Mula sa Aming mga Mambabasa
Moises Kababasa ko pa lamang ng seryeng “Moises—Tunay o Alamat?” (Abril 8, 2004) Aaminin ko na hindi ko inaasahang makasusumpong ako ng gayon karaming impormasyon bilang sagot sa iginigiit ng mga iskolar na kathang-isip lamang si Moises! Sigurado ako na kahit isang bahagi lamang ng seryeng ito ang mabasa ng taimtim na mga tao, mapatitibay na ang kanilang pananampalataya kay Jehova.
Y. M., Russia
Oras Maraming salamat sa artikulong “Maging Nasa Oras!” (Abril 8, 2004) Gumugugol ako ng maraming panahon sa paglilingkod sa kongregasyon, sa pagiging isang ulo ng pamilya, at sa aking sekular na trabaho. Naikapit ko na ang dating mga mungkahi sa mga magasin, pero malaking tulong ang muling makabasa ng artikulong gaya nito. Gustung-gusto ko ang sinabi rito na “Nilayon ng ating Maylalang na maging palaisip tayo sa oras.” Talagang itinataguyod nito ang tamang saloobin. Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang pagsulat ng praktikal na mga artikulong gaya nito.
J. S., Estados Unidos
Kadalasan, ginagawa ko lamang ang mga bagay-bagay kapag gipit na ako sa panahon, at bagaman hindi ako mabagal kumilos, tinatanghali naman ako nang gising. Madalas akong malagay sa panganib dahil sa pagmamadali. Pinasigla ako ng artikulong ito na maglaan ng higit na palugit sa aking iskedyul.
Y. W., Hapon
Ako po ay 18 taóng gulang. Lagi akong abala dahil ako’y isang buong-panahong ebanghelisador at estudyante. Kailangan ko ng panahon sa pangangaral gayundin sa aking mga araling-bahay at personal na pag-aaral. Tinulungan ako ng artikulo na isaayos nang mas mabuti ang aking panahon upang maging nasa oras ako sa Kristiyanong mga pagpupulong at iba pang mga gawain, gayundin sa paaralan. Ayoko nang mahulí pa. Marami pong salamat!
J. H., Estados Unidos
Madalas akong mahulí noon sa mga pulong. Ipinananalangin ko ito, at natutuwa ako dahil sinagot ako ni Jehova. Sinubukan ko ang mga mungkahi sa artikulo, at naging napakabuti ng resulta. Hindi na ako nahuhulí ngayon. Natanto kong pag-ibig ang nag-uudyok sa isa na maging nasa oras.
J. A., Nigeria
Masasamang Kinagawian Gusto kong sulatan kayo at ipahayag ang aking pagpapahalaga sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Posible Bang Mapagtagumpayan ang Masasamang Kinagawian?” (Abril 8, 2004) Ilang panahon na akong nakikipagpunyagi sa sobrang katabaan. Nagpapapayat ako, pero tumataba naman akong muli. Bagaman hindi tinatalakay sa artikulo ang espesipikong problemang iyon, naikapit ko roon ang impormasyon. Tinulungan ako nito na suriin ang masasama kong kinagawian at malaman kung paano ito naging isa sa mga sanhi ng aking pagtaba. Maraming salamat sa pagpapaalaala sa amin na nalalaman ni Jehova ang personal na mga suliraning kinakaharap natin at na nababahala siya hinggil dito.
M. S., Estados Unidos
Kabundukan ng Buhangin Maraming salamat sa artikulong “Ang Kamangha-manghang Kabundukan ng Buhangin sa Baybayin ng Poland.” (Marso 22, 2004) Madalas akong dumalaw at mamasyal sa Słowiński National Park, kaya labis akong naantig ng artikulo. Karapat-dapat purihin si Jehova dahil sa paghahanda niya ng gayong kamangha-manghang mga gawa ng kalikasan para sa atin. Nakaaantig-damdamin talaga ang artikulo yamang ilang kilometro lamang mula sa parke ang lugar kung saan ipinanganak ang aking ina.
I. L., Alemanya
Dahil sa artikulong ito, natanto ko kung gaano kasidhi ang aking pag-asam sa mga kalagayang iiral sa bagong sanlibutan ng Diyos. Naguniguni ko ang pagpunta sa Słowiński National Park at naranasan ko ang tinawag ng artikulo na “pagpapanariwa ng kalikasan.” Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang buong planeta ay magdudulot ng gayong nakapagpapaginhawang epekto sa atin! Maraming, maraming salamat sa impormasyong ito na mahusay ang pagkakasulat!
J. G., Poland