Elektronikong Paniniktik—Napakadali!
KAILAN ba ang isang “bug” ay hindi isang insekto? Ngayon ang daigdig ay mabilis na nagiging pamilyar sa katagang “bug.” Gayunman, ang lumalagong popularidad ng kataga ay hindi isang labis na pagkabahala at interes sa mumunting pesteng mga insektong iyon na umuusad at gumagapang sa ating mga tahanan o sa ating mga damit. Maaaring maliwanag na bigyang katuturan ng anumang sinaunang diksiyunaryo ang “bug” bilang isang kagamitan sa paniniktik, isang napakaliit na mikropono “na itinatago upang lihim na irekord ang pag-uusap.” Nasumpungan ng marami niyaong mga pinamumugaran nito na ang paglipol dito ay magastos nga.
Ang pag-unlad at pagpapalit kamakailan sa elektronikong mga bahagi ay gumawa sa mga “bug” sa paniniktik na kadalasang mahirap mátutóp na gaya ng mga parasito sa balat. Kasinliit ng isang ulo ng posporo, ang mga kagamitang ito ay maaaring ilagay sa mga pluma na sumusulat, itago sa mga sigarilyo at tabako, isingit sa pagkaliliit na mga butas sa dingding o bubong, at ilagay pa nga sa ilalim ng balat. Ang mga ito ay ikinubli bilang isang tableta ng aspirin, o isang olibo sa inuming martini. Ang iba ay isinuot bilang hikaw.
Sa likod ng mga suwits ng ilaw, sa mga telepono, at sa butas para sa kawad ng graun sa mga saksakan ng kuryente ang malamang na mga dakong pagtaguan ng elektronikong mga kagamitan sa paniniktik na ito. Ang huling banggit na ito ay tinatawag na “parasite bugs” sapagkat nakukuha nila ang kanilang kakayahang maghatid sa pamamagitan ng kuryente sa halip na panandaliang mga batirya. Kapag ang mga telepono ay nakabitan ng “bug,” maaari nitong ihatid ang mga tinig ginagamit man o hindi ang telepono. Kaya ang teknolohiyang manghihimasok sa iyong pribadong buhay sa pamamagitan ng elektronikong pagmamanman ay nagawa at natatag na. Kung saan itatago ang gayong kagamitan ay depende lamang sa guniguni ng maniniktik.
Bagaman ang pagbibili at paggamit ng iba’t ibang uri ng elektronikong mga kagamitan sa paniniktik ay ipinagbabawal ng batas sa maraming estado at bansa, pati na sa Estados Unidos, ito ay madaling makukuha niyaong palihim na manghihimasok sa iyong pribadong buhay. Madali itong mabibili sa iba’t ibang uri ng mga tindahan, tindahan ng mga elektroniks, at bahay pediduhan. Ang isang payak na “bug” na kasinlaki ng isang selyo sa koreo, isa na umaandar sa isang karaniwang siyam-na-boltaheng batirya at na makapaghahatid ng mga tinig sa isang receiver na 120 metro ang layo, ay nabibili na kasingmura ng $35.00 (U.S.). Sa halos gayunding halaga, isang kompaniyang Haponés ang nagtitingi ng mas malakas na transmiter na kasinlaki ng isang kuko sa daliri at na nagbubrodkas sa layo na 300 metro.
Gayunman, ang ilan sa mga kagamitan ay hindi ginawa ng mga pabrikante bilang mga “bug.” Halimbawa, sa presyong tingian na $24.95 lamang, isang tindahan ng elektronik sa Estados Unidos na may sangay sa buong bansa ay nagbibili ng isang walang-kawad na sistema ng pagmamanman sa silid para sa isang silid ng bata. Isaksak mo lamang ito sa isang saksakan ng kuryente, at ang mga tunog ay maihahatid mula sa isang bahagi ng bahay tungo sa ibang bahagi ng bahay. Ang iba ay simpleng walang-kawad na mga mikropono na mas maliit pa sa isang kaha ng sigarilyo. Ang mga ito ay may legal na mga gamit, subalit kung ito ay mapunta sa maling mga kamay ang mga ito ay maaaring paliitin at itago sa pagkaliit-liit na puwang.
Ang mga “bug” ay madaling bilhin, at ito ay halos madali ring gawin. Mayroon lamang siyam na maliliit na bahagi, na wala pang $10.00 (U.S.), ang isang tao na may panimulang kaalaman tungkol sa elektroniks ay makagagawa ng isang walang-kawad na kagamitan na makasasagap ng bulong sa isang silid at maihahatid ang tinig sa layo na .4 kilometro.
Ang pinakamalaganap na paraan ng paniniktik ay sa pamamagitan ng paggamit ng wiretaps o mga kagamitan sa pakikinig sa telepono. Ang teleponong pinag-uusapan ay hindi kinakailangang nakikita upang ito ay maisagawa. Halimbawa, kung ang tinatarget na telepono ay nasa ikasampung palapag ng isang gusaling opisina o sa isang apartment, ang wiretap ay maaaring ilagay sa pinag-uusapang telepono buhat sa mga linya ng telepono sa silong. Mga tape-rekorder na pinaaandar ng tinig na inilagay ng ilegal na mga nagkakabit ng kagamitan sa pakikinig ay nasumpungan sa ilalim ng mga bahay. Kapag ang telepono ay inaangat para gamitin, ang mga pag-uusap ay nairirekord. Nagpapanggap na isang tagakumpuni ng telepono, malimit masumpungan ng isang tao na napakadaling makabitan ang linya ng telepono ng biktima.
Sa karamihang mga kalagayan at sa maraming bansa ang anyong ito ng paniniktik ay labag sa batas. Gayunman, sang-ayon sa isang dalubhasa na ang negosyo ay hanapin at alisin ang mga “bug” at mga wiretap sa telepono, “Dalawampu’t limang porsiyento ng aming mga pagsubok ay nagbubunga ng pagkilala sa isang wiretap.” Yamang ang paggamit ng “bug” ay itinuturing na palasak sa daigdig ng negosyo, ang mga manedyer ng malalaking korporasyon ay binabalaan ng iba pang eksperto, “Mag-ingat ka sa anumang regalo na ikinakabit sa dingding.” Ang iyong de-kuryenteng orasan o radyo ay maaaring may “bug” sa loob nito. Maaaring kailanganin ang isang eksperto na may mamamahaling kagamitan upang masumpungan ito. Gayunman, bakit nananagana ang elektronikong mga “bug”?