KUWENTO 79
Si Daniel sa Yungib ng mga Leon
ABA, ABA! Mukhang nanganganib si Daniel. Pero hindi naman siya sinasaktan ng mga leon. Alam mo ba kung bakit? At alam mo rin ba kung sino ang naghagis kay Daniel sa mga leong ito? Alamin natin.
Ang hari ngayon sa Babilonya ay isang tao na nagngangalang Dario. Gusto niya si Daniel kasi mabait at matalino si Daniel. Pinili ni Dario si Daniel para maging hepe sa kaniyang kaharian. Marami ang nainggit kay Daniel, kaya ganito ang ginawa nila.
Hiniling nila kay Dario na gumawa ng isang batas na nagbabawal sa sinomang tao, sa loob ng 30 araw, na manalangin sa sinomang diyos o tao maliban na kay Dario. Sinomang susuway sa batas na ito ay ihahagis sa yungib ng mga leon. Hindi alam ni Dario kung bakit gusto nilang ipagawa ang batas na ito. Pero sa palagay niya ay magandang ideya iyon. Kaya pumayag na rin siya na gawin ang batas.
Nang malaman ni Daniel ang tungkol sa batas na ito, umuwi siya at nanalangin, gaya ng dati niyang ginagawa. Alam ng masasamang tao na hindi kailanman titigil si Daniel sa pananalangin kay Jehova. Kaya mukhang magtatagumpay sila sa kanilang plano.
Abut-abot ang pagsisisi ni Haring Dario, pero hindi na niya mababago ang batas. Kaya napilitan siyang iutos na si Daniel ay ihagis sa yungib ng mga leon. Pero sinabi ng hari kay Daniel: ‘Sana’y iligtas ka ng Diyos na iyong pinaglilingkuran.’
Kinabukasan si Dario ay nagmamadaling pumaroon sa yungib ng mga leon. Nakikita mo siya sa larawan. Sumigaw siya: ‘Daniel, iniligtas ka ba ng Diyos na pinaglilingkuran mo?’
Sumagot si Daniel: ‘Pinigilan ng anghel ng Diyos ang bibig ng mga leon kaya hindi nila ako sinaktan.’ Natuwa ang hari. Iniutos niya na si Daniel ay iahon mula sa yungib. At ang masasamang lalaki na gustong pumatay kay Daniel ang siyang inihagis sa mga leon para mamatay.
Pagkatapos nito ay iniutos ni Dario na lahat ng tao sa kaharian ay dapat na gumalang sa Diyos ni Daniel, sapagka’t ginawa niya ang malaking himalang ito.