Mag-ingat sa ‘Gaya-gayang Epekto’!
Ang telebisyon ay maaaring maging isang nakapagtuturong kagamitan. Maipakikita nito sa atin kung ano ang nangyayari sa malalayong lugar na hindi abot ng normal na paningin at, kung minsan, ay nagbibigay ng kaaya-ayang libangan. Gayunman, sang-ayon kay Eric Moonman, awtor ng The Violent Society, ang telebisyon ay gumaganap din ng isang papel sa modernong-panahong pagbagsak ng batas at kaayusan. Sumusulat sa The Independent ng London tungkol sa kaugnayan ng TV sa karahasan, sabi ni Moonman: “Kung mayroon mang isang impluwensiya na nakahihigit sa lahat ng iba pa, binabanggit ng pananaliksik ang gaya-gayang epekto.” Ano ang ibig niyang sabihin?
“Ang [loobang lunsod] na mga kaguluhan [sa Inglatera] noong 1981 ay ipinalabas sa telebisyon habang ito ay nagaganap,” sabi niya. “Ang huwarang ito ay nauulit araw-araw. Dinalaw ko ang maraming magugulong lugar, kung saan sa panahon ng mga panayam sa mga tin-edyer, ang kahulugan ng gaya-gayang krimen ay naging malinaw sa akin. Ginagawa itong madali ng TV, alam nila kung anong uri ng mga bagay ang gagawin.” Binanggit ni Moonman na pagkatapos ng tatlong mga kaguluhan, “isang maliwanag na pagpapabanaag ng mga eksenang napanood sa telebisyon” ang makikita sa mga silakbo ng karahasan sa kalye na nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng bansa.—Amin ang italiko.
Dahil sa ang internasyonal na mga alitan ng daigdig ay nakikita mismo sa mga sala ng mga tao, tumitindi ang kaigtingan habang napapanood nila ang mga pangyayaring ito na nagaganap. Oo, “hindi pa napipili ng telebisyon kung sino ang magwawagi sa isang digmaan,” sabi ni Moonman, “ngunit maaari na nitong piliin kung sino ang inaakala nating nananalo.”
Paano mo mapangangalagaan ang iyong pamilya mula sa posibleng masasamang epekto ng telebisyon? Una, gumawa ng isang malinaw na patakaran ng pamilya para sa inyong panonood. Pagkatapos, magtakda ng angkop na mga hangganan kung tungkol sa nilalaman at dami ng panoorin. At kung lumitaw ang mga eksena sa balita na naglalarawan ng karahasan, tandaan na ang katampalasan ng daigdig ay hindi sulit na tularan. Sundin ang payo na: “Magpakasanggol kayo sa kasamaan; gayunma’y sa kapangyarihang umunawa ay magpakatao kayong lubos.”—1 Corinto 14:20.