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.

Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.

Malamang na si Laban.

Lit., “para makaliko ako sa kanan o sa kaliwa.”

O “ng masama o mabuti.”

Ang yaya niya na naging tagapaglingkod na niya ngayon.

O “maging ina ng libo-libong laksa-laksa.”

Lit., “ng binhi.”

O “pintuang-daan.”

Lit., “at natipon siya sa bayan niya.” Makatang pananalita para sa kamatayan.

O “napapaderang kampo.”

Lit., “at natipon sa bayan niya.” Makatang pananalita para sa kamatayan.

O posibleng “Nabuhay siya na kaaway ang lahat ng kapatid niya.”

Ibig sabihin, “Mabalahibo.”

Ibig sabihin, “Isa na Nakakapit sa Sakong; Kaagaw.”

O “bigyan mo ako ng isang subo.”

Lit., “ng mapula, ng mapulang iyan.”

O “gutom na gutom.”

Ibig sabihin, “Pula.”

Lit., “sa binhi.”

Lit., “binhi.”

Lit., “binhi.”

Lit., “binhi.”

O “niyayakap.”

O “wadi.”

O “wadi.”

Ibig sabihin, “Pakikipag-away.”

Ibig sabihin, “Akusasyon.”

Ibig sabihin, “Malalawak na Lugar.”

Lit., “ang binhi.”

Lit., “Sila ay sanhi ng kapaitan ng espiritu nina Isaac at Rebeka.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Ibig sabihin, “Isa na Nakakapit sa Sakong; Kaagaw.”

O “palalayain mo ang iyong sarili mula sa pagkaalipin sa kaniya.”

O “puso.”

O “Inaaliw ng kapatid mong si Esau ang sarili niya sa pamamagitan ng planong pagpatay sa iyo.”

O “tribo.”

Lit., “sa binhi.”

Lit., “sa binhi.”

Lit., “ang binhi.”

Lit., “ng binhi.”

O “makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila.”

Ibig sabihin, “Bahay ng Diyos.”

O “maipapakita nga ni Jehova na siya ang aking Diyos.”

Lit., “kapatid.”

Lit., “Talaga ngang ikaw ay aking buto at laman.”

Lit., “kapatid.”

Lit., “Ibigay mo sa akin ang.”

Lit., “ay kinapopootan.”

Lit., “binuksan niya ang sinapupunan nito.”

Ibig sabihin, “Narito, Isang Anak na Lalaki!”

Ibig sabihin, “Nakikinig.”

Ibig sabihin, “Pagkapit; Lumakip.”

Ibig sabihin, “Pinuri; Pinatungkulan ng Papuri.”

O “ang nagkakait sa iyo ng bunga sa sinapupunan mo?”

Lit., “makapagsilang siya sa ibabaw ng aking mga tuhod.”

Ibig sabihin, “Hukom.”

Ibig sabihin, “Mga Pakikipaglaban Ko.”

Ibig sabihin, “Malaking Pagpapala.”

Ibig sabihin, “Maligaya; Kaligayahan.”

Isang halaman na ang prutas ay pinaniniwalaang nakatutulong para magbuntis.

O “ang bayad para sa isang upahan.”

Ibig sabihin, “Siya ay Kabayaran.”

Ibig sabihin, “Pagtitiis.”

Lit., “at pinakinggan siya ng Diyos at binuksan ang sinapupunan niya.”

Pinaikling anyo ng Josipias na ang ibig sabihin ay “Dagdagan (Paramihin) Nawa ni Jah.”

O “naunawaan ko mula sa mga ebidensiya.”

O “makikita mong matuwid ako.”

Nakikipagtalik.

Lit., “pinahiran.”

Lit., “haligi.”

O “mga diyos ng pamilya; mga idolo.”

Eufrates.

O “kamag-anak.”

Lit., “Bantayan mo ang sarili mo na hindi ka makapagsalita kay Jacob ng mabuti tungo sa masama.”

Lit., “mga anak.”

O “May regla.”

Lit., “ang kinatatakutan ni Isaac.”

Salitang Aramaiko na ang ibig sabihin ay magkakapatong na bato na nagsisilbing saksi.

Salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay magkakapatong na bato na nagsisilbing saksi.

Lit., “sa kinatatakutan ng ama niyang si Isaac.”

Lit., “mga anak.”

Ibig sabihin, “Dalawang Kampo.”

O “Nanirahan ako bilang dayuhan.”

O “mga ina at mga anak nila.”

Lit., “ang binhi.”

O “agusang libis; wadi.”

Ibig sabihin, “Nakikipagpunyagi (Nagmamatiyaga) sa Diyos” o “Nakikipagpunyagi ang Diyos.”

Ibig sabihin, “Mukha ng Diyos.”

O “Peniel.”

Lit., “pagpapala.”

Ibig sabihin, “Kubol; Silungan.”

O “makipagkita sa.”

Lit., “at nangusap siya sa puso ng kabataang babae.”

Lit., “lalaking may dulong-balat.”

O “Dinalhan ninyo ako ng sumpa!”

O “itinago.”

O “ng ensina.”

Ibig sabihin, “Malaking Puno ng Pagtangis.”

O “tribo.”

Lit., “at lalabas sa iyong mga balakang ang.”

Lit., “magiging binhi.”

Ibig sabihin, “Anak ng Aking Pagdadalamhati.”

Ibig sabihin, “Anak ng Kanang Kamay.”

Lit., “at natipon sa bayan niya.” Makatang pananalita para sa kamatayan.

Lit., “matanda na at puspos ng mga araw.”

O “tinitirhan nila bilang mga dayuhan.”

Pinuno ng tribo.

O “ng maganda at mahabang damit.”

O “mababang kapatagan.”

O “pagbubuhatan ng kamay.”

Itim na dagta na ginagamit sa paggawa ng pabango at gamot.

Lit., “ating laman.”

Lit., “Bababa ako sa Sheol.” Tingnan sa Glosari, “Sheol.”

Si Juda.

Tingnan sa Glosari, “Pag-aasawa bilang bayaw.”

O “itinatapon niya sa lupa.”

O “babaeng bayaran ng templo.”

Ibig sabihin, “Pagkapunit,” malamang na tumutukoy sa pagkapunit ng kulampang.

Lit., “araw.”

Lit., “iaangat ng Paraon ang ulo mo.”

Lit., “imbakang-tubig; hukay.”

Lit., “iaangat ng Paraon ang ulo mo mula sa iyo.”

Lit., “iniangat niya ang ulo ng punong katiwala ng kopa at ng punong panadero.”

Lit., “imbakang-tubig; hukay.”

O “dahil sa trono.”

O “karo.”

Isang termino na malamang ay nagpapahiwatig na kailangang magpakita ng karangalan at dignidad.

Lit., “ang makapagtataas ng kaniyang kamay o paa.”

Heliopolis.

O “maglibot.”

O “nang magsimula siyang maglingkod sa.”

Lit., “nagbunga nang dakot-dakot ang.”

Heliopolis.

Ibig sabihin, “Isa na Nagpapangyaring Maging Malilimutin; Isa na Nagpapalimot.”

Ibig sabihin, “Makalawang Ulit na Palaanakin.”

O “pagkain.”

O “para makita ang huminang kalagayan ng lupain!”

O “Kaming lahat ay anak ng iisang lalaki.”

O “at matuwid kami.”

O “buhay.”

O “Sheol.” Tingnan sa Glosari.

Lit., “Sila.”

O “Sheol.” Tingnan sa Glosari.

O “Sheol.” Tingnan sa Glosari.

Lit., “ng iyong alipin.”

Lit., “ang isang nalabi.”

Lit., “para maatasan niya akong ama.”

Lit., “sumubsob siya sa leeg ng.”

Lit., “nabuhay ang espiritu ng.”

O “dakilang.”

Para isara ang mga iyon kapag namatay na si Jacob.

O “16 na tao.” Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Heliopolis.

Lit., “mga anak.”

Lit., “sumubsob siya sa leeg ng.”

O “at umiyak siya sa leeg nito nang paulit-ulit.”

O “nanirahan ako bilang dayuhan.”

O “paninirahan bilang mga dayuhan.”

Lit., “tinapay.”

Lit., “tinapay.”

20 porsiyento.

80 porsiyento.

Lit., “Kapag humiga akong kasama ng mga ama ko.”

O “tribo.”

Lit., “magiging binhi.”

Lit., “ang binhi.”

Lit., “binhi.”

O “isa pang dalisdis ng lupain.” Lit., “isang balikat.”

O “huling bahagi ng mga araw.”

O “Nilapastangan.”

O “karangalan.”

O “nahuling hayop.”

Ibig sabihin, “Siya na Nagmamay-ari Nito; Siya na Kinauukulan Nito.”

Upuan na ipinapatong sa likod ng hayop para sa sakay nito.

O “pagkain.”

Lit., “mataba.”

Si Jose.

O “mabangis na aso.”

Lit., “Matitipon ako sa bayan ko.” Makatang pananalita para sa kamatayan.

Lit., “at natipon sa bayan niya.” Makatang pananalita para sa kamatayan.

O “sa sambahayan.”

O “ang matatandang lalaki sa sambahayan niya.”

Ibig sabihin, “Pagdadalamhati ng mga Ehipsiyo.”

Ibig sabihin, itinuring silang mga anak at pinagpakitaan ng espesyal na pabor.

O “isinumpa.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share