Jehova
Kahulugan: Ang personal na pangalan ng tanging tunay na Diyos. Ang katawagan na ipinagkaloob niya sa kaniyang sarili. Si Jehova ang Maylikha at matuwid lamang na siya ang maging Kataastaasang Tagapamahala ng Sansinukob. Ang “Jehova” ay isinalin mula sa Hebreong Tetragrammaton, יהוה, na nangangahulugang “Kaniyang Pinapangyayari.” Ang apat na titik-Hebreong ito ay kinakatawanan sa maraming wika ng mga titik na JHVH o YHWH.
Saan masusumpungan ang pangalan ng Diyos sa mga salin ng Bibliya na karaniwang ginagamit ngayon?
The New English Bible: Ang pangalang Jehova ay lumilitaw sa Exodo 3:15; 6:3. Tingnan din ang Genesis 22:14; Exodo 17:15; Hukom 6:24; Ezekiel 48:35. (Subali’t kung ang “Jehova” ay ginagamit sa maraming dako sa saling ito at sa iba pang salin, bakit hindi laging ginagamit ito sa bawa’t dako na kung saan lumilitaw ang Hebreong Tetragrammaton sa tekstong Hebreo?)
Revised Standard Version: Isang talababa sa Exodo 3:15 ay nagsasabi: “Ang salitang PANGINOON kapag binabaybay sa malalaking titik, ay kumakatawan sa banal na pangalang, YHWH.”
Today’s English Version: Isang talababa sa Exodo 6:3 ay nagsasaad: “ANG PANGINOON: . . . Sa mga dako na kung saan ang tekstong Hebreo ay gumagamit ng Yahweh, na karaniwan nang isinasalin nang literal bilang Jehova, ang saling ito ay gumagamit ng PANGINOON na may malalaking titik, na sinusunod ang isang kaugalian na laganap sa mga saling Ingles.”
King James Version: Ang pangalang Jehova ay masusumpungan sa Exodo 6:3; Awit 83:18; Isaias 12:2; 26:4. Tingnan din ang Genesis 22:14; Exodo 17:15; Hukom 6:24.
American Standard Version: Ang pangalang Jehova ay palaging ginagamit sa Hebreong Kasulatan ng saling ito, pasimula sa Genesis 2:4.
Douay Version: Isang talababa sa Exodo 6:3 ay nagsasabi: “Ang pangalan kong Adonai. Ang pangalang ito, na nasa Hebreong teksto, ay siyang pinaka-angkop na pangalan ng Diyos, na sumasagisag sa kaniyang walang-hanggang pag-iral sa ganang sarili, (Exodo 3, 14,Exo 3:14) na kailanma’y hindi binigkas ng mga Judio dahil sa pagpipitagan; subali’t, sa halip, kailanma’t ito’y lumilitaw sa Bibliya, ay binabasa nilang Adonai, na nangangahulugang ang Panginoon; at, kung magkagayon, ay kanilang inilalagay ang mga patinig, na masusumpungan sa pangalang Adonai, sa apat na titik ng di-mabigkas na pangalan, Jod, He, Vau, He. Dahil dito ay binuo ng ilang makabago ang pangalang Jehova, na hindi kilala ng mga sinauna, maging Judio o Kristiyano man; sapagka’t ang tunay na bigkas ng pangalan, na masusumpungan sa tekstong Hebreo, ay nawala na palibhasa’y kay tagal nang di-ginagamit.” (Kapansinpansin ang sinasabi ng The Catholic Encyclopedia [1913, Tomo VIII, p. 329]: “Jehova, ang angkop na pangalan ng Diyos sa Matandang Tipan; kaya dahil sa karingalan nito, ay tinawag ito ng mga Judio na ang pangalan, ang dakilang pangalan, ang tanging pangalan.”)
The Holy Bible na isinalin ni Ronald A. Knox: Ang pangalang Yahweh ay masusumpungan sa mga talababa ng Exodo 3:14 at 6:3.
The New American Bible: Ang talababa sa Exodo 3:14 ay sumasang-ayon sa anyong “Yahweh,” subali’t ang pangalan ay hindi lumilitaw sa pangunahing teksto ng saling ito. Sa Saint Joseph Edition, tingnan din ang Bible Dictionary sa apendise sa ilalim ng “Panginoon” at “Yahweh.”
The Jerusalem Bible: Ang Tetragrammaton ay isinasaling Yahweh, pasimula sa unang paglitaw nito, sa Genesis 2:4.
New World Translation: Sa saling ito ang pangalang Jehova ay ginagamit kapuwa sa Hebreo at Kristiyanong Griyegong Kasulatan, at lumilitaw ito nang 7,210 ulit.
An American Translation: Sa Exodo 3:15 at 6:3 ang pangalang Yahweh ay ginagamit, na sinusundan ng “ang PANGINOON” na nakapaloob sa mga panaklong.
The Bible in Living English, S. T. Byington: Ang pangalang Jehova ay ginagamit sa buong Hebreong Kasulatan.
The ‘Holy Scriptures’ na isinalin ni J. N. Darby: Ang pangalang Jehova ay lumilitaw sa buong Hebreong Kasulatan, at sa maraming talababa sa Kristiyanong Griyegong Kasulatan, pasimula sa Mateo 1:20.
The Emphatic Diaglott, Benjamin Wilson: Ang pangalang Jehova ay masusumpungan sa Mateo 21:9 at sa 17 iba pang lugar sa saling ito ng Kristiyanong Griyegong Kasulatan.
The Holy Scriptures According to the Masoretic Text—A New Translation, Jewish Publication Society of America, Max Margolis pangulong patnugot: Sa Exodo 6:3 ang Hebreong Tetragrammaton ay lumilitaw sa tekstong Ingles.
The Holy Bible na isinalin ni Robert Young: Ang pangalang Jehova ay masusumpungan sa buong Hebreong Kasulatan ng literal na saling ito.
Bakit ang maraming salin ng Bibliya ay hindi gumagamit ng personal na pangalan ng Diyos o kung ginagamit ma’y madalang lamang?
Ganito ang paliwanag ng paunang-salita ng Revised Standard Version: “May dalawang dahilan kung bakit nanumbalik ang Komitiba sa higit na kilalang gamit ng King James Version: (1) ang salitang ‘Jehova’ ay hindi wastong kumakatawan sa alinmang anyo ng Pangalan na kailanma’y ginamit sa Hebreo; at (2) ang paggamit ng alinmang pangalan ukol sa iisa at tanging Diyos, na wari bang may iba pang mga diyos na mula roo’y dapat siyang matangi, ay hindi ipinagpatuloy sa Judaismo bago pa ang kapanahunang Kristiyano at dahil dito’y lubusang di-angkop sa pangkalahatang pananampalataya ng Iglesiya Kristiyana.” (Kaya ang kanilang naging batayan sa pag-aalis sa Banal na Bibliya ng personal na pangalan ng Banal na May-akda nito, ay ang sarili nilang palagay hinggil sa kung ano ang angkop, samantalang ito’y isang pangalan na lumilitaw sa orihinal na Hebreo nang mas malimit kaysa alin pa mang ibang pangalan o titulo. Inaamin nila na kanilang sinunod ang kaugalian ng mga tagasunod ng Judaismo, na tungkol sa mga ito’y ganito ang sinabi ni Jesus: “Niwalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.”—Mat. 15:6.)
Ang mga tagapagsalin na nakadama ng pananagutan na ilakip ang personal na pangalan ng Diyos kahit minsan man lamang o marahil ay ilang beses sa pangunahing teksto, bagaman hindi ginagawa ang ganito sa tuwing ito’y lumilitaw sa Hebreo, ay maliwanag na sumunod sa halimbawa ni William Tyndale, na naglakip ng banal na pangalan sa kaniyang salin ng Pentateuch na inilathala noong 1530, sa gayo’y humihiwalay sa kaugalian na lubus-lubusang pagtatakwil sa pangalan.
Ang pangalang Jehova ba ay ginamit ng kinasihang mga manunulat ng Kristiyanong Griyegong Kasulatan?
Noong ikaapat na siglo, ay sumulat si Jerome: “Si Mateo, na siya ring Levi, na mula sa pagiging maniningil-ng-buwis ay naging isang apostol, ay unang bumuo ng Ebanghelyo tungkol kay Kristo sa Judea sa wika at mga titik-Hebreo sa kapakanan niyaong mga tuling nagsisampalataya.” (De viris inlustribus, kab. III) Ang Ebanghelyong ito ay naglalaman ng 11 tuwirang pagsipi sa mga bahagi ng Hebreong Kasulatan na kung saan masusumpungan ang Tetragrammaton. Walang dahilan upang maniwala na si Mateo ay hindi sumipi ng mga talatang ito ayon sa kung papaano nasulat ang mga ito sa tekstong Hebreo na kaniyang pinagsipian.
Ang iba pang kinasihang mga manunulat na ang mga liham ay napalakip sa Kristiyanong Griyegong Kasulatan ay sumipi ng daan-daang talata mula sa Septuagint, isang pagsasalin ng Hebreong Kasulatan tungo sa Griyego. Marami sa mga talatang ito ay naglakip sa Hebreong Tetragrammaton sa mismong tekstong Griyego ng sinaunang mga sipi ng Septuagint. Kasuwato ng sariling saloobin ni Jesus hinggil sa pangalan ng kaniyang Ama, malamang na pinanatili ng mga alagad ni Jesus ang pangalang yaon sa mga pagsiping ito.—Ihambing ang Juan 17:6, 26.
Ganito ang isinulat ni George Howard ng Pamantasan ng Georgia sa Journal of Biblical Literature: “Batid natin ang katotohanan na ang mga Judiong nagsasalita ng Griyego ay patuloy na sumulat ng יהוה sa kanilang mga Kasulatang Griyego. Bukod dito, mahirap maniwala na ang sinaunang konserbatibong mga Judio-Kristiyano na nagsasalita ng Griyego ay lilihis sa kaugaliang ito. Bagaman sa pangalawahing mga pagtukoy sa Diyos ay malamang na ginamit nila ang mga salitang [Diyos] at [Panginoon], magiging lubusang kakatwa para sa kanila na alisin ang Tetragram mula sa mismong tekstong bibliko. . . . Yamang ang Tetragram ay nakasulat pa rin sa mga sipi ng Bibliyang Griyego na bumubuo sa mga Kasulatan ng sinaunang iglesiya, makatuwirang maniwala na ang mga manunulat ng B[agong] T[ipan], kapag sumisipi mula sa Kasulatan, ay iningatan ang Tetragram sa loob ng mismong tekstong bibliko. . . . Subali’t nang ito’y alisin mula sa Griyegong M[atandang] T[ipan], ito’y inalis din sa mga pagsipi mula sa M[atandang] T[ipan] tungo sa B[agong] T[ipan]. Kaya noong mga pasimula ng ikalawang siglo ang paggamit ng mga kahalili [kapalit] ay malamang na siyang nag-alis ng Tetragram sa dalawang Tipan.”—Tomo 96, No. 1, Marso 1977, p. 76, 77.
Aling anyo ng banal na pangalan ang siyang wasto—Jehova o Yahweh?
Walang sinomang tao sa ngayon ang makatitiyak sa kung papaano ito unang-unang binigkas sa Hebreo. Bakit wala? Sa pasimula ang Biblikal na Hebreo ay isinulat sa pamamagitan lamang ng mga katinig, walang mga patinig. Nang ang wika ay ginagamit sa pang-araw-araw, ang bumabasa ay walang-kahirapang naglalaan ng angkop na mga patinig. Gayumpaman, nang maglaon, ang mga Judio ay nagkaroon ng mapamahiing palagay na mali ang pagbigkas nang malakas sa personal na pangalan ng Diyos, kaya gumamit sila ng kapalit na mga pamagat. Maraming dantaon pagkaraan nito, nakabuo ang mga Judiong iskolar ng isang sistema ng mga tuldok na nagpapahiwatig kung aling patinig ang dapat gamitin sa pagbasa ng sinaunang Hebreo, subali’t isiningit nila ang mga patinig ng mga kahaliling pamagat sa loob ng apat na katinig na kumakatawan sa banal na pangalan. Kaya ang orihinal na bigkas ng banal na pangalan ay nawaglit.
Maraming iskolar ang nahihilig sa pagbaybay na “Yahweh,” subali’t ito’y hindi tiyak at sila-sila rin ay hindi nagkakaayon. Sa kabilang dako, “Jehova” ang anyo ng pangalan na madali agad makilala sapagka’t ito’y ginagamit sa Ingles sa loob na ng maraming siglo at iniingatan nito, na gaya ng iba pang anyo, ang apat na katinig ng Hebreong Tetragrammaton.
Ginamit ni J. B. Rotherham, sa The Emphasized Bible, ang anyong “Yahweh” sa buong Hebreong Kasulatan. Gayumpaman, nang maglaon sa kaniyang Studies in the Psalms ay ginamit niya ang anyong “Jehova.” Nagpaliwanag siya: “JEHOVA—Ang paggamit ng anyong Ingles na ito sa Pang-alaalang pangalan . . . sa kasalukuyang salin ng Mga Awit ay hindi bumabangon mula sa anomang pag-aalinlangan hinggil sa higit na wastong bigkas, na siya ngang Yahwéh; kundi tanging mula sa praktikal na ebidensiya ng personal na pagpili dahil sa pagnanais na makiayon sa pakinig at paningin ng madla sa bagay na ito, na kung saan ang pangunahing bagay ay ang madaling makilala ang Banal na pangalan.”—(Londres, 1911), p. 29.
Pagkatapos talakayin ang iba’t-ibang pagbigkas, ganito ang ipinasiya ng Alemang propesor na si Gustav Friedrich Oehler: “Mula sa puntong ito patuloy na ginagamit ko ang salitang Jehova, sapagka’t, ang totoo, ang pangalang ito’y naging bahagi na ngayon ng ating talasalitaan, at hindi na ito maaari pang halinhan.”—Theologie des Alten Testaments, pangalawang edisyon, (Stuttgart, 1882), p. 143.
Sinabi ng Jesuitang iskolar na si Paul Joüon: “Sa aming mga salin, sa halip ng (ipinapalagay na) anyong Yahweh, ay ginamit namin ang anyong Jéhova . . . na siyang nakaugaliang anyong pampanitikan sa Pranses.”—Grammaire de l’hébreu biblique (Roma, 1923), talababa sa p. 49.
Karamihan ng mga pangalan ay malaki ang ipinagbago kapag isinasalin mula sa isang wika tungo sa iba. Si Jesus ay isinilang na isang Judio, at ang pangalan niya sa Hebreo ay malamang na binigkas nang Ye·shuʹa‛, subali’t ang mga kinasihang manunulat ng Kristiyanong Kasulatan ay hindi nag-atubili sa paggamit ng Griyegong anyo ng pangalan, I·e·sousʹ. Sa karamihan ng ibang wika ang pagbigkas ay may kaunting pagkakaiba, subali’t may kalayaan nating ginagamit ang anyo na karaniwan sa ating wika. Totoo rin ito sa ibang mga pangalan sa Bibliya. Papaano, kung gayon, tayo makapagpapamalas ng wastong paggalang sa Kaniya na nagmamay-ari ng pinakamahalagang pangalan sa lahat? Yaon ba’y sa pamamagitan ng di-kailanman pagbigkas o pagsulat ng kaniyang pangalan sapagka’t hindi natin natitiyak kung papaano ito binigkas sa pasimula? O, sa halip, ito ba’y sa pamamagitan ng paggamit sa paraan ng pagbigkas at pagbaybay na karaniwan sa ating wika, kasabay ng pagsasalita ng mabuti tungkol sa May-ari nito at paggawi bilang mga mananamba niya sa paraan na nagpaparangal sa kaniya?
Bakit mahalagang malaman at gamitin ang personal na pangalan ng Diyos?
Kayo ba’y may matalik na kaibigan na ang personal na pangalan ay hindi ninyo nakikilala? Para sa mga tao na walang iniuukol na pangalan para sa Diyos, siya ay madalas na isa lamang puwersa at hindi isang tunay na persona, hindi isa na kanilang nakikilala at iniibig at na maaari nilang makausap sa panalangin mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Manalangin man sila, ito’y wala kundi mga rituwal lamang, isang pormalistikong pag-uulit-ulit ng kinabisang mga pangungusap.
Ang mga tunay na Kristiyano ay tumanggap ng atas mula kay Jesu-Kristo na gawing alagad ang mga tao mula sa lahat ng bansa. Kapag tinuturuan ang mga taong ito, papaano maipakikilala ang tunay na Diyos bilang naiiba sa huwad na mga diyos ng mga bansa? Tanging sa pamamagitan lamang ng paggamit ng Kaniyang personal na pangalan, gaya mismo ng ginagawa ng Bibliya.—Mat. 28:19, 20; 1 Cor. 8:5, 6.
Exo. 3:15: “Sinabi ng Diyos . . . kay Moises: ‘Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, “Si Jehova na Diyos ng inyong mga magulang . . . ang siyang nagsugo sa akin sa iyo.” Ito ang aking pangalan sa panahong walang-takda, at ito’y aking pinaka-alaala sa lahat ng sali’t-saling lahi.’ ”
Isa. 12:4: “Magpasalamat kay Jehova, kayong mga tao! Magsitawag kayo sa kaniyang pangalan. Ipahayag ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga pakikitungo. Sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay naitanghal.”
Ezek. 38:17, 23: “Ganito ang sinabi ng Soberanong Panginoon na si Jehova, ‘ . . . Tiyak na dadakilain ko ang aking sarili at pakakabanalin ko ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa; at kanilang makikilala na ako si Jehova.’ ”
Mal. 3:16: “Silang nangatatakot kay Jehova ay nagsang-usapan, bawa’t isa’y sa kaniyang kapuwa, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig sa kanila. At isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat sa harapan niya alang-alang sa kanila na nangatatakot kay Jehova at sa kanila na gumugunita sa kaniyang pangalan.”
Juan 17:26: “[Si Jesus ay nanalangin sa kaniyang Ama:] Ipinakilala ko sa kanila [sa kaniyang mga tagasunod] ang iyong pangalan at higit pang ipakikilala, upang ang pag-ibig na sa akin ay ipinadama mo ay mapasa kanila at nang ako’y makaisa nila.”
Gawa 15:14: “Lubusang isinalaysay ni Simeon kung papaanong sa kaunaunahang pagkakatao’y ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.”
Ang Jehova ba sa “Matandang Tipan” ay siya ring Jesu-Kristo sa “Bagong Tipan”?
Mat. 4:10: “Sinabi sa kaniya ni Jesus: ‘Umalis ka na, Satanas! Sapagka’t nasusulat, “Si Jehova [“ang Panginoon,” KJ at iba pa] na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang dapat mong pag-ukulan ng banal na paglilingkod.” ’ ” (Maliwanag na hindi rito sinasabi ni Jesus na siya mismo ang dapat sambahin.)
Juan 8:54: “Sumagot si Jesus [sa mga Judio]: ‘Kung luluwalhatiin ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko’y walang kabuluhan. Ang aking Ama ang siyang lumuluwalhati sa akin, siya na sinasabi ninyong Diyos ninyo.’ ” (Maliwanag na ipinakikilala ng Hebreong Kasulatan si Jehova bilang Diyos na inaangkin ng mga Judio na sinasamba nila. Hindi sinabi ni Jesus na siya mismo si Jehova, kundi na si Jehova ang kaniyang Ama. Dito’y nililiwanag ni Jesus na siya at ang kaniyang Ama ay magkaibang indibiduwal.)
Awit 110:1: “Ang kapahayagan ni Jehova sa aking [kay David] Panginoon ay: ‘Maupo ka sa aking kanan hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway bilang tuntungan ng iyong mga paa.’ ” (Sa Mateo 22:41-45, ipinaliwanag ni Jesus na siya mismo ang “Panginoon” ni David na tinutukoy sa awit na ito. Kaya si Jesus ay hindi si Jehova kundi siya na pinatutungkulan dito ng mga pananalita ni Jehova.)
Fil. 2:9-11: “Sa dahilan ngang ito kung kaya’t siya [si Jesu-Kristo] ay dinakila ng Diyos sa isang nakahihigit na katayuan at siya’y buong-giliw na pinagkalooban ng isang pangalan na nakatataas sa ibang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay dapat iluhod ang bawa’t tuhod niyaong nangasa langit at niyaong nangasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa at upang ang bawa’t dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama. [Ang Dy ay kababasahan ng: “ . . . bawa’t dila ay magpahayag na ang Panginoong Jesu-Kristo ay nasa kaluwalhatian ng Diyos Ama.” Ganito rin ang mababasa sa Kx at CC, subali’t isang talababa sa Kx ang umaamin: “ . . . marahil ang Griyego ay higit na wastong isaling ‘sa ikaluluwalhati,’ ” at ang NAB at JB ay nagsasalin nito sa ganitong paraan.]” (Pansinin na si Jesu-Kristo ay ipinakikita rito bilang naiiba sa Diyos na Ama at sa gayo’y nasasakop sa Kaniya.)
Papaano maaaring ibigin ng isa si Jehova kung Siya’y dapat ding katakutan?
Sinasabi sa atin ng Bibliya na dapat nating ibigin si Jehova (Luc. 10:27) at dapat din nating katakutan siya. (1 Ped. 2:17; Kaw. 1:7; 2:1-5; 16:6) Ang wastong uri ng takot sa Diyos ay magpapakilos sa atin na mag-ingat upang huwag siyang hikayatin sa pagkagalit. Ang pag-ibig natin kay Jehova ay magpapakilos sa atin na hangaring gawin ang mga bagay na nakalulugod sa kaniya, upang mabigkas natin ang pagpapahalaga sa kaniyang di-mabilang na mga kapahayagan ng pag-ibig at di-na-sana nararapat na kagandahang-loob.
Mga Paglalarawan: Wasto lamang na ang isang anak ay matakot na makapagdulot ng samâ-ng-loob sa kaniyang ama, subali’t ang pagpapahalaga sa lahat ng ginagawa ng kaniyang ama para sa kaniya ay dapat ding magpakilos sa anak na magpahayag ng tunay na pag-ibig sa kaniyang Ama. Maaaring sabihin ng isang maninisid na iniibig niya ang dagat, subali’t ang isang wastong uri ng takot ukol dito ay mag-uudyok sa kaniya na kilalanin na may ilang bagay na hindi niya dapat gawin. Kasuwato nito, ang ating pag-ibig sa Diyos ay dapat lakipan ng wastong uri ng takot sa paggawa ng anomang bagay na magdudulot sa kaniya ng samâ-ng-loob.