ANG PROBLEMA
Mga Banta sa Ating Kaligtasan at Kapanatagan
“Nararanasan ng henerasyong ito ang pinakamalaking pagsulong sa teknolohiya, siyensiya at sistema ng pananalapi . . . Pero posibleng ang henerasyon ding ito ang tuluyang sisira sa [sistema ng politika at ekonomiya at sa kalikasan ng] mundo.”—The Global Risks Report 2018, World Economic Forum.
BAKIT NABABAHALA ANG MGA TAO SA KINABUKASAN NATIN AT NG ATING PLANETA? PANSININ ANG ILANG HAMONG NAPAPAHARAP SA ATIN.
CYBERCRIME: “Napakamapanganib ng internet. Pugad ito ng mga pedophile, bully, trolla at mga hacker,” ang sabi ng pahayagang The Australian. “Ang identity theft [pagnanakaw ng pagkakakilanlan] ay isa sa pinakalaganap na mga krimen sa mundo. . . . Sa internet, nailalabas ng mga tao ang isa sa pinakamasasamang ugali nila—ang pagiging malupit.”
AGWAT NG MAYAMAN AT MAHIRAP: Ayon sa report ng Oxfam International kamakailan, ang kayamanan ng walong pinakamayayamang tao ay katumbas ng pinagsama-samang kabuhayan ng 3.6 bilyong pinakamahihirap na tao sa mundo. Sinabi pa ng Oxfam na “dahil sa ating di-patas na ekonomiya, napupunta ang pera sa mayayaman habang lalong naghihirap ang pinakamahihirap sa lipunan, na karamihan ay kababaihan.” Dahil dito, nababahala ang ilan na baka magkaroon ng kaguluhan sa lipunan.
DIGMAAN AT PAG-UUSIG: Ganito ang sabi sa isang report ng United Nations Refugee Agency noong 2018: “Ngayon lang dumami nang ganito ang mga taong nagsisilikas.” Mahigit 68 milyon katao ang napilitang umalis sa kanilang tahanan, karaniwan nang dahil sa digmaan o pag-uusig. “Halos 1 tao ang napipilitang lumikas kada dalawang segundo,” ang sabi ng report.
PROBLEMA SA KAPALIGIRAN: “Maraming uri ng halaman at hayop ang napakabilis na nauubos,” ang sabi ng The Global Risks Report 2018, at “ang polusyon sa hangin at dagat ay isang tumitinding banta sa kalusugan ng tao.” Mabilis ding nauubos ang mga insekto sa ilang lupain. Dahil mga insekto ang tumutulong sa pagpaparami ng mga halaman, sinasabi ng mga siyentipiko na baka tuluyan nang masira ang ating kapaligiran. Nanganganib din ang mga coral reef. Tinataya ng mga siyentipiko na mga kalahati ng coral reef sa mundo ang namatay nitong nakalipas na 30 taon.
Kaya ba nating gumawa ng mga pagbabago para maging mas ligtas at panatag tayo? Sabi ng iba, edukasyon ang solusyon. Pero anong uri ng edukasyon? Sasagutin ng sumusunod na mga artikulo ang mga tanong na iyan.
a Ang troll ay taong nagpo-post ng masama at mapanghamong message sa Internet para galitin ang iba o lumikha ng away.