Kapitulo 123
“Narito! Ang Tao!”
PALIBHASA’Y humanga sa ikinilos ni Jesus at nakilalang siya’y walang-sala, si Pilato ay umisip pa ng isang paraan upang mapawalan siya. “Kayo’y may kaugalian,” ang sabi niya sa mga tao, “na dapat kong pawalan sa inyo ang isang tao pagsapit ng paskuwa.”
Si Barabas, isang kilalang mamamatay-tao ay nakapiit din, kaya’t nagtanong si Pilato: “Sino sa dalawa ang ibig ninyong pawalan ko sa inyo, si Barabas ba o si Jesus na tinatawag na Kristo?”
Palibhasa’y nasulsulan ng mga pangulong saserdote na nag-udyok sa kanila, ang hiniling ng mga tao ay si Barabas ang pawalan at si Jesus ang patayin. Palibhasa’y desidido pa rin, si Pilato’y muling nagtanong: “Sino sa dalawa ang ibig ninyong pawalan ko sa inyo?”
“Si Barabas,” ang kanilang sigaw.
“Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?” ang tanong ni Pilato na nangangamba.
Kasabay ng naghuhumugong na sigawan, sila’y sumagot: “Ibayubay siya!” “Ibayubay! Ibayubay siya!”
Sa pagkaalam na ang hinihiling nila ay kamatayan ng isang taong walang sala, si Pilato ay nakiusap: “Bakit, ano bang masama ang ginawa ng taong ito? Wala naman akong nasumpungan sa kaniya na nagpapakitang siya’y karapat-dapat sa kamatayan; kaya aking parurusahan siya at pawawalan.”
Sa kabila ng kaniyang pagtatangka, ang galít na pulutong ng mga tao, palibhasa’y sinusulsulan ng kanilang mga pinunong relihiyoso, ay patuloy na nagsigawan: “Ibayubay siya!” Palibhasa’y sinusulsulan ng mga saserdote, ang ibig ng pulutong ay ang pagdanak ng dugo. At isip-isipin, limang araw lamang ang nakalilipas, ang iba sa kanila ay kabilang marahil sa mga sumalubong kay Jesus nang siya’y pumasok sa Jerusalem bilang Hari! Sa buong panahong iyon, ang mga alagad ni Jesus, kung sila’y naroroon, ay nanatiling tahimik at hindi kapuna-puna.
Kaya’t nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, kundi bagkus pa ngang lumala ang kaguluhan, siya’y kumuha ng tubig at naghugas ng kaniyang mga kamay sa harapan ng karamihan, at sinabi: “Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito. Kayo ang bahala riyan.” At sumagot ang buong bayan: “Ang kaniyang dugo ay mapasaamin at sa aming mga anak.”
Kaya, bilang tugon sa kanilang mga kahilingan—at sa paghahangad na mabigyang-kasiyahan ang karamihan higit kaysa inaakala niyang tama—si Barabas ang pinawalan ni Pilato sa kanila. Kaniyang dinala si Jesus at pinahubaran at pagkatapos ay ipinabugbog. Ito ay hindi karaniwang panggugulpi. Ang ugaling Romano na pambubugbog ay iniuulat ng The Journal of the American Medical Association:
“Ang karaniwang ginagamit ay isang maikling panggulpi (flagrum o flagellum) na may kakabit na maraming nagsosolo o tinirintas na mga panghampas na kuwero na may iba’t ibang haba, na kinakabitan ng maliliit na mga bolang bakal o matatalas na piraso ng mga buto ng tupa sa pagitan. . . . Habang ang likod ng biktima ay ubod-lakas na pinapalo ng mga sundalong Romano, ang mga bolang bakal ay lumilikha ng malalalim na pasâ, at ang mga panghampas na kuwero at mga buto ng tupa ay sumusugat sa balat at sa mga laman na nasa ilalim nito. Pagkatapos, habang nagpapatuloy ang panggugulpi, ang mga sugat ay tumatagos hanggang sa nakapailalim na mga kalamnan ng buto at ang ibinubunga’y nangangatog na mga likaw ng nagdurugong laman.”
Pagkatapos ng ganitong nagpapahirap na pambubugbog, si Jesus ay dinala sa palasyo ng gobernador, at ang buong tropa ng mga kawal ay tinawagan upang magsama-sama. Doon ang mga kawal ay nagpatuloy nang higit pang pang-aabuso sa kaniya sa pamamagitan ng pagtitirintas ng koronang tinik at pagpuputong niyaon sa kaniyang ulo. Siya’y pinahawak nila sa kanang kamay ng isang tambo, at kanilang dinamtan siya ng isang kasuotang kulay-ube, gaya ng isinusuot ng mga maharlikang angkan. Pagkatapos ay kanilang pinagsabihan siya nang may panunuya: “Magandang araw, ikaw na Hari ng mga Judio!” At, kanilang niluraan siya at sinampal sa mukha. Kanilang kinuha sa kaniyang kamay ang matibay na tambo, at ginamit iyon na panghampas sa kaniya sa ulo, kaya lalo pang napabaon sa kaniyang anit ang matatalas na tinik ng kaniyang nakahihiyang “korona.”
Ang kapuna-punang dangal at lakas ni Jesus sa harap ng masamang tratong ito ay lubhang hinangaan ni Pilato kung kaya’t siya’y napukaw na gumawa ng isa pang pagtatangka upang mapalaya siya. “Narito! aking dinadala siya sa labas sa inyo upang maalaman ninyo na wala akong makitang kasalanan sa kaniya,” ang sabi niya sa karamihan ng mga tao. Posible na kaniyang naguguniguni na pagka nakita nila na pinahihirapan si Jesus ay lalambot din ang kanilang mga puso. Samantalang si Jesus ay nakatayo sa harap ng walang-pusong mga mang-uumog, na nakakoronang tinik at nakakulay-ubeng kasuotang panlabas at ang kaniyang duguang mukha ay totoong kumikirot, ipinahayag ni Pilato: “Narito! Ang tao!”
Bagaman sugatán at pasa-pasa, narito’t nakatayo ang pinakamahalagang nilikha sa buong kasaysayan, tunay na ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman! Oo, makikita kay Jesus ang isang tahimik na dangal at pagkamahinahon na nagbabadya ng kadakilaan na kinilala kahit na ni Pilato, sapagkat ang kaniyang mga salita ay lumilitaw na may kahalong kapuwa paggalang at awa. Juan 18:39–19:5; Mateo 27:15-17, 20-30; Marcos 15:6-19; Lucas 23:18-25.
▪ Papaano tinangka ni Pilato na pawalan si Jesus?
▪ Papaano sinikap ni Pilato na siya’y mapawalang-sala sa kaniyang ginawa?
▪ Ano ba ang kasali sa pambubugbog?
▪ Papaano nilibak si Jesus pagkatapos na bugbugin?
▪ Anong isa pang pagtatangka ang ginawa ni Pilato upang mapalaya si Jesus?