Sa Isang Kisap ng Mata
GINAWA mo ulit ito. Ginawa mo ito kahapon nang halos 15,000 beses. Marahil hindi mo namamalayang ginagawa mo iyon, ngunit ipinagpapatuloy mo iyon, at sa gayo’y iniingatan ang dalawang pinakamahalaga mong mga pag-aari. Sa proseso, maaaring nagbibigay ka rin ng di-sinasadyang pagpapahiwatig kung paano kumikilos ang iyong utak. Paano mo nagawa ang lahat ng ito? Ikaw ay kumurap.
Kung ang iyong mga mata ay kapaki-pakinabang, ito ang pinakamaselan at sensitibong sangkap ng pandamdam na mayroon ka. Karaniwang kinikilala bilang makahimalang disenyo, ang mata ng tao ay inihambing sa isang awtomatiko, three-dimensional, sariling-pokus, walang-hintong pagkuha ng larawan, makulay, gumagalaw-na-larawang kamera. Pagka hindi ginagamit, ang maselan na lente ng kamera ay tinatakpan ng takip ng lente. Ngunit higit pa riyan ang ginagawa ng mata.
Ang kalakhang bahagi ng bilog ng mata ay naiingatan sa loob ng socket. Ngunit ang natitirang 10 porsiyento ng ibabaw na bahagi ng mata ay nakalantad sa atmospera, na may dalang alikabok at mapanganib na dumi. Upang maingatan ang mata laban sa patuloy na bantang ito ng pagsalakay, ang katawan ay idinisenyo na may masalimuot, nagsasarang “takip ng lente”—ang talukap ng mata. Binubuo ng pinakamaninipis na balat ng katawan, pinatibay ng maliliit, pinong mga hibla, ang talukap ng mata ay madaling bumukas at sumara. Ang pagkurap ay tumatagal lamang ng ikasampung bahagi ng isang segundo at nauulit nang 15 beses tuwing isang minuto.
Subalit ang gayong munti, halos di-napapansing pagkilos ay maraming nagagawa. Sa pagsara at pagbukas, ang talukap ay naglalabas ng manipis na likido sa ibabaw ng mata, na mabisang hinuhugasan ang ibabaw ng mata. Pinakikintab din nito ang panlabas na ibabaw ng mata. Kaya’t maitutulad ang talukap ng mata sa kombinasyon ng takip ng mga lente, panlinis ng mga lente, at pampakintab ng mga lente ng isang kamera. Mahusay na disenyo, hindi ba?
Ngunit matagal nang di-maintindihan ng mga siyentipiko ang hinggil sa isang kakatuwang bagay: Pagka ang matubig na mga luha ay tumulo na sa ibabaw ng mata, isa o dalawang pagkisap bawat minuto ay sapat na upang gawin ang paglilinis at pagpapakintab. Kung gayon, bakit may higit pang mga pagkisap? Waring ang sagot ay nasa isip.
Ipinalagay ng mga mananaliksik na may kaugnayan sa pagitan ng pagkisap at pag-iisip. Halimbawa, ikaw ay higit na kumukurap pagka balisa. Kung ikaw ay sumusubok na magpalipad ng helikopter, o ikaw ay tinatanong ng isang galit na abogado, o ikaw ay dumaranas ng abnormal na kalagayan dahilan sa pagkabalisa, malamang na ikaw ay kumukurap nang higit kaysa pangkaraniwan. Kung ikaw ay isang tagapagbalita sa telebisyon, maaaring ikaw ay sinabihan na huwag kumurap upang huwag isipan ng iyong manonood na takot na takot ka sa balita.
Sa kabilang panig, kung ikaw ay nag-iisip na mabuti sa iyong nakikita, gaya ng pagbakat sa isang maze, pagmamaneho sa mga kalye sa siyudad, o pagbabasa ng nobela, bihira kang kumurap. Halimbawa, ang mga piloto ay nangangailangan ng higit na pagbubuhos ng isip kaysa sa mga katulong na piloto, kaya’t bihira silang kumurap. Ang pagkurap ay napipigil pagka ang isang tao ay nasa panganib, at ang mga mata ay mabilis na dumadako sa pinakamahalagang bahagi ng tanaw tungo sa pinakamalayong bahaging matatanaw at pabalik.
May isa pang kaugnayan sa pagitan ng utak at pagkisap. Ayon sa The Medical Post ng Canada, ipinahihiwatig ng pananaliksik na “ang bawat pagkisap ay maaaring maganap sa pinakamahalagang sandali na tayo’y humihinto sa pagtingin at nagsisimulang mag-isip.” Halimbawa, ang isang tao na may isinasaulo ay maaaring kumurap pagkatapos basahin ang impormasyon na nais niyang isaulo. O sa pagpapasiya, ipinakikita ng mga pagsubok na “ang utak ay nag-uutos na kumurap pagka ito ay may sapat na impormasyon na upang gumawa ng mabuting pagpapasiya,” sabi ng Post, susog pa nito: “Ipinahihiwatig ng mga eksperimento na ang pagkisap ay nagsisilbing isang uri ng bantas ng isip.”
Halos tatlong libong taon na ang nakararaan na kinasihang sumulat ang isang matalinong tao: “Kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan.” (Awit 139:14) Pinatutunayan ng mga pag-unlad sa siyensiya ng medisina sa ating panahon ang pangmalas na iyan. Isip-isipin lamang: ang pagpapakinang at paglalangis sa masalimuot na mga lente ng mata, pagtatala ng tamang antas ng pag-iisip ng utak o pagkabalisa, at pagpapahinto sa daloy ng impormasyong nakikita—lahat ng ito ay sa isang kisap ng mata!
[Larawan sa pahina 14]
Ang bilog ng mata na 10 porsiyento lamang ang nakalantad