2 CORINTO
Mga Study Note—Kabanata 8
napakabukas-palad: O “nag-uumapaw sa pagkabukas-palad.” Gustong pasiglahin ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na ipadala na ang tulong nila sa mga Kristiyano sa Judea na nangangailangan. Kaya binanggit niya ang napakagandang halimbawa ng “mga kongregasyon sa Macedonia,” gaya ng Filipos at Tesalonica, pagdating sa pagiging bukas-palad. (Ro 15:26; 2Co 8:1-4; 9:1-7; Fil 4:14-16) Talagang kahanga-hanga sila dahil masaya silang nagbigay kahit “napakahirap” nila at nagdurusa sila dahil sa matinding pagsubok. Posibleng inaakusahan ang mga Kristiyano sa Macedonia na sumusunod sa mga kaugaliang labag sa batas ng mga Romano, gaya ng nangyari noon kay Pablo sa Filipos. (Gaw 16:20, 21) May mga nagsasabi naman na ang pagsubok na tinutukoy dito ay may kaugnayan sa kahirapan nila. Ang mga pagsubok na ito ang posibleng dahilan kung bakit naiintindihan ng mga taga-Macedonia ang mga kapatid nila sa Judea, na kapareho nila ng pinagdaraanan. (Gaw 17:5-9; 1Te 2:14) Kaya gustong tumulong ng mga Kristiyano sa Macedonia, at masaya nilang ibinigay ang “higit pa nga sa kaya nilang ibigay.”—2Co 8:3.
magbigay at makapaglingkod din: Ginamit dito ni Pablo ang pangngalang Griego na di·a·ko·niʹa, na isinaling “magbigay at makapaglingkod.” Madalas gamitin ang salitang ito sa Bibliya para tumukoy sa mapagpakumbabang paglilingkod sa iba dahil sa pag-ibig. Kapansin-pansin na ginagamit ang pangngalang Griego na ito para tumukoy sa dalawang bahagi ng ministeryong Kristiyano, ang pangangaral at ang pagtulong sa iba. (Tingnan ang study note sa Gaw 11:29.) Sa talatang ito, ang tinutukoy ni Pablo ay ang pagtulong sa mga kapatid nilang nangangailangan. (2Co 9:13; tingnan ang study note sa Ro 15:31.) Para sa mga kongregasyon sa Macedonia, isang pribilehiyo na makatulong sa mga kapatid. Parehong ‘paglilingkod sa Diyos’ ang mga bahaging ito ng ministeryong Kristiyano.—Ro 12:1, 6-8.
bagaman mayaman siya, naging mahirap siya alang-alang sa inyo: Para mapasigla ni Pablo ang mga taga-Corinto na tumulong sa mga nangangailangan, pinayuhan niya sila na pag-isipan ang halimbawa ni Jesus ng pagsasakripisyo at pagkabukas-palad. Bago bumaba si Jesus sa lupa bilang tao, masasabing mayaman siya; espesyal siya sa kaniyang Ama at pinagpapala Niya siya. (Ju 1:14; Efe 3:8) Pero buong puso niyang iniwan ang napakaganda niyang kalagayan. (Ju 1:18; Fil 2:5-8) Iniwan niya ang tahanan niya sa langit para tumirang kasama ng di-perpektong mga tao na naghihirap, nagkakasakit, at namamatay. Isa pa, naging anak siya ng asawa ng isang mahirap na karpintero. (Tingnan ang study note sa Luc 2:24.) Simple lang ang naging buhay ni Jesus bilang tao. (Mat 8:20) Pero natubos niya ang sangkatauhan. Dahil sa pagkabukas-palad ni Jesus, yumaman sa espirituwal ang mga Kristiyano sa Corinto; nagkaroon pa nga sila ng pag-asang tumanggap ng mana sa langit. Kaya pinayuhan sila ni Pablo na tularan ang pagiging mapagbigay ni Jesus.
pagpapantay-pantay: Sa konteksto, nagbigay ng tagubilin si Pablo tungkol sa paglikom ng tulong para sa “mga banal” sa Jerusalem at Judea na nangangailangan. (2Co 8:4; 9:1) Binanggit niya na dahil mas maykaya ang mga Kristiyano sa Corinto, puwede silang magbigay ng materyal na tulong mula sa labis nila para masapatan ang pangangailangan ng mga kapatid nila sa Judea. Kapag ginawa nila iyon, magkakaroon ng “pagpapantay-pantay.” Walang sinumang pinipilit na magbigay nang higit sa kaya nila.—2Co 8:12, 13; 9:7; tingnan ang study note sa 2Co 8:15.
Gaya ng nasusulat: Para ipakitang makakasulatan ang “pagpapantay-pantay,” sinipi ni Pablo ang Exo 16:18 na tungkol sa paglalaan ni Jehova ng manna sa mga Israelita noong naglalakbay sila sa ilang. (2Co 8:14; tingnan sa Glosari, “Manna.”) Ang ulo ng pamilya noon sa Israel ang nangunguha o nangangasiwa sa pangunguha ng manna para sa buong sambahayan niya. Dahil natutunaw sa araw ang manna, siguradong tinatantiya lang niya ang kukunin niya para mabilis siyang matapos at saka na lang niya ito susukatin. Kaunti man o marami ang makuha niya para sa laki ng sambahayan niya, ang dami ng nakuha niyang manna ay laging nagiging isang omer (2.2 L) para sa bawat tao. (Exo 16:16-18) Ginamit ni Pablo ang ulat na ito para pasiglahin ang mga Kristiyano sa Corinto na gamitin ang labis nila para mapunan ang kakulangan sa materyal ng mga kapatid nila sa Judea.—Tingnan ang study note sa 2Co 8:14.
ang kapatid: Hindi pinangalanan ni Pablo ang kapatid na ito pero binanggit niya na inatasan itong “sumama sa . . . paglalakbay” nila. (2Co 8:19) Dalawang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego na isinaling “sumama sa . . . paglalakbay,” at ang isa pa ay mababasa sa Gaw 19:29, kung saan ginamit ang anyong pangmaramihan. Doon, binanggit si Aristarco na isa sa mga kasama ni Pablo sa paglalakbay. Naging malapít na kasamahan siya ni Pablo. Kaya ipinapalagay ng ilang iskolar na ang “kapatid” na tinutukoy dito ay si Aristarco, pero posible ring si Tiquico ito o iba pang kapatid.—Gaw 20:2-4; 27:2; Col 4:7, 10.
‘tapat kami sa pag-aasikaso sa lahat ng bagay’: Para hindi mapintasan ang ministeryo ni Pablo, nag-iingat siya sa bawat bahagi ng buhay at paggawi niya. (2Co 6:3) Alam ni Pablo na pinipintasan at sinisiraan siya ng ilan sa kongregasyon sa Corinto para pahinain ang awtoridad niya bilang apostol. At naiintindihan niya na puwede itong maging mas malaking problema kapag pera na ang pinag-uusapan, kaya tiniyak niya sa kongregasyon na ipapadala niya si Tito, kasama ang dalawa pang mapagkakatiwalaang kapatid, para asikasuhin ang kontribusyon. (2Co 8:20, 22) Gusto ni Pablo na maging tapat hindi lang sa paningin ni Jehova, kundi pati sa paningin ng mga tao. Ginamit ni Pablo ang Kaw 3:4 bilang basehan ng ganitong mga kaayusan para hindi magduda ang mga kapatid kung nagamit sa tama ang nalikom na kontribusyon. Ginamit niya ang pananalita sa Septuagint, kung saan mababasa sa natitirang mga kopya sa ngayon: “Maglaan nang tapat sa paningin ng Panginoon at ng mga tao.”—Para sa pagkakagamit ng pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Co 8:21.
ating kapatid: Para hindi magduda ang mga kapatid kung magagamit sa tama ang kontribusyon, dalawang mapagkakatiwalaang kapatid ang inatasang tumulong kay Tito sa paglikom nito. (2Co 8:20, 21; 9:5) Hindi sila pinangalanan ni Pablo. (Tingnan ang study note sa 2Co 8:18.) Kaya walang nakakaalam kung sino ang kapatid na tinutukoy dito, pero ipinapalagay ng ilan na si Trofimo ito o si Tiquico.—Gaw 20:4.
mga apostol ng mga kongregasyon: Malawak ang pagkakagamit dito ni Pablo ng salitang Griego para sa “apostol” (a·poʹsto·los), at puwede itong mangahulugang “sugo” o “kinatawan.” (Tingnan ang study note sa Ju 13:16.) Ang mga kapatid na binanggit niya ay ipinadala bilang mga kinatawan ng kani-kanilang kongregasyon. Ginamit din ni Pablo ang salitang Griego na a·poʹsto·los para tumukoy kay Epafrodito bilang “isinugo.” (Fil 2:25) Ang tapat na mga kapatid na ito ay hindi tinawag na apostol dahil sa kabilang sila sa 12 apostol, gaya ni Matias; hindi rin ito dahil sa pinili sila ni Kristo para maging mga apostol para sa ibang mga bansa, gaya ni Pablo.—Tingnan ang study note sa Gaw 1:26; tingnan din ang Gaw 9:15; Ro 11:13.