Mga Baril—Isang Daigdig na Wala Nito
SA PASIMULA pa ng kasaysayan ng tao, naging marahas na ang tao sa pakikitungo sa kaniyang kapuwa. Ang pagpatay ay pumasok sa unang pamilya nang paslangin ni Cain ang kapatid niyang si Abel. Ang pagpuksa ay patuloy na mula noon—sa loob ng sambahayan, sa loob ng tribo, at sa pagitan ng mga bansa. Mientras lumalakas ang puwersa ng mga sandata, lalong dumarami ang mga biktima. Ang bato at pambambo ay hinalinhan ng sibat at palaso, na pinalitan naman ng baril at bomba. Ang paglipol ng daan-daan ay naging libu-libo; at ngayon ang libu-libo ay naging milyun-milyon. At hindi lamang sa digmaan kundi maging sa kapayapaan. Hindi lamang sa pamamagitan ng mga sundalo kundi sa pamamagitan din ng mga pribadong mamamayan. Hindi lamang ng mga nasa hustong gulang kundi ng mga kabataan din naman. Titigil pa kaya ang paglago ng karahasan? Kung iaasa sa tao, malabong mangyari ito.—2 Timoteo 3:1-5, 13.
Inihula ni Kristo Jesus na sa ngayon ang mga bansa ay babangon laban sa isa’t isa sa malalagim na digmaan, na bubuwis ng milyun-milyong buhay. Sa iba’t ibang dako marami ang mamamatay sa salot at lindol. Dudumhan ng tao ang lupa hanggang sa hindi na nito makayang tustusan ang sarili—marami nang siyentipiko ang nagpapahayag ng pangambang ito. Subalit ang pag-ibig ng tao sa salapi ang nagtutulak sa kaniya na lalo pang madumhan ang buong lupa, at magwawakas lamang ito kapag mismong ang Diyos na Jehova na ang nakialam upang “ipahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.
Marami ang kumukutya sa mga babalang ito kung kaya’t natutupad ang isa pang bahagi ng inihulang tanda hinggil sa mga huling araw: “Alamin muna ito, na sa mga huling araw ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtuya, na magsisilakad ayon sa kani-kanilang pita at magsasabi: ‘Nasaan ang ipinangako niyang pagkanaririto? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang aming mga ninuno, lahat ng bagay ay nagpapatuloy na kagayang-kagaya ng pasimula ng paglalang.’”—2 Pedro 3:3, 4.
Subalit sa madilim na ulap na nakayungyong sa sangkatauhan ay may naaaninaw pang silahis ng pag-asa. Inihula ni Jesus na sa kaniyang pagkanaririto, ay magkakaroon “sa lupa ng panggigipuspos sa mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon dahilan sa hugong at mga daluyong ng dagat, samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” Ngunit sinabi rin niya na ito’y panahon upang “tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”—Lucas 21:25-28.
Ang mga bansa ay nanggigipuspos, ang mga tao’y di-mapalagay, at bawat isa ay ginigiyagis ng takot sa mga bagay na mangyayari sa lupa, subalit panahon ito ng kaligtasan para sa mga umaasa sa pagdating ng Kaharian ng Diyos at ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo Jesus. Yaon ang panahon ng katuparan ng pangako ng Diyos na Jehova na ‘mga bagong langit at isang bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran.’—2 Pedro 3:13.
At wala nang mga baril! Hindi na kakailanganin ito sa digmaan. “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo [karong-pandigma, Rotherham] ay kaniyang sinusunog sa apoy.”—Awit 46:9.
Hindi na kakailanganin ito para sa pansariling proteksiyon. “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong-ubas at sa ilalim ng punong-igos, at walang tatakot sa kanila; sapagkat sinalita ng mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo.”—Mikas 4:4.
Ang mga matuwid lamang, wala ni isang balakyot, ang naroroon. “Mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at mga walang kapintasan ang matitira rito. Ngunit kung tungkol sa mga balakyot, sila’y mahihiwalay sa mismong lupa; at tungkol sa mga magdaraya, sila’y bubunutin mula roon.” (Kawikaan 2:21 22) At “ang maaamo ang siyang magmamay-ari ng lupa, at tiyak na malilipos sila ng kagalakan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
Sa paningin ng Diyos ang lupa’y ipinapahamak ng karahasan. Noong kaarawan ni Noe “ang lupa ay napahamak sa paningin ng tunay na Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan.” (Genesis 6:11-13) Kaya, ang daigdig na yaon ay winakasan ni Jehova sa isang pangglobong Baha. Ang katapusan ng sinaunang daigdig na yaon ay inihalintulad ni Jesus sa katapusan ng kasalukuyang marahas na sanlibutang ito sa panahon ng kaniyang pagkanaririto: “Sapagkat gaya noong mga araw bago bumaha, sila’y nagsisikain at nagsisiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at sila’y hindi nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, gayundin sa pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:38, 39.
Sa bagong sanlibutan ng Diyos ang lahat ng nabubuhay ay tutupad sa Marcos 12:31: “Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” At sa Isaias 11:9: “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” Ang maluwalhating mga kalagayan na inilalarawan sa Apocalipsis 21:1, 4 ay matutupad din sa bagong sanlibutang yaon ng katuwiran: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay naparam, at ang dagat ay wala na. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng pagtangis o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” Tiyak, wala na roong lipunan ng mga tao na armadung-armado ng baril!
Alinman sa makahulugang mga pagbabagong ito sa ikapagpapala ng tao ay hindi pangyayarihin ng mga rebolusyonaryo na gumagamit ng nag-aapoy na mga baril upang lipulin ang oposisyon. Sa halip, pangyayarihin ito ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo Jesus. Kaya sinasabi ng Isaias 9:6, 7: “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag at upang alalayan ng katarungan at katuwiran, mula ngayon hanggang sa panahong walang takda. Ang mismong sikap ni Jehova ng mga hukbo ang magsasagawa nito.”