Mga Babae
Kahulugan: Lahat ng kababaihan. Sa Hebreo, ang salitang isinasaling babae ay ’ish·shahʹ, na ang literal na kahulugan ay “isang babaing tao.”
Minamaliit ba ng Bibliya ang mga babae o itinuturing sila bilang nakabababang mga persona?
Gen. 2:18: “At sinabi ng Diyos na Jehova: ‘Hindi mabuti na ang lalake ay mag-iisa, ilalalang ko ng isang katulong niya, bilang kapupunan niya.’ ” (Hindi itinuturing dito ng Diyos ang lalake bilang higit na mabuting persona kaysa sa babae. Sa halip, ipinahihiwatig ng Diyos na ang babae ay magtataglay ng mga katangian na magiging kapupunan niyaong sa lalake sa kaayusan ng Diyos. Ang isang kapupunan ay kabiyak ng dalawang magkatugmang bahagi. Kaya ang mga babae bilang isang grupo ay may ilang pantanging mga katangian at kakayahan; ang mga lalake ay may iba naman. Ihambing ang 1 Corinto 11:11, 12.)
Gen. 3:16: “Sinabi [ng Diyos] sa babae: ‘ . . . sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya’y papapanginoon sa iyo.’ ” (Ang mga salitang ito pagkatapos magkasala sina Adan at Eba ay hindi nagsasabi kung ano ang dapat gawin ng mga lalake kundi kung ano ang nabatid ni Jehova na gagawin nila ngayong ang kaimbutan ay nanghimasok sa buhay ng mga tao. Pagkatapos nito may ilang salaysay sa Bibliya na nagpapakita sa malulungkot na resulta ng gayong mapag-imbot na pagdumina ng mga lalake. Nguni’t hindi sinasabi ng Bibliya na ang gayong paggawi ay sinang-ayunan ng Diyos o na ito’y halimbawang dapat sundin ng iba.)
Ang pag-aatas ba ng pagka-ulo sa lalake ay paghamak sa mga babae?
Ang mapasa-ilalim ng pagka-ulo sa ganang sarili ay hindi paghamak. Ang pagka-ulo ay tumutulong upang lahat ay maasikaso nang may kaayusan, at si Jehova ay “hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Cor. 14:33) Si Jesu-Kristo ay nasa ilalim ng pagka-ulo ng Diyos na Jehova, at nakasusumpong siya ng malaking kasiyahan sa ugnayang iyon.—Juan 5:19, 20; 8:29; 1 Cor. 15:27, 28.
Iniatas din sa lalake ang may pasubaling pagka-ulo, lalo na sa loob ng sambahayan at sa kongregasyong Kristiyano. Ang Diyos ay hindi nagbigay sa lalake ng lubus-lubusang kapamahalaan sa babae; dapat managot ang lalake sa kaniyang ulo, si Jesu-Kristo, at sa Diyos sa paraan ng pagsasagawa ng pagka-ulong iyon. (1 Cor. 11:3) Bukod dito, ang mga lalake ay binigyan ng utos na “ibigin ang kani-kaniyang asawa na gaya ng kanilang sariling mga katawan” at ‘pakundanganan’ ang kanilang mga asawa. (Efe. 5:28; 1 Ped. 3:7) Ang seksuwal na pangangailangan ng isang lalake ay hindi binibigyan ng higit na kahalagahan kaysa doon sa kaniyang asawa sa kaayusan ng Diyos para sa mga mag-asawa. (1 Cor. 7:3, 4) Ang papel ng isang mahusay na asawang babae, tulad ng binabalangkas sa Bibliya, ay nagdidiin ng halaga niya sa sambahayan at sa komunidad. Ito’y naglalaan ng malawak na pagkakataon sa kaniya upang gamiting mabuti ang kaniyang kakayahan samantalang nagpapamalas ng kaniyang pagpapahalaga sa pagka-ulo ng kaniyang asawa. (Kaw. 31:10-31) Ang mga anak ay inuutusan ng Bibliya na igalang, hindi lamang ang kanilang ama, kundi pati ang kanilang ina. (Efe. 6:1-3) Nagbibigay din ito ng pantanging pansin sa mga pangangailangan ng mga babaing balo. (Sant. 1:27) Kaya, sa gitna ng tunay na mga Kristiyano, ang mga babae ay makasusumpong ng tunay na katiwasayan, tunay na pagpapahalaga sa sarili, at personal na kasiyahan sa kanilang gawain.
Ang dignidad ng babae sa kaayusan ng Diyos ay ipinakikita rin ng bagay na tinutukoy ni Jehova ang kaniyang sariling organisasyon ng tapat na espiritung nilalang bilang isang babae, kaniyang asawa, ang ina ng kaniyang mga anak. (Apoc. 12:1; Gal. 4:26) Gayundin, ang pinahiran-ng-espiritung kongregasyon ni Jesu-Kristo ay tinutukoy bilang kaniyang kasintahang babae. (Apoc. 19:7; 21:2, 9) At sa espirituwal na pangmalas ay walang pagkakaiba sa pagitan ng lalake at babae na kabilang doon sa mga tinatawag upang makibahagi sa makalangit na Kaharian kasama ni Kristo.—Gal. 3:26-28.
Ang mga babae ba’y dapat maging mga ministro?
Ang mga binibigyan ng atas na mangasiwa sa isang kongregasyon ayon sa Bibliya ay mga lalake. Ang 12 apostol ni Jesu-Kristo ay pawang mga lalake, at yaong mga hinirang noong dakong huli upang maging mga tagapangasiwa at ministeryal na lingkod sa mga kongregasyong Kristiyano ay mga lalake. (Mat. 10:1-4; 1 Tim. 3:2, 12) Ang mga babae ay pinapayuhan na “mag-aral na tumahimik na may buong pagkapasakop” sa mga pulong ng kongregasyon, anupa’t hindi sila magbabangon ng mga tanong na humahamon sa mga lalake sa kongregasyon. Ang mga babae ay ‘hindi dapat magsalita’ sa gayong mga pulong kung ang sasabihin nila’y magpapamalas ng kawalan ng pagpapasakop. (1 Tim. 2:11, 12; 1 Cor. 14:33, 34) Kaya, bagama’t ang mga babae ay malaki ang naitutulong sa gawain ng kongregasyon, walang kaayusan upang sila’y mangasiwa, o manguna sa pagtuturo sa kongregasyon, kapag may kuwalipikadong mga lalake na naroroon.
Nguni’t ang mga babae ba’y maaaring maging mangangaral, tagapagpahayag, ministro ng mabuting balita, kapag wala sa mga pulong ng kongregasyon? Noong Pentecostes ng 33 C.E. ibinuhos ang banal na espiritu kapuwa sa mga lalake at sa mga babae. Bilang paliwanag, si apostol Pedro ay sumipi ng Joel 2:28, 29, na nagsasabi: “ ‘Sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘ibubuhos ko ang aking espiritu sa bawa’t uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalake at babae ay manghuhula at ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain at ang inyong mga matatanda ay mananaginip ng mga panaginip; at maging sa aking mga aliping lalake at sa aking mga aliping babae ay ibubuhos ko ang aking espiritu sa araw na yaon, at sila’y manghuhula.’ ” (Gawa 2:17, 18) Sa gayunding paraan, ang mga babae sa ngayon ay may-kawastuang nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano, nangangaral sa bahay-bahay at nagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya.—Tingnan din ang Awit 68:11; Filipos 4:2, 3.
Bakit sa ibang pagkakataon ay naglalagay ng lambong sa ulo ang mga babaing Kristiyano?
1 Cor. 11:3-10: “Ang pangulo ng bawa’t lalake ay si Kristo; at ang pangulo ng babae ay ang lalake; at ang pangulo ni Kristo ay ang Diyos. . . . Ang bawa’t babaing nananalangin o nanghuhula na walang lambong ang kaniyang ulo ay inaalisan ng dangal ang kaniyang ulo . . . Sapagka’t ang lalake ay hindi dapat maglambong sa kaniyang ulo, palibhasa’y larawan siya at kaluwalhatian ng Diyos; nguni’t ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalake. Sapagka’t ang lalake ay hindi nagmula sa babae, kundi ang babae ay nagmula sa lalake; at hindi nilalang ang lalake dahil sa babae, kundi ang babae dahil sa lalake. Dahil dito’y nararapat na ang babae ay magkaroon sa kaniyang ulo ng tanda ng kapamahalaan dahil sa mga anghel.” (Kapag naglagay ang isang babaing Kristiyano ng lambong sa ulo sa angkop na pagkakataon, ito ay isang palatandaan ng kaniyang paggalang sa kaayusan ng pagka-ulo na pinasimulan ng Diyos. Iginagalang ni Kristo ang teokratikong pagka-ulo; obligado rin ang lalake at babae na igalang ito. Ang unang lalake, si Adan, ay hindi ipinanganak ng isang babae kundi siya’y nilalang ng Diyos. Nang lalangin niya si Eba, ginamit ng Diyos ang isang tadyang ni Adan, at sinabi ng Diyos na siya’y magiging katulong ni Adan. Kaya ang tungkulin bilang ulo ay iniatas sa lalake, na siyang unang nilikha. Ang lalake ay hindi naglalagay ng lambong sa ulo kapag ‘nananalangin o nanghuhula’ sapagka’t, kung tungkol sa pagka-ulo, ang lalake ang siyang “larawan ng Diyos,” na walang makalupang ulo sa mga bagay na may kaugnayan sa kaniyang sambahayan. Nguni’t, kung ang isang babae ay ‘mananalangin o manghuhula’ nang walang lambong sa ulo, ito’y magpapakita ng kawalang-galang sa tungkuling iniatas ng Diyos sa lalake at mag-aalis ng dangal sa kaniya. Maging ang mga anghel, na bahagi ng tulad-asawang makalangit na organisasyon ni Jehova, ay nagmamasid sa “tanda ng kapamahalaan” na isinusuot ng tapat na mga babaing Kristiyano at ito’y nagpapaalaala sa kanila ng kanilang sariling pagpapasakop kay Jehova.)
Kailan kinakailangang ilagay ng isang babae ang lambong sa ulo?
Kailanma’t siya’y “nananalangin o nanghuhula,” gaya ng sinasabi sa 1 Corinto 11:5. Hindi ito nangangahulugan na kailangan ang isang lambong sa ulo kapag siya’y nananalangin nang pribado o nakikipag-usap sa iba hinggil sa mga hula ng Bibliya. Gayumpaman, dapat niyang isuot ang gayong lambong sa ulo bilang panlabas na tanda ng kaniyang paggalang sa pagka-ulo ng lalake kapag siya’y nag-aasikaso ng mga bagay na may kaugnayan sa pagsamba na karaniwa’y ginagampanan ng kaniyang asawa o ng iba pang lalake. Kung siya’y nananalangin nang malakas alang-alang sa iba o nagdaraos ng isang pormal na pag-aaral sa Bibliya, na sa gayo’y nagtuturo, kapag naroroon ang kaniyang asawa, dapat siyang maglagay ng lambong sa ulo, kahit ang asawa niya’y hindi niya kapananampalataya. Nguni’t, palibhasa’y inatasan siya ng Diyos na turuan ang kaniyang mga anak, hindi siya kailangang magsuot ng takip sa ulo kapag nananalangin o nagdaraos ng pag-aaral sa kaniyang di-pa-naiaalay na mga anak sa mga panahong wala doon ang kaniyang asawa. Kung nagkataong naroroon ang isang nag-alay na lalaking miyembro ng kongregasyon o siya’y sinasamahan ng dumadalaw na naglalakbay na tagapangasiwa, kung gayon, kapag siya’y nagdaraos ng isang dati-nang-isinaayos na pag-aaral sa Bibliya, dapat niyang takpan ang kaniyang ulo, nguni’t ang lalake ang dapat manalangin.
Wasto ba para sa mga babae na gumamit ng kosmetiko o mga alahas?
1 Ped. 3:3, 4: “Huwag sa labas ang inyong paggayak na gaya ng labis na pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga hiyas na ginto o pagbibihis ng maringal na damit, kundi ang pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at mahinahon, na may malaking halaga sa paningin ng Diyos.” (Nangangahulugan ba ito na ang mga babae ay hindi nararapat magsuot ng anomang uri ng palamuti? Hindi gayon; kung paanong hindi ibig sabihin na sila’y hindi dapat magsuot ng maringal na damit. Sa halip dito sila’y hinihimok na maging timbang sa kanilang pangmalas tungkol sa pag-aayos at pananamit, na binibigyan ng pangunahing pansin ang espirituwal na paggayak.)
1 Tim. 2:9, 10: “Ibig ko na ang mga babae ay magsigayak ng maayos na damit na may kahinhinan at kahinahunan, hindi ng labis na estilo ng buhok at ginto o perlas o mamahaling damit, kundi siyang nararapat sa mga babaing sumasamba sa Diyos, alalaong baga’y, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.” (Alin ang talagang mahalaga sa Diyos—ang panlabas na anyo o ang kalagayan ng puso ng isa? Malulugod ba ang Diyos kung ang isang babae ay hindi gumagamit ng kosmetiko o alahas nguni’t namumuhay nang imoral? O kaniya bang sasang-ayunan ang mga babaing mahinhin at mahinahon sa paggamit nila ng kosmetiko at alahas samantalang ang pangunahing kagayakan nila ay ang maka-diyos na mga katangian at paggawing Kristiyano? Sinasabi ni Jehova: “Hindi tumitingin ang Diyos na gaya ng pagtingin ng tao, sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha; nguni’t si Jehova ay tumitingin sa puso.”—1 Sam. 16:7.)
Kaw. 31:30: “Ang alindog ay mandaraya, at ang ganda ay kumukupas; nguni’t ang babae na natatakot kay Jehova ang magkakamit ng kapurihan.”