TAMPOK NA PAKSA | BAKIT PA KAILANGANG MABUHAY?
3 Dahil May Pag-asa
“Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—AWIT 37:11.
Sinasabi ng Bibliya na “maikli ang buhay [ng tao] at lipos ng kaligaligan.” (Job 14:1) Sa ngayon, ang bawat tao ay dumaranas ng kani-kaniyang trahedya. Pero ang ilan ay nawawalan na ng pag-asa sa buhay, na para bang wala na silang matanaw na liwanag at wala na silang magandang kinabukasan. Ganiyan ka rin ba? Kung oo, magtiwala ka sa tunay na pag-asang iniaalok ng Bibliya—hindi lang sa iyo kundi sa buong sangkatauhan. Halimbawa:
Itinuturo ng Bibliya na napakaganda ng layunin ng Diyos na Jehova para sa atin.—Genesis 1:28.
Nangangako ang Diyos na Jehova na gagawin niyang paraiso ang lupa.—Isaias 65:21-25.
Tiyak na matutupad ang pangakong iyan. Sinasabi sa Apocalipsis 21:3, 4:
“Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
Ang pag-asang iyan ay hindi lang basta pangangarap nang gising. Talagang tutuparin iyan ng Diyos na Jehova, at taglay niya ang kapangyarihan at pagnanais na gawin iyan. Maaasahan ang pag-asang iniaalok ng Bibliya, at sinasagot nito ang tanong na “Bakit pa kailangang mabuhay?”
TANDAAN: Kung ang emosyon mo ay parang bangkang sinisiklot-siklot ng mga alon sa maunos na dagat, ang mensahe naman ng pag-asa mula sa Bibliya ay parang angklang magpapatatag sa iyo.
ANG PUWEDE MONG GAWIN NGAYON: Suriin mo na ngayon ang mga itinuturo ng Bibliya tungkol sa tunay na pag-asa sa hinaharap. Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka. Puwede kang makipag-ugnayan sa kanila sa inyong lugar o maghanap ng mahahalagang impormasyon sa kanilang Web site na jw.org.a
a Mungkahi: Magpunta sa jw.org/tl at tingnan ang PUBLIKASYON > ONLINE LIBRARY. Mula roon, hanapin ang mga salitang gaya ng “depresyon,” “pagpapakamatay,” o “pagpapatiwakal” para sa higit pang tulong.