Susundin Mo ba ang Payo ng Doktor?
PAGDATING sa paninigarilyo, ano ang pananagutan ng isang doktor? Basta ba gamutin yaong mga pinahihirapan ng sakit na nauugnay-sa-paninigarilyo? Si Dr. Louis Sullivan, kalihim ng U.S. Department of Health and Human Services, ay nag-aakala na higit pa riyan ang dapat gawin ng mga doktor. Siya ay sumulat kamakailan sa The Journal of the American Medical Association: “Ang mga manggagamot ay may pananagutan na ipagbigay-alam sa mga pasyente ang tungkol sa mga kahihinatnan ng paninigarilyo, upang tulungan ang mga pasyente na hindi naninigarilyo na huwag magsimulang manigarilyo, at tulungan ang mga naninigarilyo na ihinto ang bisyo.”
Bakit kailangang masangkot ang mga doktor sa buhay at mga pagpili ng kanilang mga pasyente? Si Dr. Sullivan ay nagsasabi: “Ang paninigarilyo ay isang pagpili, subalit isang masamang pagpili.” Siya’y nagbibigay ng isang mapuwersang patotoo: “Taun-taon, ang paninigarilyo ay pumapatay ng halos 400 000 Amerikano; iyan ay mahigit na 1000 katao isang araw, na siyang dahilan ng mahigit sa isa sa bawat anim katao na mga kamatayan sa ating bansa. Ang bilang ng mga Amerikanong namamatay taun-taon sa sakit na dala ng paninigarilyo ay nakahihigit sa bilang ng mga Amerikanong namatay sa Digmaang Pandaigdig II.”
Itinutuon ang pansin sa mga babae, binanggit ni Sullivan ang higit pang nakababalisang tuklas: “Nahigitan ng kanser sa bagà ang kanser sa suso bilang ang pinakamalaganap na sanhi ng kamatayan dala ng kanser sa mga babae. Ang mga babaing naninigarilyo ay tatlong ulit na malamang na magkaroon ng atake sa puso kaysa mga babaing hindi kailanman nanigarilyo, at ang mga babaing naninigarilyo ay nanganganib na magkaroon ng mahinang kalusugan at mamatay dahil sa empisema at iba pang sakit na nauugnay-sa-paninigarilyo. Ang mga babaing naninigarilyo sa panahon ng pagdadalang-tao ay malamang na makunan, magkaroon ng sanggol na magaang ang timbang pagsilang, at mga batang namamatay sa pagkasanggol.”
Sa harap ng nakatatakot na mga katotohanang ito, binabanggit ni Dr. Sullivan na mayroon pang malaking panggigipit sa mga tao na manigarilyo. Pinupulaan niya bilang “napakasama” ang mga pakana ng pag-aanunsiyo ng sigarilyo na tinatarget ang pangkat ng mga minoridad. Nagpahayag din siya ng pagkabahala sa tusong paggamit sa bata, kaakit-akit na mga modelo sa maaliwalas, maaraw na mga tanawin na nagpapahiwatig na ang mga kabataang naninigarilyo ay malusog at kaakit-akit. Sa katunayan, kung ang katumbasan ng paninigarilyo ay hindi magbabago, limang milyong batang nabubuhay ngayon ang maaaring mamatay sa mga sakit na nauugnay-sa-paninigarilyo. “Iyan,” payo ni Dr. Sullivan sa kaniyang kapuwa mga doktor, “ang malaking sakuna na dapat nating hadlangan.”
Kung talaga bang mahahadlangan ng mga doktor ang malaking sakunang ito ay pinagdududahan. Gaya ng binabanggit ni Dr. Sullivan: “Nakalulungkot, ang ibang manggagamot ay patuloy na naninigarilyo, nagpapakita ng masamang halimbawa para sa kanilang mga pasyente at kawani at nagbibigay ng isang mensahe na laban sa kalusugan sa lahat ng nakakikilala sa kanila.”