GAWA
Mga Study Note—Kabanata 23
malinis ang konsensiya ko: O “namuhay ako nang may malinis na konsensiya.” Ang anyo ng pandiwang Griego na po·li·teuʹo·mai na ginamit dito para sa “namuhay” ay puwede ring isaling “kumilos bilang isang mamamayan.” (Kingdom Interlinear) Ipinapakita dito ni Pablo na naging mabuting mamamayan siya na sumusunod sa mga batas ng kaniyang bansa. Karaniwan nang aktibong nakikipagtulungan sa Estado ang mga mamamayang Romano dahil napakahalaga sa kanila ng kanilang pagkamamamayan at alam nilang ang mga pribilehiyo nila ay may kasamang mga pananagutan. (Gaw 22:25-30) Dito, nang ilarawan ni Pablo kung paano siya namuhay sa harap ng Diyos, posibleng idinidiin niya na isa siyang mamamayan ng Kaharian ng Diyos.—Fil 3:20; ihambing ang paggamit ng pandiwang Griego na ito sa Fil 1:27; tlb.
ako ay isang Pariseo: Kilala si Pablo ng ilan sa mga tagapakinig niya. (Gaw 22:5) Nang tawagin ni Pablo ang kaniyang sarili na anak ng mga Pariseo, alam nilang nagsasabi siya ng totoo. Tiyak na naintindihan ng mga Pariseo sa Sanedrin na kinikilala niyang naging Pariseo rin siya noon tulad nila kahit masigasig na siyang Kristiyano ngayon. Pero sa kontekstong ito, lumilitaw na tinawag niya ang sarili niya na isang Pariseo dahil naniniwala rin siya sa pagkabuhay-muli, di-gaya ng mga Saduceo. Dahil sa ginawa niya, nagkaroon sila ng puntong mapagkakasunduan ng mga Pariseong naroon. Malamang na iniisip niya na kung ibabangon niya ang kontrobersiyal na isyung iyon, makikisimpatiya sa kaniya ang ilang miyembro ng Sanedrin, at ganoon nga ang nangyari. (Gaw 23:7-9) Ang sinabi ni Pablo sa Gaw 23:6 ay kaayon din ng paglalarawan niya sa sarili niya noong ipagtanggol niya ang kaniyang sarili sa harap ni Haring Agripa. (Gaw 26:5) At nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Filipos noong nasa Roma siya, binanggit ulit niya na siya ay isang Pariseo. (Fil 3:5) Kapansin-pansin din kung paano inilarawan sa Gaw 15:5 ang iba pang Kristiyano na dating mga Pariseo.—Tingnan ang study note sa Gaw 15:5.
sumumpa: O “nanata; nagpatali sa isang sumpa.” Dito, ang salitang Griego na a·na·the·ma·tiʹzo ay lumilitaw na tumutukoy sa pananata na kapag hindi tinupad ay magdadala ng sumpa sa taong nanata.
matatandang lalaki: Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba.—Tingnan ang study note sa Mat 16:21.
Sumumpa kaming: O “Nanata kaming; Nagpatali kami sa isang sumpa na.”—Tingnan ang study note sa Gaw 23:12.
Sumumpa silang: O “Nanata silang; Nagpatali sila sa isang sumpa na.”—Tingnan ang study note sa Gaw 23:12.
ikatlong oras ng gabi: Ang ikatlong oras mula pagkalubog ng araw ay mga 9:00 n.g. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, karaniwan nang ginagamit ang mga yugto ng “pagbabantay,” na nakabatay sa sistemang Griego at Romano, para ipakita kung anong oras na. (Mat 14:25; Mar 6:48; Luc 12:38) Dito lang bumanggit ng espesipikong “oras” mula sa 12 oras ng gabi.—Ihambing ang Gaw 16:25, 33; tingnan ang study note sa Mar 13:35.
Mula kay Claudio Lisias, para sa kaniyang Kamahalan, Gobernador Felix: Mga pagbati!: Karaniwan ang ganitong introduksiyon sa mga liham noon. Una, babanggitin ang pangalan ng taong sumulat; pagkatapos, ang taong sinusulatan; at ikatlo, ang karaniwang pagbati gamit ang salitang Griego na khaiʹro, na ang literal na ibig sabihin ay “magsaya.” Ang pagbating ito ay nangangahulugang “sana ay nasa mabuting kalagayan kayo.” Karaniwan itong mababasa sa sekular na mga liham na nakasulat sa papiro. Sa kontekstong ito, ang salitang Griego ay angkop na isaling “Mga pagbati!” Ganiyan din ang introduksiyon sa isang liham na mababasa sa Gaw 15:23 at San 1:1.—Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.
Romano: Isang mamamayang Romano.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:37; 22:25.
palasyo: O “pretorio.” Sa mga Ebanghelyo at sa Gawa, ang salitang Griego na prai·toʹri·on (mula sa Latin) ay tumutukoy sa isang palasyo o tirahan. Tinatawag noon na pretorio ang tolda ng kumandante ng militar. Nang maglaon, tumutukoy na ito sa tirahan ng gobernador ng isang lalawigan. Dito, ang terminong ito ay tumutukoy sa isang palasyo sa Cesarea na itinayo ni Herodes na Dakila. Nang panahong ito, mga 56 C.E., dito nakatira ang Romanong gobernador.—Tingnan ang study note sa Mat 27:27.