Maibiging mga Pastol, Nagtitiwalang mga Tupa
NOONG panahon ng Bibliya ang malapit na kaugnayan sa pagitan ng pastol at ng kaniyang tupa ay kilalang-kilala. Kadalasan ang pastol ay alin sa may-ari ng mga tupa o isang membro ng pamilya ng may-ari. Sa umaga siya’y magtutungo sa kulungan at tatawagin ang kaniyang kawan mula sa ilang kulungan doon. Kilala niya ang kaniyang mga tupa; kilala nila ang kaniyang tinig. Hindi niya sila itinataboy—inaakay niya sila at sila’y sumusunod. Inaakay niya sila sa luntiang mga pastulan at sariwang tubig. Sa masamang panahon sa gabi, ibinabalik niya sila sa kulungan o isinisilong sila sa isang yungib. Sa maaliwalas na panahon, ginugugol niya ang mga gabi na kasama nila sa labas sa ilalim ng mga bituin—gaya noong taglagas ng taóng 2 B.C.E. nang ang mga pastol ay “nasa parang na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.”—Lucas 2:8.
Kung ang isang tupa ay naligaw, ang pastol ay naghahanap hanggang sa masumpungan niya ito. (Lucas 15:4) Ang 99 ay hindi nakasisiya sa kaniya hanggang sa maibalik ang isang nawala.
Ang kaugnayan ng taga-Silangang pastol sa kaniyang kawan ay lubhang madamdamin, gaya ng pinatunayan ng isa sa kanila: “Ang pagkamatay ng isang tupa ay nagdulot ng kalungkutan sa aking kaluluwa. Kapag ang isa sa kanila ay nagkasakit o ipinagbili, ako’y nananangis sapagkat nawawalan ako ng isang kaibigan na aking minahal at nagmamahal din sa akin. Sa silong ng maliwanag at nag-aapoy na mga langit sa mga Lupain ng Bibliya, naroo’t lumalaki, gaya ng nangyari sa akin, ang buklod ng pagmamahal at pagkagiliw sa pagitan ng pastol at ng kaniyang kawan. Nag-iisa sa kanilang malungkot na lugar, na walang kasamang ibang tao, sa mga oras ng katahimikan o panganib, ang buhay ng pastol at ng tupa ay iisa.”
Ang matapat na pastol ay isang walang-takot na tagapagsanggalang. Nilalabanan niya ang mga magnanakaw na pumaparoon upang magnakaw. Itinataboy niya ang mababangis na hayop na pumaparoon upang manila. At gaya ng pastol na batang si David, siya ay asintado sa paggamit ng panghilagpos. (1 Samuel 17:34-36, 49; tingnan din ang Hukom 20:16.) Kung ang isang tupa ay kinain, sisikaping bawiin ng pastol ang mga piraso ng buto o balat upang ipaliwanag ang pagkawala ng hayop. Totoo ito lalo na kung ang pastol ay isang upahan—kung wala ang gayong patotoo ay maaari siyang pagsuspetsahan ng pagnanakaw nito.—Exodo 22:12-15; ihambing ang Amos 3:12.
Ang mga tupa ay nagtitiwala sa kanilang mga pastol. Marami ang binibigyan ng naglalarawang mga pangalan—biyak ang tainga, matabang buntot, itim-mukha, puting-puti. Kapag tinatawag ng pastol ang kanilang pangalan, sila ay tumutugon. Tiniyak ito ng isang mananaliksik nang siya’y magdaan sa isang kulungan ng mga tupa. Ganito ang sabi niya: “Saka ko hiniling [ang pastol] na tawagin ang isa sa kaniyang mga tupa. Gayon nga ang ginawa niya, at karaka-raka nilisan nito ang pastulan at mga kasama nito, at tumakbo sa mga kamay ng pastol, na may mga palatandaan ng kasiyahan, at may maliksing pagsunod na hindi ko pa nakita sa ibang hayop. Totoo rin na sa bansang ito, ‘hindi sila susunod sa isang estranghero, kundi lalayo sa kaniya.’”
Pinatunayan ni Jesus ang karamihan ng mga nabanggit nang tukuyin niya ang kaniya mismong sarili bilang ang Mabuting Pastol ng kaniyang tulad-tupang mga tagasunod: “Dinirinig ng tupa ang kaniyang tinig, at tinatawag ang kaniyang sariling tupa sa pangalan at sila’y inihahatid sa labas [ng kulungan]. Pagka nailabas na niya ang lahat ng sariling kaniya, siya’y nangunguna sa kanila, at sumusunod sa kaniya ang mga tupa, sapagkat nakikilala nila ang kaniyang tinig. At sa estranghero ay hindi sila susunod kundi tatakas sila sa kaniya, sapagkat hindi nila nakikilala ang tinig ng mga estranghero. Ako ang mabuting pastol, at nakikilala ko ang aking mga tupa at nakikilala ako ng aking mga tupa, gaya ng pagkilala sa akin ng Ama at ng pagkakilala ko naman sa Ama; at ibinibigay ko ang aking kaluluwa [ang aking buhay] alang-alang sa mga tupa.”—Juan 10:3-5, 14, 15.
Hindi lamang si Kristo Jesus kundi ang Diyos na Jehova rin naman ay tinutukoy na isang pastol. “Si Jehova ang aking Pastol,” sabi ng salmista. Bilang gayon nga Siya at si Jesus ay nagpapakita ng maibiging pagkabahala sa “mga tupa sa kaniyang pastulan.” Tungkol sa kaniya ay nasusulat: “Kaniyang papastulin ang kaniyang kawan na gaya ng isang pastol. Kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay; at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan. At papatnubayan na marahan yaong mga nagpapasuso.”—Awit 23:1; 100:3; Isaias 40:11.
Subalit sa huwad na mga pastol na minamaltrato ang kaniyang kawan, si Jehova ay nagsasabi: “Aking ililigtas ang aking mga tupa sa kanilang bibig, upang huwag maging pagkain sa kanila.”—Ezekiel 34:10.
Dahil sa paggawi at turo ng mga pastol ng mga relihiyon sa ngayon, paano kaya sila nakatutugon sa mga paningin ni Jehova? Isasaalang-alang ito ng susunod na artikulo.