Mula sa Aming mga Mambabasa
Kasibulanggulang Kailanman ay hindi pa nagkaroon ng isang artikulo na kailangang-kailangan ng aming pamilya kaysa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Nangyayari sa Aking Katawan?” (Enero 22, 1990) Ang aking anak na babae ay dumaranas ng mga pagbabago sa kaniyang katawan at inaakala kong ako’y hindi gaanong nasasangkapan upang ipaliwanag ito. Tinulungan ako ng artikulong ito na maupong komportable na kasama ng aking anak na babae at basahin ito sa kaniya. Binuksan nito ang daan para sa kaniya na malayang ipahayag ang kaniyang mga pagkabahala. Salamat at ginawa ninyong mas madali ang aking trabaho.
J. K., Estados Unidos
Mga Kombensiyon sa Poland Ang aking pamilya at ako ay nagkapribilehiyo na dumalo sa mga kombensiyong ito [ng mga Saksi ni Jehova]. (Disyembre 22, 1989) Ang malayang makasalamuha ng mga kapatid mula sa Unyong Sobyet at sa Czechoslovakia, na ang marami ay naglakbay na may malaking personal na pagsasakripisyo, ay talagang nakatutuwa. Ang makita ang mga kapatid na Ruso at Amerikano na nagyayakapan sa isa’t isa ay isang tahimik na patotoo sa kung saan kumikilos ang espiritu ng Diyos ngayon.
I. L., Pederal na Republika ng Alemanya
Pandaraya sa Siyensiya Ang inyong artikulo tungkol sa siyentipikong pandaraya (Enero 22, 1990) ay waring naninirang-puri sa halos lahat ng mga siyentipiko. Bilang isang propesyonal na kemiko, nalalaman ko at hinahatulan ko ang pandaraya. Subalit ang inyong mga artikulo ay maituturing na bahagi rin ng kung ano ang labis ninyong kinokondena. Ang inyong unang artikulo ay walang nilalaman na orihinal na teksto (Ito ba’y pamamlahiyo?) kundi pinagsama-sama ang “piling” mga ulong-balita. Ang ikalawang artikulo ay hindi bumabanggit sa karamihang mga siyentipiko na hindi gumagawa ng pandaraya. Hindi ba ito isang propaganda? Ang uring ito ng pag-uulat ay nakapipinsala sa inyong kredibilidad.
W. M., Estados Unidos
Pinahahalagahan namin ang prangkong mga pananalitang ito. Hindi namin intensiyon na siraan ang mga siyentipiko bilang isang grupo. Binanggit namin sa simula na “ang tahasang pandaraya ay maaaring bihira.” At kami’y sumasang-ayon na ang karamihan ng mga siyentipiko ay tapat. Gayunman, ang pinsalang nagawa ng ilang di-tapat ay lubhang malayo ang narating anupa’t angkop lamang na hatulan ang siyentipikong pandaraya sa matinding pananalita. Naniniwala rin kami na ang paghaharap sa teoriya ng ebolusyon bilang isang katotohanan ay isang anyo ng pandaraya sa pinakasukdulang antas—isa na sinalihan ng karamihan ng mga siyentipiko. Sa paano man, ang mga ulong-balitang artikulo na sinipi roon ay hindi pamamamlahiyo yamang ang mga babasahing pinagkunan ay maliwanag na ipinakita. Ang mga sinipi ay mula sa kagalang-galang na mga babasahin at nagsilbi ito upang ipakita ang lawak ng suliranin tungkol sa siyentipikong pandaraya.—ED.
Glaucoma Pagkatapos basahin ang artikulo tungkol sa glaucoma (Mayo 8, 1988), pinasuri ng aking mister ang kaniyang mata, upang matuklasan lamang na ang mga sintomas na kaniyang dinaranas ay hindi dahil sa glaucoma kundi isang bagay na mas maselang. Dahil sa pagbabasa ng artikulo, nakagawa kami ng mga plano para sa hinaharap at kumilos kami ayon sa kaniyang napipintong pagreretiro.
E. D., Estados Unidos
Damong-Dagat Salamat sa inyong artikulo tungkol sa damong-dagat. (Enero 22, 1990) Bago ko nabasa ito, hindi ko naisip ang lahat ng katangian ng kung ano ang di-makatuwiran—gaya ng nabatid ko ngayon—na tinatawag na “malansa, sala-salabid na pampagulo.” Ibinabahagi ko ang impormasyong ito sa iba.
G. S., Pransiya
Mga Biyenan Maraming-maraming salamat sa inyong artikulo tungkol sa mga problema sa mga biyenan. (Pebrero 22, 1990) Kami ng mister ko ay nakipisan sa kaniyang ina sa loob ng isang taon. Ang araw-araw, tusong paligsahan ay lumikha ng maraming pasakit. Nang kami’y bumukod, bumuti ang kalagayan. Higit at higit kong napahalagahan ang payo ni inay. Subalit ang paggigiit niya na magbigay ng patnubay ay nakaiinis pa rin sa akin. Anong laking unawa at matinding damdamin ang ipinahayag sa artikulong ito! Inaasahang ang maraming asawang lalaki, asawang babae, at mga biyenan ay makikinabang sa ekselenteng payo nito.
A. T. G., Netherlands