Binago ng Guro ang Kaniyang Pananaw
◼ Ilang taon na ang nakalilipas, hinilingan ng isang guro sa Batumi, sa bansang Georgia, ang kaniyang mga estudyante na bigkasin ang Sampung Utos sa harap ng klase. Nagulat ang guro dahil saulado ito ng isa sa kaniyang mga estudyante, si Anna. Humanga rin siya sa sagot ni Anna sa iba pang mga tanong tungkol sa Bibliya. Nagtataka ang guro kaya tinanong niya si Anna kung bakit napakarami niyang alam. Nang sumagot si Anna na nakikipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, biglang sinabi ng guro na panatiko raw ang mga Saksi.
Sa isa pang pagkakataon, hiniling naman ng guro na sumulat ang mga estudyante ng sanaysay hinggil sa buhay sa Georgia at sa iba’t ibang problemang napapaharap sa bansa. Ganito ang isinulat ni Anna sa dulo ng kaniyang sanaysay: “Hindi magtatagumpay ang anumang pagsisikap ng mga tao na gumawa ng malalaking pagbabago sa lipunan sapagkat sinasabi sa Jeremias 10:23: ‘Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.’ Kaharian ng Diyos lamang ang makalulutas sa lahat ng problema.”
Kinabukasan, pinuri ng guro ang sanaysay ni Anna sa buong klase saka sinabi: “Nagustuhan ko ang kakaibang sanaysay ni Anna, na isinulat niya sa sarili niyang pananalita. Ipinaliwanag niya rito kung paano magbabago ang mga kalagayan sa daigdig.” Humanga rin ang guro sa ugali ni Anna, at pinuri siya sa harap ng buong klase dahil sa kaniyang kagandahang-asal at mahinhing pananamit.
Nang dalawin ng mga Saksi ni Jehova ang guro sa kaniyang bahay, sinabi nito na dati’y panatiko ang tingin niya sa mga Saksi, pero binago niya ang kaniyang pananaw dahil sa estudyante niyang si Anna. Noong 2007, dumalo ang guro sa Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo kasama ng mga Saksi ni Jehova at matamang nakinig sa programa.
Pagkatapos ng Memoryal, sinabi ng guro ni Anna na hangang-hanga siya sa dami ng alam ng mga Saksi ni Jehova sa Bibliya. Sa ngayon, regular na siyang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Gaya ng gurong ito, tiyak na bukás din ang isip mo para alamin kung bakit gayon ang paniniwala at paggawi ng iba. Bakit hindi mo subukang humiling sa mga Saksi ni Jehova ng libreng pag-aaral sa Bibliya sa inyong bahay?
[Larawan sa pahina 21]
Si Anna habang nagsusulat ng sanaysay