ARALIN 17
Paggamit ng Mikropono
ANG ating Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae ay gumugugol ng malaking panahon at pagsisikap sa pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Upang sila ay makinabang mula sa sinasabi, kailangan nila itong marinig nang maliwanag.
Noong kapanahunan ng sinaunang Israel, walang pagpapalakas ng tunog sa pamamagitan ng kuryente. Nang magsalita si Moises sa bansang Israel sa mga Kapatagan ng Moab bago sila pumasok sa Lupang Pangako, paanong ang lahat ng kaniyang mga tagapakinig, na bumibilang ng milyun-milyon, ay makaririnig? Posibleng ginamit ni Moises ang isang sistema ng pagtatawid ng mga salita sa pamamagitan ng tao anupat ang kaniyang mga salita ay sunud-sunod na inuulit ng mga tao na nasa angkop na mga distansiya sa loob ng kampo. (Deut. 1:1; 31:1) Di-naglaon matapos pasimulan ng mga Israelita ang kanilang pananakop sa lupain sa kanluran ng Jordan, tinipon ni Josue ang bansa sa harapan ng Bundok Gerizim at Bundok Ebal, na maliwanag na kasama ang mga Levita sa libis na naghihiwalay sa mga ito. Doon narinig at tumugon ang lahat ng mga tao sa mga pagpapala at sumpa ng Diyos na iniharap sa kanila. (Jos. 8:33-35) Posible na sa okasyon ding ito, ginamit ang pagtatawid ng mensahe sa pamamagitan ng mga tao, subalit walang pagsalang ang napakahusay na akostiks sa lugar na iyon ay nakatulong din.
Pagkalipas ng humigit-kumulang sa 1,500 taon nang “isang napakalaking pulutong ang natipon” sa Dagat ng Galilea upang makinig kay Jesus, siya ay sumakay sa isang bangka, itinulak na papalayo mula sa baybayin, at umupo upang magsalita sa pulutong. (Mar. 4:1, 2) Bakit nagsalita si Jesus mula sa isang bangka? Maliwanag na ito’y dahil sa ang boses ng tao ay naitatawid nang napakalinaw sa ibabaw ng matining na tubig.
Hanggang sa pagsisimula ng ika-20 siglo, ang lakas ng tinig at liwanag ng boses ng isang tagapagsalita ay kadalasang tumitiyak kung gaano karami sa tagapakinig ang makaririnig sa kaniyang sinasabi. Gayunman, pasimula noong dekada ng 1920, sinamantala ng mga lingkod ni Jehova ang pagpapalakas ng boses sa pamamagitan ng kuryente sa kanilang mga kombensiyon.
Mga Kasangkapan sa Tunog. Maaaring mapag-ibayo ng gayong mga kasangkapan ang lakas ng tinig ng isang tagapagsalita nang maraming ulit subalit puwede pa ring mapanatili ang kalidad at tono ng kaniyang boses. Hindi kailangan ng tagapagsalita na puwersahin niya ang kuwerdas bokales sa kaniyang lalamunan. Hindi kailangang puwersahin ng mga nakikinig ang kanilang pandinig upang malaman kung ano ang sinasabi. Sa halip, sila ay makapagtutuon ng pansin sa mensahe.
Malaking pagsisikap ang naisagawa upang tiyakin na sa mga kombensiyon at mga asamblea ng mga Saksi ni Jehova ay may mabuting kasangkapan sa tunog. Karagdagan pa, maraming Kingdom Hall ang gumagamit ng mga kasangkapan sa tunog upang palakasin ang mga boses ng mga nagdidiskurso, nangangasiwa sa mga pulong, o bumabasa mula sa plataporma. At ang ilang kongregasyon ay may mga mikropono na ginagamit ng tagapakinig kapag nagkokomento sa panahon ng mga pulong. Kung ang iyong kongregasyon ay may ganitong kasangkapan, pag-aralang gamitin ito nang mabuti.
Ilang Pangunahing Panuntunan. Upang magamit nang wasto ang kasangkapan, tandaan ang sumusunod na mga punto: (1) Ang mikropono ay karaniwan nang dapat na may layong humigit-kumulang sa sampu hanggang labinlimang sentimetro mula sa iyong bibig. Kung ang mikropono ay masyadong malapit, ang iyong mga salita ay maaaring gumaralgal. Kung ito ay masyadong malayo, ang iyong boses ay halos hindi na maririnig. (2) Ang mikropono ay dapat na nasa harapan mo, hindi nasa isang tabi. Kapag ipinaling mo ang iyong ulo sa kanan o sa kaliwa, magsalita lamang kapag ang iyong mukha ay nasa tapat na ng mikropono. (3) Gumamit ng kaunti pang lakas ng tinig at tindi kaysa sa gagawin mo sa pakikipag-usap. Subalit hindi kailangang sumigaw. Madaling madadala ng kasangkapan sa tunog ang iyong boses hanggang sa pinakamalayong tao sa iyong tagapakinig. (4) Kung kailangan mong alisin ang bara sa iyong lalamunan o kailangang umubo o bumahin, tiyaking ilayo ang iyong ulo sa mikropono.
Kapag Nagpapahayag. Kapag nagtungo ka sa podyum ng tagapagsalita, isang kapatid ang karaniwang gagawa ng pagbabago sa posisyon ng mikropono. Tumayo ka nang natural na ang iyong mukha ay nakaharap sa tagapakinig habang ginagawa niya iyon. Ilagay ang iyong mga nota sa podyum ng tagapagsalita, at tiyaking hindi matatakpan ng mikropono ang mga ito.
Kapag nagsimula kang magsalita, pakinggan ang tunog ng iyong boses habang ito ay lumalabas sa laud-ispiker. Masyado bang malakas ang tinig, o ang ilan bang salita ay bumubusa ang tunog? Baka kakailanganin mong umatras ng dalawa at kalahati hanggang limang sentimetro. Kapag sumusulyap ka sa iyong mga nota, tandaan na magsasalita at magbabasa ka lamang kapag ang iyong mukha ay nakaharap sa mikropono o medyo nasa itaas nito, hindi sa ibaba nito.
Kapag Nagbabasa Mula sa Plataporma. Pinakamabuti na hawakan mo ang iyong Bibliya o iba pang publikasyon nang nakataas upang ang iyong mukha ay nakaharap sa tagapakinig. Yamang ang mikropono ay malamang na nasa harap mo, kakailanganing hawakan mo ang iyong binabasang materyal nang medyo nakapaling sa isang panig. Ito’y nangangahulugan na ang iyong ulo ay medyo nasa kabilang panig ng mikropono. Kaya kapag magbabasa ka, ang iyong boses ay papasok nang deretso sa mikropono.
Ang karamihan sa mga kapatid na lalaki na bumabasa sa Pag-aaral sa Bantayan ay tumatayo at nagsasalita sa isang nakatindig na mikropono. Ang posisyong ito ay nagpapahintulot sa kanila na malayang huminga at bumasa nang may higit na damdamin. Tandaan na ang pagbabasa ng mga parapo ay bumubuo sa malaking bahagi ng pulong. Ang kapakinabangang natatamo ng tagapakinig, sa kalakhan, ay depende sa pagkarinig sa binabasang materyal.
Kapag Nagkokomento sa Panahon ng Pulong. Kung ang inyong kongregasyon ay gumagamit ng mga mikropono para sa pakikibahagi ng tagapakinig, tandaan na may pangangailangan pa rin na magsalita nang maliwanag at may sapat na lakas ng tinig. Kapag nagkokomento, sikaping hawakan ang iyong pinag-aaralang publikasyon o ang iyong Bibliya. Ito ay magpapangyaring makita mo nang maliwanag ang materyal habang nagsasalita ka sa mikropono.
Sa ilang kongregasyon ang mga kapatid na lalaki ay inaatasan na mag-abot ng mga mikropono sa mga tinatawag upang magkomento. Kung ganito ang kalagayan sa inyong kongregasyon, kapag tinawag ka, panatilihing nakataas ang iyong kamay upang makita ng kapatid na may dala ng mikropono kung saan ka nakaupo at nang mapuntahan ka kaagad. Kung ang mikropono ay yaong uring hinahawakan, maging handa na abutin iyon. Huwag magsisimula sa iyong komento hangga’t hindi nailalagay ang mikropono sa posisyon. Kapag nakapagkomento ka na, ibalik agad ang mikropono.
Kapag Nakikibahagi sa Isang Pagtatanghal. Ang paggamit ng mikropono sa isang pagtatanghal ay kailangang patiunang bigyan ng pantanging pansin. Kung ang mikropono ay nasa lalagyan nito, magiging malaya ang dalawang kamay mo sa paghawak sa iyong Bibliya at sa iyong mga nota. Ang paggamit ng mikroponong hinahawakan ay maaaring magdulot nang mas malayang paggalaw, subalit maaaring kakailanganin mong pahawakan iyon sa iyong kasama. Sa gayong paraan ang iyong mga kamay ay magiging malaya na hawakan ang iyong Bibliya. Kailangang insayuhin mo ito at ng iyong may-bahay upang malaman ng iyong kasama kung paano ito hahawakan nang wasto. Tandaan din na kapag nasa plataporma, hindi ka dapat na tumalikod sa tagapakinig, lalo na kapag nagsasalita ka.
Sa mga pagtatanghal sa Pulong sa Paglilingkod, maaaring marami ang may bahagi, at sila ay maaaring magpalakad-lakad sa plataporma. Kaya, maaaring mangailangan ng ilang mikropono. Ang mga ito ay dapat ilagay sa wastong dako nang patiuna o iabot sa mga may bahagi kapag sila’y umaakyat sa plataporma. Ang pagtiyak na ang mga mikropono ay nasa wastong dako sa wastong panahon ay nangangailangan ng patiunang pagpaplano. Ang pag-iinsayo sa mga pagtatanghal bago iharap ang mga ito ay nagbibigay ng pagkakataon upang tagubilinan ang mga may bahagi sa mabisang paggamit ng mga mikropono. Kapag ang pag-iinsayo ay hindi maaaring gawin sa plataporma, maaaring maging katalinuhan para sa mga may bahagi na humawak ng isang maliit na bagay na kasinlaki ng isang mikropono upang mainsayo ang wastong posisyon. Pagkatapos ng pagtatanghal, ang hawak na mikropono ay dapat na buong-ingat na ilapag ng mga may bahagi at ingatan na hindi mapatid sa mga kordon ng iba pang mga mikropono habang umaalis sila sa plataporma.
Ang pagbibigay natin ng pansin sa paggamit ng mga mikropono ay tuwirang kaugnay ng isa sa mga pangunahing tunguhin ng ating mga pulong, alalaong baga, ang pakikinabang sa isa’t isa sa pamamagitan ng ating pagtalakay sa Salita ng Diyos. (Heb. 10:24, 25) Sa pamamagitan ng pagkatuto sa mabisang paggamit ng mga mikropono, tayo ay personal na makatutulong sa mahalagang tunguhing ito.