KUWENTO 92
Ibinangon ni Jesus ang mga Patay
ANG babaeng nakikita mo ay 12 taóng gulang. Hinahawakan ni Jesus ang kaniyang kamay, at ang nanay at tatay niya ay nakatayo sa kaniyang tabi. Alam mo ba kung bakit tuwang-tuwa sila? Alamin natin.
Ang tatay ng babae ay isang importanteng tao na nagngangalang Jairo. Minsan ay nagkasakit ang kaniyang anak, kaya ito ay naratay sa higaan. Lumala-nang-lumala ang sakit nito, kaya’t si Jairo at ang kaniyang asawa ay alalang-alala. Ito ang kaisa-isa nilang anak at tila mamamatay pa ito. Kaya hinanap ni Jairo si Jesus.
Nakita ni Jairo si Jesus sa gitna ng isang malaking pulutong. Dumapa siya sa paanan ni Jesus at nakiusap sa kaniya na sumama para pagalingin ang kaniyang anak. Sinabi ni Jesus na sasama siya.
Habang naglalakad sila, biglang huminto si Jesus. ‘Sino ang humipo sa akin?’ tanong niya. Naramdaman ni Jesus na lumabas sa kaniya ang kapangyarihan, kaya alam niya na may humipo sa kaniya. Pero sino? Iyon ay isang babae na 12 taon nang may sakit. Hinipo niya ang damit ni Jesus, kaya siya’y gumaling!
Natuwa si Jairo nang makita niya na napakadali lang pala para kay Jesus na magpagaling. Pero dumating ang isang mensahero at sinabi kay Jairo na ang anak niya ay namatay na. Narinig ito ni Jesus kaya sinabi niya: ‘Huwag kang mag-alala, iigi din siya.’
Pagdating nila sa bahay ni Jairo, lahat ay umiiyak. Pero sinabi ni Jesus: ‘Huwag kayong umiyak. Natutulog lang siya.’ Pero pinagtawanan nila si Jesus, kasi alam nilang patay na ang bata.
Isinama ni Jesus ang tatay at nanay ng bata at tatlo sa kaniyang mga apostol sa silid na kinalalagyan ng bata. Hinawakan niya ang kamay nito ay sinabi: ‘Bumangon ka!’ At ito’y nabuhay. Kaya nakikita mo na ngayon kung bakit ang kaniyang tatay at nanay ay tuwang-tuwa.
Mayroon pang ibang mga tao na binuhay si Jesus. Ang unang-unang binabanggit sa Bibliya ay ang anak ng isang babaeng balo sa lunsod ng Nain. Kapag nagpuno na si Jesus bilang hari ng Diyos, bubuhayin niya ang maraming mga tao. Hindi ba tayo matutuwa dito?