Panayam ng Awake! sa Isang Patólogó sa Pagsasalita
Kinapanayam ng Awake! si Dr. Oliver Bloodstein, isang kilalang awtoridad tungkol sa suliranin ng pagkautal. Inihaharap sa ibaba ang ilan sa mga katanungan na tinalakay sa panahon ng panayam.
Gaano katagal na kayo sa larangang ito, Dr. Bloodstein?
Tatlumpu’t-pitong taon na.
Ang isang tao ba ay maaaring maging utál kung lagi siyang kasama ng mga taong nauutal?
Iyan ay isang mahalagang tanong sapagkat sinasabi ng maraming tao na iyan ay totoo. Sa aming nalalaman, walang panganib diyan. Ang pagkautal ay hindi natututuhan sa pamamagitan ng paggaya.
Ang mga utál ba ay hindi nakakabagay sa emosyonal na paraan?
May isang uri ng palagay ang mga tao tungkol sa mga utál—na sila ay mahiyain, nag-iisa, hindi palakaibigan, nerbiyoso, maigting—na hindi naman pinatutunayan ng pananaliksik tungkol sa mga personalidad ng mga utál.
Dating pinaniniwalaan na lahat ng mga utál ay nerbiyoso, subalit ang patolohiya sa pagsasalita ay lumayo na sa teoriyang iyan. Ang dahilan ay na noong 1930’s, 40’s, at 50’s, nagkaroon ng maraming pananaliksik tungkol sa mga personalidad ng mga utál. Pangunahin na, ipinakikita nito na ang karamihan sa mga utál ay nasa loob ng antas na normal sa mga pagsubok tungkol sa emosyonal na pakikibagay; ni nasumpungan man ang anumang partikular na uri ng personalidad na nauugnay sa pagkautal.
Ang mga utál ba ay kasintalino ng mga hindi utál?
Aba, oo! Sa katunayan, nasumpungan ng maraming pag-aaral na ang mga utál na nag-aaral sa kolehiyo ay mas mataas ang mga IQ kaysa mga hindi utál.
Mayroon bang gumagaling mula sa pagkautal?
Mayroong tiyak na hilig o tendensiya na ang pagkautal ay mawala sa pagitan ng maagang pagkabata at pagkaadulto. Ang pinakamabuting ebidensiya na mayroon kami ay na marahil kasindami ng 80 porsiyento ng mga bata ang huminto sa pagkautal bago sumapit sa pagkaadulto.
Nangangahulugan ba ito na kung ang isang bata ay may problema sa pagkautal, ang kaniyang mga magulang ay hindi kinakailangang mabahala tungkol dito?
Karaniwan nang sinasabi namin na sa maagang pagkabata ang mga tsansa na ang bata’y gumaling pagkaraan ng ilang panahon ay napakabuti. Subalit hindi namin masasabi sa kasalukuyan kung aling bata ang gagaling at kung aling bata ang hindi gagaling. Kaya ang aming patakaran ay: Kung ang isang magulang ay nababahala, dalhin niya ang bata sa isang terapis; ipasuri niya ang bata at tingnan kung ito ay matutulungan. Sa pagkaalam namin, mentras mas bata, mas malaki ang pagkakataong gumaling. Kung magpatuloy ang pagkautal, ang pagkakataon ay paliit nang paliit na ang bata ay gagaling nang walang tulong.
Anong mga terapi ang ginagamit ngayon?
May dalawang bahagi ng terapi. Ang isa ay turuan ang mga utál na huwag gaanong matakot, maging higit na makatuwiran tungkol sa kanilang problema, at ang isa ay tuwirang lutasin ang paggawi sa pagkautal.
Ngayon may dalawang lubhang magkaibang paraan ng tuwirang paglutas sa paggawi sa pagkautal. Ang isang paraan, ang mas pangkaraniwan na mula pa noong ika-19 na siglo, ay ang turuan ang utál na magsalita nang kakaiba. Batid natin na kapag nasunod ng mga utál ang anumang paraan ng pananalita na hindi nila kinasanayan—sila man ay magsalita na parang umaawit, o iisa ang tono, mabagal, o binabago ang kanilang paghinga—karaniwan nang ito’y nagbubunga ng kagyat na katatasan. Kaya totoong nakatutukso na gamitin iyan sa terapi, at ito nga, sa katunayan ang pinakakaraniwang paraan na ginagamit sa ngayon. Gayon man may mga sagabal dito. Ang pinakaseryoso ay na may mataas na persentahe na bumalik sa dati pagkaraan ng mga ilang buwan. Ang ibang mga utál ay permanenteng natulungan, subalit sa napakalaking katumbasan, sila ay bumalik sa dati. Gayundin, pinipilit nito ang utál na suriing palagi ang kaniyang pananalita at kadalasan nang nagbubunga ng di-natural na uri ng pananalita.
Sabi ninyo ay may dalawang paraan ng tuwirang paglutas sa paggawi ng pagkautal. Ano pa ho iyong isa?
Ang isa pang pilosopya ay huwag turuan ang mga utál na magsalita nang kakaiba kundi turuan sila na magsalita nang pautal na kakaiba. Ito ay maaaring magtinging kakatuwa, subalit may kilusang nagsimula noong 1930’s at maimpluwensiya pa rin. Sabi nito sa utál: Huwag kang gumamit ng mga pandaraya upang iwasan ang pagkautal sa pagsasalita sa kakaibang mga paraan, gaya ng pagsasalita na parang umaawit o parang bumubulung-bulong. Kundi, bagkus, baguhin ang mga reaksiyon sa pagkautal sa paggawa sa mga ito sa hindi gaanong abnormal na paraan, sa mas relaks na paraan, sa isang paraan na kahawig ng normal na di katatasan. Tutal, lahat tayo ay nagkakaproblema sa ating pagsasalita.
Ito ang paunti-unting pamamaraan. Subalit, ito man, ay may mga disbentaha. Ang pangunahing disbentaha ay na bihirang natatamo ng utál ang ganap na katatasan sa pagsasalita. Ginagamit ang paraang ito, malamang na matutulungan natin ang utál na bawasan ang kalalaan ng pagkautal sa halip na alisin ito.
Ang sinasabi ko sa iyo ay na walang ulirang paraan ng paggamot sa pagkautal sa ngayon. Subalit maraming mga utál ang maaaring matulungan nang husto.
Nakatutulong bang pagsabihan ang isang utál na bagal-bagalan ang pagsasalita o huminga nang malalim?
Mahirap sagutin nang tuwiran ang tanong na gaya nito sapagkat ang mga tao ay iba-iba. Ako ay naturuang maniwala na hindi mabuting payuhan ang mga magulang na sabihin ang mga bagay na ito sa mga bata. At mula sa aking personal na karanasan ay naniniwala ako na madaling mapalulubha ng mga magulang ang problema sa pagsasabi ng gayong mga bagay. Nakita na namin ang mga kaso kung saan ang bata ay pinayuhan na huminga nang malalim, at kinabukasan ang bata ay hindi lamang nauutal kundi kinakapos ng hininga. Gayunman, hindi ganiyan kasimple, sapagkat natitiyak ko na may mga batang natulungan na mapagtagumpayan ang kanilang pagkautal ng mga bagay na sinabi ng kanilang mga magulang upang matulungan sila. Kaya ito ay isang personal na bagay. Subalit bilang isang magulang, ako ay magiging napakaingat na huwag laging himukin ang bata na magsalita nang mabagal, huminga nang malalim, mag-isip bago magsalita, o katulad nito.
May magagawa ba ang isang utál upang matulungan ang kaniyang sarili?
Sa palagay ko ang isang pinakamahalagang bagay na dapat matutuhan ng isang utál ay kung paano pangangasiwaan ang mga kalagayan sa pagsasalita, hangga’t maaari, bilang isang utál. At sa pagsasabi niyan, ang ibig kong tukuyin ay na hindi dapat itago ng utál ang kaniyang pagkautal, dapat siyang matutong gumawa ng karaniwang mga komento sa ibang tao tungkol sa kaniyang pagkautal, at hindi niya dapat sikaping ipalagay na siya ay isang normal na tagapagsalita, taglay ang lahat ng panggigipit na karaniwan nang kaakibat nito. Dapat niyang tiyakin na lahat ng nakikilala niya ay nakaaalam na siya ay nauutal, na ito ay maaaring maging paksa ng pag-uusap, at na hindi sila dapat mahiya kapag nangyari ito.
Maaari pa niyang pag-aralan, kung maaari, na magbiro tungkol sa pagkautal. Napakahirap maunawaan ng mga utál ang anumang katatawanan sa pagkautal, subalit may nakikilala akong isang utál na, kailanma’t siya’y mauutal, sasabihin niya: “Magkakaroon ng mga maikling intermisyon sa pagitan ng mga salita,” at ito ay nakababawas ng kaigtingan. O sa ibang pagkakataon ay sasabihin niya: “Magkakaroon ng maikling pag-antala sa paghahatid ng mga salita dahilan sa ilang teknikal na mga suliranin sa pagpapaandar.”
Ano ang maaaring gawin ng isang tagapakinig upang tulungan ang isa na nauutal?
Ikinagagalit ng karamihan sa mga utál kapag ang isang tagapakinig ay tumitingin sa malayo kapag sila ay nagsimulang mautal. Isa pa, natutulungan ng mga tagapakinig ang mga utál sa pinakamabuting paraan kapag sila ay tumutugon sa kung ano ang sinasabi ng utál sa halip na kung paano ito sinasabi ng tao. At ang ibig sabihin niyan ay na makabubuting iwasan ng mga tagapakinig na tulungan ang mga utál sa pagbigkas ng mga salita o sa pagsasabi sa utál, “Dahan-dahan lang.”