Alam Mo Ba Kung Ano ang Pinakikinggan ng Iyong mga Anak?
Sabi ng 15-taóng-gulang na anak na babae ng manunulat na si Kandy Stroud, “Pakinggan mo ito, Ma!” Pagkatapos ay sinabi pa niya, “Pero huwag mong pakinggan ang mga salita.” Pinatugtog niya ang isang awitin ng isang kilalang rock artist. Ang kaniyang ina ay nakinig at napakinggan din niya ang mga salita. Ang awit ay tungkol sa isang batang babae na seksuwal na inaabuso ang kaniyang sarili sa isang lobby ng otel.
Si Kandy Stroud, na sumusulat sa Newsweek, ay nagpapatuloy: “Ang walang-itinatagong seksuwal na mga liriko na gaya nito . . . ang bumubuo sa musikal na pagkain ng milyung-milyong mga kabataan na ngayo’y nakukuha sa mga konsiyerto, sa mga plaka, sa radyo at MTV [isang cable TV channel na nagpapakatangi sa musikang rock sa Estados Unidos].”
Sabi pa niya: “Bilang isang magulang at musikero ako’y nababahala tungkol sa maraming popular na mga awitin na maaari lamang tawagin na porn rock, at tungkol sa hindi maganda, detalyado at walang dahilang seksuwalidad na pumupunô sa mga radyo at telebisyon at pumapasok sa ating mga tahanan.”
Bilang isang magulang, ikaw ba ay nababahala sa uri ng musika na nakakaimpluwensiya sa iyong mga anak, o ang uri ng musika na pinipili ng iyong mga anak? Bakit ito mahalaga? Sapagkat maaari nitong sabihin sa iyo ang isang bagay tungkol sa paraan ng pangangatuwiran ng iyong anak at kung ano ang kinahihiligan ng kaniyang puso. Gaya ng iniulat ng Newsweek, tinanong ni Dr. Joseph Novello, direktor ng isang programa sa droga, ang mga pasyenteng tin-edyer tungkol sa kanilang pinipiling musika. “Ito man ay sataniko, may kaugnayan sa sekso o droga—sinasabi nito sa kaniya ang isang bagay tungkol sa kalagayan ng isip ng bata.”
Nasuri mo na ba ang kalagayan ng isip ng iyong anak kamakailan? Alam mo ba kung anong uri ng musika ang pinakikinggan niya sa tahanan o sa ibang dako? Kung inaakala mong ang musika ay hindi nakapagpapatibay, paano mo pinangangasiwaan ang bagay na ito? Taglay ang dogmatikong pagbatikos o maingat na pangangatuwiran at pagdisiplina? Ang apostol Pablo ay nagpapayo: “Kayong mga ama, muli, huwag ninyong ibuyo sa paghihinanakit ang inyong mga anak, sa halip bigyan sila ng aral, at pagtutuwid, na siyang nararapat sa Kristiyanong pagpapalaki.”—Efeso 6:4, The New English Bible.
May sapat na pagkasarisari ng musikal na kapahayagan na masusumpungan ng isa na kaaya-ayang musika na may malinis na mga liriko. Marahil kinakailangang baguhin ng iba ang kanilang panlasa sa musika, subalit mula sa isang Kristiyanong pangmalas iyan ay isang normal na bahagi ng ‘pagsusuot ng bagong tulad-Kristong personalidad.’ Taglay ang tamang pagnanais at pangganyak, ito ay maaaring gawin.—Efeso 4:20-24.