Mga Ulap—Ito’y Nagsasaysay ng Isang Kuwento
“I wandered lonely as a cloud
That floats on high o’er vales and hills.”
—William Wordsworth, 1804.
ANG mga makata, sinauna at moderno, ay bumaling sa langit at sa mga ulap para sa inspirasyon. Kahit na ang mga naninirahan sa lunsod ay titingin sa langit upang alamin kung anong taya ng panahon ang naghihintay sa kanila. Naaalaala ng matalinong taga lalawigan ang matandang kasabihang, “Pulang langit sa gabi’y galak ng pastol, pulang langit sa araw ay babala ng pastol.” Isa lamang pabula? Hindi, ito ay batay sa uri ng mga ulap na maaaring magsabi ng mabuti o masamang panahon sa pagpapabanaag ng araw.
Ang mga ulap ay may iba’t ibang hugis at disenyo. Ang mga ito’y pawang nagsasaysay ng isang kuwento. May mga ulap na para bang nagsasala-salansan nang pataas nang pataas hanggang sa langit. Kadalasan ito ang tinatawag na ulap cumulus, mula sa salitang Latin para sa “salansan,” o “bunton.” Kung ang mga ito ay ulap cumulus na nagdadala-ulan, malamang na ito ay madilim o abuhin at ito’y tinatawag na cumulonimbus, nimbo ang katagang Latin para sa “ulan.”
Kumusta naman yaong matataas na ulap sa langit na animo’y kulut-kulot, maliliit na mga balahibo? Sa halip na basta binubuo ng maliliit na patak ng tubig, gaya ng karamihang mga ulap, ang mga ito, dahilan sa kanilang taas, ay binubuo ng malinaw na mga yelo o niyebe at tinatawag na cirrus, mula sa salitang Latin para sa “kulot.” Ang mas mababang mga ulap na tumatakip sa buong langit at nagdadala ng niyebe o ulan ay tinatawag na ulap stratus (tulad-suson) sapagkat ang mga ito ay nakabitin na parang isang kumot, o isang suson, sa langit.
May ilang pagkakaiba-iba sa pangunahing mga uring ito ng ulap, subalit anuman ang nakikita nating ulap sa ating bahagi ng daigdig, anong laki ng ating pasasalamat na mayroon tayo ng gayong pagkasarisari sa langit. Ihambing mo nga ang isang magandang larawan na nagpapakita ng mga ulap sa langit sa isa na walang kaulap-ulap. Karaniwan, makikita mo kung aling larawan ang may katangian.
Subalit paano ba nabubuo ang mga ulap? Iyan ay isa pang paksa na tatalakayin natin sa iba namang pagkakataon. Gayunman, sa susunod na pagkakataong tumingin ka sa mga ulap, alalahanin ang mga salita ni Elihu: “Tumingin ka sa mga langit at iyong tingnan, at masdan mo ang mga alapaap, na ang mga ito nga’y lalong mataas kaysa iyo.” (Job 35:5) Pagkatapos alalahanin ang Maylikha ng mga ito, ang Diyos na Jehova.
[Mga larawan sa pahina 17]
Kanan: Ulap cirrus
Ibaba: Ulap stratocumulus sa pagsikat ng araw
Itaas: Ulap cumulus
Kaliwa: Cumulonimbus bago ang isang bagyo na may kidlat at kulog