TAMPOK NA PAKSA | KUNG PAANO MAKIKINABANG SA IYONG NAKAUGALIAN
3 Maging Matiyaga
Sinasabing 21 araw ang kailangan para magkaroon ng isang bagong kaugalian. Pero ang totoo, ipinakikita ng pag-aaral na para sa ilan, mas maikling panahon ang kailangan—at mas mahaba naman sa iba—para makagawa ng malalaking pagbabago. Dapat ka bang masiraan ng loob?
Pag-isipan ang senaryong ito: Isipin na gusto mong mag-ehersisyo tatlong beses sa isang linggo.
Sa unang linggo, nagawa mo ito.
Sa ikalawang linggo, hindi ka nakapag-ehersisyo ng isang araw.
Sa ikatlong linggo, nagawa mo ulit ito.
Sa ikaapat na linggo, kahit isang beses, hindi ka nakapag-ehersisyo.
Sa ikalimang linggo, naabot mo ulit ang tunguhin mo, at mula noon, nagagawa mo na ito linggo-linggo.
Kinailangan ng limang linggo para magkaroon ka ng bagong kaugalian. Parang mahabang panahon iyan, pero minsang naabot mo ang iyong tunguhin, magiging masaya ka kasi nagkaroon ka ng isang bago at magandang kaugalian.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya.”—Kawikaan 24:16.
Hinihimok tayo ng Bibliya na maging matiyaga. Ang mahalaga ay hindi kung ilang beses kang nabuwal, kundi kung ilang beses kang bumangon.
Ang mahalaga ay hindi kung ilang beses kang nabuwal, kundi kung ilang beses kang bumangon
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
Huwag isiping kapag nabigo ka, permanente na iyon. Asahan na habang inaabot mo ang iyong mga tunguhin may mga bagay na hindi mo magagawa.
Magpokus sa mga pagkakataong nagawa mo ang tama. Halimbawa, kapag sinisikap mong pasulungin ang pakikipag-usap sa mga anak mo, tanungin ang sarili: ‘Kailan ang huling pagkakataon na parang gusto kong sigawan ang mga anak ko, pero hindi ko ginawa? Ano ang ginawa ko? Paano ko mauulit iyon?’ Tutulong sa iyo ang mga tanong na iyan na magtagumpay sa halip na magpokus sa iyong mga kabiguan.
Gusto mo bang malaman kung paano makatutulong ang mga prinsipyo sa Bibliya sa iba pang aspekto ng buhay, gaya ng pagharap sa kabalisahan, pagkakaroon ng masayang pamilya, at paghahanap ng tunay na kaligayahan? Makipag-usap sa isang Saksi ni Jehova, o magpunta sa aming website na jw.org/tl.