KUWENTO 63
Ang Matalinong Haring si Solomon
TIN-EDYER lang si Solomon nang siya’y maghari. Mahal niya si Jehova at sinusunod niya ang payo ng tatay niyang si David. Natuwa si Jehova kay Solomon. Isang gabi, sinabi niya sa kaniya sa panaginip: ‘Solomon, ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo?’
Sumagot si Solomon: ‘Jehova aking Diyos, batang-bata pa ako at hindi ako marunong maghari. Kaya bigyan ninyo ako ng talino para mapagharian ko ang inyong bayan sa tamang paraan.’
Natuwa si Jehova sa hiling ni Solomon. Kaya sinabi Niya: ‘Dahil sa humingi ka ng karunungan at hindi ng mahabang buhay o kayamanan, gagawin kitang mas marunong kaysa sinomang tao na nabuhay. Bibigyan din kita ng kayamanan at karangalan.’
Hindi nagtagal, dalawang babae na may mabigat na problema ang lumapit kay Solomon. Sabi ng isa: ‘Nakatira kami sa iisang bahay. Nanganak ako, at dalawang araw makaraan nanganak din siya. Isang gabi namatay ang anak niya, pero samantalang natutulog ako, kinuha niya ang aking anak at iniwan sa akin ang patay na sanggol.’
Sinabi ng ikalawa: ‘Hindi! Ang buhay na bata ay akin, ang patay ay kaniya!’ Nagtalo sila. Ano ang gagawin ni Solomon?
Nagpakuha siya ng espada, at sinabi: ‘Hatiin natin ang bata sa dalawa, at bigyan ang mga babae ng tigkakalahati!’
Ang tunay na ina ay sumigaw: ‘Huwag! Huwag ninyong patayin ang bata! Ibigay na lang ninyo sa kaniya!’ Pero ang ikalawa ay nagsabi: ‘Sinoman sa amin ay huwag ninyong bigyan; sige hatiin ninyo ang bata.’
Kaya sinabi ni Solomon: ‘Huwag ninyong patayin ang bata! Ibigay siya sa unang babae. Siya ang tunay na ina.’ Alam ito ni Solomon kasi mahal-na-mahal ng tunay na ina ang bata kaya payag siyang ibigay ito sa ikalawang babae huwag lang itong mamatay. Nang mabalitaan ito ng bayan, tuwang-tuwa sila sa pagkakaroon ng gayon katalinong hari.
Nang si Solomon ang hari, pinagpala ng Diyos ang bayan. Marami silang pagkain. Nagsusuot sila ng magagandang damit at nakatira sila sa magagandang bahay. Sagana sila.